Chapter 4

1603 Words
Lumabas ako ng kuwarto para maghanap ng mapagkakaabalahan. Hindi pwedeng ganito ako lagi na basta na lang tutulo ang luha ko sa tuwing maaalala ko ang lalaking iyon. Pumunta ako sa kusina para magluto sana ng meryenda nang mapansin kong halos ubos na ang laman ng cupboard. Wala akong mailuluto dahil wala ang mga ingredients na kailangan ko. Sa huli ay ipinasya ko na lang na pumunta sa grocery store. Muli akong pumasok sa kuwarto para kunin ang susi na naroon sa mesita nang mahagip ng paningin ko ang larawan namin ni Robert. Nakapatong iyon sa mesita katabi ng alarm clock at susi ng kotse. Nangilid na naman ang luha ko habang nakatingin sa larawang iyon. Kuha iyon nang minsang mag-hiking kami kasama ang ilan naming mga kakilala. Nakaakbay siya sa akin habang naroon kami malapit sa crater ng bulkan. Parehas kaming nakangiti sa larawang iyon, nakasandal ang ulo ko sa matipunong dibdib niya. Kitang-kita ko ang saya sa mukha niya palibhasa ay 'yon lang ang larawan namin na kuha sa ibang probinsiya. Hindi kasi madalas mag-out of town si Robert dahil na rin sa trabahong mayroon siya. Nagtatrabaho siya sa isang kompanya bilang head ng human resources. Hindi ko rin alam kung sinasadya niya ba o gusto niya lang talaga na isubsob ang sarili niya sa trabaho. Minsan lang kasi siya mag-file ng vacation leave at kadalasan pa ang leave na iyon ay ginagamit niya sa tuwing uuwi siya sa probinsiya. Kung tutuusin ay hindi naman mahirap mahalin si Robert. Bukod sa simpleng tao lang siya, ay ni minsan ay hindi niya pinangarap na yumaman. Ayon sa kaniya ay tama na sa kaniya na nagkaroon siya nang maayos na trabaho. Pagbubutihin na lang daw niya ang trabahong iyon dahil ayaw niyang palipat-lipat ng kompanya. Sinuwerte naman siya dahil isang taon na nang maregular siya sa trabaho at iyon ang ipinagmamalaki niya sa akin. Na kung hindi raw ako umalis sa dati kong trabaho ay baka parehas kami ng naging kapalaran. Parehas kaming taga-Laguna ni Robert at dito na kami sa Maynila nagkakilala. Wala siyang ibang napupuntahang lugar kundi Laguna at Maynila lang. Isang beses lang kaming nag-out of town na magkasama at iyon nga ay nang magpunta kami ng Bicol para akyatin ang Mount Mayon. Liban doon ay wala ng iba. Kinuha ko ang larawan namin at isinilid iyon sa pinakaibabang drawer. Doon ko muna iyon ilalagay habang hindi ko pa alam kung ano ang gagawin ko sa larawang iyon. Matapos kunin ang susi ng kotse ay lumabas na ako at nagpunta sa garahe. Napangiti ako nang masilayan ang dalawang sasakyang naroon. Isang L-300 at isang kotse na latest model na siyang bunga ng negosyong pinaghirapan ko. Ginagamit ko ang L-300 kapag may mga maramihang order na kailangan i-deliver. Ang kotse naman ay gamit ko araw-araw papuntang shop. Mas nakakatipid pa ako sa oras at pamasahe ngayong may sarili akong sasakyan. Alas dos na nang hapon nang dumating ako sa grocery store. Natigilan ako nang pagpasok ko pa lang ay bumungad na sa akin ang ilang magkakapareha. Magkahawak-kamay pa sila kaya hindi ko na naman maiwasang masaktan dahil naaalala ko na naman si Robert. Madalas niya kasi akong samahan mag-grocery noong kami pa at katulad ng mga magkakaparehang narito ay hawak din niya ang kamay ko na tila ayaw niyang pakawalan sa higpit niyon. Ibinaling ko na lang ang aking paningin sa mga istanteng naroon at isa-isang kinuha ang mga kailangan kong bilhin. Hindi na ako nagtangka pang tingnan ang mga magkakaparehang naroon dahil sasama lang ang loob ko. Masakit makitang masaya sila samantalang ako ay kasalukuyang iniinda ang sakit na dala ng pakikipaghiwalay ng dati kong kasintahan. Kung pwede ko lang silang sabihan na bawas-bawasan ang pagiging sweet sa isa't isa sa harap ng maraming tao ay ginawa ko na. Ayoko lang lumabas na bitter ako kaya nanatiling nakatikom ang bibig ko. Napaka-unfair talaga ng mundo. Matapos mailagay sa grocery cart ang mga kailangan ko ay dumiretso na ako sa counter para magbayad. Muli ay may magkapareha na naman doon, magkahawak pa ang kamay at di lang iilang beses na nahagip ng paningin ko ang saya sa mga mukha nila. Sh*t! Ang sakit nila sa mata! Ang sarap pag-untugin ng mga ulo nila. Matapos magbayad ay walang lingon-likod akong lumabas ng grocery store. Matapos kong mailagay sa compartment ng kotse ang mga pinamili ko ay pumwesto ako sa harap ng manibela. Alas tres pa lang nang hapon. Maaga pa para umuwi. Nagdadalang-isip talaga akong umuwi nang ganitong oras dahil mag-isa na naman ako sa bahay at alam kong maaalala ko na naman ang paghihiwalay namin ni Robert. Kinuha ko na lang ang cellphone ko para tawagan sana si Sheena nang maalala kong naghahanap pala sila ng trabaho. Ayoko silang abalahin pa dahil kailangan nila ng trabaho para masuportahan ang kani-kanilang pamilya. Sa huli ay pinaandar ko na lang ang kotse at naghanap ako ng coffee shop para doon magpalipas ng oras. Mamayang gabi na lang ako uuwi para pagdating ko ay diretso na akong matutulog. Kung hindi lang sa nangyari kagabi ay baka hindi na ako umuwi ngayon at sa bar na lang ako buong magdamag. Itinabi ko ang minamanehong kotse nang mamataan ko ang coffee shop sa gilid ng highway. Pumasok ako roon at inukopa ang mesa sa sulok malapit sa pintuan. Nang umalis ang waiter na kumuha ng order ko ay itinuon ko ang aking paningin sa labas ng bintanang salamin. Tanaw ko ang ilang sasakyang dumadaan sa highway at hindi ko na naman maiwasang maalala si Robert. Noong bago pa kasi kami ay nagti-tiyaga kaming mag-commute dahil wala kaming sariling sasakyan pero hatid sundo niya ako sa trabaho. Sabay pa nga kaming pumipila sa sakayan ng FX maging sa LRT. Naramdaman ko na lang ang pagtulo ng luha ko . Pinunasan ko agad 'yon dahil nakakahiya sa mga taong makakakita sa akin. Maraming parokyano ang coffee shop at akong matawag ng atensiyon nila dahil lang sa kasalukuyang pinagdadaanan ko. Nang dumating ang order ko ay agad akong sumubo ng chocolate cake. Ang sabi nila ay maganda raw sa mga broken-hearted ang pagkain ng chocolate dahil nababawasan nito ang sakit na nararamdaman ng isang tao, ngunit nakailang subo na ako ay hindi pa rin mawala-wala ang sakit, bagkus ay tila lalong nadadagdagan. Mayamaya ay narinig ko ang pag-vibrate ng aking cellphone. Nang tingnan ko iyon ay naroon sa screen ang pangalan ni Sheena. "Hello," saad ko sa kabilang linya. "Hello, Bes. Nasaan ka?" "Narito ako sa coffee shop. Kagagaling ko lang kasi sa grocery store. Ayoko pang umuwi kaya dito muna ako magpapalipas ng oras. Nasaan ka ngayon?" "Dito ako sa may seaside. Katatapos ko lang sa isang interview. Pauwi na rin si Salvador. Tumawag siya sa akin kanina." "So, kumusta ang paghahanap ng trabaho?" "Hayun tatawagan na lang daw ako. Nakakainis, Bes." Dinig ko ang pagbuntong-hininga niya. "Ang hirap maghanap ng trabaho, kaya ang laki-laki ng inis ko sa Lucifer na 'yon. Ang dami namang empleyadong tamad sa kompanya niya, pero kami pa ni Salvador ang napiling i-lay off. "Hayaan mo kapag muling nagkurus ang landas namin ni Andrew ay sasabihin ko sa kaniya." "Ay dapat lang, Bes, para malaman niya ang pagkalamali niya. Walang hiya siya." "Sa shop ka na lang kaya muna magtrabaho pansamantala?" alok ko. "Marami kasing order ngayon at kailangan ko ng tao. Ano? Payag ka?" "Pwede naman, Bes, pero titingnan ko muna ang schedule ko, ha. Sunod-sunod kasi ang interview ko. Next week pa ako libre." Nang magpaalam si Sheena ay muli kong itinuon ang aking atensiyon sa chocolate cake. Napakatamis niyon, kabaliktaran naman ng black coffee na in-order ko. Napakapait ng kapeng iyon at tila hindi mawala ang lasa sa dila ko. Nagpatuloy ako sa paghigop ng kape habang nagbabasa ng mga email sa cellphone. Namalayan ko na lang na may taong lumapit sa aking mesa. Nakatayo lang iyon at tila inaantay na iangat ko ang aking paningin. "Hi," bati niya. Awtomatikong napaangat ang aking paningin at nasilayan ko ang nakangiting si Drew. Nakasuot siya ng business suit at may hawak na attache case sa kanang kamay. Mapuputi ang pantay-pantay niyang mga ngipin at agad kong napansin ang biloy niya sa kaliwang pisngi. "H-hi." Nag-aalangan ako kung ngingiti o maiinis dahil biglang sumagi sa utak ko ang mga sinabi sa akin nina Sheena at Salvador patungkol sa lalaking kaharap ko. "Mind if I join you?" Nakangiti pa rin siya na wari bang ipinangangalandakan ang mapuputi niyang ngipin. "Ah..." Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko pero dahil marami ngang parokyano ang coffee shop ay umoo na lang ako. Nakakahiya naman kasi kung tatanggi ako gayong ako lang naman ang mag-isang umuukopa ng mesang iyon. "Sure." "Thanks." Umupo na siya at sinenyasan ang waiter. "Feel free to order anything," saad niya sa akin. "My treat." Alanganin akong ngumiti. "Thanks but no. I'm full." "Kanina ka pa rito?" Tumango ako. "Mga dalawang oras na rin." Tumingin ako sa suot kong relos. Mag aalas singko na pero mataas pa rin ang sikat ng araw. Ayoko pang umuwi pero mapipilitan akong umuwi nang ganitong oras kung ang lalaking ito ang kaharap ko. Tila may umusbong na galit sa puso ko sa kaalamang tinanggal niya sa trabaho ang dalawa kong kaibigan. Hindi niya ba alam na may umaasang pamilya sa mga kaibigan ko? "I have to go." Tumayo na ako para umalis nang hawakan niya ang kanang palapulsuhan ko. Hindi ko alam kung bakit pero tila kakaiba ang naramdaman ko sa paghawak niyang iyon. Bigla ang pagbundol ng kaba sa dibdib ko kasabay ng pakiramdam na tila binuhusan ng mainit na tubig ang buo kong katawan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD