(Winning Entry)
"Love me love say that you love me"
Nagtatalunan ang mga manonood habang nagtatanghal ang Midnight Phantom sa Araneta Coliseum.
Nandito ako sa gitna ng nagkakagulong taga-hanga.
Nakayuko, nakangiti, umiiyak, pinagmamasdan si Jonathan. Ang bokalista ng banda. Ang taong pinag-alayan ko ng pagmamahal.
Sa gitna ng sigawan, umuukilkil sa isapan kong minsan siyang naging akin.
"Mahal na mahal kita Emilia" madamdaming usal niya.
Napatda lamang ako sa aking kinatatayuan. Hindi makapaniwalang pinagmamasdan si Jonathan.
"Liligawan kita't patutunayang hindi ako nagbibiro" nakangiting dagdag pa niya.
Naluluha akong tumango at umaasang tunay ang hangarin niya.
Madamdamin kong tinanggap ang pag-ibig niya habang inaawit niya ang kantang ito noon.
Umiiyak kong binulong sa kaniya ang mga katagang mahal din kita.
Naging masaya ang mga araw at taon na pinagsamahan namin ni Jonathan. Ngunit nagkasakit ako habang siya ctay tinutupad ang pangarap niyang maging sikat at magtanghal sa Araneta.
Mahal na mahal kita Jonathan. Lagi mong tandaan na ikaw lang ang nag-iisa sa puso ko. Ang huling liham na iniwan ko sa kaniya.
Tahimik akong umalis para magpagamot ng hindi siya kasama. Para matupad niya ang mga pangarap niya. Upang hindi ako maging sagabal sa pag-abot niya ng mga ito. Lumisan akong hindi sinabi sa kaniya ang tunay na dahilan.
Masakit, mahirap ang pinagdaanan ko upang labanan ang Leukemia. Umaasang masaya siya sa pagtupad ng kaniyang mga pangarap kahit wala ako sa tabi niya.
Nakangiti ko siyang pinagmamasdan habang nakaluhod. Nag-aalay ng pag-ibig sa babaeng ni kailanman ay hindi siya iniwanan at pinabayaan.
Nag-aalok ng panghabang buhay na pag-ibig. Kasal para sa minamahal niya.
Love me love say that you love me,
Need me need me say that you need me,
I don't care anything but you ...
Habang iniintay kong igupo ako ng aking karamdaman.