“I can’t believe that there’s someone who can love me with sincerity,”
Naalimpungatan ako mula sa sinag ng araw.
Ang pinaka-ayaw ko sa umaga ay ang tunog ng alarm clock ng kapitbahay. Akala ko sa school lang may chismosa, pati rin pala rito ay mayroon. Nagising na rin si Marco dahil sa ingay. Sabado ngayon kaya walang pasok pero 6.15am pa lang dilat na mga mata ko.
Napuyat ako dahil hindi naman pag-aaral ang ginawa namin kung hindi ang panonood ng mga movies sa laptop ni Marco.
Marami kaming pagkakamukha kaya siguro gano’n na lang ang loob ko sa kanya.
“Good morning,” bati niya habang nakadukmok ang mukha sa unan ko. Grabe talaga ang isang ito, walang arte sa katawan kaya pati pinaglalawayan ko, pilit niyang inaamoy.
“Walang good sa morning,” nakabusangot na naman ang mukha ko sa inis. Natawa naman siya at hinagis ang isang unan sa mukha ko.
“Ganiyan ba talaga kapag inlove? Bitter” pang-iinis niya. Bigla kong naalala na ang dami ko pa lang kung anu-anong nakuwento sa kanya tungkol kay Timothy.
“Oh wala ka nang maalala?” dagdag pa niya na habang hawak ang tiyan sa pagtawa.
“Tsk,”
Tumayo na ako at niligpit ang higaan. Kagabi ay hindi rin ako makatulog ng maayos dahil sa pang-aasar niya at hinihitak ang kumot ko. Nahihirapan pa naman ako ay matulog ng walang kumot. Bakit ba kasi naikuwento ko pa sa kanya iyon.
“Sino ba kasi si TS? Talk s**t kasi naghost ka niya?” dagdag pa niya na dahilan para mapasigaw ako. “Timothy Sebastian!”
Hindi ko alam kung tama ba ang ginawa ko dahil nag-iba ang ekspresyon ng mukha niya. Tumayo na siya at nagligpit ng higaan. Bago pa man lumabas ay bumulong siya.
“Your secret is safe with me,” sabay kindat.
Naghilamos na muna ako bago lumabas at si Tiya Marie ay abala sa paghahanda ng mga ititinda. Nagtimpla na muna ako ng kape at pinagtimpla ko na rin ang aming bwisita na nakangisi kapag titignan ako.
“Tiya wala kaming papasok. Sama na lang ako sa iyo sa karendirya,” boluntaryo kong sabi at agad nagpalit ng damit. Hindi ko alam kung matatawa ba ako o hindi dahil kasama naamin si Marco na unang beses pa lang pupunta sa bayan. Kung kanina ay inaasar niya ako, siya naman ngayon ang naaasar sa akin.
Pagdating namin doon ay matao na rin dahil umaga talaga nagsisimulang mamili ang mga customer. Hindi pa man nabubukas ang pinto ay may mga bumibili na kay Marco este sa paninda namin. Pwede kayang isama sa Menu na wampipti per hour sa oras ni Marco?
“Oyy sis, sinong boylet iyan?” tanong ng baklang si Jose sa umaga at Jesibel sa gabi na kasama namin dito sa karendirya habang nakanguso kay Marco na abala sa pagpupunas ng lamesa.
“Naku Sis walang gf iyan, pwede na sa iyo,” malakas kong pang-aasar para marinig ni Marco. Grabe ang sama ng tingin niya sa akin, kulang na lang ay sugurin ako tulad ng ginagawa ng mga bully sa school.
Bandang tanghali nagsimula na akong mag-urong. Hindi ko alam kung ano nangyayari sa loob at ang ingay. Pumasok si Jesibel sa stock ng mga gulay at natatawa.
“Anong nagyayari?” taka kong tanong. Imbis na sumagot ay tinuro niya yung bintana. Naghugas na muna ako ng kamay bago lumabas at talagang nagulantang ako sa daming pila ng mga kababaihan ang bumibili.
Tinignan ko si Marco na nagbubuhat ng mga ibinabagsak na gulay at tumutulong din sa pagserve ng mga ulam sa may order. Natingin pa ito sa akin at ngumiti.
“Kyah magkano ka?” pang-aasar kong tanong habang ginagaya ang boses ng mga baklang naglipana dito dahil sa kanya.
“Libre na lang para sa magandang binibini,” sagot pa niya na lalong nagpalakas ng tawa ko. Iyan na iyan kasi mismo sinagot niya at ang kadugtong no’n ay talagang nagpasakit ng tiyan ko.
“Kaso wala ka sa mga katangiang iyan kaya babayaran mo ng doble,” dugtong niya at nagtawanan naman ang mga nakarinig.
Mabuti na lang at wala si Tiya Marie. Hindi pa nila masyadong alam ang kalokohan ni Marco. Naging masaya ang palengke dahil sa aming bwisitang mabenta sa bakla.
“Happy ka na?” biglang seryoso niya noong makita akong namumula kakahagkapak ng tawa. “Super happy,” sagot ko naman sa kanya.
Muling nagring ang cellphone niya at agad naman niyang sinagot. Maya-maya pa ay nagpaalam na siyang kailangan na umalis dahil pauwi na ang kanyang ama.
Kinuha nito ang cellphone number ko at agad na rin umalis. Nalungkot ang mga mahaharot naming mamimili dahil kahit daw may pagkasuplado si Marco ay bawi naman sa mukha.
“Naku Sis ha, baka naman boylet mo iyan at ayaw mo lang umamin,” kalabit sa akin ni Jesibel.
“Mas malabo pa iyan sa sabaw ng tinumis Joselito,” sagot ko habang matigas na binanggit ang pangalan niya sa dulo.
“Huwag akech. Ika nga nila, love is undefined. Huwag kang bitter mode,”
Umandar na naman ang pagiging marupok nito kaya palaging iniiwan eh. Iniwan ko na siya at pumunta na ako sa gulayan para magbantay dahil ayaw manahimik ni Jesibel sa kusina.
“Pabili po ate, magkano yung tindera?”
Natigilan ako kung kaninong pamilyar na boses iyon. Pag-angat ko ng sitaw ay si Timothy habang nakangiti sa akin. Hindi nagtagal ay may babaeng lumapit sa kanya at kumapit sa braso nito.
“P-paano mong nalaman ito?” tanong ko at inilihis sa ibang direksyon ang mga mata ko.
“Napadaan lang kami rito at nakita kita. Oo nga pala si Mia, gf ko,” pagpapakilala niya sa kasama at mukha namang mabait.
“Ahh hi, nice to meet you,”
Nagpaalam na ako dahil saktong nakita ko si Jesibel na palapit kaya siya muna ang pagbabantayin ko rito.
Kahit mapang-asar itong si Jesibel, marunong siyang makiramdam at hindi mang-aasar ng harapan. Sinabi kong kaibigan ko lang sila pero hindi ito naniniwala. Napaupo ako sa isang bakanteng upuan at inuntog ang ulo sa lamesa.
Bakit ang gulo ni tadhana, bakit kailangan pa sa akin ipamukhang hindi na dapat umasa pa ang mga tulad kong salot kung ituring ng mundo?