CHAPTER 4

2638 Words
“I want to be special like a princess even I am just a beast that makes them laugh,”   Maaga ako ngayon papasok dahil may usapan kami ni Marco na sabay mag-aaral dahil may mga quiz kami at may hindi siya maintindihan. Pumunta ako ng room pero wala siya. May nakita akong nakadikit sa upuan ko at mukhang sa kanya galing. Agad kong ibinaba yung bag ko at pumunta na sa likod ng garden, dito lang kasi ang tahimik talagang lugar at tanging mga gustong magbasa lang ang nandito. Nakita ko siya na parang may binabasa pa rin sa phone. Noong makita niya ako ay agad din niya itong itinago at inabot ang mga librong hawak ko. Tulad ng napag-usapan, tuturuan ko siya kapalit nito ay bibili siya ng mga chips. Hindi ko lang akalain na muntik nito bilhin ang canteen sa sobrang dami niyang dala. Sabi nga nila, pagkain ang pinakamahirap tanggihan sa lahat kaya hindi na ako nag-atubili pa at agad inabot. May mga estudyante nagdadaan habang nakatingin sa amin. “Hayaan mo na sila,” sabi ko noong makitang si Marco na masama ang tingin sa kanila. “Tsk” iyan na lamang ang tangi niyang isinagot bago magtuloy sa pagbabasa ng libro. Mahina ako sa math at ito ang pinaka-kinatatakutan kong subject sa lahat. Hindi ko akalain na ito ang paborito ni Marco kaya napanganga na lang din talaga ako habang itinuturo niya sa akin ang pagsolve ng equations. “Lahat tayo mahusay, hindi lang magkakaparehas sa kung saang bagay,” paliwanag niya. Huli ko na maisip na ubos ko na mga dinala niyang pagkain at hindi na ako sa kanya nakikinig. Tumawa siya at kumuha ng panyo, pinunasan nito ang labi ko. “T-tara na,” aya ko sa kanya dahil tumunog na rin yung bell. Unang tapak ko pa lang sa room, ang inosente ng mukha nitong mga kasumpa-sumpa kong kaklase at siguradong may ginawa na naman silang kalokohan. Pumunta na akong upuan at biglang… “Crckkkkkk” tunog ng upuan kong tanggal ang isang paa. Napasalampak ako sa lupa at hindi ako makatayo dahil masyado masakit ang pagkakabagsak ko sa sahig. “Pat,” tawag sa akin ni Marco at tinulungan akong tumayo. Mukha lang siyang naghihitak ng balyena sa dagat kaya inalis ko na ang kamay niya at pinilit kong tumayo. Nakakainis talaga ang mga kaklase kong mukhang mga unggoy. Pagkatayo ko, talaga naman tinamaan ako ng suwerte dahil naramdaman ko na naman yung sakit at nawalan ng balanse. Hinihintay na lang muling matumba sa matigas na sahig pero bakit hindi ata sahig ang nabagsakan ko. Dahan-dahan akong dumilat at nakita ko si Marco na ngayon ay namamalipit sa sakit. “S-sorry,” May kung anu-anong bulungan pa akala mo naman hindi naririnig. Kulang na lang talaga ay isigaw ko sa kanilang medyo hinaan kasi masakit sa tainga. “Tulungan niyo si Marco baka hindi makahinga” “Kawawa naman, dinaganan ng dambuhala,” At tulad ng inaasahan, siya lang ang tinulungan ng lahat na makatayo. Kinuha ko na yung bag ko at lumabas ng room. Masyado na akong napapahiya, pati si Marco ay nadadamay na rin sa kamalasan ko. - “Oh Pat, bakit ang aga mo umuwi?” tanong ni Tiya Marie. Hindi pa kasi nagsisimula ang first subject namin ay umalis na ako. Gusto ko na magpalipat ng ibang school pero paano ko sasabihin sa kanila? Sinabi ko na lang masama ang pakiramdam ko at agad na akong umakyat ng kuwarto. Mas masaya pa sa probinsiya, kahit mahirap ang buhay ay masaya kaming magkakasama. Kinuha ko na ang notebook ko sa ilalim ng kama para ituloy ang sinusulat kong nobela. Simula pa lang noong bata ako, tampulan na ako ng pangungutya mula sa ibang tao. Ang tanong ko lang, mahalaga ba ang panlabas na anyo para matanggap ka? Ang lahat ng saloobin ko, dito nakasulat lahat. Isa sa pinakapaborito kong nobela na naisulat ay “The Blue Sea” para sa mga taong nawalan ng pag-asa sa buhay. Gusto kong sumulat ng kuwento, yung makatutulong para magkaroon ng dahilan ang mambabasa para magpatuloy sa buhay kahit ang gulo ng mundo. Kung minsan kasi, maging ako ay nakalilimutan ko na rin ang dahilan kung bakit kailangan natin patuloy na maging matatag sa mundong hindi tayo maintindihan. Sa bawat isinusulat ko ay may natatagong kuwento at totoo ang sabi nila, hindi ka makapagsusulat ng walang inspirasyon. Sa bawat salitang ginagamit ko, gusto kong maramdaman nila ang emosyon. Matapos ko sumulat ng ibang pahina ay pumunta na akong computer shop para itype at ipost sa w*****d. Nakatutuwa lang dahil maraming nagkokomento at dumarami na rin ang sumusubaybay ng isinusulat ko. Gusto kong itago ang tunay kong katauhan sa ngalan ni “Percivax” na ang ibig sabihin ay determinasyon. Nag-update ako ng dalawang chapter at pumunta ako sa ibang hiring na trabaho. Nahihiya na talaga ako kila Tiya Marie na manghingi ng pera at gusto ko rin makatulong na mapag-aral ang kong nakababatang bagamat wala sa akin tumatanggap. Grade 12 na rin ako sa susunod na taon, konting tiis na lang at maiaahon ko na sila nanay sa kahirapan. “Saan ka galing Pat?” Nag-aalalang tanong ni Tiya Marie pagkamano ko sa kanya. Ilang oras din pala akong nawala at hindi ako nakapagpaalam, wala kasi siya kanina. “Pasensiya na Tiya, hindi ako nakapagsabi sa’yong may ginawa akong asignatura,” palusot ko. Tumango na lang siya bilang sagot at nagtuloy na sa binuburda. Hindi pa man ako pumapasok ng kuwarto ay muli siyang nagsalita. “Kanina nga pala ay may lalaking nagtatanong kung nandito ka,” Taka ko namang tinignan si Tiya Marie. “Sino daw po Tiya?” Napakamot naman ng ulo si Tiya Marie at hindi daw niya maalala ang pangalan. Siguro ay si Timothy, siya lang naman kasi nakakaalam ng bahay na ito. Pagkapalit ko ng damit, agad akong lumabas para isulong ang mga sinampay. Malakas ang hangin kanina at hindi nga ako nagkamali, masyado malakas ang ulan. Mabuti na lang at hindi nagbukas ng karinderya si Tiya sa bayan, mahirap kasi umuwi at maputik kung dadaan pa siya ng ilog. Mahal ang pamasahe rito sa Maynila kung ikukumpara sa probinsiya ngunit hindi ko maitatanggi, maganda ang mga pasilidad dito at halatang karamihan ay mayayaman. Hindi pa man ako nakapapasok ay nakita ko si Marco na basang-basa. Agad kong binuksan yung gate para papasukin siya. Kumuha akong tuwalya at extra damit. Lahat naman ng damit ko ay kasya sa kanya, ako lang naman ang mahirap makahiram dahil plus size. Sinabi ko kay Tiya Marie na kaklase ko siya at sinabi naman niyang ito nga raw ang bisita namin kanina. “Paano mo nalamang dito ako nakatira?” tanong ko sa kanya habang iniinit ang sabaw sa kaldero. Naghintay ako ng ilang minuto pero hindi pa rin siya sumasagot. Nakita kong nakayuko siya at nanginginig sa lamig. Pagkahawak ko sa ulo niya, masyado mataas ang lagnat niya kaya agad akong kumuha ng bimpo at pinahiga siya sa sala. Hindi ko naman pwedeng pabayaan si Marco na umuwing ganito ang sitwasyon. Nagtanong siya kung pwede dito magpalipas ng gabi. Mabait naman si Tiya Marie kaya’t pumayag. Sa kinis pa lang ng balat, halatang laki sa yaman si Marco. Hindi ko siya pwedeng patulugin sa sala, baka pag-uwi niya ay puro kagat na ng lamok. Sinabi kong siya na ang matulog sa kuwarto ko, ayaw naman nitong magpaiwan. Wala na akong ibang maisip na paraan kung hindi ang sabihin kay Tiya Marie na bakla si Marco at may problemang gustong ikuwento kaya nandito. Mukhang naniwala naman at binigyan ako ng sapin sa sahig at unan.   - Umuwi na si Tiyo Joselito at may dalang mga isda para hapunan. Nagtaka pa siya kung bakit may bisita ako ngunit agad naman niyang naintindihan lalo na at ang itsura ngayon ni Marco ay halos nanghihina. Pinahiga ko siya sa higaan ko at mabuti na lang, bagong laba yung sapin at kumot. “Pasensiya kana rito ah... Nakikitira lang ako kila Tiya para makapag-aral dito sa Maynila,” ani ko habang pinapalitan ng punda yung mga unan. “Ako nga dapat mahiya at dito pa ako magpapalipas ng gabi,” sagot naman niya. “Bakit ka nga pala napunta rito?” pag-iiba ko ng usapan. Hindi pa nga pala niya sinasabi ang dahilan. Kanina tinanong ko siya, hindi naman na nakasagot. “Sinundan kasi kita kanina. Mukhang galit ka sa mundo kaya hindi ako agad nagpakita. Medyo naligaw ako at nakita ko si Tiya mo na napagtanungan ko at dinala ako dito,” tuloy-tuloy niyang kuwento. Naalala ko na naman yung nangyari kanina sa room. May sakit na pala talaga siya tapos dinaganan ko pa. humingi ako ng pasensiya at dumating si Tiya Marie na dala ang sabaw na iniinit ko kanina. Tinulungan ko si Marco na makaupo. Hinihipan ko na muna yung sabaw para hindi siya mapaso, inabot ko na rin yung gamit. Matapos ko magligpit, inilabas ko na yung pinagkainan ni Marco at nakita kong nakangiti sa akin sina Tiya Marie at Tiyo Joselito. Taka ko naman silang tinignan. “Ngayon ay panatag na ang loob naming may kasama ka sa eskwela,” masayang pahayag ni Tiya Marie sa akin habang hinihimas ang ulo ko. “Pero pag-aaral muna ah, siguraduhin mong hindi iyan nanliligaw sa’yo,” paninigurado naman ni Tiyo Joselito at natawa naman ako. Ang hirap naman kasi talagang paniwalaang isang bahaghari si Marco na pinagkakaguluhan ng mga babae. Pumunta na akong kuwarto matapos kumain ng hapunan. Nakita kong natutulog na si Marco at bumaba na rin ang lagnat niya. Nilabhan ko na yung suot niya kaninang uniform para hindi na mag-amoy lumlom. - 5.30AM Sanay na akong gumising ng maaga para matulungan si Tiya na maghiwa ng mga gulay bago pumasok ng eskwelahan. Inayos ko na rin ang uniporme ni Marco para kung sakaling maisipan niyang pumasok. Ang sabi naman sa kanya ni Tiya, ayos lang dito muna siya basta magpaalam sa magulang. Nagluto kami ng adobo, paborito ko sa lahat. Masarap ito sa sinangag at mabilis lutuin kaya ang sabi ni Tiya Marie, ito na ang uunahin niyang lutuin para makapagbaon ako. Nakita kong lumabas na rin si Marco ng kuwarto at binati naman namin siya ng magandang umaga. Tinanong ko kung kumusta siya, mukhang sinat na lang at hindi na gano’n namumutla ang mukha. Naghain na si Tiya Marie at sabay-sabay kaming kumain. “Ang sarap po ng adobo n’yo Tiya,” puri ni Marco sa luto ni Tiya Marie. “Naku hijo, hayaan mo at ipag-uuwi kita para maipatikim mo rin sa mommy mo ang lutong probinsiya,” masayang tugon naman ni Tiya Marie. Biglang lumungkot ang itsura ni Marco, naalala kong wala na pala siyang ina. “Wala na po si mommy, ako na lang ho mag-isa sa bahay dahil wala si daddy lagi,” sagot naman ni Marco. Napansin niyang nakatingin ako sa kanya kaya ngumiti ito sa akin. “Ay gano’n ba, dalasan mo ang punta rito at ipagluluto kita,” masayang aya ni Tiya at mukhang nagustuhan naman ni Marco. “Wala kaming anak kaya noong napunta dito si Pat, labis kami natuwa,” sabat naman ni Tiyo Joselito. “Pwede mo rin kami ituring na magulang,” dagdag pa ni Tiyo. Pagkahanda ng lamesa, sabay-sabay kaming kumain. May inilabas si Tiya Marie ng kare-kare. Nagtaka si Marco kung bakit sa lahat ng nakahanda, ito ang hindi ko kinain. “Allergy sa mani si Pat,” sagot ni Tiya Marie sa nagtatanong na mata ni Marco. Pagkatapos kumain ay gumayak na rin ako. Sabi ni Marco ay kailangan niyang umuwi. Nagulat pa siyang nalabhan ko na ang kanyang uniporme. Ayos lang naman sa akin iyon at itinuturing ko na rin siyang kapatid. Nagpaalam na kami kay Tiya at Tiyo. Ibinigay ko sa kanya ang numero ng aking phone para malaman namin kung nakauwi ba siya ng maayos. Pagkatalikod ko pa lang ay parang nakokonsensiya akong pagbayaan siya kaya’t hinabol ko agad yung taxi at sumakay. Nagtataka akong tinignan ni Marco. “Kailangan ko talagang masiguradong makakauwi ka ng maayos,” saad ko at tinakpan ang bibig niya para hindi na magsalita pa. nagulat ako noong bigla niya akong niyakap. “Salamat Patty, dabest ka talaga,” aniya. Napangiti na lang ako at itinuon ko na ang buo kong atensiyon sa bintana. Pagkarating namin sa isang subdivision, huminto ang taxi sa isang napakalaking bahay. Parang ayaw ko pang bumaba dahil hindi ako makapaniwalang dito nakatira si Marco. Magpapahatid na sana ako kay kuyang driver sa school ngunit ang sabi ni Marco ay sabay na kaming pumasok sa second subject. May kinuha siyang kung anong pindutan at biglang bumukas ang gate. Teka.. nasa palasyo ba ako? Yung parking lot nila, buong bahay na ni Tiya Marie. May tatlong magagarang kotse at sa gilid nito ay may fountain pa. May iba’t-ibang bulaklak at punong may ukit. Napatulala na lang talaga ako habang pinagmamasdan ang labas ng bahay, ano pa kaya kung makapasok ako sa loob? Tinatawag ako ni Marco, hindi ko napansing na sa loob na siya. Agad akong pumunta at naestatwa ako sa nakikita ko ngayon. Hindi ko ito matatawag na bahay dahil may mga hagdang paikot pa. Ang daming mga paintings na nakadikit sa wall at mga antique na collections sa isang glass cabinet. Isa sa mga nakapansin ng atensiyon ko ay mga isdang na sa aquarium. Ang ganda nila at talagang nakakawala ng problema. “Iyan mga alaga ko,” Hindi ko napansin na sa likod ko lang pala si Marco. “Ang mga paintings ay ginuhit ni mommy at mga antiques naman ay collection ni daddy. Dahil hilig ni mommy ang mga obra, siya ang nagdisenyo ng bahay,” paliwanag niya. Mukhang sa malaki o maliit na bagay dito na mabasag ko, kulang ang bahay naming para mabayaran. “Tara,” biglang aya niya sa akin at hinatak na ako papunta sa isang kuwarto. Nanlaki ng husto ang mata ko sa mga nandito. Puro mga libro at lalong hindi kapani-paniwalang ito ay collections niya at ng kanyang ama. Tinignan ko ang ibang libro at lahat ng book season ng Harry Potter ay nandito. “Alam mo ba ang paborito ko ditong libro?” tanong niya habang nakaupo sa isang sofa. “Ano?” nagtataka kong tanong. Kinuha niya ang isang libro ng w*****d. Hindi ko alam kung matatawa ba ako dahil sa dinami-rami ditong libro, hopeless romantic pa yata ang paborito niya sa lahat. Hinagis niya ito sa akin noong mapansing tumatawa ako. “Pero sa mundo ng w*****d, isa ang hindi ko makalimutan,” biglang seryoso niyang wika at abala ako sa pagbabasa ng ibang libro. “Si Percivax,” aniya na nagpahinto sa akin. Paano ko sasabihing ako iyon?   “Bakit?” matipid kong sagot. “May kung anong buhay sa kuwento niya. Basahin mo rin,” wika niya. Patago akong napapangiti kasi ito ang unang beses na may pumuri ng kuwento ko sa personal. May inilabas siyang maliit na notes. Pumunta ako sa sofa para tignan ang mga nakasulat doon. Ang lahat ng mga nakasulat, linya ko sa bawat kabanata ng kuwento. “Hindi ko alam kung bakit walang libro si Percivax kaya isinusulat ko na lang,” Mula sa pinaka una, nandito ang mga aral na natutunan niya sa kuwento.   “Sa gitna ng kadiliman, patuloy kang lumaban,” “hindi perpektong bilog ang mundo, ang lahat ay ganap na imahinasyon at hindi totoo,” “Kung ang kalupaan ang magsilbing tawiran, ang karagatan ang siyang kamatayan,” “Sa bawat pagsubok, huwag matakot sumubok,”   Iyan ang ibang mga nakasulat. Habang binabasa niya ang bawat linya, naalala ko ang mga karanasang puno ng paghiihirap sa aking nakaraan. Gusto kong palakasin ang loob ng iba at hindi nila maranasan ang pakiramdam ng nag-iisa.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD