"Ano ba talagang nangyari sa inyo ni Paolo?" minsan ay tanong sa kanya ni Angelina. Hindi birong lungkot kasi ang nadama niya dahil sa walang pakundangan na pambabalewala sa kanya ni Paolo. Halos lahat ng malalapit niyang kaibigan ay mahalata iyon. Hindi maitatago ang pananamlay niya.
"H-hindi k-ko r-rin a-alam, Angelina," pautal-utal niyang sagot. "Bigla na l-lamang s-siyang nagbago sa akin." Tuluyan nang lumabas nag kinikimkim niyang sakit sa puso. Umagos na ang luha sa magandang mata niya.
"Alam mo, Carmela? May pakiramdam akong mayroon ka pang hindi sinasabi sa akin. Impossible naman na bigla na lang siyang nagbago sa'yo nang walang dahilan. Bakit kasi hindi mo subukan na sabihin sa akin ang lahat? Baka makagaan sa'yo kapag sinabi mo hindi ba?" Naaawa na rin kasi sa kanya si Angelina dahil sa pananamlay niya sa nakalipas na nagdaang araw. Kahit paano ay apektado ang pagsasamahan nila dahil sa twina ay palagi na lamang itong tulala at malungkot.
Tiningnan niya ang kaibigan at tinantya kung kaya na niyang sabihin dito ang lahat. Maya-maya ay nagkwento na siya rito. Hindi nga lamang niya sinabi ang lahat. Kahit paano ay gusto niyang may matira pa sa sarili niya. Naiwan na siyang luhaan ni Paolo kaya hindi niya kakayanin kung mapag-isipan siya ng hindi maganda ng mga kaibigan. Nakasisiguro siyang malalaman ng lahat ang nangyari sa kanila ni Paolo sa sandaling may sabihan siya kahit na kaibigan pa niya ito. Mayroon na kasing nangyari na insidente sa eskwelahan nang katulad sa nangyari sa kanya. May isang kaibigan itong pinagsabihan. Kinabukasan lamang ay laman na ito ng tsismis. Dahil sa kahihiyan ay nag-drop out ito at hindi na nagpatuloy pa sa pag-aaral. Ayaw niyang mangyari rin ito sa kanya.
"Eh g*gu naman pala talaga iyang Paolo na iyan eh! Nagawa ka talaga niyang basta-basta na lamang iwan sa mall?!" Hindi napigilan ni Angelina ang tumaas ang boses.
"Gel, baka may makarinig sa'yo." Hinawakan niya ang braso nito habang ang mga mata ay iginagala sa paligid na para bang may pinaplano silang hindi maganda at dapat na walang makarinig sa kanila.
"Wala akong pakialam kung may makarinig pa sa akin." Hindi maikakaila ang pangigigil sa tinig ni Angelina. "Maganda nga malaman ng lahat kung ano'ng klaseng tao ang Paolo na iyan! Napakawalanghiya niya! Akalain mo, ikaw na campus crush ginanyan niya. Iyan na nga ba ang sinasabi ko sa'yo, Carmela. Sa una palang talaga ay wala na akong tiwala riyan sa lalaking iyan. Sa totoo lang. Mahirap lang kasing magsalita. Pero ngayon alam mo na ha. Kaya sana naman ay i-break mo na!"
Hindi siya alam kung ano ang isasagot sa kaibigan. Hindi niya kayang hiwalayan si Paolo. Kahit paano ay ramdam pa kasi niyang mahal na mahal pa niya ito. Nai-imagine na niya ngayon pa lamang kung gaano kalumbay ang buhay niya kapag hindi si Paolo ang nakatuluyan niya sa huli. Ito lamang ang pangarap niyang maging katuwang sa buhay. Ito lamang din ang nakikita niyang magiging ama ng kanyang mga anak pagdating ng araw. Paano na lamang ang mga pangarap nila kung bibitiw siya?
Mahinang tampal sa pisngi ang nagpabalik sa huwisyo niya.
"Nakikinig ka ba?" tanong nito. "Kanina pa ako ngawa nang ngawa rito pero ang kausap ko pala ay nakarating na ng Australia ang isip!" Humalukipkip ito sa harapan niya.
"Pasensya na. Ano na nga ulit ang sinasabi my kanina?"
"Ha?! Uulitin ko pa ba?! Naku nakakatamad. Wasting of time lang din naman at tungkol sa an*mal na Paolo ang sinasabi ko. Basta ito na lang ang payo ko at tandaan mo. Hiwalayan mo na ang lalaking iyon! Maraming naghahabol sa'yo kaya hindi mo kailangan na magpakamartir sa isang iyon."
Tumingin lang siya sa kaibigan.
"Ano? Huwag mong sabihin sa akin na mahal mo pa siya kaya hindi mo kayang hiwalayan?!"
"Pwedeng time out first?" alanganin niyang sagot dito sabay pagsenyas niya rito ng peace sign gamit ang palad.
"Hay, naku! Sinayang ko lang pala ang laway ko rito. Mahal mo pa. Sana lang ay mahal ka rin. Pero sorry my friend. Malabo yata."
Sa kabila ng payo sa kanya ng kaibigan na si Angelina ay nanatili pa rin siyang naghintay sa pagbabalik ni Paolo sa kanyang hindi na nangyari. Parang naging invisible siya sa paningin nito. Hanggang maka-graduate sila ay hindi na nagtangka pa na makipag-usap sa kanya si Paolo. Walang text. Walang usapan. Basta na lamang silang hindi nagpapansinan. Base naman sa nakikita ng lahat ay wala naman ibang niligawang iba ang binata kaya palaisipan sa kanila kung bakit bigla itong naging matabang at walang pakialam sa kanya. Takot naman siyang komprontahin ito dahil sa takot na masumbatan siya nito. Hanggang maka-graduate sila ay wala silang naging formal break-up.
"Alam mo na ba ang balita?" tanong ni Angelina sa kanya nang magkita sila isang araw.
"Alin?"
"Ah wala ka pa nga talagang alam," sa halip ay sabi nito.
"Bakit ba? Huwag ka na ngang magpaligoy-ligoy pa. Sabihin mo na lang."
"Si Paolo. Ikakasal na. Isang linggo mula ngayon."
"Hah? Nagbibiro ka ba?!" Tumawa pa siya rito.
"Mukha ba akong nagbibiro?" balik na tanong sa kanya ni Angelina.
"Hindi ko alam. Baka nagti-trip ka."
Inirapan siya nito. "Magising ka na sa katotohanan, Carmela. Talagang wala na kayo ni Paolo. Matagal na. Ikaw lang itong hindi magising-gising sa bangungot mo. Hayun nga at ikakasal na. Grabe. Bongga pa nga raw ang kasal niyang magaganap sa simbahan. Mukhang mayaman ang napangasawa."
"Nagsasabi ka talaga ng totoo?"
"Ha?! Oh my!" Sinapo nito ang noo. "Oo naman. Kanina pa! Bakit naman kita lolokohin? Katunayan nga ay mayroon pang big revelation."
"Ano naman?"
"Malaki na ang tyan ng babae!"
Nang araw ding iyon ay nagdesisyon siya. Alam niyang mapagkakatiwalaan si Angelina. Alam niyang hindi ito mahilig gumawa ng kwento. Pero gusto niyang makita mismo ng kanyang mga mata ang sinasabi nitong babae na mapapangasawa ni Paolo. Nagtungo siya sa tahanan ng mga Flores. Madali lamang siyang makakakatok sa pintuan ng mga ito dahil walang gate ang bakuran ng mga ito. Lakas loob na naglakad siya palapit ngunit natigilan siya nang makitang palabas si Paolo na akbay ang isang babaeng nakahawak pa sa tiyan nito habang masayang nag-uusap. "Malaki na nga pala talaga ang tiyan ng babae," wika niya sa isipan. Pinagbukas ito ng kotse ni Paolo bago sumakay sa drivers seat.
Naiyak siya habang nakakubli sa halamanan. "Ako dapat iyong kasama mo, Paolo eh," piping wika niya. Kasabay niyon ay ang pag-agos ng masaganang luha sa kanyang mga mata.