Yannie Ace Ruiz
Nagising ako nang mag-ingay ang alarm ng cellphone ko. Pikit mata kong kinapa iyon sa tabi ng higaan ko saka iyon pinatay. Nag-unat pa ako saka kusang gumuhit ang matamis na ngiti sa mga labi ko kasabay ng pagmulat ko ng aking mga mata. Antok na antok pa ako sa totoo lang dahil late na akong nakatulog kagabi. Pero nang maalala ko ang dahilan kung bakit ako late na nakatulog kagabi ay hindi ko maiwasang hindi mapangiti.
Bumangon ako saka ko tiningnan ang cellphone ko. Mayroon akong unread text message. Nakangiting binuksan at binasa ko iyon.
From Josh Rain: Good morning (smiley emoji)
Nakagat ko ang ibabang labi ko habang nagta-type ng reply sa kanya.
To Josh Rain: Good morning din (smiley emoji)
“Ate? Okay ka lang?” Napalingon ako nang marinig ang boses ng kapatid ko. Si James. Nakasilip ito mula sa pinto ng kwarto.
“Huh?”
“Kanina pa ako kumakatok. Gising ka na pala pero hindi ka naman sumasagot. Tapos… nakangiti ka diyan sa cellphone mo,” nagtatakang puna niya sa akin.
“Huh? Ahh… kumakatok ka ba? Hindi kita narinig eh,” tugon ko dito kasunod ng pagtikhim ko saka ako mabilis na bumangon sa kama at inayos ang higaan.
“Mag-almusal ka na daw sabi ni Mama,” sabi pa ni James sa akin saka siya tuluyan nang umalis.
Lumabas na ako ng kwarto at sumunod sa kapatid ko. Naghanda ng masarap na almusal si Mama para sa amin ni James. Maaga ang oras ng pasok nina Yuri at Yumi kaya naman wala na sila dito ngayon at inihatid na sila ni Papa sa kanilang school. Habang kami naman ni James ay halos magkapanabay lang ng oras sa pagpasok.
Sinulyapan ko ang cellphone ko bago ako magsimulang kumain. Walang reply si Josh sa akin kaya naman muli akong nag-text sa kanya.
To Josh Rain: Anong oras ang pasok mo sa school? Nag-breakfast ka na?
Tatlong minuto ang lumipas nang maramdaman ko ang pag-vibrate ng cellphone ko. Mabilis ko iyong tiningnan at binasa ang reply niya sa akin.
From Josh Rain: Nasa school na ako (laugh emoji) papunta akong cafeteria para mag-breakfast. Ikaw? Nag-breakfast ka na? Anong oras pasok mo?
To Josh Rain: Ang aga mo naman pumasok. Nagbe-breakfast na ako ngayon. 9 a.m start ng class ko.
From Josh Rain: Naiwas lang ako sa traffic. Monday kasi ngayon at sobrang traffic dito. Nice, sabay tayo breakfast (smiley emoji)
Hindi ko namalayan na napapangiti na pala ako kaya naman napuna ako ni Mama.
“Yannie Ace, ano ba ‘yang ginagawa mo at nagce-cellphone ka sa harapan ng pagkain?”
“Po?”
“Bitiwan mo nga ‘yang cellphone mo at unahin mo ‘yang pagkain mo,” saway sa akin ni Mama.
“Opo,” tugon ko naman saka ko marahan na itinabi ang cellphone ko at nagpatuloy na sa pagkain. Ilang beses kong naramdaman ang pag-vibrate ng cellphone ko at sigurado akong dahil iyon sa mga text messages ni Josh Rain sa akin. Pero hindi ko naman magawang tingnan at basahin iyon dahil tiyak akong masasabihan na naman ako ni Mama. Kaya naman mabilis ko na lamang na tinapos ang pagkain ko saka ako dumeretsyo sa kwarto.
From Josh Rain: Anong breakfast mo?
From Josh Rain: Yannie?
From Josh Rain: Bakit wala?
From Josh Rain: Busy ka? (sad emoji)
Nakagat ko ang ibabang labi ko pagkabasa ko sa mga text message niya saka ako mabilis na nag-reply sa kanya.
To Josh Rain: Sorry, napuna kasi ako ni Mama na nagce-cellphone habang kumakain. Kaya hindi na ako nakapag-reply sa iyo.
From Josh Rain: (smiley emoji) I see. Well, it’s okay. Tama naman ang Mama mo na dapat unahin ang pagkain. Sa akin kasi… wala namang pupuna (laugh emoji)
Biro niya pero hindi ko alam kung bakit deep inside, parang nararamdaman ko ang lungkot niya.
Alas otso y medya ng umaga nang makarating ako sa school at magpasa hanggang ngayon ay magkapalitan pa din kami ng text messages ni Josh Rain.
“Napakatamis naman ng mga ngiting iyan!” Napaangat ako ng tingin kay Veron na siyang kadarating lamang at naupo sa tabi ko.
“Veron…”
“Ka-text mo ulit ‘yong… ano nga bang pangalan ulit no’n…”
“Si Josh Rain!” biglang dating ni Ivory na narinig pala ang pinag-uusapan namin ni Veron. “Josh Rain ang pangalan no’n,” pag-ulit niya pa.
“Ayun! Oo. Josh Rain nga,” ani Veron. Marahang napailing na lamang ako sa dalawa dahil sa pang-aalaska nila sa akin tungkol kay Josh Rain.
“Naku, Yannie, mukhang iba na ‘yan huh. Iba na ‘yong mga ngitian mo habang ka-text mo ‘yon. Na-curious tuloy ako sa kung anong itsura niya,” ani Ivory.
“True! Alam mo ako din,” saad naman ni Veron sabay balin ng tingin sa akin. “Anong social media account niya? Tingnan namin mga pictures niya.”
Sandali akong natigilan dahil sa tanong ni Veron sa akin. Ilang araw na kaming magka-text ni Josh Rain pero sa totoo lang ay hindi ko pa siya nakikita sa picture. Wala akong ideya sa kung ano ang itsura niya. Saka ko naalala ‘yong sinabi niya sa akin kahapon na gumawa siya ng social media account. Hiningi niya pa nga ‘yong sa akin. Ibig sabihin ay nakita na niya ang mga pictures ko.
“Huy, Yannie,” tawag sa akin ni Veron.
“Huh?”
“Sabi ko anong social media account ni Josh Rain. I-stalk lang namin. Titingnan namin kung yummy at oppa,” bungisngis ni Veron.
“Anong yummy at oppa ka diyan? Tumigil nga kayo,” tugon ko naman dito.
“Ang damot naman nito. Titingnan lang naman namin kung oppa siya eh. Sige na,” panungulit ni Ivory sa akin.
“Hindi ko alam,” simpleng tugon ko sa kanila.
“What? Hindi mo alam?”
“Hindi ko alam kung anong social media account niya. Wala din akong idea sa kung ano ang itsura niya.”
“Yannie, are you for real?” hindi makapaniwalang tanong ni Veron sa akin.
Kumunot naman ang noo ko dito. “Huh? Bakit?”
“My gosh, Yannie. Ilang araw na kayong magka-text ng Josh Rain na iyan pero kahit picture niya hindi mo pa nakikita? Hindi mo alam kung anong itsura niya pero consistent kang makipag-usap sa kanya.”
“Bakit? Ano namang masama kung hindi ko alam ang itsura niya at kung nakikipag-text ako sa kanya?”
“Yannie! Ano ka ba? Paano kung niloloko ka lang niyan? Like… paano kung hindi pala siya gwapo,” saad naman ni Ivory.
“Ivory, ano ba ‘yang sinasabi mo?”
“Tama naman si Ivory. Paano kung hindi siya gwapo. Tapos nag-aksaya ka na ng oras mo dahil sa pakikipag-usap sa kanya. Hindi mo naman ‘yan kilala. Paano kung niloloko ka lang pala niyan,” ani Veron.
Marahan akong napasinghap sa dalawa kong kaibigan. “Guys, hindi naman importante sa akin kung gwapo siya o hindi. Enjoy ako na kausap siya kaya nakikipag-usap ako sa kanya. Isa pa, pinsan siya ni Ate Rica. Si Ate Rica friend ko—”
“Friend mo nga pero kailan mo lang din naman nakilala ang Rica na iyon, ‘di ba?” putol ni Ivory sa akin.
“Pero mabuting tao si Ate Rica—”
“Si Ate Rica oo, pero ‘yong pinsan niya hindi naman tayo nakakasiguro doon dahil hindi pa naman kayo nagkikita,” si Veron naman ang pumutol sa akin. “Alam mo, Yannie, mas mabuti kung hindi ka na muna makikipag-usap kay Josh Rain. Mas okay kung magkikita muna kayo, ‘di ba?”
“Tama si Veron!” pagsang-ayon naman ni Ivory kay Veron.
Well, hindi ko naman masisisi ang mga kaibigan ko kung bakit nila sinasabi sa akin ang mga bagay na ito. Nauunawaan ko sila. May point naman talaga sila. Hindi ko pa nakikilala ng lubusan at sa personal si Josh Rain pero nauubos at napaglalaanan ko na siya ng oras ko. Pero ano din bang magagawa ko kung totoo naman na nag-eenjoy ako na kausap siya. At isa pa, nararamdaman ko naman na mabuti siyang tao at hindi niya ako niloloko kagaya ng iniisip ng mga kaibigan ko.
Pero para matigil na din sa pag-iisip ng kung ano-ano sina Veron at Ivory ay hiningi ko na lamang kay Josh Rain ang social media account niya.
From Josh Rain: Hindi pa pala kita na-add kahapon. Ikaw kasi eh.
Napakunot ang noo ko sa reply ni Josh Rain sa akin at maya-maya lang ay biglang tumunog ang notification ko sa social media account ko. Tiningnan ko iyon at nakita ko ang friend request mula sa isang account.
Kumabog ang dibdib ko nang mabasa ko ang buong pangalan ni Josh Rain doon. ‘Josh Rain Montez.’
Napalunok pa ako bago ko iyon in-accept saka ako nagpunta sa timeline niya. Wala siyang kahit na anong post doon at nakalagay na yesterday created lang ‘yong account niyang iyon.
“Ayan na ba? Ibinigay na niya sa iyo account niya? Patingin!” ani Veron saka niya kinuha sa akin ang cellphone ko at mabilis na pinindot ang profile picture ni Josh Rain doon.
Bahagyang nanlaki ang mga mata ko nang makita ang picture ni Josh Rain.
“T-Totoo bang siya ito? Hindi ba dummy account itong binigay niya sa iyo?” nauutal at tila hindi makapaniwalang sabi ni Veron sa akin habang nakatitig sa picture ni Josh Rain.
“Model yata ito eh. O artista?” komento naman ni Ivory habang nakatitig din sa picture ni Josh Rain.
“Gosh! Ang gwapo niya, Friend!” sambit ni Veron saka bumalin ng tingin sa akin.
Nanatili lang naman ang mga tingin ko sa picture ni Josh Rain. Perpekto ang tangos at hugis ng ilong niya habang may matamis at maganda itong ngiti. Ang mga mata niya ay parang bituin na kumikinang at nakaramdam ako ng matinding hiya para sa sarili ko.
Shocks! Hindi ko alam na ganito pala siya kagwapo. At dahil doon ay para akong pinanghinaan ng loob. Mukhang hindi ako nababagay sa isang tulad niya.