Chapter 11

1108 Words
"Oh, nariyan ka na pala, Vince. Aba'y kanina ka pa namin hinihintay ng Ate Veron mo ha. Nag-aalala na nga kami sa'yo," wika ng ina ni Vince pagkabukas pa lamang ng pintuan nila. Inabot kaagad niya ang palad nito at nagmano. Wala raw ang kanyang Itay ayon sa kanyang ina nang makausap niya ito sa cellphone. Naroon daw ngayon ito sa bukid. Doon na nagpalipas ng gabi. Mayroon naman kasi itong pinatayong maliit na bahay-kubo roon. Kung hindi siguro siya dumating ngayon ay baka kasama ng kanyang ama ang kanyang ina sa bukid. Pagpasok niya ng bahay ay agad na niyang niluwangan ang kurbata niya. Napakainit ng pakiramdam niya magmula pa kanina. "Hindi ako makaalis sa party agad, Inay. Mahirap magpaalam lalo pa't halos lahat ng mga naroon ay kliyente ng kumpanya kung saan ako nagtatrabaho." "Ganoon ba? Akala pa naman namin ay dahil mayroon ka ng ipakikilala sa amin ng Ate mo. Ayaw na namin ng ka-fling mo lang ha. Gusto namin iyong tipong pwede mo ng bigyan ng apilyido mo. Pero syempre dapat ay matinong babae." "Hayan na naman po kayo, Inay. Ilan beses ko bang sasabihin sa inyo na wala pa akong balak na mag-asawa. Napakasarap ng buhay ko ngayon. Bakit naman ako kukuha ng batong ipupukpok ko mismo sa sarili ko?" "Naku, Vince, kung ganyan na lang lagi parati ang katwiran mo sa hindi mo pag-aasawa baka hindi ka man lang magkaroon ng Junior mo," wika sa kanya ng nakatatandang kapatid na si Veronica. "Kung sana'y habang buhay ka na lang bata baka pwede pang hindi na mag-asawa. Kaso ay hindi. Darating ang panahon na kailangan mo rin na magkapamilya. Tingnan mo nga kami. Tumanda na rin. Maganda lang ay may pinapalaki na kaming anak." "Bata pa ako, Ate. Kung pag-aanak lang naman ang iniisip niyo. Madali lang iyan. Maraming babae," walang anuman niyang wika habang tinatanggal ang kanyang sapatos. "Ayoko pa lamang talaga na mag-asawa. Hayaan niyo naman muna akong mag-enjoy sa buhay ko. Sa tagal at hirap ng pag-aaral ko noon ay deserve ko naman siguro ang mag-enjoy sa buhay. Sana ay maintindihan niyo ako," mahabang paliwanag niya. Upang marating ang kinalalagyan kasi niya ngayon ay hindi birong pagsusunog ng kilay habang nagtatrabaho siya upang matustusan lamang ang kanyang pag-aaral. Hindi kasi sapat ang kinikita ng kanyang ama upang makapag-aral siya. Magmula nang huminto ito sa pag-a-abroad sa ibang bansa ay nagkasya na lamang ito sa pagsasaka sa nabili nitong lupain. Maraming gastusin sa pag-aaral. Ngayon na nakakapagtrabaho na siya at nae-enjoy na niya ang kanyang sweldo ay wala siyang balak na magpatali sa kahit na kaninong babae. Base kase sa karanasan ng kanyang mga kasama'y kapag nakipag-commit ka sa isang babae ay pihadong kakambal na lagi ito sa pagdedesisyon niya sa buhay. Kuntento na siya sa mga fling relationship. "Oh siya. Mukhang wala na naman kaming magagawa. Ikaw pa rin naman ang masusunod sa buhay mo." "Huwag niyo akong intindihin, Inay. Malaki na'ko. Hindi ako mapapariwara. Tatahakin ko ang pinakamalinis na daan sa buhay ko. Cool lang kayo." "Oo na. Kumain ka na ba?" tanong ng kanyang ina at pagkuwan ay sumasandok na ito ng kanyang makakain. "Inay, party ang pinuntahan ko kaya siguradong busog ako," natatawang wika niya rito. "Kape na lang, sige." "Gabi na nga ay kape pa ang hinihiling mo, riyan? Makatulog ka pa kaya niyan?" singit ng Ate niya. "Kahit hindi ako magkape, Ate, may pakiramdam akong hindi ako makakatulog ngayon," walang tinig na sagot niya sa kanyang Ate. "Oo nga naman, Anak," sang-ayon ng kanyang ina. "Gatas na lamang ang ititimpla ko at huwag mong tangkain na kontrahin. Kailangan mong makatulog kaagad. Dahil bukas ay kailangan mo akong ipagmaneho sa traysikel. Wala ang tatay mo. Mamamalengke tayo." "Sige po, Inay. Ipagmamaneho ko kayo." Matapos na mainom ang gatas ay nagpaalam na siyang matutulog na sa kanyang silid. Pagpasok niya ay tuluyan na niyang tinanggal ang company outfit niya. Sa tuwing nakikita siya ng magulang at kapatid na nakasuot niyon ay tuwang-tuwa ang mga ito. Nagmumukha raw kasi siyang matinee idol sa telebisyon at tipong yayamanin. Proud ang mga ito sa kanya. Hindi makapaniwala ang mga ito na matatapos talaga niya ang kanyang piniling kurso. Sabagay. Maging siya rin naman ay hindi makapaniwala. Hindi niya maiwasan na matawa sa natamo. Wala sa hinuha niya na maaabot niya kung anong mayroon siya ngayon. Simple lang kasi dati ang pangarap niya sa buhay noon. Ang magkaroon ng masayang pamilya. Nagbago na nga lamang talaga nang maging ganap na siyang arkitekto. Nilatag niya ang katawan sa kanyang single bed, ang kasama niya noon sa pagtulog magpasahanggang ngayon. Hindi pa niya ito napapalitan. Kahit kayang-kaya na niyang bumili ng bago. Parang hindi kasi niya kaya. Mahal na mahal niya ang kanyang higaan. Dinukot niya ang kanyang cellphone sa bulsa ng kanyang black slack. Pagka-press nga niya ay lumitaw agad sa screen ang katawan ng isang babaeng nakasuot lamang ng two piece swimsuit. Naka-cut ang mukha nito. Iyon ang home screen niya. Binuksan niya ang kanyang wifi at nagtungo kaagad a kanyang social media account. May kailangan siyang hanapin na pangalan. Kailangan niya agad itong makita. Ngunit sa dami ng lumitaw na pangalan ay wala ni isa man roon ang partikular na mukhang kanyang hinahanap. Sa palagay niya ay wala itong social media account nang may maisip. Dali-dali niyang hinanap ang pangalan ng kapatid nito. Nang makita niya ang isa ay agad niyang binuksan. Sa malas naka-lock ang profile account nito. Hindi siya nawalan ng pag-asa kaya naman hinanap ang isa pang social media account ng isa pang kapatid nito. "Yes!" napaangat pa ang isang braso niya sa ere. Naka-public kasi ang account ng isang kapatid nito. Kaya naman kinalkal na niya ang profile nito upang makakita ng mga kuha ng babaeng patuloy na sumisingit ngayon sa kanyang isipan. Kanina pa ito hindi mawala-wala sa kanyang isip. Umubos rin siya ng ilang minuto bago tuluyang makakita ng litrato ng babae. Mukhang pribado talaga ang buhay nito. Medyo old photo na ang nakita niya. Old but gold para sa kanya. Ewan niya ba kung bakit ganoon na lang ang epekto nito sa kanya. Ini-screenshot niya ito at pagkuwan ay in-edit. Nangingiti siya ngayon habang tinititigan ang napakagandang mukhang iyon. Ang maliit at angelic face nito. Ang labing mala-old rose ang kulay dahil walang bahid ng lipstick. At higit sa lahat ay ang perpektong katawan nito. Hindi pa nga siya nakuntento. Sa sobrang paghanga niya sa kabuuan ng panlabas nito'y bawat sulok ng parte ng kabuuan nito ay nai-zoom-in pa niya. Nayakap niya ang kanyang cellphone. Hindi niya maipaliwanag ang sayang nararamdaman na muli niyang nakita ang kanyang first and ultimate crush noong araw.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD