“ANO BA ang gusto mong isagot ko sa iyo?” tanong ni Dana kay Dave. “Sabihin mo sa akin kung ano ang totoo,” mabilis namang tugon ng binata. Napa-buntunghininga si Dana. “Sige, basta ibaba mo muna iyang kamay mo,” wika niya. Napi-pressure siya dahil sa kamay ni Dave na nakahawak sa kanya. Lalo tuloy siyang nahihirapang mag-isip. “Okay, sige,” sambit ni Dave saka inalis ang kamay nitong nakahawak sa kanya. “Pero sana sabihin mo iyong totoo. Hindi ko na kasi alam kung ano ang iisipin ko ngayon,” dagdag pa nito. Kumunot ang noo ni Dana. “Ano ba ang inaasahan mong isasagot ko?” “Iyong totoo nga ang gusto kong marinig mula sa iyo. Kahit ano kasi ang sabihin ko sa iyo, ayaw mong umamin. Panay ang iwas mo. Ganoon na ba kahirap sagutin iyong tanong ko?” Nakagat ni Dana ang pang-ibabang labi.

