Chapter 14

1075 Words
"Maria, siya na ba ang binata mo?" tanong ng tinderong nagtitinda ng karne ng baboy. Kasalukuyan na bumibili rito ang ina. Nakasuot ito ng apron na yari sa plastic. Mukhang intsik ang itsura nito. "Oo, Ka Lando. Siya na nga," tugon ng kanyang ina. "Aba'y kagandang lalaki pala. Ano? Ayaw mo pa ba kay Greta ko?" wika nito na ang tinutukoy ay ang anak nitong guro sa paaralan ng elementary. "Depende sa anak ko, Ka Lando. Kung gusto ba naman siya nitong binata ko'y walang magiging problema sa akin." "Oh, Iho. Iyon naman pala. Walang magiging problema dahil gusto na rin kita para sa anak ko. Saglit at ipapakita ko lang sa'yo ang mukha ni Greta ko." Naghugas ito ng kamay sa gripo. Lumapit ito sa kanya habang may kinakapkap sa likod ng bulsa. Gusto sana niyang saguting ayaw niya ngunit ayaw naman niyang maging bastos. "Ito na siya, Iho." Ipinakita na nga nito sa kanya ang litrato ng anak. Nakasuot ng toga ang anak nito sa litrato. "Iyan siya, Iho. Hindi ba at maganda?" "Opo, maganda siya." Kamukha nito ang anak. Singkit din. "Ano'ng masasabi mo? Type mo ba?" Agad nitong tanong sa kanya. "Ah eh. Ano po kasi." Hindi niya malaman ang eksaktong salita na dapat niyang isagot. "Ka Lando, baka mas maigi na lamang kung makikita ng personal ni Vince ang anak mo. Mas maganda kasi kung sa personal." Nagpapasalamat siya at sinalo siya ng kanyang ina rito. "Ah, oo nga pala. Eh `di dumalaw ka na lang minsan sa bahay. Isama mo ang mga magulang mo. Alam naman ni Maria kung saan kami nakatira." Sumang-ayon lamang siya sa sinabi nito. "Sige na, Ka Lando. Kailangan pa kasi namin mamili ng pangrekado namin." "Oh siya, sige. Aasahan ko ang pagdalaw mo, Vince ha." Tinapik pa nito ang kanyang balikat. "Opo," sagot na lamang niya. Kahit na hindi niya alam kung kaya niyang gawin. Hindi niya type ang singkit. Malaking mata ang type niya. "Inay, ano ba naman iyan. Dinala niyo yata ako rito para hanapan lang ng mapapangasawa." "Ano'ng magagawa ko kung gusto ka nilang maging manugang, Anak?" sa halip ay sagot ng kanyang ina. Nang makapamili sila ng gulay ay nagtungo naman sila sa maliit na grocery. Iniwan nila sa baggage counter ang pinamili bago pumasok sa loob. "Hello, Tita Marie," bati ng isang babaeng nakaupo sa may counter sa kanyang ina. Nais pa niyang matawa dahil tila gustong-gusto ng kanyang ina ang naging tawag sa kanya ng babae. Maganda ang babae. Hindi ito gaanong maputi pero makinis ang balat. Wala nga lang dating sa kanya. Sa madaling salita ay hindi niya type. "Hi, Nanette. Mukhang marami kang mamimili ngayon ha," pansin ng kanyang ina. Medyo marami na kasing nagkalat na taong mamimili sa loob. "Oo nga po. Hindi bale. Kayang-kaya na po ni Jing iyan," tukoy nito sa isang kahera niya. "Hindi ba, Jing?" Ngumiti lamang si Jing bilang tugon Kasalukuyan kasi itong nagpa-punch sa counter. "Siyangapala, kasama ko na ang sinasabi kong anak ko sa'yo. Si Vince," ani ng kanyang ina. "Vince, anak!" tawag nito sa kanya. Kasalukuyan siyang nagkukunwaring nagtitingin ng hygiene products sa may bandang istante na yari sa salamin. Nakakahalata na kasi siya sa gawi ng ina. Napagtanto niyang kaya siya isinama nito ay dahil sa ibig lamang siya nitong ipakikilala sa babae. Hindi siya lumingon kaya hinatak siya nito. "Kanina pa kita tinatawag, Vince. Hindi mo ba ako naririnig?" "Bakit po ba?" maang-maagan niyang tanong dito. "Ipakikilala kita kay Nannette. Maganda siya. Dali." "Nannette, si Vince. Ang anak ko. Siya ang palagi kong sinasabi sa'yo," nakangiting sabi ng kanyang ina sa ipinakikilalang babae. Nginitian siya ni Nannette. "Hello, Vince!" Kinawayan siya nito. Hindi pa ito nakuntento. Umalis ito sa kaha at lumapit sa kanya. "Ako nga pala si Nannette Yamson." Iniabot nito ang palad sa kanya. "Pamilya ko ang may-ari nitong grocery na ito," proud pa na sabi nito sa kanya. "Ganoon ba? Ako naman si Vince Navarro." Inabot niya ang palad nito. "Ang anak ng magandang babaeng nasa harapan mo," pakilala niya sa sarili at tiningnan ang inang tila labis na nasisiyahan na makita silang nagkakilala. "Ikaw na pala iyong kasa-kasama noon ni Tita rito," wika nito pagkuwan. "Ah nakita mo na ako noon?" kunot ang noong tanong niya rito. "Oo naman. Kapag Sunday ako kaya ang kasama ni Mama rito sa grocery. Hindi ba tuwing araw ng linggo kayo naggo-grocery. Hindi mo pa ba ako nakita kahit minsan man lamang dito?" "Hindi eh. Sorry," wika niya rito. "Hindi na bale!" Tinapik siya nito sa balikat. "Ang mahalaga ay kilala mo na ako ngayon." "Oo nga," sang-ayon na lamang niya. Pagkuwan ay tumingin siya sa kanyang inang walang ginawa mula pa kanina kung hindi tingnan sila. "Inay, hindi pa ba tayo mamimili?" baling niya sa kanyang ina. "Ah, oo nga pala. Nannette, mamimili lang kami saglit ni--." Napahinto ito. "Anak, ako na lang ang mamimili. Dumito ka muna para makakwentuhan mo si Nanette. Kaunti lang naman ang bibilhin ko," wika nito sa kanya. "Oo nga naman, Vince. Dito ka na lang muna. Saglit lang ha. Tatawagan ko lang si Mommy. Para siya muna rito sa pwesto ko." Wala na siyang nagawa dahil tinipa na nito ang numero sa cellphone at mabilis na nasagot ng ina nito ang tawag. "Hello, Mommy! Narito na si Vince!" excited na wika nito mula sa kabilang linya. "Opo, Mommy! At last ay nagkita na rin kami!" Base sa obserbasyon niya ay kinikilig ito. "Okay, Mommy! Wait ko kayo rito. Sige!" Ini-off na nito ang tawag. "Okay na, Vince. Parating na si Mommy rito. Gusto ka rin kasi niyang makilala." "Ha?" tanging nasambit niya. Pagkuwan ay nilinga niya ang ina na nasa soap section ng grocery at nakangiti na nakatanaw sa kanila. Naiiling na lamang siya sa kanyang isipan. Mukhang planado ng kanyang ina ang pagpapakilala sa kanya sa dalaga. Kaya naman pala ainalo siya nito kay Ka Lando kanina. Mayroon pala itong sariling manok para sa kanya. "Oo, tama ang narinig mo. Papunta na nga si Mommy rito. Ang mabuti pa ay halika rito sa upuan. Kwentuhan muna tayo. Habang wala pa si Mommy." "Kumusta naman ang work mo sa Manila?" tanong nito. Sapantaha niya ay marami itong alam tungkol sa kanya. Feeling close pa sila kaagad. "Ayos naman," matipid niyang sagot dito. "Mayroon ka palang hinuhulugang condominium unit sa Taguig sabi ni Tita Marie," wika nito sa paraang kumpirmasyon lamang niya ang gusto nitong marinig mula sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD