_TRES_
“Zevyl?” Narinig niyang pagtawag sa kanya ni Sam. “What are you doing here?” tanong nito sa kanya habang papalapit sa kinaroroonan niya.
Nagpalinga-linga pa siya sa paligid ngunit hindi na niya nakita ang estranghero.
“M-May nakita ka bang ibang tao dito?” tanong niya habang palinga-linga pa rin sa paligid.
“Ibang tao? Bakit, may nakita ka ba?” pabalik na tanong ni Sam sa kanya. “Anong ginagawa mo rito, mag-isa?”
Ipinilig niya ang kanyang ulo at napakamot. Imposibleng mawala naman agad iyong taong ’yun.
“Come on, bumalik na tayo at hinahanap ka na ni Maddie,” sabi ni Sam at inakay siya pabalik sa kinaroroonan ng ginawa nilang bonfire.
Habang naglalakad papunta roon ay hindi pa rin mawala sa isip niya ang nangyari. Parang hindi niya tuloy malaman kung nag-hallucinate lang siya o totoo bang nangyari iyon?
“O, anong nangyari sa ’yo? Bigla ka na lang nawala, may problema ba?” tanong ni Maddie nang makarating sila sa bonfire.
“May nakita raw siyang ibang tao dito,” sagot ni Sam na inalalayan siyang maupo sa tabi ni Maddie saka naman ito umupo sa tabi niya.
“That’s impossible, tayo lang ang narito sa private resort. Every other day kung magpunta ang mga caretaker ng resort naming jaya walang ibang tao rito kundi tayo lang,” sabi naman ni Ashley.
“Hindi kaya, guni-guni mo lang iyon?” tanong naman ni Maddie na humarap sa kanya.
Umiling siya ngunit hindi na nagsalita, baka kapag ikinuwento pa niya ang nangyari sa pagitan niya at ng estranghero ay kung ano pa ang sabihin ng mga ito sa kanya.
“Anyways, so much for that, let’s talk about what are we going to do tomorrow,” nakangiting sabi ni Maddie.
“Ano ba’ng puwedeng gawin dito maliban sa swimming?” tanong ni Sam.
“Puwede tayong mag-scuba diving, hiking, o kung gusto niyo naman ay mamasyal sa siyudad. Maraming magagandang pasyalan dito, puwede rin nating ma-enjoy ang ilalim ng dagat sa Mini Ocean Park kung saan puwede tayong pumasok sa malaking aquarium at makipagkulitan sa mga iba’t-ibang klase ng isda at dolphins,” sagot ni Ashley.
“Parang gusto ko munang mag-shopping bukas!” sabi naman ni Maddie.
“Hindi ba, kasa-shopping mo lang nang papunta pa lang tayo dito?” nakakunot ang noong turan ng nobyo nitong si Darren.
“Eh, iba naman kasi iyon!” Nakahalukipkip at nakaingos na saad ni Maddie.
“Ikaw, Zev, anong gusto mong gawin bukas?” nakangiting tanong sa kanya ni Sam.
Tipid siyang ngumiti. “Okay naman ako kahit anong plano niyo.”
“Mamasyal na muna tayo, bukas. May gusto akong ipakita sa inyo na laging binibisita ng mga turista sa lugar na ito,” sabi naman ni Ashley. “I’m sure you’re gonna like it,” dagdag pa nito na nakatingin kay Sam.
“O-Okay . . .” sabi na lang ni Sam at bumaling ulit sa kanya. Tinaasan niya ito ng kilay nang makitang hindi ito komportable ngunit hindi na lang siya kumibo at sininghalan lang ito ng tawa.
Nanatili pa sila do’n ng isa pang oras ngunit nang makaradam nan g lamig ay nagpasya na rin silang pumasok sa loob ng bahay. Sinigurado nilang wala ng apoy at usok bago umalis, nagkanya-kanya na silang pasok sa kanilang kuwarto para magpahinga dahil napag-usapan nilang maaga silang aalis bukas para maglibot.
****
Hindi niya alam kung ilang beses na siyang nagpapaling-paling sa higaan. Hindi siya makatulog, hindi mawala sa kanyang isip ang estranghero at paulit-ulit na nagpi-play sa utak niya ang engkuwentro nila kanina sa dalampasigan.
“Close your eyes, and when you open your eyes again you’ll forget everything that happens tonight.”
Anong ibig sabihin niya no’n? Forget everything?
Bumangon siya at nagtungo sa bintana at binuksan iyon, pumasok ang malamig na simoy ng hangin na galing sa karagatan. Niyakap niya ang sarili niya at tumanaw sa malawak at madilim na karagatan.
Bigla na naman siya nakaramdam ng kakaiba habang nakatingin sa karimlan, malinaw niyang naririnig ang alon ng karagatan, maging ang hangin ay naririnig niya ng klarong-klaro.
Bigla siyang napahawak sa kanyang dibdib nang makaramdam ng tila paninikip niyon habang nakatingin sa karimlan. What’s happening to me?!
Umalis siya doon sa bintana at bumalik sa kanyang kama, kumuha siya ng tubig at uminom, pakiramdam niya ay tila nanuyo ang lalamunan niya kaya halos maubos niya ang isang pitsel ng tubig na naroon sa tabi ng kanyang kama.
Kumalma siya at bumalik ang normal niyang paghinga, wala sa sariling hinawakan niya ang suot niyang kuwintas at naguguluhang nag-iisip. Ito marahil ang sinasabi ng kanyang Lola sa kanya, nagkakaroon siya ng panic attact kapag malapit siya sa dagat.
Huminga siya ng malalim at inalis ang estranghero sa kanyang isip. Humiga na siya at pinilit makatulog, kailangan niya pang magising kinabukasan ng maaga.
Nakarinig nang mahihinang katok si Zevyl, pakiramdam niya ay hindi siya nakatulog dahil ang bigat ng ulo niya nang bumangon. Humihikap-hikab pa siya habang binubuksan ang pinto.
“Good morning, Zev! Time to wake up,” sabi ni Maddie at itinulak siya papasok sa loob ng kanyang kuwarto. “What happens to you?” tanong nito na nakakunot ang noo.
“Huh? Bakit?” nagtataka niyang tanong rito habang inaayos ang kanyang mahabang buhok.
“You look like a zombie. Nakatulog ka ba ng maayos?” tanong nito habang hinahawakan ang baba niya.
Pinalis niya ang kamay nito at humarap sa salaming naroon. Nanlalaki ang mga mata niya nang makita ang itsura niya, nangingitim ang ilalim ng mga mata niya.
“Mukhang namahay ka sa unang gabi natin dito,” sabi nito.
Huminga siya ng malalim at hinarap ito saka umiling. “I felt strange things since we came here,” panimula niya.
“W-What do you mean? M-may nararamdaman ka bang multo dito?” nahihintakutang tanong sa kanya niMaddie at napayakap sa sarili nito at lumingon-lingon sa paligid.
“No, hindi multo,” sabi niya. “Walang multo dito,” sabi niyang napapabuntong-hininga.
“Sigurado ka?” naninigurong tanong nito.
Tumango siya. “Kagabi, may narinig akong parang tumatawag sa ’kin kaya ako umalis. May nakita akong ibang tao at . . . at may sinasabi siya sa ’kin.”
“Tell me more. Anong sinabi sa ’yo ng taong iyon? Nakita mo ba ang mukha niya?” tanong nito na tila naging interesado sa kuwento niya.
“Close your eyes, and when you open your eyes again you’ll forget everything that happens tonight,” pag-uulit niya sa sinabi sa kanya ng estranghero. Hindi ko masyadong naaninag ang kanyang mukha but he’s a hunk. Galing siya sa dagat at . . .” tumigil siya sa pagsasalita nang makita ang hitsura nito na tila pinipigilan lang tumawa. “Hindi ka naniniwala sa sinasabi ko.” Sabi niya sabay nagbuga ng marahas na paghinga.
Natawa ito ng pagak at itinaas ang dalawang kamay sa ere. “I’m sorry, nasosobrahan ka na yata kababasa ng mga romance novels, Zev.” Umiiling na wika pa nito. “Maniniwala pa akong may ibang tao kang nakita pero iyong sasabihin mong hunk at galing sa dagat? Parang galing na iyon sa imahinasyon mo.”
Nagkamot siya ng ulo at hindi na nakipagtalo pa, alam niyang kahit anong gawin niya ay walang maniniwala sa kanya.
“Magbihis ka na at bumaba, naghihintay na silang lahat sa baba. Bakit kaya hindi na lang si Sam ang atupagin mo?” sabi nito na sinabayan nang paghagikhik.
Inirapan niya ito. “I told you he’s just my friend and we don’t share the same feelings,” sabi niya rito.
“Sabihin mo kaya iyan sa kanya ng harapan para hindi na umasa sa ’yo?” nakataas ang kilay na sabi nito sa kanya.
Natahimik naman siya at nahulog sa pag-iisip. Iniwan siya ni Maddie na malalim na nag-iisip, mukhang kailangan na nga niyang tapatin si Sam. Hindi naman niya gustong masira ang relasyon nilang bilang magkaibigan dahil lamang sa pagtingin nito sa kanya. Alam niyang masasaktan niya ang matalik na kaibigan ngunit mas magandang tapatin niya na rin ito para hindi na ito masyadong umasa pa.
Pagkatapos niyang mag-ayos ng sarili ay kaagad siyang bumaba, nadatnan niya roon ang mga kaibigan na nag-aalmusal. Kaagad siyang binate ni Sam at isang tipid na ngiti lang ang itinugon niya rito, nahuli niya ang nanunudyong tingin ni Maddie ngunit hindi niya na lang ito pinansin at umupo sa bakanteng upuan na katabi ni Ashley.
“So, saan tayo ngayon?” tanong niya habang sumasandok ng sinangag.
“Sa siyudad na muna tayo magpunta dahil gusto ni Maddie na mag-shopping, tapos kakain tayo sa isang native restaurant at pagkatapos ay babalik ulit dito para magpahinga lang saglit at magha-hiking. May talampas na malapit dito at magandang mag-sight seeing doon sa gabi,” sagot ni Ashley na inabutan siya ng tocino.
“Thank you,” sagot niya. At tahimik na kumain.
“Okay ba sa’yo ang plano natin?” tanong ni Sam sa kanya.
Tumango siya. “Oo naman, nandito tayo para mag-enjoy kaya sulitin na natin. Pagkatapos ng bakasyon ay poproblemahin na natin ang graduation natin.”
“Oo nga, mas mabuting mag-enjoy na muna tayo ngayon,” segunda naman ni Maddie.
Pagkakain nila ay naiwan silang tatlong babae para hugasan ang mga ginamit nilang pinggan at kubyertos habang ang dalawang lalaki naman ay inihanda ang sasakyang gagamitin nila.
“Ash, may problema ba?” tanong niya nang mapansin ang pananahimik ng kaibigan nila.
“Ha? Ah . . . a-ano kasi—”
“Kung tungkol kay Sam iyan, don’t worry, hindi mo magiging karibal si Zevyl. Kaibigan lang talaga ang turing sa kanya ng kaibigan natin,” prangka at deretsong turan ni Maddie habang pinupunasan ang mga pinggang binanlawan niya.
“Maddie!” saway niya rito.
Nakita niyang natigilan si Ashely at tumingin sa kanya. “T-Talaga?” kumikislap ang mga matang tanong nito sa kanya.
Huminga siya ng malalim saka tumango.
“Karibal talaga ang turing mo sa kay Zevyl?” tanong ulit ni Maddie na nakatuon ang tingin kay Ashely.
“Uhm . . .” nagkagat ito ng labi at nahihiyang nagtungo ng ulo. “I’m sorry, hindi ko lang mapigilan. Sobrang lapit niyo kasing dalawa at hindi ko alam kung anong gagawin ko para mapansin ako ni Sam,” sabi pa nito.
Nagkatinginan silang dalawa ni Maddie, tila ba sinasabi nito sa kanyang magsalita.
Anong sasabihin ko?
“Bata pa lang kami ay magkasama na kami ni Sam, kahit na lumipat kami ng tirahan ay lagi pa rin silang bumibisita sa amin. Siguro iyon ang naging dahilan kung bakit naging malapit kami sa isa’t isa,” paliwanag niya rito.
“P-Pero wala ka talagang gusto sa kanya—o nagkagusto sa kanya?” tanong nito at nag-angat ng tingin.
Nakangiti siyang umiling. “Kapatid turing ko sa kanya, palibhasa ay lagi siyang nandiyan para sa akin kaya pakiramdam ko ay nagkaroon ako ng Kuya.”
“Isang tanong na lang . . .” nahihiyang turan ni Ashley at nagyuko na naman ng ulo.
“Mukhang alam ko na ang itatanong niya,” singit naman ni Maddie at nakangising tumingin sa kanya.
“A-Ano?” utal na tanong naman ni Ashley sa kanya.
“Kung papayag ba si Zevyl na maging girlfriend ka ni Sam?” nakangising sagot naman nito.
“Bakit naman hindi? Hindi ko hawak ang puso ni Sam para pigilan siyang maghanap ng totoo niyang kaligayahan. Para ano pa’t naging best friend niya ako kung hindi ko siya susuportahan, ’di ba?” natatawang sagot naman niya.
Nagulat siya nang bigla siyang yakapin ni Ashley, napatingin sa kanya si Maddie ngunit nakangiti ito at ipinilig ang ulo sa dereksyon ng pinto. Natigilan siya nang makitang nakatayo si Sam doon at tulalang nakatingin sa kanya, natigilan siya at napakunot-noo, ngunit nang makita niya ang malungkot nitong ngiti at ang paglaylay ng balikat nito ay alam na niya kung bakit ganoon ang reaksyon nito.
Napapabuntong-hiningang sinundan niya ito ng tingin, marahil iyon na ang tamang pagkakataom na kausapin ito sa estado ng relasyon nilang dalawa.