Present
Napahinto siya sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan nang makarinig nang kaluskos mula sa ibaba. Awtomatikong dumagundong ang puso niya nang makitang mayroong anino mula sa labas. Tumingkayad siya ngunit hindi naman niya nakita kung saan nagsuot ang anino. Bigla kasing naglaho. Nakaramdamam man ng kaba ay lumabas siya upang tingnan kung sino ang taong lihim na nagmamasid sa kanya. Dali-dali siyang pumanaog. Malas nga lamang talaga at hindi niya inabutan.
"Lintek ka kapag nahuli kita!" wika niya sa taong iyon. "Petrang kabayo!" wala sa loob niyang naiwika nang may humawak sa likod niya. Ang kanyang ina pala iyon.
"Bakit ba gulat na gulat ka? At bakit gising ka pa, Anak?" tanong nito sa kanya. "Masyado ng malalim ang gabi ha."
"Wala lang po, Ma. Hindi pa po kasi ako inaantok," sagot na lamang niya. Wala siyang balak sabihi n dito ang nakitang anino. "Kaya bumaba ako. Gusto ko nga sanang uminom ng gatas. Pampaantok ko."
"Ah, okay. Halika. Samahan kita, Anak." Humawak na sa palad ang kanyang ina kaya kailangan niyang panindigan ang pag-inom niya ng gatas.
"Kayo po, Ma. Bakit po hindi pa po kayo natutulog?"
"Natutulog na nga ako eh. Kaso narinig ko ang pagbaba mo mula sa hagdanan. Kaya lumabas ako."
Napakunot ang noo niya sa sinabi ng kanyang ina. Napakalakas ng pakiramdam nito. Hindi naman maingay ang paa niya dahil iniwan niya ang tsinelas nang bumaba siya upang hindi makalikha ng kaluskos. Subalit narinig pa rin siya nito.
"Ayos ka lang ba?" Muling hinawakan nito ang kanyang mukha. Buong akala talaga nito ay nagluluksa siya sa pagkawala ng yumaong asawa. "Siguro talagang hanggang doon na lamang si Gonsalvo. Tingnan mo nga ako. Nagkasakit man ako pero nalampasan ko kaya naman heto ako at kausap mo. Pero alam kong hindi magiging posible iyon kung hindi dahil sa'yo, Carmela. Maraming salamat, Anak."
"Ma naman. Hayan ka na naman sa walang katapusan mong pasasalamat sa akin."
Hinawakan nito ang kanyang palad na nasa ibabaw ng mesa. "Alam ko kung anong isinakripisyo mo, Anak. Hindi mo alam kung paano akong nagpapasalamat sa'yo. Marami kang sinakripisyo maging ang sarili mo pang kaligayahan. Ngayon, Carmela, malaya ka na. Naniniwala akong matatagpuan mo pa rin ang taong tunay na mamahalin mo."
"Ma naman. Kamamatay lang po ni Gonsalvo!"
"Huwag mo ng isipin ang sasabihin ng iba, Anak. Wala silang pakialam sa buhay mo," sa halip ay sabi nito.
"Opo, Ma. Hindi ko naman po iniisip ang iba. Alam niyo naman pong wala akong pakialam sa iba. Isipin na nila ang gusto nilang isipin. Ang akin lang Ma, sa edad kong ito na trenta 'y sais na ay imposible ng may sumeryoso pa sa akin. Masyado na akong matanda para matagpuan ko pa ang sinasabi niyo," nilakipan niya ng tawa ang sinabi upang hindi mahalata ng ina ang totoong pinagdadaanan niya. "Sa reputasyon ko noon, sino naman ang baliw na papatol sa akin?" walang tinig na sabi niya rito. Hindi niya kailanman bibigyan ng anumang aalalahanin ang kanyang ina. Hindi nito kailangang malaman ang mga naramdaman niyang sakit noon.
"Ano ka ba naman, Anak. Hindi ka pa naman matanda. Mayroon nga riyan sa tabi-tabi' y kwarenta na ay nakakatagpo pa ng makakasama at hindi lang iyon. Nakakasupling pa ng lima."
"Swerte lang nila iyon. Siguro ganyan talaga. Swertihan lang ang buhay. Ako siguro ay swerte ko na yumaman. Baka hanggang doon na lang iyon."
"Maganda pa rin na makatagpo ka ng makakatymuwang mo sa buhay."
"Darating na lang siguro, Ma. Kung talagang mayroon pero hindi pa siguro sa ngayon," wika na lamang niya sa kanyang ina. Para hindi na lamang siya nito masyadong usisain pa nito tungkol doon. Tumayo na siya. "Igagawa ko na rin po kayo ng gatas ha?" wika niya rito habang nilalagyan ng tubig ang takore. "Dahil kasama ko kayong napuyat dapat sabay tayong makatulog." Naglagay na rin siya ng palaman sa tinapay. "Midnight snack tayo, Ma."
"Oo nga. Mabuti pala at nagising ako kaya nakapag-bonding tayo ng ganito. Na-miss ko ito. Magmula nang magsipagtrabaho na rin ang mga kapatid mo ay hindi na rin nagkaoras ang mga iyon na pasyalan ako. Lalo na si Andy, nakapag-asawa na kasi."
"Huwag kayong mag-alala, Ma. Masusundan pa ito. Sa susunod ay kasama ko na ang mga kapatid ko na magtutungo nang madalas dito."
"Sinabi mo iyan ha. Aasahan ko na," wika ni Carmelita habang tumitingala sa hagdanan. "Mabuti nga at hindi pa sumusunod na magising ang Papa mo. Kapag nawala ako sa tabi noon madalas magigising na agad iyon."
"Baka napagod siya ngayon sa talyer, Ma. Dapat kasi dagdagan na niya ang helper niya eh. Para nag-uutos na lamang siya."
"Alam mo naman iyon. Hindi niya matitiis na nakaupo lang. Nasa pagbutingting talaga ang buhay niya."
"Parang ikaw lang, Ma. Nasa kanya ang buhay mo," nakangiting sabi niya pagkatapos ay inilapag na ang gatas sa mesa. "Sana nga lang ay katulad mo'y may tunay pa talagang magmahal sa akin sa kabila ng nakaraan ko," gusto niya sanang idagdag pero hindi niya magagawa.
Napangiti ang kanyang ina.
"Uy! Kinikilig!" Pinasaya niya nang husto ang tinig.
"Bata ka talaga! Sa tanda kong ito ay kikiligin pa ba ako?" Inirapan siya nito. Sa edad nito ay lutang pa rin ang natural na ganda nito. Wala sa itsura nito na nasa edad na itong fifty-three-years-old. Siguro dahil masayahing tao ito.
"Iyon na nga po, Ma. Hindi naman na ako bata. Heto nga at tumanda na ako. Pagkatapos ay ganyan pa rin ang turing niyo sa akin."
"Syempre naman, Anak. Para sa akin ay habang buhay kang bata. Kahit pa maging Lola ka na rin na tulad ko."
Marami-rami rin silang napag-usapan ng kanyang ina bago sila umakyat sa kanya-kanyang silid. Dalawang araw lamang siyang mananaltili sa kanilang tahanan at babalik na siya sa kanyang condominium unit na nabili. Pinili niyang doon na lamang manirahan kaysa sa mansyon ng kanyang yumaong asawa kung saan ay naging bilangguan lang naman n'ya kung tutuusin sa nakalipas na sampung taon. Sa bago niyang tirahan ay medyo nakakadama siya ng kapanatagan ng loob. Bagong buhay at bagong pag-asa ang inaasahan niyang magaganap sa buhay niya.