CHAPTER 11: Pissed Off

1500 Words
KASALUKUYANG nasa duyan si Maurice. Mahina lang ang kaniyang pag-ugoy habang malalim ang bawat paghinga. Iniisip niya kung saan niya sisimulang hanapin ang kaniyang unan. At sa kalagitnaan ng kaniyang pagmuni-muni sa duyan ay lumapit si Julius sa kaniya. "Diyan ka lang!" pigil niya rito at tinaboy ang si Julius. "Ibibigay ko iyong unan mo!" Inihagis ni Julius ang unan sa kaniya pati na rin ang kaniyang jacket. Hindi siya nakapaghanda kaya't hindi niya nasalo at tumama iyon sa kaniyang mukha. Tumaas ang kaniyang kilay. "Hindi ka ba marunong mag-abot sa tao ng mga bagay-bagay? Kailangan mo talagang ihagis?" "Yes! Kapag ako ang kasama mo kailangang alerto ka! Hindi lang iyon, dapat din na sumunod ka sa lahat ng sasabihin ko!" mapang-asar na sabi ni Julius. Napatayo si Maurice buhat sa pagkakaupo sa duyan at lumapit dito. "Ah gano'n ba, Mr. Julius Villavicencio? Ako pa ang susunod sa'yo? Sa pagkakaalam ko kinuha ka ni Daddy upang samahan ako rito at ibig sabihin niyon ako ang dapat na amo rito! Ikaw ang dapat na sumunod sa akin!" madiin niyang wika. "Ang tanong, kaya mo ba kong utusan?" Kumindat si Julius sa kaniya. "Magkaliwanagan nga tayo! Ano ang ginawa ko sa'yo bakit ganyan ang pakikitungo mo sa akin? Hindi ba pwedeng magkasundo na lang tayong dalawa?" Nanginginig ang dalawang kamay niya habang kinokompronta si Julius. "Kahit kailan hindi ako makikipagkasundo sa'yo! Nandidiri ako sa mga kabit na gaya mo! Maninira ka ng pamilya! Hindi ka dapat nirerespeto—" Isang sampal ang pinadapo niya sa kaliwang pisngi ni Julius at dinuro niya pa ito. "How dare you! Sino ka para husgahan ako? Ikaw ang mas nakakadiri dahil kalalaki mong tao napakatsismoso mo! Ngayon, kung hindi mo kayang samahan ako rito mas maiging iwan mo na lang ako rito. Kayang-kaya kong mabuhay sa islang ito nang mag-isa!" Hindi na niya kayang pigilin ang kaniyang galit sa lalaki. Natulala si Julius sa sinabi ni Maurice at hindi ito nakapagsalita. Pulang-pula ang kabilang pisngi nito sa lakas ng sampal niya at bakas doon ang kaniyang apat na daliri. Akmang tatalikod na sana siya ngunit napansin niyang namula ang mga mata ni Julius. Nilapitan ni Maurice si Julius at tinitigan mata sa mata. Hinawakan niya rin ang dalawang kamay nito at humingi siya ng tawad dahil nadala siya sa sobrang galit. "Hindi mo alam ang pinagdaanan ko nang mawala ang nanay ko dahil sa isang kabit na kagaya mo! Kaya't habang maaga pa, iwan mo na ang ninong ko. Marami pang lalaki riyan Maurice na handang magmahal sa'yo. Huwag iyong ninong ko! Iwan mo na siya habang buo pa ang pamilya niya." pakiusap ni Julius sa kaniya. "Julius, huwag mo muna akong husgahan. Hindi mo alam ang malalim na dahilan ko kung bakit pumasok ako sa ganitong sitwasyon. Ang masasabi ko lang ay hindi lahat ng nagiging kabit ay gustong manira ng pamilya. Iyong iba ay gusto lang nilang mabuo." Halos maiyak siya habang kausap si Julius. Nasasaktan siya dahil nasa punto siya na gusto niyang linisin ang kaniyang pangalan ngunit hindi niya magawa. Nabanggit ni Julius ang tungkol sa ina nito. Ayaw na niyang usisain kung ano man iyon. Ang sa kaniya lang naman ay huwag siyang husgahan dahil hindi naman nito alam kung ano ang tunay na dahilan kung bakit napasok siya sa ganoong sitwasyon. "Ipaliwanag mo sa akin mo kung ano ang dahilan mo para mas maintindihan kita," ani ni Julius. "Hindi ko pa masasabi sa ngayon, Julius. Ang hiling ko lang ay sana huwag mo akong husgahan. Huwag mo akong pagsasabihan ng mga mamasakit na salita dahil mapapahiya ka kapag nalaman mo ang totoo," aniya. Pagkasabi ay hinikayat niya pa si Julius na makipagkaibigan sa kaniya upang mas makilala nila ang isa't isa. Subalit, umiling si Julius kaya't hindi niya ito pipilitin. Kung ayaw nitong maging kaibigan siya, wala siyang magagawa. Nagpaalam si Maurice kay Julius na umikot-ikot na lang muna siya sa isla. Para na rin hindi sila laging nagkikita ni Julius sa loob ng rest house. Simpleng tango lang ang naging tugon ni Julius at naging hudyat iyon upang mabilis siyang bumaba. Hindi na siya nag-abala pang magsuot ng kaniyang tsinelas. Nakapaa siyang naglakad sa pino at puting buhangin. Kumakanta siya habang naglalakad at nakakalayo na siya. Lumingon siya sa pinanggalingang rest house ay nakita niya si Julius na nakatingin sa kaniya. Nang mga oras na iyon ay tumila na ang malakas na ulan ngunit may panaka-naka pang pag-ambon. Hindi niya alintana ang maliliit na patak ng ulan at nagpatuloy sa paglalakad. Lumipas ang mahigit kalahating oras na paglalakad ni Maurice ay sumunod sa kaniya si Julius. Naka-shorts lang ito at walang damit pang-itaas. Sa nakikita niya ay hindi niya maipagkakailang isa si Julius sa may magandang katawan na nakilala niya. Parang si Blake ang pangangatawan kahit saang anggulo tingnan. "Dinalhan kita ng payong," wika ni Julius at inabot iyon sa kaniya. Nakangiti niyang tinanggap ang payong at inihagis din. "Bakit mo tinapon?" nagtatakang tanong ni Julius. "Balak ko kasing maligo. Tara, samahan mo ako," aya niya kay Julius at kahit hindi pa ito sumasagot ay nahila na niya sa tubig. Hindi nakaangal si Julius sa kaniya. Napilitan na lang itong sumabay sa trip niya dahil nabasa na ng tubig. "Marunong ka bang lumangoy?" naitanong ni Julius. "Hindi!" Sabay iling niya. Pagkarinig ni Julius ay hinila nito si Maurice papunta sa may kalaliman na parte ng dagat. Pilit siyang kumakawala sa mahigpit na pagkakahawak ni Julius upang makabalik sa mababaw. Kung tutuusin ay marunong naman siyang lumangoy. Iyon nga lang ay natatakot siya kapag sobrang malalim na dahil nagpa-panic siya. "Ano'ng ginagawa mo? Bitawan mo ako!" angil niya. Ngumisi ng mala-demonyo si Julius. "Oras na para magbawas ng kabit sa mundo." "Ano? Bitawan mo ako! Hindi magandang biro ito, Julius!" nagsisigaw na siya. "I'm not joking, darling! Bye!" Binitawan siya ni Julius at lumangoy ito pabalik sa mababaw. "Julius, tulong!" Nagtatampisaw siya sa tubig at pinilit na makapunta sa mababaw. Ngunit dahil sa malakas na alon at malalim na tubig ay nagtataranta siya. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin kundi ang humingi ng tulong kay Julius. Nagbabakasakali siyang nagbibiro lang ito. Sinubukan niyang mag-float. Tumihaya siya sa tubig upang hindi tuluyang malunod. Ngunit dahil sa malakas na alon ay hindi niya magawa at parang hinahatak pa siya sa malalim na parte. Dagdag pa roon ay hindi niya sinasadyang makainom ng tubig-alat na nagpahirap sa paghinga niya. Sa kawalan ng pag-asa na tulugan siya ni Julius ay pumikit na lang siya. Hanggang sa naramdaman na lang niyang may mga kamay na yumakap sa kaniya at itinaas siya. Napaubo siya at hirap na hirap na makabawi ng paghinga. Ang buong akala niya ay katapusan na niya. Dinala ni Julius si Maurice sa may buhanginan at pinaupo roon. Naiyak siya sa takot sa lalaking ito. Alam niyang handa siya nitong patayin anumang oras kaya't simula ngayon ay ilalayo na niya ang sarili rito. "Kung may matindi kang galit sa akin, huwag mo nang pahirapan ang sarili mo na makasama ako. Umalis ka na rito sa isla kasi kaya ko naman ang sarili ko eh. Mas pipiliin ko pang mag-isa na lang ako rito kaysa makasama ka. Mas nakakatakot ka pa kaysa sa mabangis na hayop!" Pinahid niya ang mga luhang dumaloy sa kaniyang pisngi Unang beses na may gumawa sa kaniya ng ganito. At kay Julius niya pa naranasan na kakakilala niya pa lang. Kung dalawang kuya niya ang may gawa nito ay matatanggap niya pa. Kinamumuhian niya si Julius sa ginawa nito. Wala itong karapatan na gawin iyon sa kaniya. "I'm sorry...—" "Sorry? Maibabalik ba ng sorry mo kung napatay mo ako?" putol niya sa sasabihin ni Julius. "Wala akong matandaang masamang ginawa sa'yo para gawin mo ito sa akin!" Nahihilo man ay tumayo siya at tumakbo patungo sa rest house. "Maurice!" Hinabol siya ni Julius. Binilisan ni Maurice ang takbo upang hindi siya nito maabutan. Ngunit sa kaniyang pagtakbo ay natisod siya at dala ng pagkahilo ay bumagsak siya sa buhanginan. Sa nangyari ay naabutan siya ni Julius at pilit niya itong itinutulak upang lumayo. Nanginginig siya, hindi niya alam kung sa lamig ba iyon o sa takot sa lalaking ito. "Lumayo ka sa'kin! Lumayo ka, Julius!" pagtataboy niya kay Julius. Mistulang bingi si Julius na hindi nakakarinig sa sinasabi ni Maurice. Imbes na lumayo si Julius ay dumikit pa sa kaniya at binuhat siya nito. Pilit naman na nagpupumiglas si Maurice dahil nandoon iyong takot niya baka kung saan na naman siya dalhin nito. "Stop it, Maurice! Ibagsak talaga kita!" banta ni Julius habang mahigpit ang hawak nito sa kamay niya habang buhat-buhat siya. Dinala siya ni Julius sa rest house. Sa banyo siya dineretso nito dahil basang-basa siya at puro buhangin ang nasa katawan niya. Doon sinimulang hugasan ni Julius ang kaniyang mga paa. Nakaramdam si Maurice ng matinding pagod nang makaupo siya sa upuang panlaba na naroon. Dahilan upang kahit abot-langit ang galit niya kay Julius ay hindi niya nagawang makaangal sa ginawa nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD