Chapter 8

1081 Words
Umaasa pa rin siyang hahabulin siya ng nobyo ngunit talagang wala. Tiniis siya nito. Gustong-gusto na niyang balikan ito ngunit pinanaig niya ang kanyang pride. Makalipas ang mahigit kumulang kinse minutos ay wala pa rin sumusunod na Paolo upang suyuin siya. Ibig na niyang maiyak. Dumukot siya sa kanyang bulsa at sa malas nga ay barya lamang ang naroon. Paano siyang uuwi nito kung kulang ang pamasahe niya? Kung alam lamang niya na ganito ang mangyayari ay dinala na niya ang iba pang barya niyang mula sa kanyang alkansya. Malapit na ngang magdilim kaya kailangan na niyang umuwi. Ngunit paano? Kulang na kulang ang pera niya. Ano na ang gagawin niya? Sinubukan niyang maglakad-lakad umaasa siyang muling makikita si Paolo ngunit talagang wala na ito. Ipinasya na niyang lumabas ng mall. Nagtungo siya sa may bandang terminal ng mga sasakyan doon. "Naupo siya sa waiting area sa pagbabasakali na magtutungo roon ang nobyo kapag pauwi na ito. Ngunit namuti na ang mga mata niya ay walang Paolo na nagpakita sa kanya. Nagulat pa siya nang may tumapik sa likuran kaya nilingon niya ito. Awtomatikong naisip niyang si Paolo iyon. Baka nagti-trip na naman ito sa kanya ngunit napahinto siya sa pagngiti nang mamukhaan kung sino ang tumapik. "May hinihintay ka pa ba rito, Carmela?" "Ah eh, wala na po," kaila niya. Agad niyang inabot ang palad nito upang magmano. "Kaawaan ka ng Panginoon. Maiba ako, hindi ka pa ba uuwi? Baka gusto mong sumabay na sa amin. Nakatraysikel kami eh. Para hindi ka na maghintay ng pasahero," wika nito. Akala siguro nito ay naghihintay talaga siya na mapuno ang jeep. Ganoon kasi sa terminal. Kailangan na mapuno muna ang jeep bago tuluyan na umalis. "Baka gabihin ka pa niyan sa daan," may bahid ng pag-aalalang dagdag pa nito. "Halika na?" Ngumiti siya bilang tugon. "Sige po, maraming salamat po." "Walang anuman. Magkababaryo tayo. Mabuti nga at nakita ka ni Vince. Tinuro ka lang niya sa akin," wika nito habang naglalakad na sila. Nagmano rin siya sa ama ni Vince bilang respeto. "Sige na. Pasok ka na sa loob." Sumakay na sa likuran ni Mang Vicente si Aling Mariana. Awtomatikong umusod sa dulong bahagi ng upuan ang binatilyong si Vince. Nginitian niya ito. Gusto niya sanang magpasalamat dito dahil tinuro pala siya nito sa ina pero naisip niyang hindi na lang. Baka mahalata siyang talagang kailangan niya ng masasakyan ng libre dahil wala siyang pera at umaasa lang talaga sa libre. Naiisip niyang nakakahiya pala. Nanliit siyang bigla. Mali palang umasa siya kay Paolo. "Maraming salamat po Aling Mariana at Mang Vicente," wika niya. Hindi niya nagawang tumanggi na ibaba siya ng mga ito sa tapat ng kanilang tahanan. Siguradong mahahalata kasi siya ng mga ito. "Salamat, Vince," sa huli ay nakangiting wika niya rito na sinuklian naman nito ng tipid na ngiti. Nang nakababa siya ay nakita niya ang kanyang ina na sumilip sa bintana. "Saan ka galing, Carmela?" "Sa lungsod po, Mama," sagot niya ng nakayuko. Naisip niyang sabihin na ang totoo. Nakasisiguro naman kasi niyang makakarating din sa ina na nag-mall siya lalo pa at ginabi na talaga siya. "Lungsod?! Oras ng klase nagpunta ka sa lungsod?!" Tumaas ang boses nito. "At sinong kasama mo na nagpunta roon ha?! Ang nobyo mo ba?!" kompronta nito sa kanya. "Huwag mo na akong tatangkain na pagsinungalingan, Carmela! Sinasabi ko na sa'yo, ngayon pa lamang!" "Naku, Ma, hindi po! Ako lang po!" kaila niya. "May kinailangan lang po kasi akong bilhin sa bookstore roon. Wala po kasi rito sa baryo." Pinanindigan na niya ang pagsisinungaling. Sa traysikel pa lamang ay gumawa na siya sa isip ng idadahilan sa ina dahil natitiyak niyang uusisain talaga siya nito. Binigyan siya ng nag-aarok na tingin ng kanyang ina. Tinitingnan ang katapatan sa sinabi niya. "Sana nga, Carmela ay nagsasabi ka ng totoo." "Opo, Ma. Katunayan nga po ay binuksan ko ang alkansya ko para may pambili ako." "Kung ganoon pala ay bakit hindi mo agad sinabi sa akin? Para sana nabigyan kita ng pambili mo. Nagkasya naman ba ang nakuha mo sa alkansya?" "Sakto lang po. Mayroon pa nga po akong nasobra." "Oh siya. Sige na. Magbihis ka na at para makakain na tayo maya-maya." Tumalikod na siya. Kahit naman kasi naitawid niya nang maayos ang pagsisinungaling sa kanyang ina ay nakokonsesya pa rin talaga siya. Ipinapangako naman niya sa sarili na hindi na siya muli pang magsisinungaling. Na iyon na ang huli. Nang matapos ang hapunan ay laman ng isip niya si Paolo habang nasa silid. Hindi niya lubos na maisip kung bakit naatim ni Paolo na hindi siya inihatid man lamang. Hindi ba nito naisip na wala siyang kapera-pera? Hindi ba ito nag-aalala sa sasapitin niya kapag hindi siya nakauwi? Panay rin ang sipat niya sa kanyang cellphone. Umaasa sa tawag o text man lamang sa kanya ng nobyo ngunit talagang wala. Muli ay naramdaman na naman niya ang pamilyar na sakit sa kanyang puso hanggang makatulog siya. Kinabukasan ay tampulan na naman siya ng tukso sa klase. "Carmela, ikaw ha! Sinong kasama mong nagpunta sa mall?" tanong ni Angelina sa kanya. "Ha? Wala. Ako lang," napaatras ang ulo ni Angelina. Hindi ito naniniwala na siya lang mag-isa. "Aminin mo na. Wala rin si Paolo kahapon sa klase nila eh." "Hindi mo alam. Baka naman kasi mayroon din siyang pinuntahan." "Oo nga. Pareho kayo ng tinungo hindi ba?!" "Hindi nga sabi!" Itinutok na niya ang pansin sa librong hawak at kunwari ay nagbabasa. Alam niyang nakatingin sa kanya si Veronica. Hindi lamang niya malaman ang iniisip nito tungkol sa kanya. Nang masiguro ng kaibigan at kamag-arak n'ya na wala siyang aaminin ay iniwan na rin siya ng mga ito. "Paolo!" tawag ni Eugene. Classmate niya si Eugene at kaibigan naman ito ni Paolo. Teammate ang mga ito sa basketball. Pauwi na sila ng bahay. Nakasabayan niya kasama si Angelina sa paglalakad si Eugene. "Bakit?" tanong nito nang makalapit. Hindi man lamang siya tinapunan ng tingin. Galit pa rin siguro ito sa kanya. "Saan ka galing kahapon? Itong si Carmela ay wala rin kasi." "Ah, Wala. Sa bahay lang ako. Tinamad akong pumasok eh! Sige na! May lakad kami ng barkada!" Tinapik nito ang kaibigan at umalis ng hindi man lamang siya kinausap at tiningnan. "Ano'ng nangyari sa inyo, Carmela? May tampuhan ba kayo?" tanong ni Angelina. "Wala. Ewan ko sa kanya." Sa ikli ng sagot niya ay kamuntikan pang magpiyok ang boses niya. Napakasakit sa dibdib na tila binalewala lamang siya ni Paolo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD