Iba ang ngisi ni Gabby sa kanya matapos silang mag-lunch at bumulaga sa kanila ang isang bouquet ng magagandang bulaklak.
Bagamat walang kasamang card ang mga ito ay parang alam na niya kung kanino ito galing.
"Kanino galing, sis?" tanong sa kanya ni Gabby.
"Walang card e," sagot naman niya rito at pilit pinakalma ang sarili.
Pero mas matindi ang pagkalmang ginagawa niya sa kanyang dibdib. Hindi naman niya maintindihan kung para saan iyon.
Ang alam niya ay matagal na siyang walang nararamdaman para kay Calvin kundi galit dahil sa panloloko nito sa kanya noon.
"Wala? Baka naman kay Papa Calvin galing?" tukso pa nito sa kanya habang kinakalikot ang bouquet. Mukhang naghahanap ito ng card doon.
Kinunutan lang niya ito ng noo at pinilit magmukhang walang pakiaalam.
"Bakit naman niya 'ko papadalhan ng bulaklak?" maang-maangan niya pa.
"Sis, alam kong may itinatago ka sa'kin. Halata naman sa reaksyon mo kahapon nang makita at lumapit sa'tin si Calvin. Plus ang mga titig niya sa'yo girl! Buti 'di ka natunaw."
Ganon na nga ba siya ka-obvious?
"Hindi kita pipilitin na magkwento. Magkwento ka kapag handa ka na," sabi ni Gabby bago ito bumalik sa pwesto nito.
Naiwan naman siyang nag-iisip pa rin. Hindi niya maintindihan ang sarili.
Ilang taon na ang lumipas at ang akala niya ay lipas na ang kanyang nadarama para sa binata.
Ngunit sa muling pagbabalik ni Calvin ay tsaka naman nanariwa ang sakit na dulot ng nakaraang pilit niyang binubura sa kanyang memorya.
***
SIX YEARS AGO...
Matiyagang naghihintay si Thea sa lobby ng building ng kompanya nila Calvin. Ayon sa receptionist ay kasalukuyang nasa isang meeting ang binata ayon sa sekretarya nito.
Pero sa halip na umalis ay pinili na lang niyang maghintay. Gusto niya kasing makasabay kumain ng lunch ang nobyo.
Ngayon lang kasi siya may mahabang oras dahil busy siya sa pag-aaral, nasa huling taon na siya ng kolehiyo at malapit nang maka-graduate.
Isa pa ay wala ang mga magulang niya ngayon sa bansa, nasa Hong Kong para sa isang business trip. Habang ang kuya David naman niya ay naka-out of town kasama si Michelle, ang girlfriend nito at bukas pa ang uwi.
Libreng-libre sila ni Calvin at hindi kakaba-kaba na baka mahuli ng kanyang pamilya.
Ang totoo niyan ay matalik na magkaibigan naman ang kuya David niya at si Calvin. Parang anak na rin ang turing ng kanyang mommy at daddy sa binata.
Pero wala silang kaalam-alam na may relasyon na sila ni Calvin.
Ayaw muna kasi niyang ipaalam ang tungkol dito kahit pa nga tutol sa kanyang desisyon ang nobyo.
Nakiusap lang siya rito na ilihim muna nila ang kanilang relasyon at maghintay ng tamang panahon.
Ngunit ang hindi alam ni Calvin ay narinig niya ang kanyang kapatid habang kausap ito.
Sabi ng kapatid niya ay hindi ito pabor na magkaroon siya ng nobyo. Naiintidihan niya ang kapatid. Dalawa lamang sila at natural na maging protective ito sa kanya.
Ayaw din naman niya na magkaroon ng lamat ang pagkakaibigan ng dalawa.
Bukod dito ay hindi pa rin siya nakakatapos ng pag-aaral. Bente anyos na siya at malapit nang mag-twenty one. Kung tutuusin ay pwede na siyang magkaroon ng kasintahan.
Pero pinili niyang maging mabuting anak at lumayo sa anumang klase ng tukso.
Talagang matindi lang ang naging tama niya kay Calvin. Una niya itong naging crush noong high school siya.
Hanggang sa lumalim na ang kanyang nararamdaman para rito. Mabait kasi ito sa kanya na akala pa nga niya ay parang kapatid na rin ang turing sa kanya.
Kung hindi pa nito nabalitaan na may gustong manligaw sa kanya ay hindi pa pala ito kikilos at aamin sa kanya.
Napangiti siya nang maalala ang nobyo.
Speaking of nobyo, bakit ang tagal naman yata ng meeting nito? Isang oras na siya roon.
Ang sabi raw ng sekretarya nito ay tatawag sa lobby kapag natapos na ang meeting.
Muli siyang lumapit sa receptionist at muling tinanong ito, ngunit sabi nito ay hindi pa muling tumatawag ang sekretarya ng amo nito.
Napailing na lang si Thea, nais sana niyang sorpresahin ang nobyo pero mauubos yata ang oras niya roon.
Nagbakasali na lang siya at tinawagan ang nobyo. Wala pang dalawang ring ay agad na itong sumagot.
"Babe?" anito sa kabilang linya.
"Hi! Sorry sa istorbo, nasa meeting ka pa ba?"
"Meeting? Nasa opisina lang ako. Where are you babe?"
Napakunot noo siya at lumingon sa receptionist. Abala ito sa ginagawa at mukha namang nagsasabi ito ng totoo kanina.
"You sure? Nandito ako sa lobby," sagot niya rito.
"What?" Tila nagulat pa ito sa kanyang sinabi. "Wait for me there."
Maya-maya pa ay parang humahangos na lumapit na ito sa kanya. Akma sana itong hahalik sa kanya ngunit agad siyang umiwas.
"Sorry, baka may makakita." Nakakaintindi naman itong tumingin sa kanya at tsaka tumango.
"Anong oras ka dumating?" tanong nito.
"Kani-kanina lang." Nagsinungaling na lamang siya rito para hindi na humaba pa ang usapan. "Free ka ba? Gusto sana kitang makasabay mag-lunch."
Lumiwanag naman ang mukha nito sa narinig. "Of course. Saan mo gustong kumain?"
"Sa Luisa's. I miss their kare-kare na eh."
Nakangiti naman itong tumango at inalalayan na siyang lumabas mula sa building.
Alam nitong paborito niya ang restaurant na iyon at madalas silang doon kumain lalo na kapag nagtatampo siya rito.
Alam ni Thea na masaya si Calvin at nasorpresa niya ito. Bihira lang kasi silang makalabas dahil nga lihim lang ang kanilang relasyon lalo na sa kanyang pamilya.
Kinukulit na nga siya ng binata at nais na nitong kausapin ang kapatid at mga magulang niya.
Gusto raw kasi nito na legal siya nitong maipakilala bilang girlfriend. Pero humingi pa siya ng panahon dito.
At wala naman itong nagawa kundi ang pumayag.
Wala naman silang kamalay-malay sa isang taong matalim ang mga tinging ipinupukol sa kanila.
Galit na galit ito kay Thea dahil sa "pang-aagaw" nito kay Calvin.
Nang tumawag ang receptionist kanina ay sinabi niyang nasa meeting ang lalaki kahit na nasa opisina lamang naman ito.
Akala niya ay aalis na ito matapos ang isang oras. Nagprisinta na nga siyang bumili ng lunch ni Calvin para hindi na ito bumaba pa.
Nagulat na lamang siya nang halos tumakbo na ang amo pababa at hindi na siya nagawang pansinin nang tanungin ito kung saan pupunta.
At tama nga ang hinala niya, bumaba ito para puntahan ang malanding Thea na iyon!
Hindi! Hindi siya papayag na maagaw ng babaeng iyon si Calvin. Matagal na niyang iniibig ang lalaki at pinapangarap na mapansin nito.
Ginamit niya ang kanyang talino para ma-impress ito sa kanya. Hindi kailanman siya nagpabaya sa trabaho at sinigurong lahat ng kailangan nito ay maibigay niya.
Madalas siyang purihin at ipagmalaki nito dahil sa kanyang pagiging efficient.
Kahit pa nga alam niyang empleyado lang ang tingin nito sa kanya ay patuloy pa rin siyang umaasa. Umaasa na humigit pa roon ang pagtingin sa kanya.
Sa ilang taon niyang pagiging sekretarya nito ay siniguro niyang walang ibang babaeng makakalapit dito.
Lahat ng nakaka-date nito ay siniguro niyang hindi magtatagal. At hindi naman siya nabibigo dahil hindi naman seryoso sa mga ito si Calvin.
Pero iba ang pakiramdam niya sa Thea na 'to. Bukod sa kapatid ito ng matalik na kaibigan ni Calvin na si David ay iba ang nakita niyang pagka-aligaga ng lalaki para rito.
Ngunit sisiguruhin niyang magagaya rin ito sa iba. At sa huli ay sa kanya pa rin mapupunta ang pinakamamahal na lalaki.