ALAS SIETE nang umaga ng makatanggap ng tawag si Senia mula kay Hutton na nasa ospital sila. Abot abot ang kaba sa dibdib niya ng malaman ang balitang iyon. Halos 'di siya mapakali na gustong makaratijg sa ospital para malamam ang kalagayan ni Zen. Nagmamadali sila, kasama ang kanyang mama papunta sa Manila para puntahan ang anak. Nagpumilit na sumama si Dona Teresita. Ang katwiran nito, hindi rin naman daw ito mapapanatag ang loob sa bahay, hangga't 'di nila napupunta ang apo niya. Gayong alam nitong na nasa ospital ang kanyang apo, nilalapatan ng lunas. Kaya nagpasya siyang sasama na lang para sa ikatatahimik ng lalooban.
“Bilisan mo po, Mang Kardo. Kailangan nating makarating agad sa ospital,” natatarantang utos ni Senia sa driver.
“Ma’am, tama lang po ang itinatakbo ng kotse. Baka naman po tayo maaksidente sa pagmamadali.”
Napipilan si Senia. Baka isa rin sila sa maisugod sa ospital kung ipipilit niyang mas bilisan pa ang takbo ng sasakyan.
“Hayaan mo si Kardo, Senia. Trabaho niya ‘yan. Makakarating din tayo sa ospital. Malakas ang kutob kong hindi napapano si Sixto. Lalaki ang apo ko. At kayang kaya niya ang mga problemang ganyan,” singit na sabat ni Dona Teresita.
“Siyempre, ma, nag-aalala pa rin po ako para kay Sixto. Ni hindi natin po alam kung anong nangyari sa kanila ng kaibigan niya. Hindi niya rin alam ang pasikot sikot sa Manila. Dahil hindi naman po siya rito lumaki." Hindi pa rin mapanatag si Senia. Si Hutton ay hindi man lang tumawag para ibalita sa kanila ang nangyari kaninang madaling araw. Ramdam niyang may inililihim sila sa kanila. Kung ano man ‘yon sana hindi ganoon ka-delikado.
“Ako man ay nag-aalala para sa apo ko. Iyon lang ayokong mag-isip ng masama, baka ako lalong nerbiyusin.”
Umayon na rin si Senia. Sa edad ng ina ay hindi na maganda rito ang ma-stress. Lumalakas lang ito dahil nakikita si Zen.
“Mang Kardo, saan po bang ospital ‘yon?”
“Ang sabi po ay sa U.N. Avenue. Ipinadala lang po ng isa sa mga pulis na kasama ni Hutton. Hindi ko nga po alam kung anong nangyari kay Hutton,” sagot na kuwento ng matandang driver.
Natahimik si Senia. Hinawakan ang kanyang dalang rosary. Ipagdadasal niya ang kaligtasan ng anak at kaibigan nito. Wala namang imposible sa Diyos. Alam niyang maliligtas sa tiyak na kapahamakan ang mga ito ng kanyang panalangin.
Inihinto ni Kardo ang sasakyan sa parking lot sa harapan ng malaking ospital sa Quezon City. Naunang lumabas ang mga bodyguard ni Dona Teresita at Senia. Saka sumunod na lumabas ng sasakyan ang mag-ina.
Nagmamadali sila Senia at Dona Teresita na pumasok sa loob ng ospital ng Manila Doctors. Lumapit sila sa information para itanong kung sa ospital na ito andoon si Zen.
“Miss, puwede bang paki-check kung may naka-confine na Sixto Laurier dito?” tanong ni Senia.
“Sandali lang po, ma’am. Tingnan ko lang po sa files namin.” Yumuko ito para tingnan nga sa computer ang pangalan na sinabi ni Senia. Mayamaya pa ay nag-angat ito ng tingin. “I’m sorry po. Wala pong Sixto Laurier ang naka-confine rito. Baka po sa ibang ospital siya dinala.”
“No. Ang sabi sa akin ng pulis na tumawag ay dito sa Manila Doctors dinala ang anak ko. Around four in the morning. Baka puwede tingnan mo ulit," pakiusap ni Senia. Hindi puwedeng magkamali ang pulis na tumawag sa kanya kanina.
“Wait, ma’am. I remember may dinala po rito na pasyente galing Vito Cruz. Iyon po bang hostage taking sa Vines Hotel?”
Nanlaki ang mga mata ni Senia. Pati si Dona Teresita ay naalarma sa narinig. “Baka nagkakamali ka, miss. Wala sa hostage taking ang apo ko. Ako si Dona Teresita Paterno, at ayoko sa lahat ang gumagawa ng kuwento sa nag-iisa kong apo.”
“Mama, huwag niyo pong takutin ang babae,” saway ni Senia sa ina.
“I’m sorry. Nabigla lang ako.” Sabay irap ni Dona Teresita.
“Pasensiya na po. Pero isa pong pasyente ang dinala rito kanina galing sa Vines Hotel na may tama ng bala. Kung gusto niyo po, puntahan niyo lang ang room no.30?”
Nagkatinginan sina Senia at Dona Teresita. Saka sabay na binalingan ang babae sa reception.
“Salamat, miss,” ani Senia.
Nakangiting tumango ang babae kay Senia.
Mas lalong lumakas ang kabog ng dibdib niya. Paano kung si Sixto nga niya iyon? Hindi niya mapapatawad ang sarili, kung may nangyaring masama sa anak. Siya ang pumayag na lumabas ito ng bahay. Kaya siya ang dapat sisihin sa posibleng mangyayari.
“Huwag kang matakot, Senia. Kalimutan mo ang anomang pangit na pumapasok sa isip mo,” kalmadong payo ni Dona Teresita sa anak. Malakas ang kutob niyang walang masamang nangyari sa apo. Kaya hindi si Sixto ang pupuntahan nila rito sa ospital. May tiwala siya sa kanyang tauhan, si Hutton. Alam niyang po-protektahan nito ang apo niya.
Huminga muna ng malalim si Senia. Nang nasa tapat na sila ng pinto ng room no.30. Kumatok si Senia ng tatlong beses. Ilang sandal lang ay naririnig na nila ang pagbukas ng seradura. Tila pigil ang paghinga niya.
“Ma? Anong ginagawa niyo rito?” si Sixto ang nagbukas ng pinto. Halatang iritado pa itong nakita ang ina at abuela.
“Papasukin mo muna kami ng lola mo. Kanina pa kita hinihintay. Tapos tawag ng pulis ang bubungad sa akin sa umaga ko. Nag-aalala kami sa ‘yo ni mama. Ni hindi ka man lang tumatawag para mag-update kung nasaan ka na.” Walang preno si Senia sa pagsasalita. Halata ang galit sa boses.
“Hi po. Good morning po,” bungad na bati ng nakangiting si Rechel sa mama ni Zen.
Napahinto si Senia at napabaling ng tingin kay Zen. Si Dona Teresita ay dumiretsong lumapit sa dalaga. At umupo sa upuan malapit kay Rechel.
“Good morning din sa ‘yo, hija. Ako si Dona Teresita, abuela ni Sixto,” malawak ang ngiti na pakilala ng matanda sa dalagang nakahiga sa hospital bed.
Pipigilan sana ni Zen ang abuela niyang magpakilala. Pero ang matanda na ang lumapit sa kaibigan.
“Rechel Marlin po, lola,” pakilala rin ng dalaga.
Napasulyap si Dona Teresita kay Sixto. Saka ngumiti sa apo ng pagkatamis-tamis.
“Ikaw ba ang girlfriend ng aking apo? Aba’y ang ganda mo, hija. Ang galing talaga pumili nitong aking apo, manang-mana sa lolo niya,” untag na masayang tanong ni Dona Teresita.
“A-Ah, ano po kasi---“
“Yes, mama. Si Rechel nga po ang girlfriend ni Sixto. At ang balita ko malapit na silang ikasal. Kaya nga sumunod itong mamanuganin ko rito sa PIlipinas. Di ba, Sixto?” pinutol ni Senia ang sasabihin ng dalaga. Saka bumaling sa anak.
Kita sa mukha ni Zen ang pagka bigla sa tinuran ng ina. Malas talaga sa kanya si Rechel. Pagkamalan pang girlfriend niya. Boyfriend ang mayroon siya at hindi girlfriend. Parang nagtatasil siya tuloy sa kanyang boyfriend.
“Ma, hayaan po muna nating makapaghinga si Rechel. Wala pa po kasing tulog ang ka--, I mean girlfriend ko. Mamaya na po tayo mag-usap. Kami po muna ng ka--, I mean jowa ko ang mag-uusap tungkol sa engagement na ‘yan. Dahil wala pa po sa plano naming dal’wa,” madidiing sabi ni Zen.
“Actually po nahihiya po siya sa inyo. Bigla po kasi akong sumunod sa kanya rito sa Pilipinas. Hindi po alam ni babe ko na pupuntahan ko siya.” Dugtong ni Rechel sa sinabi ni Zen.
Pinandilatan ni Zen ang kaibigan. Muntik ng masuong sa peligro ang kanyang buhay dahil sa naganap na hostage taking. Tapos ang bruha nakisakay pa sa sinabi ng mama niya.
“Mama, paki-dala po muna si lola sa restaurant dito sa loob ng ospital. Susunod po ako sa inyo doon,” parang tinataboy ni Zen ang lola at mama niya.
“Iiwanan mo si Rechel dito ng walang bantay, Sixto? Dapat hindi mo iniiwan ang fiancee mo mag-isa. Sa panahon ngayon, napakadelikado. Tingnan mo nga ang nangyari sa nobya mo. May benda ang braso. Ano bang nangyari diyan?”
“Lola, may private nurse po akong kinuha para sa kanya. Kaya ‘wag po kayong mag-alala. Saka malayo naman po sa bituka ang tama niya ng baril. Nasa braso po, e,” namimilosopong sagot ni Zen.
“Anong sabi mo, Sixto? Nabaril si Rechel? Bakit?”
Tila nagulat si Senia sa narinig. Totoo nga ang sinabi ng babae sa reception. Nasangkot sila sa hostages taking sa Vines Hotel. Bakit hindi ito nabanggit ng anak?
“May sira ulo po palang staff doon sa Vines. Napagdiskitahan si Rechel. Hindi naman po ako papayag na may mangyaring masama sa f-fiancee ko,” parang masusuka si Zen sa pagkakabanggit ng fiancee. Hindi lang siya nagpahalata sa mama at abuela niya.
“Aba dapat lang na ingatan mo si Rechel. Sa inyo nakasalalay ang aking magiging apo sa tuhod. Maigi na lang sumunod siya rito sa Pilipinas. Dapat nang planuhin ang kasal ninyong dalawa, Sixto. Talagang lapitin nang disgrasya ang malapit ng ikasal. Kaya dapat hindi muna kayo magkita.” Pinal na desisyon ni Dona Teresita.
Gustong maglupasay ni Zen. Paano siya ikakasal sa isang babae? Lalaki rin ang gusto niya. Kinikilabutan talaga siya sa mga babae. Maikasal pa kaya sa kanila. Ano na ang gagawin niya? Paano mahihinto ang planong kasal nila ni Rechel? Si Tommy, paano na siya?
Ang ganda ng ngiti ni Rechel habang hawak ni Lola Teresita ang kamay niya. Ito na ata ang hinihintay niyang dasal. Ang maging kanya si Zen. Matagal na niyang gusto ang kaibigan. Pero dahil sa pagiging gay, beki, at lalaking may pusong babae, ay napakalabo ng mangyari. Hindi niya alam na maisasakatuparan agad ang lahat at ikakasal pa silang dalawa ni Zen.
“Swerte namang pagkakataon ito. Magiging asawa rin kita Zen,” ngiting tagumpay niyang usal sa isip.