“I MUST be dreaming!” wika ng isang babae na walang dudang nasisiyahan sa nadatnan, si Editha Formilleza.
“Mama!” Napatayo si Scarlett at sinalubong ng yakap ang ina. “Nandito na kayo? Si Papa?”
“Tumuloy sa office ang papa mo, may emergency meeting ang board. Kayong dalawa, anong nangyari? Mukhang magkasundo kayo, ah?”
Tumayo din si Rod at nakipag-beso sa kanyang mama. “Welcome home, Tita Edith. Inaya niya akong magmeryenda. Sa totoo lang, kabado ako. Baka mamaya, bigla na lang bumula ang bibig ko.”
“Eh, loko ka pala, eh!” singhal niya kay Rod at humilig sa ina. “Ma, alam mo bang binigyan ako ng bulaklak ng mokong na iyan?” Nagsusumbong ang tono niya. “Parang timang, di ba? Florist ako tapos bibigyan ako ng bulaklak.”
Namilog ang mga mata ni Mrs. Formilleza. “Really, hijo?”
“Yes, Tita. At hindi ko na iyan bibigyan uli. Sa halip na magpasalamat, nilait pa ang bigay ko.”
“Calett, you did that?”
“Yes,” tila nagmamalaki pang sagot niya. “Magbibigay rin lang, hindi pa tulips at carnation. Kuripot ang lalaking iyan, Ma.”
“Calett, baka hindi mo alam na…” Rod trailed off. “How’s your trip, Tita? Nakabenta nga pala ako kay Mrs. Lachica. Tama ang sabi ninyo, hindi iyon marunong tumawad. Kinagat niya ang presyo ko.”
“Wait,” singit niya. “Ang akala ko ba ay iti-treat mo ako kapag nabentahan mo iyon? Bakit una mo pang sinabi dito kay Mama?”
Nginisihan siya ni Rod. “Sorry ka na lang, Calett. Iyong mga bulaklak na iyon ang treat ko sa iyo kaso ungrateful ka naman.”
“Tsk! Mamaya niyan, magkakapikunan na naman kayo. Tama na nga iyan,” aliw na saway sa kanila ng mama niya.
“Tita, napikon sa akin iyan noong isang araw. Binuhusan ako ng isang pitsel na juice.”
“Calett, anak! Hindi mo dapat ginawa ang ganoon,” gulat na wika sa kanya ng ginang.
At gulat din naman siya sapagkat hindi niya alam na sasabihin pa iyon ni Rod sa kanyang mama. “B-bakit, gumanti ka naman, ah?” ulos niya kay Rod.
“Anong ganti?” Bumaling sa binata si Mrs. Formilleza.
Sa halip na sumagot ay sa kanya tumitig si Rod. Ang mensahe sa mga mata ay katulad na katulad ng nasa isip niya. It was about the kiss.
“Excuse me po. Ma’am Scarlett, nandiyan na po iyong pi-pick up ng mga bulaklak.”
Noon lang niya naalala si Lisa. “Oo nga pala. Ma, doon na muna ako.” Lumayo siya na hindi na sinulyapan man lang si Rod.
“MAGBIHIS ka, Calett,” wika sa kanya ni Rod na sumunod sa workroom niya. Siya na lang mag-isa doon sapagkat si Lisa ay nagpaalam na uuwi na rin matapos maisakay sa pick-up ang ginawa nilang bulaklak.
Tumaas ang kilay niya. “Bakit, hindi naman ako nakahubad, ah?”
“Huwag kang pilosopo. Magbihis ka na. We’ll have a date.”
Muntik na niyang mabitawan ang long-nose flier na hawak niya. “Date?” ulit niya. “Nilalagnat ka ba?”
“No. Ipinagpaalam na kita kay Tita Edith so let’s not waste time arguing. Magbihis ka. O kaya naman, kahit ganyan ka na lang, puwede na rin.”
Naka-capri pants siya at sleeveless. Even her flat sandals was designer’s label. Sa standard ng iba, panglakad na iyon. Pero hindi sa standard niya.
“Saan tayo pupunta?”
“Sa Cavite and then sa Batangas.”
“Aano tayo doon? Saka teka nga, bakit ba ako sasama sa iyo?”
“Sinusumbatan mo ako kanina, di ba? Hindi pa kita na-treat dahil sa pagkakabenta ko ng alahas kay Mrs. Lachica. So, ito na iyon.”
“Sa doon pa? Ang layo naman.”
“Malapit lang iyon, wala namang traffic. Ayaw mo ba ng pinaputok na tilapia? Baked tahong, nilasing na talaba, jumping salad? Green mango shake at mango pie?”
Napalunok siya at nakadama ng gutom. “B-baka naman aalaskahin mo lang ako pag sumama ako sa iyo?” naninigurong wika niya.
“Depende,” sagot ni Rod, nangingislap ang mga mata. “Depende kung magpapaasar ka sa akin.”
Umirap siya.
“Tara na kasi. Payag na ang mama mo. Nangako naman ako sa kanya na uuwi din tayo agad.”
“Okay. Pero magbibihis muna ako.”
“Dalian mo.”
“HIJA, mas maganda kayong tingnan ni Rod kapag hindi kayo nagbabangay,” wika sa kanya ng mama niya. Tapos na siyang mag-shower at nag-aayos na lang nang pumasok ito sa kuwarto niya.
“Ano kaya ang ibig mong sabihin, Ma?” ngisi niya rito.
“Nothing. Naisip ko lang, twenty-six ka na at wala man lang boyfriend. Kanina, nang ipagpaalam ka ni Rod sa akin, I can’t help myself thinking that, you know…”
Nasamid siya nang wala sa oras. “Ma, please. Hindi ako nag-iisip ng ganyan.”
Tumawa ang ginang. “Eh, ano kaya ang ipapalagay ko sa nadatnan ko kanina? All right, magkasalo kayong nagmemeryenda. Napakakaswal na tagpo but I felt there’s something in the air.”
“Ma, jet lag lang iyan.”
“Jet lag? Sa Hong Kong lang ako galing.”
Hindi siya kumibo.
“Saka buhat nang dumating ako, hindi ko pa narinig sa bibig mo ang pangalan ni Chad. Hindi ba’t ang lalaking iyon ang bukambibig mo dati?”
“Dati. Nagsawa na ako kay Chad.”
“Dahil kay Rod?”
“Ma, naman, eh,” tila batang ungol niya. Pumadyak pa!
“Calett, baka akala mo’y disin nueve ka pa lang? Hindi komo hindi kami kumikibo ng papa mo ay balewala lang sa amin ang lahat. Aba, umaasam din naman kami ng apo.”
“Magpapabuntis ako?”
Pinandilatan siya nito. “Mag-asawa ka muna. I like Rod for you. He’s almost my son.”
“Ma, nakakainis ka na, ha? Para ipinagpaalam lang ako sa iyo ni Rod na magde-date kami, nag-jump into conclusion ka na.”
“You can’t blame me. Kung may bibigyan ako ng choice between Chad and Rod, siyempre kay Rod ako.”
“At gusto ninyo akong makunsumi sa buong buhay ko? Alam ninyo namang compatible lang kami ni Rod kapag nag-aasaran kami.”
Ngumiti ang mama niya. “Hija, iyan ang magiging fire sa inyo. Sa bawat relasyon, iba-iba ang nagiging fire to make the romance alive. I’m telling you, hija, kapag kayo ni Rod ang nagkatuluyan, you will be exactly like me. Iiwasan ka ng wrinkles dahil palagi kang magiging masaya. Rod will be a good husband. Aalaskahin ka, all right. Pero nature niya iyon. Ang sigurado ako, he will love you for what you are.”
Napatitig siya sa ina. “Ma, hindi kaya ikaw ang nagtulak kay Rod para i-date niya ako tonight? Sobra kang maka-build up sa lalaking iyon!”
“Bakit, sa palagay mo ba magagawa kong uutusan si Rod kung ayaw niya? He’s stubborn just like you. Magkasundo kami pero hindi ibig sabihin niyon, kaya ko siyang diktahan. Naaaliw lang ako sa batang iyon palibhasa ay malambing sa akin.”
Umirap siya. “At hindi ako malambing sa iyo, ganoon ba?”
“Calett, ano ba namang salita iyan?”
“Gusto ninyo yata si Rod na ang maging anak ninyo, eh,” maktol pa niya.
At sa malas ay pinatulan ng mama niya ang sinabi niyang iyon. “Hija, may solusyon naman diyan, eh. pakasal kayo ni Rod. Pareho ko kayong magiging anak.”
“Mama?!”
“Bumaba ka na, Calett. Baka naiinip na sa iyo ang date mo.” At nauna nang lumabas ng silid ang kanyang ina.