Isang linggo na ang nakalipas ngunit hindi ko pa rin makalimutan ang mga pangyayari sa loob ng laboratory ng duktor na iyon. Pati ang mga pang-aasar ni Line at ni Mama sa akin ay ilang araw din na tumatakbo sa aking isipan.
“Thank you kasi bati na tayo. Isang linggo mo rin akong pinahirapang suyuin ka pero kasi Calli, pasensiya ka na. Hindi ako makakasama ngayon, e. Sasamahan ko kasi si mommy mamaya. Sorry talaga,” nakangusong saad ni Line sa akin habang nakalingis sa mga braso ko.
Tama. Isang linggo ko siyang hindi pinansin kahit labas-pasok pa siya sa pamamahay namin. May minsang muntik na akong matawa sa mga kagagahan niya para lang pansinin ko siya pero napigilan ko naman ang sarili ko.
Pero kanina habang naglalakad ako sa hallway ng university, nakita ko siyang naglalakad din sa kasulangat na direksyon. Ang gaga, natapakan iyong basang sahig kaya nadulas at lumagapak ang puwet sa semento.
Siyempre ako, tumawa muna bago siya nilapitan at tinulungan.
Napairap ako. Gusto ko kasi sanang kumain ng street foods kaya lang, hindi pala siya puwede ngayon.
“Sige na. Umuwi ka na. Okay lang naman. Ako na lang mag-isa.”
“Hindi ka na nagtatampo?” parang batang tanong niya habang bahagya pang minamasahe ang nalamog niyang puwet.
“Hindi na. Sige na.”
Ngumiti naman siya agad. “Sigurado ka, ha? Bye, Calli. I love you!”
Napabuntong-hininga na lamang ako habang pinapanood kong lumabas ng gate ng school ang kaibigan kong si Line.
We were in the same university, Accountancy nga lang siya. Mayamaya’y lumabas na rin ako ng gate saka tinanaw ang kalsadang lalakaran ko papunta sa kahit saang kainan. Medyo makulimlim pero sa tantiya ko nama’y mamaya pa babagsak ang ulan.
Sa paglalakad ko’y dinala ako ng mga paa ko sa isang milktea shop. Isa rin ito sa paborito kong tambayan dahil sa libreng wifi.
Nagkibit-balikat na lamang ako nang mapagpasyahan kong dito na lang ako kaysa maghanap pa ng street foods sa susunod na kanto.
Pagpasok ko’y nagdiretso ako sa counter para umorder.
“Hello, Ma’am,” bati ng isang babae sa akin na sa tantiya ko’y kaedad ko lamang.
Ngumiti ako saka tumingin sa menu na nasa taas para maghanap ng pwedeng order-in.
“Frappe na Cappuccino flavor at isang order ng fries na cheese flavor,” sambit ko saka kinuha ang wallet ko sa loob ng aking bag.
“Ano po’ng size ng frappe, Ma’am?”
Nang mag-angat ako ng aking ulo para sabihin sa crew ang size ng binibili kong frappe ay natigilan ako bigla.
“Med—”
“Make it two, medium frappe in Cappuccino flavor.”
Awtomatikong pumihit ang aking ulo sa gilid ko para tingnan kung sinong kurikong ang sumabat sa akin. Nang makita ko kung sino iyon ay namilog ang aking mga mata. Parang tumigil ang oras dahil bigla akong nanigas.
“Yes, Sir?”
Ultimo iyong staff ay bahagyang nautal at na-mesmerized sa kurikong—I mean, sa guwapong nilalang na nakatingala at nakatingin sa listahan ng mga what-to-order. Kita sa mukha niya na gusto niya ang hitsura ng nasa harapan niya.
“Doc. Gaara?” sambit ko. Nilingon naman niya ako sabay ngiti.
Sasabog yata ang dibdib ko. Napalunok ako nang maalala kong nanalo na talaga si Mama.
“Calli, umuwi na si Line. Itong laptop mo, ipasok mo na riyan sa kuwarto mo,” aniya. Akala ko ay umalis na siya pero sinundan pa iyon. Dagdag niya, “Nagbibiro lang naman kami. Isa pa, hindi ka naman namin talaga pipilitin kung ayaw mo pero hindi masama ang kumilala ng lalaki. Hindi ka namin ibinubugaw o pinipilit na lumandi. Makipagkaibigan ka lang, hindi iyong school at bahay ka lang. Malay mo, mabago ang isip mo at mapagtanto mong kailangan mo rin ng magiging katuwang sa buhay. Hindi man ngayon pero sa hinaharap.”
Tahimik lang akong nakinig sa kaniya habang sinasabi niya ang mga iyon. Nang maramdaman kong umalis na siya sa harap ng kuwarto ko ay muli akong bumangon.
“Hindi kaya nila pagsisihan kung magbago nga ang isip ko?” naibulong ko na lamang bago ako tumayo upang kuhanin iyong laptop sa sala.
Paglabas ko ay wala ng tao roon. Ngunit pgpihit ko sa direksyon pabalik ng aking kuwarto ay napansin ko ang aking ina na nakatayo sa pinto ng kusina. May hawak siyang isang baso ng tubig habang nakatingin sa akin.
“Iniisip ko kung dapat na ba akong gumawa ng paraan,” aniya sabay inom.
Kumunot naman ang noo ko. “Ano po?”
“Nag-iisa ka naming anak ng papa mo, Calli. Hindi puwedeng wala kang balak na mag-asawa sa hinaharap.”
Nalukot lalo ang mukha ko sa sinabi niya. Sagot ko, “Ano na namang sinasabi mo, Ma?”
Ibinaba niya iyong baso sa mesa bago tuluyang lumapit sa akin.
“Bato-bato pik tayo. Isang bagsakan,” sabi niya. “Kapag nanalo ka, hindi na kita papakialaman kung gusto o ayaw mo talagang magkaasawa. Pero kapag ako ang nanalo, gusto kong makipagkaibigan ka. Makipag-date ka. Kumilala ka ng lalaking may potensyal na makasama mo habambuhay. Iyong magiging sigurado ka sa huli. Magkagusto ka.”
Tiningnan ko si Mama. Bakas sa mukha niya ang pagkaseryoso. Walang kahit anong bahid ng pagbibiro. Hindi lang ako makapaniwala sa sinabi niya kaya natulala na lamang ako.
“Paano kapag wala naman talagang nakalaan para sa akin?”
“Hindi ka mawawalan, Calli.”
Dahil mukha namang wala siyang balak tigilan ako ay pumayag na ako sa gusto niya.
“Mangako ka muna,” aniya bago namin simulan ang laro. “Gagawin mo kung ano ang napag-usapan natin.”
Tumango na lang ako. Sa isang bagsak ng aming mga kamay ay agad akong natalo. Gunting ako, bato si Mama.
Malalim ang naging paghinga ko bago ko naisip na mukhang kailangan kong subukan ang sinabi ni Mama, bagay na napag-usapan namin ako pumayag sa pakulo niya.
“Hello, Miss Calli. It’s nice meeting you again,” tugon ni Doc. Gaara saka muling nilingon ang staff na kaharap namin.
Puwede ko bang kaibiganin ang duktor na ito? Bukod sa bata naman ang hitsura niya ay wala rin naman siyang asawa. Wala siguro akong magiging problema kung susubukan ko. Isa pa, feeling close naman siya sa akin.
Naging pilit ang pagngiti ko.
“Iyong fries na order niya, gawin mo na siyang large. Dine in,” ngiting-ngiti na saad niya saka iniabot ang bayad sa staff.
“Two medium Cappuccino frappe and one large fries, cheese flavor. I received 1000-peso bill. Here’s your change, Sir. Maupo po muna kayo, Sir and Ma’am. We’ll serve your order once it’s done.”
“Thanks.”
Hindi ko na namalayan ang mga pangyayaring iyon dahil abala ang utak ko sa pag-iisip. Nabayaran na pala niya pati ang order ko ay hindi ko pa alam. Bago pa man makaalis si Doc. Gaara sa counter ay nagawa ko nang makapagsalita.
“H-hoy, teka lang! Ano’ng ginawa mo? Bakit ikaw ang nagbayad ng order ko?”
“Gusto ko lang,” sambit niya saka naglakad at naghanap ng mauupuan.
Nagsalubong ang mga kilay ko. Teka nga. Anong klaseng sagot iyon? Ang tino, ha? Close na ba kami? Dahil ba nakita na niya ang—hays!
Padabog ko siyang sinundan hanggang sa maupo siya sa isang table sa tabi ng bubog na salamin.
“Hoy, Gaara!” singhal ko sa kaniya at naupo sa kaniyang harapan.
“Gaara, you say? You’re so courteous,” nakangisi niyang sabi.
Natigilan ako saglit. Kung ihahambing ko siya roon sa isang lalaking kapapasok lamang ng shop na ka-schoolmate ko at kapuwa 4th year college ay hindi maipagkakailang ganoon kabata ang hitsura niya.
Hindi ko man sigurado ang edad niya ay wala na akong pakialam. Tinaasan ko agad siya ng kilay. Isa pa, wala kami sa work place niya o sa school ko para bumase sa seniority.
“Bakit? Ilang taon ka na ba?” tanging naitanong ko.
“Miss Calli,” sambit niya at bahagyang inilapit ang kaniyang mukha sa akin. “Thirty-two na ako, twenty-one ka lang. Isa pa, duktor na ako.”
Dahil hindi ako makapaniwala sa kaniyang sagot ay sinimangutan ko siya.
“Duktor? Baka professional na manyak. Tse!”
Agad na nagsalubong ang mga kilay niya pero bago pa man siya makapagsalita ay dumating na ang order namin.
“Here’s your order, Sir.”
“Oh. Smells good. Thank you.”
Nanliit ang aking mga nang makita ko ang pagpapa-cute ng crew na nagdala ng aming pagkain.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay bigla akong nainis. Babago pa nga lamang akong magkakaroon ng interes sa isang lalaki ay may kaagaw na agad ako.
Umeksena ako.
“Gaara, iyong pagkain ko,” pagmamataray ko habang nakatingin kay Doc. Gaara. Bagamat nakangiti ako ay alam kong kita nila ang pagkainis ko.
Halata ang gulat sa kaniyang hitsura ngunit agad naman niya iyong sinakyan.
Nagpigil ng pagtawa si Gaara dahil sa inasta ko kaya nilingon niya ang babaeng crew na humahawak sa kaniyang kamay.
“Miss, salamat. And I’m so sorry. May topak kasi itong girlfriend ko, e.”
Ako naman ang nagulat.
Girlfriend? Sa halip na kilabot ang maramdaman ko ay bagkus pagkatuwa sa puso. Kinikilig na ba ako? Ngunit kahit na ganoon ay pinigilan kong mapangisi.
Bago pa man makaalis ang crew ay tiningnan ko siya. Hindi siya makatingin sa akin. Agad naman itong tumalikod saka agad na umalis.
Hinarap kong muli si Gaara. Sige Mama, susubukan ko at si Gaara ang uunahin ko.