“Finally.”
Parang nakahinga nang maluwag si Gaara dahil sa tono niya. Halos isang oras kasi ang inabot ng byahe pauwi ngayong naulan kumpara sa twenty-five minutes lang kapag tila at walang traffic.
“Sorry. Ginabi ka pa tuloy,” sambit ko habang nag-aalis ng seatbelt.
“It’s okay. I enjoyed it anyway.” Ngumiti siya. “The rain has stopped, so I’m fine.”
“Okay. Paano, dito na ako bababa, Doc. Diyan na lang sa sunod na kanto ang bahay namin. Salamat!”
Pagbaba ko ay ngumiti pa ako sa kaniya. Ngunit bago ko maisara ang pinto ng sasakyan ay tinawag niya ako.
“I will still be here for the next few weeks. Don’t hesitate to visit the hospital again if you wish to get another check up.”
Tumango ako. “Salamat, Doc.”
Pinanood ko ang pag-alis ng kaniyang sasakyan bago ako pumihit patalikod para lumakad pa ng ilang metro upang makarating na sa bahay.
Habang naglalakad ako ay hindi ko maalis sa isip ko ang iyong bahagyang kirot na naramdaman ko kanina nang sabihin niya na parang ako iyong nakababata niyang kapatid.
Hindi ko maintindihan kung na-pressured lang ako dahil kina Mama at Line o sadyang may gusto na nga ako sa duktor na iyon. Pero posible ba iyon gayong hindi ko pa naman talaga siya kilala?
Mahaba ang aking naging paghinga bago ko binuksan ang gate nang makarating na ako sa tapat ng aming bahay.
Basta ang alam ko, hindi na dayuhan ang kirot na iyon sa puso ko.
“Huhulaan ko...”
Agad akong nag-angat ng tingin ng mabosesan ko si Line. Naroon siya sa terrace namin, nakatayo at nakakrus ang mga braso.
“It’s either hindi ka gusto ng taong gusto mo o naaalala at nami-miss mo iyong taong minsan ka nang minahal pero wala na siya kaya lukot iyang mukha mo,” aniya. Seryoso siyang nakatingin sa akin na parang sigurado siyang tama ang isa sa mga binanggit niya.
Natigil ang aking paghakbang. Naging mabagal ang naging pagproseso niyon sa utak ko kaya sa huli ay napatitig lang ako sa kaniya.
“Line...” sambit ko. Mahina ang boses ko.
Hindi siya umimik. Ngunit nang sabihin ko ang kanina pang gumugulo sa isip ko ay nalaglag ang kaniyang panga.
“Gusto ko na yata si Gaara...”
Halos mapaos si Line katitili habang nakatitig sa aking telepono. Pagkatapos kasi ng aking sinabi kanina ay agad niya akong kinaladkad papasok ng aming bahay para ibalita iyon kay Mama.
Ikinuwento ko sa kanila ang lahat ng nangyari kanina hanggang sa ihatid niya ako pauwi.
“Magiging manugang ko na agad iyan, Calli?” tanong ni Mama na nakataas ang isang kilay.
Dahil sa advance na pag-iisip ni Mama ay napasimangot ako. Ako nga na hindi sigurado sa pesteng nararamdaman ko ngayon at kung posible ba ang tambalang Calli at Gaara, iyon pa kayang maging manugang niya agad? Parang suntok sa buwan.
“Mama, easy ka muna. Mas mababa pa ang tyansa na maging manugang mo iyan kaysa sa magkaanak ka ulit pagdating ni Papa.”
Agad akong inambahan ng sapak ni Mama pero tumigil ang kamay niya sa ere. Kunwari asar pero kinikilig naman ang mga kasukasuan sa sinabi ko.
“Trente y dos na ito? Bakit mukhang mas bata pa ito tingnan kaysa sa akin?” manghang tanong sa akin ni Line na may kasama pa ring tili.
Kanina pa niya tinititigang maigi iyong stolen shot ni Gaara sa telepono ko na kinuha ko kanina habang nasa loob kami ng milktea shop. May tinitingnan siya noon sa telepono niya kaya nagkaroon ako ng pagkakataon na palihim siyang kuhanan ng litrato.
Halos walang buhay akong napasandal sa upuan ko dito sa sala habang nasa harap ko sina Mama at Line na kapuwa pa rin kinikilatis ang hitsura niyong duktor.
“Calli, hindi ko naman inaasahan na ganito ka pala mabilis mahulog sa isang lalaki?” may ngiting sabi ni Mama. “Sigurado ka bang gusto mo siya kahit... kahit na matanda na?”
Walang bakas ang boses niya nang kahit anong pagtutol. Tanging inosenteng tanong lang iyon ng isang inang naninigurado sa desisyon ng anak.
Ganoon si Mama. Kahit siguro ilang dekada ang tanda ng lalaki sa akin ay hindi niya ako pipigilan basta nagugustuhan ko. Basta safe at walang sabit.
Pero hindi naman ako aabot sa lalaking kulubot na ang balat at ang lahat-lahat sa kaniya.
“Kasalanan ninyo itong dalawa, e. Kung hindi kayo makulit, hindi sana ako namomroblema ngayon.”
“So gusto mo nga?” ulit ni Mama na hindi ko pa rin masagot nang diretso.
“Baka infatuation lang ito,” may diing sabi ko kahit hindi naman talaga ako sigurado. “Mawawala din ito.”
“Ang guwapo niya, Calli. Paano ba iyan? Mukhang mabubuntis ka taon-taon dahil nagbago pa rin iyang isip mo?” kumento pa ni Line na inirapan ko lamang.
Taas-baba ang kaniyang mga kilay na tuwang-tuwang asarin ako. Kapagkuwa’y bumuntong-hininga ako.
“Walang makakabuntis sa akin hanggat wala akong asawa,” sambit ko sabay turo ng aking hintuturo sa ere. “Kung mag-aasawa ako.”
“Kailangan mong mag-asawa,” sabat ni Mama kaya napahawak ako sa aking sentido.
Mukhang wala talaga silang balak na tigilan ako tungkol sa pag-aasawa! Pagdating ni Papa, isusumbong ko talaga itong dalawang ito!
“Hindi. Hindi ko siya gusto,” pagpipilit ko sabay iling. “Hindi puwede.”
Ibinalik sa akin ni Line iyong cellphone ko saka sinabing, “Ngayon pa, na nahulog ka na? Impossible, Calli. Gusto mo na siya. Pero nakakapagtaka, bakit kaya wala pa siyang asawa sa edad niya?”
Ako naman ang napatitig sa litrato. Kung hindi ko kaya pinatulan si Mama sa bato-bato pik na iyon at hindi natalo, ganito pa rin kaya ang mararamdaman ko?
“May asawa siya,” naibulong ko na alam kong hindi makakaligtas sa mga tainga nila.
Agad na lumapit si Line sa akin. Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko saka niya ako kinalog nang husto habang namimilog ang kaniyang mga mata.
“May asawa na? Ano? Akala ko ba wala?” bulalas niya na senegundahan ni Mama.
Hindi ko magawang makapagsalita dahil dire-diretso ang tanong nilang dalawa. Ang hirap pala kapag may tsismosa sa buhay pag-ibig!
Ani pa ni Mama, “Calli, akala ko single iyan? Sabi mo, ‘di ba? Bakit naman sa may asawa ka pa nagkagusto anak?”
Natampal ko ang noo ni Line. Doon lang niya ako tinigilan saka ko tiningnan si Mama.
“Sandali kasi, anak ng!” bulalas ko. “Ang ibig kong sabihin, nagkaasawa na siya. Past tense! Nagkaasawa talaga iyon!”
Halos manlaki ang mga mata ko sa lakas ng boses ko. Baka kasi kapag mahinahon kong sinabi ay makalas na ang buto ko sa pagkalog sa akin ni Line dahil sa pag-uusisa.
Tila tumigil naman ang mundo niyong dalawa. Nakatingin lang sila sa akin at kapuwa walang imik.
“Calli, you’re nice and funny. Natutuwa ako sa iyo kasi pakiramdam ko, kasama ko iyong bunso kong kapatid,” aniya sabay ngiti. Nabasag niyon ang katahimikan hindi lang sa amin, pati na rin sa puso ko.
Tila may kumurot kasi sa loob ng dibdib ko nang marinig kong inihalintulad niya ako sa kapatid niya. Kung ganoon, wala pa mang nagsisimula sa amin, tapos na ito agad?
Napalunok ako dahil tila biglang nanuyo ang lalamunan ko. Hindi na rin ako nakaimik pa habang nakatingin lang sa kaniya.
Dagdag niya, “I’m just teasing you, but don’t you dare fall for me.” Tumawa siya. “I’m just kidding. I’m sure naman na may nagugustuhan ka na. Iyong mga kaedad mo.”
“Naku!” Napaiwas ako ng tingin. “Masyado ka na namang mahangin, Doc.”
“Bakit? Wala ba?” nag-uusisa niyang tanong.
Napailing ako. “Aral muna, Doc.”
Pero sa isip ko, bakit hindi puwede? Kung sakali, hindi ba talaga kami puwede?
“Ikaw, Doc. Bakit wala ka pang asawa?” pag-uusisa ko bigla na halatang hindi niya rin inaasahan.
He gave me a sideway glance at nahagip pa ng mga mata ko kung paano siya ngumiti. Ngiting nangangahulugan ng lungkot.
“I had a wife. That was 3 years ago,” aniya. “Filipina.”
Hindi ko alam kung ano iyong naramdaman ng mga oras na iyon.
“You had? Why? I mean, nasaan na siya ngayon?”
“She was—”
Biglang tumunog ang kaniyang telepono. May tumatawag daw sa kaniya at isa iyong importanteng tawag mula sa ospital.
Naging mahaba ang usapan nila sa telepono kaya hindi ko na rin nagawa pang mag-usisa. Masyado na iyong private para alamin ko pa na isang taong kakikilala lang niya.
“Hindi ko lang alam kung patay na o hiwalay. Hindi ko din alam kung may anak sila dahil hindi na ako nakapagtanong pa,” dagdag ko saka muling napasandal. “Kaya hindi puwede, pero kasi...”
Humugot ako ng isang malalim na paghinga bago binitiwan ang salitang, “Kaso mukhang gusto ko na siya. Kasalanan ninyo kasi binubugaw ninyo ako! Ano’ng gagawin ko?”