“So…” Napakagat agad ako sa labi. Leche. Ano na naman? Nakatayo si Chadri sa kabilang side ng dining table habang tahimik akong nakatingin sa kaniya. Si Mama nama’y busy na sa paglalagay ng cheesecake sa refrigerator habang si Papa ay bumalik na ulit sa sala dala ang mug ng kape niya. Tahimik lang siyang nanonood ng balita pero alam kong nakikinig pa rin siya. Lagi naman. “Ano?” tanong ko kay Chadri habang nakapamaywang. Bahagya siyang napatingin sa pintuan kung saan lumabas si Ephraim kanina bago muling bumalik tingin sa akin. “He likes you.” Agad akong napaubo. “Ha?” “You heard me.” “Hindi!” Mahina siyang natawa. “You panic too much when you lie.” Napairap ako agad saka naupo sa dining chair. “High school friend lang si Ephraim.” “But not just a friend.” Napakurap ako.

