CHAPTER 9: Her Rude Bodyguard

1565 Words
GINISING si Maurice ng malakas na tunog ng kaniyang alarm clock. Kahit tinatamad siyang bumangon at hirap siyang ibuka ang kaniyang mga mata ay pinilit niyang bumangon. Kailangan niyang asikasuhin ang kaniyang sarili dahil ngayon na ang kanilang alis papunta sa isla. Ang sabi ng kaniyang ama bago umalis kagabi ay si Julius na ang bahala sa kaniya at ihahatid lang sila ng mga inatasang tauhan ng kaniyang ama sa isang beach resort. Kung saan sila sasakay ng bangka patawid sa isla. Sasama pa dapat ang kaniyang ama sa paghatid. Subalit kagabi ay nabalitaan nitong isunugod ang bunso nito sa hospital dahil sa matinding pananakit ng tiyan, dahilan upang mapauwi ito ng wala sa oras. Maliban doon naiintindihan niyang kailangang umiwas din ng kaniyang ama dahil baka may mga matang nakamasid sa kanila na hindi nila nakikita. Naligo na si Maurice kagabi bago matulog kaya't kunting hilamos at toothbrush na lang ang kaniyang kailangan. Hindi na siya maglalagay pa ng kung ano-anong mga kolorete sa mukha dahil kapansin-pansin naman ang kaniyang natural na ganda. Sleeveless na kulay dilaw at shorts na maiksi ang kaniyang napiling suotin. Bale ang kaniyang pang-itaas ay papatungan niya na lang iyon ng jacket upang hindi masagwang tingnan. Habang siya ay nagbibihis, tumatawag naman sa kaniyang pintuan si Gema. "Sandali!" pasigaw niyang tugon. Kinuha niya ang kaniyang tuwalya sa kama at ipinangtakip sa kaniyang katawan bago buksan. "Nandiyan na si Sir Julius, ma'am," ani ni Gema. "Ha? Ba't ang aga naman? Isang oras pa bago ang napagkasunduang oras ng pag-alis namin," angal niya. "Ang sabi ni Sir Julius, makakapaghintay naman daw siya," malumanay na wika ni Gema. "Pakisabi na bibilisan ko lang," aniya. Akmang baba na si Gema sa hagdan nang may naisipang iutos si Maurice rito. Pahabol niya itong tinawag at pinabalik sa kaniyang pintuan. "Bakit, ma'am?" ani ni Gema. "Pakitanong nga sa lalaking iyong kung excited ba siyang makasama ako. Ang aga niya kasi eh at mukhang hindi na makapaghintay. Tapos balik ka rito at sabihin mo sa akin ang sagot niya," atas niya. Mabilis na tumalima si Gema at bumaba sa sala kung saan naghihintay roon si Julius. Siya naman ay ipinagpatuloy niya ang kaniyang pagbibihis. Ilang minuto pa ang lumipas ay may kumatok sa kaniyang pintuan. Inaasahan ni Maurice na bumalik si Gema. Hindi na rin siya makapaghintay sa kung ano ang sinabi ni Julius matapos itong tanungin ni Gema. Binuksan ang pinto at nakangising sinalubong si Gema. Ngunit sa kaniyang pagbukas ng pinto ay hindi si Gema ang kaniyang nasilayan, kundi si Julius. Nakasuot lang ito ng khaki six-pockets short at plain na white shirt ang pang-itaas. Simpleng-simple lang. "Akin na ang mga dadalhing gamit mo. Ipauna ko na roon sa isla para hindi tayo mahirapan magdala mamaya." Pormal na pormal na nakikipag-usap ang si Julius sa kaniya. Malayo sa Julius na naghatid sa kaniya sa mall noong sabado. Tumikhim muna siya bago magsalita. "Sige, saglit lang!" Tinungo ni Maurice kung saan nakalagay ang kaniyang maleta at hinila iyon upang maibigay niya kay Julius. Nakatayo at nakapamulsa si Julius sa may pintuan habang naghihintay sa kaniya na ilabas ang kaniyang mga dadalhing gamit. Maingat na inabot ni Maurice ang kaniyang maleta kay Julius. Kinuha naman iyon ni Julius na parang balewala lang. Napaisip siya tuloy na baka hindi naituloy sabihin ni Gema ang inutos kung kaya't walang imik si Julius. Habang malapit si Maurice kay Julius ay wala siyang ginawa kundi ang yumuko sa harapan nito. Nahihiya siya dahil palagi itong nakatingin sa kaniyang kamay at kung minsan naman ay nasa kaniyang mukha. "Pakibilisan mo lang ha. Maghihintay ako sa baba," seryoso nitong sabi. "Paano kung medyo matagalan ako?" Kumindat siya rito habang nagsasalita. Tiningnan siya ni Julius mula ulo hanggang paa. "Hindi ka maaaring tumagal sa pagbibihis dahil makulimlim na ang kalangitan. Baka maabutan pa tayo ng ulan at mas maalon na ang tubig-dagat pagsakay natin ng bangka." Sa paliwanag ni Julius ay nabatid ni Maurice na kailangan niyang magmadali. Subalit tila gumagana ang utak niya sa kalokohan lalo na't ang lalaking ito ngayon ay napakamahal na ng ngiti. "Excited ka na bang makasama ako sa isla?" pabiro niyang tanong. Ang inutos niya kay Gema ay siya rin mismo ang gumawa. Naisipan niyang makipagkaibigan na lang kay Julius dahil silang dalawa lang naman ang magkasama roon sa isla. Mas maigi na iyong magkasundo sila at walang balakid sa bawat isa. "Hindi!" supalpal ni Julius sa kaniya. "Ginagawa ko lang ito dahil malaki ang utang na loob ko kay ninong. Pero ang totoo ay labag na labag sa kalooban ko na bantayan ka." Ikinagulat ni Maurice ang naging sagot ni Julius sa tanong niya. Ngunit ang ganitong tipo ng lalaki ang gustong-gusto niyang asarin. "Masyadong prangka, huh? Nawawala tuloy ang hiya ko sa'yo," aniya. "Ang tanong, may hiya ka pa ba sa katawan?" sarkastikong tanong ni Julius. "Sa araw na sumabit ka sa buhay ng ninong ko ay dapat tinanggal mo na ang lahat ng natitirang hiya mo sa katawan." Tila sinampal si Maurice ng mga oras na iyon. Pormal at tahi-tahimik lang si Julius kung tingnan pero may kamandag din ang dila kapag nagsalita. Kahit paulit-ulit niya naririnig ang katagang iyon mula kay Gema ay balewala sa kaniya. Ngayon lang siya nasaktan nang si Julius ang nagsabi kahit hindi naman totoo. "Ang sakit, huh? Ingat ka sa bawat pananalita mo!" Biglang umiba ang kaniyang timpla dahil sa mga sinabi ni Julius. Tinalikuran siya ni Julius. Bitbit ang kaniyang maleta ay walang lingon itong bumaba. Napaisip tuloy si Maurice kung paano ni Julius na nalamang kabit siya? Malaki ang hinala niyang si Gema ang may gawa niyon dahil kung si Iska lang at ibang mga maid sa loob ng bahay ay hindi iyon magagawa. Alangan din na pinakilala siya ng kaniyang ama na kabit, mas malabo iyon. Halatang diri-diring si Julius sa kaniya nang bigkasin nitong sumabit siya sa ninong nito. Subalit pumasok sa isip niyang magagamit niya iyon sakali mang hindi niya magustuhang tumagal doon sa isla. Hindi na niya pala kailangang tumakas pa, bagkus ay didikit nang didikit siya kay Julius hanggang sa sumuko itong magbantay sa kaniya. Nang matapos siyang magbihis ay bumaba kaagad siya. Yakap-yakap niya ang kaniyang unan na binigay sa kaniya ng kaniyang Kuya Dylan. Nakalimutan niya iyong isabay sa kaniyang maleta kaya't bibitbitin niya na lang ngayon. "Ma'am, mag-ingat ka roon," bilin ni Manay Iska. "Salamat, manay! Alis na po kami." Napayakap siya kay Iska. Nagpaalam siya sa lahat ng taong nakasama niya sa bahay na iyon sa loob ng mahigit isang buwan. Hindi siya sigurado kung makikita niya pang muli ang mga ito o makakabalik pa siya sa bahay na iyon. Isa lang ang sigurado siya... ang mga taong ito lang ang nakakaalam na may Maurice na pinatira ang isang senador sa bahay na iyon at ngayon ay inilipat sa isla. "Tara na po, ma'am," aya ng isang lalaking may hawak na baril. Tumango siya at sumunod. Si Julius naman ay walang kibo na sumabay sa kaniya palabas ng bahay. At pagdating nila sa van ay pinauna siyang pasakayin ni Julius. Inalalayan pa siya nito hanggang sa makapasok at makaupo ng maayos sa loob ng sasakyan saka tinabihan. "May tinatago ka rin palang gentleman side!" nasabi niya. "Ramdam mo ba iyong tumutulong ka pero may halong pandidiri, alam mo iyon?" untag ni Julius sa mahinang boses. Pangiti-ngiting hinawakan ni Maurice sa hita si Julius. Agad namang tinapik ni Julius ang kaniyang kamay. "Nandidiri ka pa rin ba sa kuko ko?" naitanong niya. Alam niyang mas nandidiri si Julius sa pagiging kabit niya. Subalit tinanong niya lang iyon upang magmaang-mangan sa harap nito. "Akala ko nga kuko mo lang ang marumi. May mas malala pa pala at ang bagay na iyon ay buong katawan at pagkatao mo na." Tumaas ang isang sulok ng labi ni Julius matapos sabihin iyon. Pumanting ang tainga ni Maurice sa sobrang pagka-judgemental nito. Kalalaking tao ay mahilig manghusga na hindi pa naman ang alam ang buong kwento. Tamang pakikinig lang sa tsimis ni Gema tapos paniwalang-paniwala agad. "Kaya ba ganyan ka sa'kin dahil sinabi ni Gema na kabit ako? Maruming babae, ganoon?" Ngumisi rin siya. "Ito lang ang masasabi ko sa'yo... darating ang araw na itong maruming katawan at pagkatao ko na sinasabi mo, padidilaan ko sa'yo! Itatak mo sa dalawang itlog mo ang sinabi ko!" mataas ang boses niya habang kausap ito. "Sa bangungot mo lang mangyayari iyon, darling!" patawa-tawang saad ni Julius. "Suggestion lang, uminom ka ng maraming kape para kabahan ka sa mga sinasabi mo!" Matalim na tiningnan ni Maurice si Julius. "Umurong ka! Huwag kang dumikit sa akin dahil baka mahawa ka pa ng marumi kong pagkatao!" singhal niya rito. Dahil doon ay pinagtitinginan na sila ng mga kasama nila sa loob ng van. Subalit wala ni isang nagkusang-loob na sawayin o awatin silang dalawa. Si Julius naman ay umurong upang magkaroon ng agwat sa pagitan nilang dalawa. "I hate you, my rude bodyguard!" Inirapan niya si Julius bago ituon ang atensyon sa may bintana. Hindi na sumagot pa si Julius kaya't nagkaroon ng katahimikan sa loob ng sasakyan. Hanggang sa makarating sila sa beach resort kung saan sila sasakay ng bangka ay nanatiling walang imikan at tanging pakiramdam na lang sa bawat isa. Hindi pa roon nabasag ang kanilang katahimikan dahil hanggang sa makasakay sila ng bangka upang marating ang kanilang destinasyong isla ay mistulang pipi ang isa't isa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD