Mahinhing isinuklay ni Wenggay ang buhok gamit ang mga daliri saka ngumiti ng maganda kay Zeke. Kita na yata pati bagang niya sa luwang ng ngiti pero wala siyang pakialam. Iyon naman ang pinakamaganda niyang ngiti—ayon sa salamin tuwing tinitingnan niya.
"Player ka rin, Zeke? Kasama mo si Zander?" nagpapa-cute na tanong ni Wenggay sabay suksok ng buhok sa kanang tainga.
Napailing si Zeke at umasim ang mukha. "Kuya Zander," pagtatama nito. May diin din para i-emphasize maigi. "Nasa faculty dahil chess player siya. Hindi ba elementary ka? Bakit dito ka naghihilamos? Sira ba 'yung faucet sa inyo?" anitong tila naalibadbaran na sa hayagang pagpapa-cute niya rito. "Kuya Zeke ang itawag mo rin sa akin. Teka. Paano mo pala nalaman ang mga pangalan namin?" dagdag nito. Mukhang nagdududa.
Napalabi si Wenggay. Hindi niya aaminin. Natural! Diskarte na nila Jenny iyon kung paano nila nalaman.
"Walang tubig sa amin..." mahinang sagot ni Wenggay. Napasimangot na siyang tuluyan ng umarko ang kilay ni Zeke. Halatang hindi naniniwala. Baka naman iniisip nitong sinundan niya? Aba. Kung alam lang niyang player din ito, natural na susundan talaga niya!
"Bakit kita tatawaging kuya Zeke? Hindi naman kita kuya?" angal ni Wenggay. Labag na labag talaga iyon sa kalooban niya.
Parang sinabi na nitong para lang silang magkapatid! Ah, ayaw niya ng ganoon! Hindi p'wede dahil magkakatuluyan sila balang araw at walang magkapatid na nagkakatuluyan. Hindi niya iyon mapapayagan kahit kailan!
Napailing si Zeke. Parang pinagpapasensyahan na lang siya. Ang sungit talaga. Pero kahit masungit ito, pogi pa rin ito at dahil sa pogi ito kahit saang anggulo, crush pa rin niya ito. Maski ito ay hindi siya puwedeng pigilan!
Nagpa-cute ulit si Wenggay. No surrender ang peg. Ngiting-ngiti siyang nagpunas ng buhok. "Zeke, manood ka sa laro ko, ha? Para sa'yo 'yun." Aniya saka pinapungay ang mga mata. "Galing 'yon dito," dagdag ni Wenggay saka malakas na kinabog ang dibdib para ipagdiinan ang puso niya.
Namula ang buong mukha ni Zeke sa pagkabigla. Ngiting tumalikod na si Wenggay papuntang CR para sundan si Tracy. Ang gaan-gaan ng feeling niya dahil nakaporma siya kay Zeke.
Kilig na kilig siya! Siguradong maiinggit si Jenny kapag kinuwento niya rito ang ginawa. Mabibilib din iyon sigurado sa tindi ng kapangahasan niya. Eh, ano naman kung sabihin niya ang tunay na nadarama? Walang kaso sa kanya. Honesty is the best policy, wika nga. Base sa expression ni Zeke, nasisiguro niyang naapektuhan ito. Kahit sungitan pa siya, hindi niya ito palulusutin. Popormahan pa niya ito ng matindi!
Sa naisip ay muling nilingon ni Wenggay si Zeke. Huling-huli niya itong nakatingin pa rin sa kanya! Gusto niyang gumulong sa sobrang kilig! 'Di yata't nabighani ito sa banat niya? Dahil doon, sinenyasan pa niya ito. Itinuro niya ang sarili saka ang puso at sa huli ay ito. Napakunot ang noo nito. Mukhang hindi na-gets ang gusto niyang sabihin. Kahit nakaramdam ng hiya ay isinigaw niya pa rin.
"I heart you!" sigaw ni Wenggay kesehodang umalingawngaw ang boses niya sa buong lugar.
Namula ang buong mukha ni Zeke. Tumalikod na si Wenggay. Ngiting-ngiti. Ah, super like talaga niya ito, promise! Ang cute nitong mag-blushed!
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
"Go Zeke!"
Halos mapigtal na ang ngalangala ni Wenggay kakasigaw para mai-shoot ni Zeke ang bola mula sa tres na posisyon. Mahigpit ang guwardiya nito pero hindi pa rin ito umubra kay Zeke. Nakahanap ito ng pagkakataon at nang ihagis na nito ang bola ay parang huminto ang oras. Halos umabot na sa lalamunan ni Wenggay ang puso dahil sa sobrang kaba. Saktong tumunog ang buzzer, hudyat na tapos na ang laro ay saka naman pumasok sa basket ang bola! No touch iyon sa ring!
Napatili na lang silang buong team ng volleyball dahil nanalo ang school nila sa basketball sa high school division! Pinilit pa niyang manood ang mga kasamahan para suportahan ang kanyang one and only mister Dimples. Kahit panay kantyaw ang inaabot niya ay wala siyang pakialam. Hayagan na niyang ipinakikita ang sariling damdamin.
Alam niyang naiinis na si Zeke sa ginagawa ni Wenggay dahil sa biglaang pagsulpot sa mga practice game nito at walang humpay na pagpapa-cute pero pasasaan din ay mapapansin nitong cute siya. Sa katunayan ay nagpa-trim pa siya ng buhok. Pina-kortehan niya iyon para magmukha siyang dalaga. Gusto na ngang magpamisa ng mommy niya dahil bigla siyang humiling na magpagupit samantalang noon ay kailangan pa siya nitong kurutin para lamang magupitan.
"Ang galing mag-tres ng syota mo!" sigaw ni Tracy sa kanya at lalong lumuwang ang ngiti ni Wenggay. Proud talaga siya sa kanyang loveydudes. Hindi rin siya nahihiyang ipangalandakan ang damdamin sa lalaki. Para kay Wenggay ay isang bagay iyon na hindi niya dapat ikahiya.
"Tange! Hindi niya pa ako sinasagot!" sagot ni Wenggayo na ikinatawa naman ng buong grupo.
"Talagang ikaw ang nanliligaw, ah!" kantyaw ni Jessica saka natawa. "Galingan mo at goodluck!"
Napalabi si Wenggay. Alam ng mga itong masungit si Zeke dahil minsan na siya nitong sinungitan sa harap ng mga ito. Pero ramdam niyang may gusto rin ito sa kanya. Ayaw lang umamin. Minsan ay nahuhuli niya itong nakatingin at kapag nginitian naman niya ay mamumula naman ang mukha saka mapapailing. Gusto niya itong tuksuhin pero pinipigilan lang niya ang sarili. Kaunting hinay pa rin, kung baga.
Ilang sandali pa ay inayos na ng ilang tao ang court para gawin namang court para sa volleyball. Nagsibaba na sila sa bleacher para makapagensayo na dahil sila na ang susunod. Maraming eskwelahan ang naglalaban-laban kaya mina-maximize nila ang mga court doon.
Nang makita ni Wenggay na palabas na ng gym ang grupo nila Zeke ay tinawag niya ito kesehodang umalingawngaw pa ang boses niya sa buong gym. Pulang-pula na naman ang mukha nito sa inis. Natawa na lang siya. Ang sabi nila, the more you hate, the more you love at naniniwala siyang mauuwi iyon sa ganoon. Ngiting-ngiti siyang lumapit kay Zeke.
"Panoorin mo rin akong maglaro," lambing niya. Mabuti na lang, maganda ang legs niya kaya okay lang na super igsi ang shorts niya. Dahil sa paglalaro ay iyon lang yata ang may korte sa katawan niya. Biniyayayaan siya ng mahahaba, makikinis at makokorteng hita. Hindi nakaligtas kay Wenggay ang pasimpleng pagtingin ni Zeke doon. Kinikilig-kilig na naman siya!
Nagtawanan ang mga ka-team ni Zeke dahil narinig ang lambing ni Wenggay. "'Tol, pagbigyan mo na 'yang girlfriend mo! Patay ka sa tatay niya kapag pinaiyak mo 'yan!" kantyaw ng isang lalaking mukhang adik. Payat at matangkad ito. Para rin itong kawayan. Napanood niya sa basketball kanina na ito ang rebounder ng grupo.
Nainis si Wenggay sa sinabi nito. "Mister Rebounder, hindi niya ako girlfriend dahil hindi pa niya ako sinasagot." Aniya saka nagpa-cute na ngumiti kay Zeke. "Sasagutin pa lang kapag nakita na niya akong pumalo ng bola mamaya. Natatandaan mo 'yung sinabi ko? Galing 'yon dito," aniya saka mayabang na kinabog ang dibdib.
Nagtawanan na naman ang buong grupo at hindi makapalag si Zeke ng hilahin ng mga kasamahan papuntang bleachers. Ngiting-ngiti si Wenggay na nagpunta sa gitna ng court at nagpakitang gilas sa practice. Ganadong-ganado dahil nanonood ng one and only love. Feel na feel niya! Sisiguraduhin niyang mabibilib ito sa kanya, promise.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
Ilang sandali pa ay nagsimula na ang laro. Nang masama si Wenggay sa first six ay tumingin pa siya sa upuan ni Zeke saka nagbigay ng flying kiss. Nagsikuhan ang mga kalalakihan. Ang ilang kasama pa ni Zeke ay pabirong ginulo pa ang buhok nito. Walang kaso sa kanya kahit umulan ng kantyawan sa gym. Pa-good luck na niya iyon sa sarili.
Kahit nasa paligid lang si Zeke ay nag-concentrate pa rin siya sa laro. Bagaman ramdam niya ang presensya nito ay sinigurado pa rin niyang hindi mapapahiya rito. Ginalingan niya lalo na sa pagpalo ng bola sa tuwing ito-toss iyon sa kanya. Siya ang pinakamagaling mag-spike. Sa loob ng ilang minutong laro ay naipanalo nila ang team. Tuwang-tuwang ginulo ng Coach ang buhok niya.
"Ikaw talaga... Kapag nalaman ng daddy mo 'yan, siguradong kukurutin ka n'on sa singit." Biro nito. Mukhang hindi rin nakaligtas rito ang iginawad niyang flying kiss kay Zeke kanina bago magumpisa ang laro.
Natawa na lang si Wenggay pero sa loob-loob ay bahagyang kinabahan. Ayaw niyang malaman ng daddy niya na may crush na siya. Baka hindi na siya nito payagang sumali. Naipilig ni Wenggay ang ulo. Kayang-kaya niya iyon. Lalambingin niya ng mabuti ang ama kapag nagalit ito sa kanya.
Nagayos na si Wenggay ng gamit agad. Patingin-tingin siya sa grupo nila Zeke na panay kantyawan sa taas ng bleachers. Gusto niya itong lapitan para ayaing magmeryenda dahil ginutom siya sa paglalaro. Ayaw niyang sumabay sa mga ka-team. Ito lang ang gusto niyang makasama at ibida ang lahat ng ginawa kahit nanood naman ito. Paakyat na siya ng magsipagtayuan ang grupo ito.
"Galing mo, ah!" ani Mister Rebounder saka tuwang ginulo ang buhok niya.
Inirapan niya ito. "Magaling naman talaga ako," mayabang niyang asta saka ngumiti kay Zeke. "Okay ba? Para sa'yo ang lahat ng palo ko,"
Nagtawanan ang mga grupo ni Zeke. "Aray ko! Zeke, mukhang malakas pumalo 'tong batang 'to. Kawawa ka naman!"
Inirapan niya ang lalaking mukhang tilapaya sa itim at pagkakatikwas ng nguso. Gusto sana niya itong sagutin pero hindi na siya pumiyok. Si Zeke ang sadya niya doon at kung kailangan niyang magpasensya para huwag naman siyang magmukhang bastos ay titiisin niya.
Tumango ito pero umismid. Tumayo na ito at isinabit na ang traveling bag sa balikat. "Nanood na ako, huwag mo na akong kukulitin," masungit nitong sagot.
"Sabay na sana tayong kumain," mahina niyang saad dahil bigla siyang nahiyang ayain ito. Hindi niya alam kung bakit nawala ang tapang niya. Marahil ay hindi pa rin siya masasanay na magaaya ng ganoon lalo na sa lalaking crush.
Napamulagat si Zeke at napapahiyang tumingin sa mga kasamahan. "May pupuntahan kami. Sumabay ka na lang sa team mo. Ano ba naman 'yan..."
Napalabi si Wenggay. Bigla siyang nakaramdam ng tampo. Hayun na naman siya. Hindi naman siya matampuhin pero bakit ganoon? Bigla siyang nagbago? Binago ba siya nito? Basta ang alam niya, kakaiba ang epekto nito sa kanya. "May laro pa ako mamayang hapon,"
Napamulagat ito. "Minsan lang ang laro. Bukas na dapat ang schedule, 'di ba?" anitong takang-taka. Pati mga kasama nito ay nagsipagkunutan ang mga noo.
"Nasa track and field din ako. Mamayang hapon ang takbo ko. Manood ka, please?" Pakiusap ni Wenggay. Gusto niya itong manood para ganahan ulit siya. Kahit iyon na lang ang ibalato nito. Kahit huwag na silang sabay na kumain basta manood lang ito.
Napabungisngis ang mga kasama nito pero wala na siyang pakialam. Hinusayan niya ang pagsusumamo. Yumuko pa siya ng hindi na ito sumagot. Umastang lungkot na lungkot saka muli itong tiningnan. Halos mangilid na ang luha niya. "Zeke? Ayaw mo ba akong pagbigyan?"
Parang naturete ito. Ilang beses itong napahagod sa buhok at napabuntong hininga. "A-Ano'ng oras ba 'yon?"
"Two ng hapon. Saglit lang naman 'yon. Alam mo naman na ikaw ang inspirasyon ko..." aniya saka malungkot na napayuko. Lihim siyang nanalangin na sana ay pumayag ito. Siguradong malulungkot siya kapag hindi.
Napabuntong hininga ito. "S-Sige, basta galingan mo at... huwag kang iiyak."
Biglang napatingin si Wenggay kay Zeke. Kumabog ang dibdib niya nang makitang lumambot ang mukha nito at mga mata habang nakatitig sa kanya!
Dahil sa tuwa, niyakap ni Wenggay si Zeke at inulan sila ng kantyaw! Mukhang nabigla din ito sa ginawa niya at napatitig sa kanya. Dahil doon ay biglang tumibok ng malakas ang puso niya. Hindi niya maintindihan ang matinding pag-iinit ng pisngi.
Agad na siyang tumakbo pababa at hinabol ang mga ka-team. Bigla siyang nahiya na hindi niya maintindihan! Bakit ganoon? Ang puso niya, iisa lang ang sinasabi? Zeke... Zeke... Zeke... Gusto na niyang mapaungol sa tindi ng t***k ng puso niya! Pakiramdam niya ay mas matindi pa iyon sa paghangang nadarama niya.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
Ganadong tumango si Wenggay sa coach niya sa track and field matapos itong magbilin. Nakita na niya si Zeke na nasa bleachers ng athletic bowl. Wala na siyang dahilan para magalala pa. Kasama nito si Zander at nakita rin niya si Jenny sa hindi kalayuan. Alam niyang sinundan din nito ang crush. Natawa na lang si Wenggay nang mahina dahil kumaway pa si Jenny sa kanya at nag-thumbs up.
Ipinagpatuloy ni Wenggay ang stretching ng tuhod at paa. Kahit nakapaglaro na siya ng umaga ay kailangan pa rin niyang ikondisyon iyon sa pagtakbo.
Ilang sandali pa ay pina-puwesto na sila at pumorma para sa isang mananakbo. Nang marinig niya ang pagputok ng starting gun ay kumaripas na siya ng takbo. Sinunod niya ang lahat ng bilin ng coach hanggang sa makarating sa finish line. Siya ang nanalo!
Tuwang niyakap siya ng ilang kasamahan at s'yempre pa, kinindatan niya si Zeke na nakatayo na sa bleachers at pumapalakpak. Kahit napagod siya sa layo ng tinakbo ay okay lang. Nawala na ang lahat ng pagod niya ng makita itong mukhang proud sa kanya. Parang may kung anong init siyang naramdaman ng mga sandaling iyon habang tinitingnan ito na ganoon ang pagkakatingin sa kanya. Magaan iyon sa puso at doon niya napagtanto na dito lang niya puwedeng maramdaman ang kaiga-igayang pakiramdam na iyon.
Ilang sandali pa ay pinagpahinga na si Wenggay ng coach. Nang makitang nakagayak na sina Zeke ay lumapit siya upang magpasalamat na rin dahil pinagbigyan siya nito.
"Salamat at nagpunta ka," aniya kay Zeke. Sigurado si Wenggay na kumukutikutitap pa ang mga mata niya kakatitig dito. Bagong ligo na ito at ang bango! Parang ayaw niya tuloy tumabi rito dahil maging siya ay naamoy na ang sarili. Amoy madirigma! Yikes! Nakakahiya!
"Hello kuya Zander," bati niya sa kasama nito at ngumiti. Tuwang ginulo nito ang buhok niya. Okay lang sa kanya na tawagin itong kuya dahil hindi naman niya ito crush. Si Zeke lang ang exception dahil ito ang magiging boyfriend niya balang araw.
"Ang galing mo, ah!" ani Zander. "Huwag mong sabihing may laban ka pa?"
Tumango si Wenggay. "Long jump," aniya saka tinuro ang lugar kung saan gaganapin.
Napahagalpak ng tawa si Zander. Tuwang-tuwa talaga ito sa kanya. "Talentado ka pala. Ano'ng pangalan mo? Anak ka ni Sir Brillantes, 'di ba?"
Napangiwi si Wenggay. Ilang beses na siyang nagpapa-cute kay Zeke pero hindi pa rin nito alam ang pangalan niya. Isa pa iyong trademark sa kanya: ang anak ni Sir Brillantes. Hindi naman niya iyon kinaasar dahil totoo namang anak siya nito. Gayunpaman, kahit anak siya ng isang teacher ay nakagawa naman siya ng sariling pangalan para sa sarili lalo na sa larangang sports. Sa academics naman ay hindi rin naman siya pahuhuli.
Napalabi siya. "Wenggay ang pangalan ko. Anak ako ng mommy ko. Hindi naman nanganganak si daddy, eh..." mahinang sagot niya at nabigla na lang ng pati si Zeke ay humagalpak ng tawa.
Napatanga si Wenggay rito. Parang huminto na naman ang paligid at pakiramdam niya, sila lang dalawa. Ang guwapong tawa ni Zeke at dimples ang salarin. Pakiramdam niya ay nasa loob na sila ng simbahan at naka-wedding gown siya!
Naipilig ni Wenggay ang ulo. Naku! Wedding gown? Bakit naisipan niya ang kasal? Natuturete na naman ang kukote niya at kung anu-anong pangarap ang nililikha ng isip dahil sa pagtawa ni Zeke! Ang hirap kasing hindi iyon gawin dahil ang guwapo nito! Nakakalaglag ng puso! Lahat na yata ng puwedeng malaglag sa kanya, nalaglag na!
"Oo, nga naman." anito saka tatawa-tawang ginulo ang buhok niya. "Talented ka pala. Galingan mo palagi, ha? I can't stay any longer. My brother is waiting outside, okay?"
Hindi niya alam kung maiinis o ano sa ginawi nito. Tinap ang ulo niya ng parang aso? Nakakainis kapag ito pala ang gumawa noon! Pero bakit ganoon? Parang bumait ito? Hmm... At bakit ganoon? Kahit nainis siya, parang hindi iyon sagad? Ang lambing ng salita nito na talagang ginu-good luck siya. Nakatangang napatango na lang siya rito.
"Oo nga pala," anito saka kinuha ang pink na thumbler sa bag. Puno iyon ng tubig saka binigay sa kanya. Nakita rin niya na minsan na may blue na thumbler ito na ginagamit. Wow naman! Pair pa yata sila! "Baka ma-dehydrate ka. Tubig ng tubig, ha? Pahinga ka rin."
Napatanga si Wenggay. "Concern ka talaga..." hindi makahumang bulong niya.
Natawa ito at lalo siyang lumutang! For the first time, nakikita niyang hindi ito inis sa kanya! Huwaw! Nakakaturete to the tenth power! "Oo na. Concern na kung concern. Mauuna na talaga kami,"
Kilig na kilig siyang napaupo at nangalumbaba. Nagkasya na lang siya sa pagmamasid dito habang naglalakad ito papalayo.
"Uy, nakita ko 'yon! Naiingit ako!" kilig na untag ni Jenny at tumabi ng upo. Kilig na kilig din itong tumingin sa dalawang lalaking papalayo.
"Concern siya, Jenny... Bakit ganoon? Ang sakit ng dibdib ko..." Wala sa sariling hinawakan niya iyon dahil ramdam niya ang matinding pagwawala ng kanyang heart!
Natawa ito ng malakas. "In love ka lang," anito saka siya siniko. "Dapat sagutin na nila tayo bago tayo mag-first year. Para pagtuntong natin ng high school, boyfriend na natin sila,"
Tumango si Wenggay. Kailangan matupad ang lahat. Ngayon pa na nakamamatay ang pagtibok ng puso niya para sa lalaki? Kailangan na niyang bigyang katuparan ang lahat!