Nang makarating si May sa kanilang silid ay may ilang kamag-aral na siyang naroroon. Karamihan sa kanila ay palakad-lakad, samantala ang iba naman ay kanya-kanya ng kwentuhan kaya tila hindi nila napansin ang kanyang pagdating. Subalit nang makaupo siya sa kanyang upuan ay ilang beses siyang sinulyapan ng kanyang mga kaklase.
"Bakit kaya gano'n?" aniya sa sarili dahil kanina pa niya napapansin na tila siya ang pinag-uusapan ng mga tao sa kanyang paligid. Mula sa ibaba hanggang dito sa loob ng kanilang silid. Napansin din niyang malungkot ang kanyang guro sa Physics nang makasalubong niya ito kanina sa hagdanan.
"Bakit ba nila ako pinag-uusapan?" aniya muli habang nakatingin sa kanyang mga kaklase, "Porke ba um-absent ako kahapon, gano'n na lang 'yon?" inis pa niyang bulong sa kanyang sarili.
Saglit na nawala ang kanyang pag-aaalala nang makita na niya si Princess. Napansin din niyang malungkot ito habang dahan-dahang lumalapit sa kanyang kinauupuan.
"'Cess, bakit malungkot ka?"
"May…" mahinang sagot sa kanya ni Princess. Tinitigan pa siya sa mga mata kaya napansin niyang mukhang may malaking problemang gumugulo sa isip nito, "May nangyari e,---"
"Ano ba'ng gumugulo sa 'yo? Sabihin mo na." Pero pinutol na niya sasabihin ni Princess nang maisip niyang ito na ang pagkakataon upang siya naman ang dumamay sa kanyang matalik na kaibigan.
"Ah, kasi May. May nangyari kay Dino..." Ikinagulat niya ang naging sagot ni Princess.
"Ano'ng nangyari sa kanya?!" Hindi niya naiwasang maging emosyal nang marinig ang pangalan ni Dino. Kay bilis na tumulo ang kanyang mga luha kahit hindi pa niya nalalaman ang totoong nangyari.
"Naglayas siya kahapon pa. Nagpunta nga rito sa room 'yong parents niya e'. Hinahanap ka..." paliwanag pa ni Princess habang pinupunasan ang mga luha niya.
"Bakit daw?"
"Akala kasi nila kasama ka ni Dino nang umalis siya."
"Hindi ah. Bakit naman siya maglalayas?" katwiran niya dahil hindi pa rin siya makapaniwalang magagawang maglayas ni Dino. "Pero kagabi nag-text pa siya sa akin, para sabihing mahal na mahal niya ako."
"Hindi rin nga alam ng Mama at Papa niya kung bakit e'."
"Ba't 'di niya sinabi sa 'kin na aalis pala siya? Kaya pala text ako ng text 'di siya nagre-reply kasi umalis na pala siya." Hindi na niya inisip pa ang sasabihin ng kanyang mga kaklases dahil sa lakas ng kanyang pag-iyak. Hindi niya maiwasang sumama ang loob dahil sa pag-iwan sa kanya ni Dino.
"May, 'wag kang magalit sa kanya," pang-aalo sa kanya ni Princess.
"Sana isinama niya ako!" Hindi na niya naitago pa ang sama ng loob.
"Baka malayo ang pupuntahan niya kaya 'di ka niya isinama," sabi muli ni Princess na pilit pinalulubag ang kanyang loob, "Ayaw ka niyang mahirapan. Saka tiyak hahanapin ka ng mga parents mo," paliwanag pa nito.
"Kahit saan naman kami makarating ay sasama ako sa kanya. Kahit mahirap kakayanin ko basta kasama ko lang siya," katwiran niya.
"Ano ka ba, 'wag mo'ng sabihin 'yan," saway sa kanya ni Princess, "Babalik din si Dino 'no. Baka may tampo lang 'yong sa parents niya," pangaral pa sa kanya nito.
Naiintindihan naman niya ang mga paliwanag ni Princess ngunit hindi maalis sa isip niya ang totoong dahilan ng pag-alis ni Dino. Hindi man lang kasi nito sinabi sa kanya ang tungkol doon, na siya dapat ang unang makakaalam. Isa pa kung nalaman lang niya ng maaga ang balak ni Dino, maaaring napigilan pa niya ito.
"Bakit ngayon pa siya umalis kung kailan nalaman na ni Mommy ang relasyon namin?"
Lalong sumama ang kanyang loob ng maalala niya ang mga nangyari kahapon. Nagkapatong-patong na ang kanyang mga problema kaya hindi na niya alam ang gagawin ngayon.
"May, tama na," bulong sa kanya ni Princess nang mapansin nitong parating na ang kanilang guro sa Araling Panlipunan, na si Gng. Villanueva. "Maniwala ka, babalik din siya."
Napilitan na siyang umayos nang pagkakaupo dahil sa kanyang narinig. Mabilis niyang pinunasan ang kanyang mga luha kahit pa alam niyang ano mang sandali ay babagsak na naman ang mga ito kapag naisip niya si Dino.
Buong klase niya ay wala sa kanyang sarili si May. Naririnig man niya ang mga itinuturo ng kanyang mga guro pero hindi naman niya naiintindihan ang mga iyon. Napatutulala pa siya kung minsan dahil talaga hindi niya maitago pa ang kanyang totoong nararamdaman. Kaya nang hindi na niya makayanan ay patakbo niyang nilisan ang kanilang silid-aralan.
--------------------------------------------------------------------------------------------
"'MA, kumain muna kayo mamaya pa darating 'yong school bus nila," ani Darius sa kanyang ina habang inaabutan niya ito ng nabili niyang tinapay at softdrinks sa kinaroroonan nilang maliit na tindahan.
"Salamat, anak," tugon ni Lerma na namumutla na sa gutom.
Kanina pa sila naroroon sa sakayan ng traysikel papasok sa St. Therese Homes. Marami na ring estudyante ang nakita nilang pumasok sa loob ng subdivision ngunit hindi pa rin nila makita ang school bus ni May. Sa pagkakaalam ni Lerma ay ganap na alas-syete ng gabi ang uwian ng mga panghapong estudyante sa Caloocan High School, pero mag-aalas syete y media na.
"Parating na 'yong service nila." Nabitawan niya ang iinom niyang softdrinks nang makita niya sa 'di kalayuan ang paparating na sasakyan.
"Paparahin ko po 'pag tumapat dito," mungkahi ni Darius, sabay tapon ng kanyang pinagkainan para makalapit na sa kalsada. Agad niyang pinara ang bus na huminto naman sa harap ng gate ng subdivision. Kaya bumaba ang matandang drayber nito upang kausapin silang mag-ina.
"Boy, bakit mo kami pinara?" tanong nito.
"Manong, may hinahanap po kasi kami e…" si Lerma na ang sumagot.
"Isang babaeng estudyante po na sakay ninyo, May Rain del Rosario po ang pangalan," dagdag pa ni Darius.
"Bakit naman po?" Tila nagdududang tanong ng matanda, "Ano bang kailangan ninyo sa kanya?" tanong pa niya habang kumakamot sa kanyang ulo.
"Kasi po 'tay, nawawala po ang aking anak at baka po may alam si May kung saan siya maaaring pumunta," paliwanag ni Lerma habang tinititigan ang mga mata ng matanda upang maunawaan nito na totoo ang kanyang sinasabi.
Tila nagdalawang-isip ang matandang drayber kung papayag ba siya sa nais ng kanyang mga kausap. Sa kanya ipinagkatiwala ang mga batang sakay niya. Kung may mangyaring masama sa kanila ay pananagutan niya.
Pero nang mapansin niya ang di maitagong kalungkutan sa mga mata ni Lerma ay nagbago ang kanyang mga naisip. "O, sige hija pero sandali lang a'," nakangiti niyang sagot kay Lerma.
Samantala, sa loob ng bus nagkagulo ang mga estudyanteng sakay nito dahil sa biglaang paghinto ng kanilang sasakyan.
"Ba't tayo huminto, guys?" usisa ng isang matabang dalagita sa mga kasama.
"Mukhang may kinakausap si Mang Dolfo," ani naman ng isa pang babaeng estudyante.
"Uy, nandyan na sila," saway ng isang binatilyo sa kanilang dalawa kaya agad silang nagsibalik sa kani-kanilang upuan.
"Mga bata ang mga taong ito ay may hinahanap lang," bungad sa kanila ni Mang Dolfo.
"Princess!" sigaw ni Lerma nang makita si Princess sa pinakadulo ng bus. Natutulog yata siya habang nakikinig sa kanyang I-Pod. Dali-daling niyang nilapitan si Princess kaya takang-takang napatingin sa kanya ang iba pang mga estudyante.
"Tita Lerma…" ani Princess nang makita siya, "Bakit po kayo nandito?" agad nitong inalis ang mga earphone sa tainga upang marinig sasabihin niya.
"Hija, nasa'n si May?"
"Wala po siya dito e', 'di po nakasabay kasi sinundo ng Mommy niya kanina," sagot sa kanya ni Princess.
"Ganon ba…" Nagbugtung-hininga na lamang siya dahil sa kanyang mga narinig. "Iatanong ko sana kung may alam siyang na p’wedeng puntahan ni Dino."
"'Yon po ba?"
"Bakit?"
"Kasi po nasabi sa 'kin ni May na wala raw po siyang alam sa paglalayas ni Dino. Sa katunayan po kanina niya lang nalaman sa 'kin na nawawala ang inyong anak," paliwanag pa ni Princess sa kanyang mga nalalaman.
"Ha? Wala rin pala siyang kaalam-alam sa nangyari."
"Opo, Tita."
"Sige hija, pakisabi na lang sa kanya na 'wag siyang mag-aalala dahil magkikita rin sila uli ni Dino."
Nagbugtong-hininga muli siya, "Alam ko'ng babalik din siya."
"Opo, sasabihin ko kay May…"
"Mauna na kami sa 'yo, Princess," pamamaalam niya.
"Salamat sa 'yo 'a," sabi naman ni Darius kay Princess habang inaalayan naman siya sa pagbaba.
"Salamat din po sa inyo, Mang Dolfo," baling din niya sa drayber bago tuluyang bumaba ng bus.
"Walang ano man 'yon," tugon nito.
"Sige mag-ingat kayo sa pag-uwi..." malugod pa nitong habilin sa kanilang mag-ina.
Habang nasa byahe pauwi ay nanghihinayang pa rin si Lerma sa mga nangyari. Buong araw silang naghanap kay Dino pero 'yong isa sa mga naisip nilang makakatulong sa paghahanap ay wala ring pa lang maitutulong. Pero kahit hindi niya nakausap si May, alam niyang nasasaktan din ito dahil sa paglalayas ni Dino. Hindi man niya alam ang totoong dahilan ng pag-alis nito ay naniniwala siyang babalik ang kanyang anak.
--------------------------------------------------------------------------------------------
"MAY, starting tomorrow, si Harry na ang maghahatid-sundo sa 'yo sa school," paliwanag ni Donya Kate kay May na kanina pa tahimik simula nang umalis sila ng Caloocan High School. Pauwi na sila ngayon sa kanilang bahay galing sa mall pero hindi pa rin umiimik ang kanyang anak. Napansin din niyang nakatulala lang ito sa hawak nito na isang pulang papel.
"Harry, pagkahatid mo sa kanya ay pupunta naman tayo sa spa, okay?"
"Opo, Mam Kate," sagot agad ng kanilang drayber. Hindi niya matiis na makitang nagkakaganoon si May kaya nag-usisa na siya.
"Is this about your phone?" Iyon agad ang naisip niyang dahilan kung bakit nagmumokmok ang kanyang anak.
"No, Mom…" maikling sagot ni May matapos nitong itiklop ang pulang papel at isinilid sa bag nito.
Maybe si Dino ang dahilan ng kalungkutan niya, aniya sa sarili nang maisip niya ang kanyang ginawang p*******t kay May.
"Okay lang po ako, matutulog po muna ako," sabi pa ni May kaya hindi na siya nakapagsalita pa.
Hindi na siya pinansin pa nito kaya napatunayan niyang nagtatampo pa rin ito sa kanya. Akala niya mawawala ang tampo ni May kung ibibili niya ng mga bagong damit at gadgets pero nagkamali pala siya ng pagkakakilala sa kanyang anak.
Kanina pa rin niya napapansing namamaga ang mga mata nito kaya nagsisi siya sa kanyang nagawa. Ayaw naman niyang maging istrikto kay May pero kailangan niyang gawin iyon. Hindi naman niya mapapayagang isang mahirap na gaya ni Dino ang mapangasawa ng kanyang anak. Mahirap ang buhay ngayon kaya kahit anong sipag at tiyaga mo ay wala rin maitutulong kung wala kang mahahanap na magandang trabaho, kung saan kikita ka ng malaking halaga. Kaya anong ipapakain ni Dino kay May kung pareho pa silang nag-aaral?
Isa pa maraming kompanya ang nagnanais na magkaroon ng mga empleyadong magaling at may mataas na pinag-aralan, na malabong taglayin ni Dino. Isa pang dahilan niya ay nararapat lamang sa tulad nilang mayaman ay mayaman din. Nang sa ganon ay lalo pang lumawak ang kani-kanilang mga negosyo at pagmamay-ari. Kaya ang binatilyong anak ng kasosyo nila sa negosyo ang pilit niyang inirereto kay May.
"Ma'm nandito na po tayo," ani Mang Harry nang makarating sila sa harap ng mansion ng Del Rosario. Agad itong bumusina para malaman ng mga katulong na naroon na sila. Nang sila ay makapasok na sa garahe ay agad na bumaba si May sa kotse. Patakbo itong pumasok sa loob ng bahay dala ang bag nito. Kaya siya na lamanng ang pinagbuksan ni Mang Harry ng pinto ng kotse. Sinalubong na rin sila ng mga katulong na isa-isang kinuha ang kanilang mga pinamili.
Itutuloy...
©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro