KABADO si Cameron habang kaharap niya si Royce. Sa kulungan pa rin niya ito natagpuan. Aminado siyang nagulat siyang malaman na nakakulong pa rin ito. Hindi na kasi siya talaga nakibalita pa tungkol dito. Mula nang mahatulan ito ay ibinilin ng mga magulang niya sa abogado na ito na ang bahala sa lahat. Wala nang binanggit na kahit na ano ang mga magulang niya sa kanya tungkol sa kaso o kay Royce. Bahagya siyang nagulat na nasa kulungan pa rin ito dahil alam niyang maimpluwensiya ang pamilyang pinanggalingan nito. Hindi na senador ang ama nito, ngunit alam niya na kayang-kaya nitong lumabas doon kung gugustuhin ng mga ito. Bakit pa rin ito naroon? Nagulat din siya dahil ibang-iba na ang Royce na kaharap niya ngayon. Hindi na niya mabakas ang Royce na kinamumuhian niya. Maayos ang hitsura

