Alas siete na nang makauwi ako sa bahay galing sa university. Sa sobrang bagal kong kumilos, gumalaw at maglakad, inabot na ako nang siyam-siyam. Lambot na lambot ako dahil sa nakakahiyang pangyayari kanina sa ospital. Mabuti nga at nagawa ko pang maligo at magpalit ng damit pagkarating ko sa bahay.
“Mama!” halos naiiyak kong tawag sa aking inang nakaharap sa salamin habang may hawak na maliit na botelya ng astringent.
Lumingon naman siya at mas umasim ang mukha niya kumpara sa mukha kong maghapon na yatang lukot.
“Ano’ng magagawa ko? Trabaho niya iyon. Nakita na niya, may nawala ba sa iyo? Nariyan pa rin naman iyang kipay mo. Virgin ka pa rin naman!” sermon niya sa akin. “Isipin mo na lang na isa iyong bangungunot. Pasalamat ka na lang din na guwapo iyong obstetrician-gynecologist na tumingin sa iyo. Pampalubag-loob.”
Bumalik si Mama sa pagkukuskos ng kaniyang mukha kaya napasapo na lamang ako sa aking noo.
Mas lalo lang akong nairita nang humagalpak ng tawa si Line na kanina pang nakaharap sa laptop at nanonood ng movie sa Netflix. Nasa tabi ko siya habang nasa sala kaming tatlo at halos magiba ang buo kong pagkatao nang kalugin pa niya ako.
“Calli, ang astig talaga ng mama mo!” aniya. “Palagi kang barado, e ‘no?”
Agad ko siyang hinampas nang mapagtanto kong ako pala ang kaniyang tinatawanan.
“Magsama kayo ni Mama. Parehas kayong magaling mang-asar!” naiinis kong sabi saka umirap.
“Tita Monet, payag po kayo kung makakatuluyan ni Calli iyong duktor na iyon?”
Napanganga naman ako sa padaling iyon ni Line. Si Mama naman na agad pumihit ang ulo para tingnan si Line ay malapad na ang ngisi. Minsan nakakapagtaka kung ako ba talaga ang anak ni Mama o itong si Line e.
“Line, ano ba?” asar kong sigaw. “Ano’ng makakatuluyan? Siraulo ka ba?”
“Kung lang naman. Ang KJ mo naman!” nakatikwas na ngusong sabi niya sabay dila pa sa akin. “Ano’ng say mo, Tita?”
Ngumisi naman si Mama. Aniya, “Puwede. Basta walang asawa iyong duktor...”
“...sa pagkakaalam ko ay wala naman siyang asawa.”
“Mayaman at may lahi.”
“Si Doc. Gaara Judovitch ay Filipino-Russian siya at kaibigan niya ang may-ari nitong ospital.”
“Matipuno at—”
“Mama!” muling pag-awat ko sa walang preno niyang bibig nang halos mai-describe na nga niya ang duktor na iyon.
“Baka naman kasi may hinihintay si Calli, Tita Monet kaya kunwari ayaw niyang mag-asawa muna?”
“Si Jonesses?”
Gusto ko na lang maiyak dahil sa dalawang ito. Kamping-kampi sa isa’t isa at talagang tuwang-tuwa na makita akong miserable!
“Alam ninyo? Bahala kayo riyan. Matutulog na lang ako!” pagsuko ko.
Walang lingon-lingon na tumayo ako at dumiretso na sa aking kuwarto kahit panay ang tawag nila sa akin habang sabay na tumatawa.
Padabog kong isinara ang pinto ng aking kuwarto saka halos inihagis ko na ang sarili ko sa kama. Nakadapa ako at nakalubog ang aking mukha sa unan.
“Nakakainis!” tanging naisigaw ko habang nagtatatadyak.
Mayamaya’y tumihaya ako at tumitig sa kisame.
“Matagal nang wala si Jonesses. Bakit ba nila binabanggit pa ang lalaking iyon?” sabi ko sa sarili ko. Pumihit ako patagilid saka yumapos sa isang unan. “Pati naman iyong duktor na iyon, inireto pa sa akin.”
Napabuga ako ng hangin saka pumikit.
“Miss Calli?”
Humugot ako ng isang malalim na hininga bago siya lingunin.
“Ano po ‘yon, Doc?”
Napatunganga ako nang simulan niyang kagatin iyong manok. Namumula iyon dahil sa sauce at tunay na humahalimuyak ang masarap na amoy niyon. Letse. Para siyang nang-aakit!
“Do not shave. Trimming is better. Kumain ka at mag-ingat ka sa pag-uwi mo.”
Napabalikwas ako ng bangon dahil paalala niyang iyon na muli na namang sumagi sa utak ko. Nagulo ko nang wagas ang buhok kong nakapusod lang kanina.
Para akong mababaliw kada maiisip kong may nakakita na sa itinatago kong yaman. Pakiramdam ko ay nasilipan ako.
“Mabuti na lang talaga at hindi kita type.”
Umikot siya paharap sa akin at doon ko nakita ang namumula niyang pisngi. Sa halip na maawa ako ay napikon na ako nang husto dahil sa kaniyang sinabi. Para siyang sirang plaka. Paulit-ulit.
“Ano bang problema mo? Bakit iyan na naman ang—”
“I’ll be leaving tomorrow. Kinukuha na ako ni Dad papuntang States. Doon na ako mag-aaral.”
Napipi ako pansamantala dahil sa kaniyang sinabi. Malinaw iyon sa aking pandinig ngunit parang hindi agad iyon kainin ng utak ko.
Nang maipahinga ko na ang hinihingal ko kaninang dibdib ay aking sinabi, “Nagbibiro ka ba?”
“Mabuti na lang at hindi kita type.”
Napapikit na ako dahil sa inis. Bukambibig na niya iyon kanina pa at nakakairita na iyon sa aking pandinig. Napailing ako.
“Jonesses, ano ba? Bakit—”
“Dahil kung nagkataon na gusto kita, mahihirapan akong umalis at iwanan ka.”
Nasuntok ko nang ilang beses ang kama dahil sa mga nagpapagulo ng utak ko.
“Letse talaga! Ayaw ko nga sabing mag-asawa! Bakit ko ba sila naiisip? Bakit ba panay lalaki ang laman ng pesteng utak na ito?”
Nagsisigaw ako sa kuwarto ko kaya mayamaya’y narinig ko na lang na kinakatok na ako ni Line.
“Calli, ayos ka lang? Bakit ba nasigaw ka? Hoy, buksan mo itong pinto—”
“Umuwi ka na at matulog! Ayaw kitang kausap! At kapag hindi ka pa umalis, gigilitan kita ng leeg!” nanggigigil kong hiyaw.
“Oo na. Aalis na nga ako...”
Agad na tumigil ang pangungulit niya. Mabuti na iyon kaysa labasin ko pa siya para lang magsaway na naman sa mga pang-aasar niya.
Muli akong nahiga. Kinalma ko ang sarili ko saka huminga nang malalim. Pakiramdam ko kasi ay nasa mukha at tainga ko na ang lahat ng dugo ko dahil sa pagkaasar.
“Calli...”
Tumingin ako sa pinto kahit nakasarado naman iyon. Naka-locked iyon kaya alam kong walang makakapasok dito sa loob ng kuwarto ko. Naroon si Mama sa labas at tinatawag ako.
“Calli?” ulit niya pero hindi ako nag-abalang tumugon.
“Calli, umuwi na si Line. Itong laptop mo, ipasok mo na riyan sa kuwarto mo,” aniya. Akala ko ay umalis na siya pero sinundan pa iyon. Dagdag niya, “Nagbibiro lang naman kami. Isa pa, hindi ka naman namin talaga pipilitin kung ayaw mo pero hindi masama ang kumilala ng lalaki. Hindi ka namin ibinubugaw o pinipilit na lumandi. Makipagkaibigan ka lang, hindi iyong school at bahay ka lang. Malay mo, mabago ang isip mo at mapagtanto mong kailangan mo rin ng magiging katuwang sa buhay. Hindi man ngayon pero sa hinaharap.”
Tahimik lang akong nakinig sa kaniya habang sinasabi niya ang mga iyon. Nang maramdaman kong umalis na siya sa harap ng kuwarto ko ay muli akong bumangon.
“Hindi kaya nila pagsisihan kung magbago nga ang isip ko?” naibulong ko na lamang bago ako tumayo upang kuhanin iyong laptop sa sala.