Kapatid lang
BEATRICE
NASA NAIA AIPORT ngayon si Beatrice. Hinatid siya ng kanyang mga magulang at ni Xander. Hindi pa niya masyadong kabisado ang mga lugar sa lungsod kaya kinakabahan siya.
Sa pag-apak pa lang niya sa naturang paliparan ay bigla siyang kinabahan. Parang gusto na niyang bumalik na lang sila sa bahay nila.
“Darling, mag-iingat ka ro’n, ha? Wala kami ng daddy mo sa ’yong tabi para alagaan ka,” bilin ng mommy niya sa kanya. Tumango siya at niyakap ito nang mahigpit. Ngayon pa lang ay tiyak niyang mami-miss niya ito, pati ang luto at pag-aalaga nito sa kanya ay isa sa mga mami-miss niya.
“Mami-miss ko po ang luto n’yo, Mommy. Huwag na po kaya akong umalis?” Bumitiw ito ng yakap sa kanya at naningkit ang mga mata nito. “Joke lang po! Promise n’yo po na dadalawin n’yo po ako ro’n,” naglalambing niyang sabi. Ngumiti ang mommy niya at tumingin sa daddy niya.
“Syempre, dadalawin ka namin. Hindi ko kaya na ma-miss nang matagal ang napakaganda kong anak.” Humagikgik siya at niyakap uli ito nang mahigpit.
“Ahem! Sis, baka naman kapag nalayo ka e mag-boyfriend ka agad nang hindi namin nalalaman, ha? Pero natitiyak ko namang walang magkakagusto sa ’yo ro’n. Ang pangit mo kaya,” pang-aasar na singit ni Xander sa kanya. Bumitiw siya ng yakap sa mommy niya at tumingin nang masama kay Xander. Nang-aasar na ngumisi lang naman ito sa kanya. Alam niya na kaya ganoon ito ay dahil ayaw nito ng madramang pagpapaalam. Pero sasakyan niya ang kalokohan nito dahil isa ito sa mga mami-miss niya.
“Lagi mo naman akong sinasabihan ng pangit. Naku, kapag ako lalong gumanda, who you ka sa akin!” kunwari ay naiinis niyang sabi rito. Mahangin na kung mahangin. Sabi naman ng iba ay maganda talaga siya.
“Nainis agad. Hindi na mag-iiba ’yan dahil permanente na ang mukha mo. Unless, magparetoke ka?” Bubuka pa sana ang bibig niya para sagutin ang sinabi ni Xander ngunit napatigil siya nang magsalita ang kanilang ama.
“You two, stop fighting! Hanggang dito ba naman?” Napahagikgik sila ng mommy niya, pati si Xander. Dahil hindi alam ng daddy niya na biruan lang iyon.
“Ano ka ba, Honey? Ganyan talaga sila kapag nagbibiruan, masyado ka namang sensitive.”
Napailing sa kanila ang daddy niya at ngumiti sa kanya. Nagkatinginan sila nang tumunog na ang intercom at nagsalita na ang announcer, hudyat na boarding na ng flight niya.
“Oh, Darling, mami-miss kita,” naluluhang sambit ng mommy niya at niyakap na siya nang napakahigpit. Maging siya man ay napaluha na at yumakap pabalik sa mommy niya. Tumingin siya kay Xander na pasimpleng nagpahid ng luha at tumalikod sa kanila.
“Mami-miss ko rin po kayo, Mommy,” madamdamin niyang sambit at hinigpitan pa ang pagkakayakap. Bumitiw sila sa isa’t isa at pinahid ng mommy niya ang kanyang luha na lumalandas sa kanyang pisngi.
“I love you, Darling.” Ngumiti siya rito at tumugon.
“I love you too, Mommy.”
“Bea, panget,” tawag ni Xander sa kanya. Lumapit ito at hinapit siya upang mayakap. “Mami-miss ko ang kapangitan mo, katakawan, ang pagkaiyakin mo.” Hinampas niya ang likod nito dahilan kung bakit ito humalakhak. “Pangako, kapag natapos ko ang ginagawa naming proyekto, pupuntahan kita agad.” Tumango siya at kumalas ng yakap dito.
“Hihintayin ko ’yan, Kuya.” Ngumiti lang ito at ginulo ang buhok niya. Bumaling naman siya sa Daddy niya na nangingilid na rin ang luha. Natatawa siya sa mga ito dahil ito pa ang nagsabing umalis muna siya, pero tila hindi kayang panindigan ng mga ito ang sinabi. Well, kung siya man ang tatanungin ay hindi niya gustong umalis. Bumigat ang hininga niya at nagsisimula nang magtubig ang gilid ng kanyang mga mata. Lumapit siya sa kanyang ama at niyakap uli ito nang mahigpit.
“I love you, Dad. You’re the best dad for me. No one can replace you.” Niyakap din siya nito.
“Thank you, Darling. I love you, too. Basta kapag nagkaproblema ka, tawagan mo lang kami, tiyak na lilipad agad kami papunta sa ’yo. Kahit minsan, hindi ka namin pinadapuan sa lamok, kaya hindi kami mapapanatag kapag may nangyaring masama sa ’yo ro’n.” Ngumiti siya at kumalas sa pagkakayakap dito.
“Huwag po kayong mag-alala, mag-iingat po ako ro’n. Kahit naman po hindi ako sanay na malayo sa inyo, kaya ko naman po ang sarili ko. Ano pa at tinuruan n’yo ako ng self-defense?” nakanguso niyang sabi. Humalakhak ito at hinalikan siya sa noo.
“Oo nga pala. O siya, sige na, pumasok ka na at baka mahuli ka pa sa flight mo.” Tumango siya rito at tumingin muna sa mukha ng mga ito. Ngumiti siya bago hawakan ang handle ng maleta na bibitbitin niya. Kumaway siya at dahan-dahang tumalikod sa mga ito. Ayaw niyang magsabi ng goodbye dahil babalik naman siya.
NAPAHINGA SIYA NANG malalim at nilibot ang tingin sa loob ng eroplano. Hindi niya alam pero para siyang maiihi sa kaba. Nagtataka rin siya kung bakit kakaunti pa lang ang tao sa loob gayong malapit nang umalis ang eroplano.
May nakita siyang flight attendant na papunta sa gawi niya. May bitbit itong tray na may lamang pagkain at juice.
“Good day, Ma’am. Here’s your lunch. Enjoy!” nakangiti nitong wika sa kanya at nilapag ang tray sa automatic desk na nakakonektado sa sandalan ng upuan.
“Pero hindi pa ako nagugutom, Miss,” aniya at tumingin dito.
“Pasensya na po, pero ginagawa ko lang ang aking trabaho. Kailangan n’yo pong kainin ’yan dahil masasayang lang po ito. Sige po, maiwan ko na kayo.” Ngumiti ito bago siya tinalikuran. Napabuga siya ng hangin at walang nagawa kundi kainin ang inihandang pagkain.
Habang busy siya sa pag-ubos ng pagkain ay nagawa niya pa ring pansinin ang paligid. Tanging mga flight attendant at pasaherong nasa unahan lamang ang nandoon. Tanging siya lamang ang nag-iisa sa gawi niya.
Pagkatapos niyang maubos ang kinakain ay ininom niya ang juice at nagpahid ng nguso. Patungo ang babaeng flight attendant sa gawi niya para siguro kuhanin ang tray.
“Miss,” tawag pansin niya rito. Umayos ito ng tayo pagkakuha ng tray na ginamit niya.
“Yes, Ma’am?” nakangiti nitong tugon.
“Matanong ko lang. Bakit kakaunti pa lang ang sakay?” Tumingin muna ang babae sa likod at pagkaraan ay bumaling uli sa kanya at ngumiti.
“Special trip po kasi ito, Ma’am.” Naguluhan siya sa sinabi nito. Anong special trip? Mali ba siya ng nasakyang eroplano? Nabahala naman siya sa naisip. Balak niya sanang magpatulong sa babae nang mapansin niyang wala na ito. Ganoon ba siya katagal sa paglilitanya sa isip at hindi niya namalayang nakaalis na ang babae?
Tumayo siya at balak sana niyang pumunta sa pinasukan ng flight attendant, pero napatigil siya nang makaramdam ng matinding pag-ikot ng paningin. Napahawak siya sa upuan habang sapu-sapo ang noo. Sinubukan pa niyang maglakad at ideretso ang paningin, pero lalo lang tumindi ang pagkahilo niya. Napabitiw siya sa pagkakahawak sa upuan at babagsak na sana siya nang may sumalo sa kanya. Binuhat siya nito at binitbit kung saan. Tinitingnan niya kung sino ito pero malabo na talaga ang paningin niya. Hindi na niya nasundan ang pangyayari nang tuluyan na siyang mawalan ng ulirat.
DIMITRI
NAPANGITI SIYA NANG malapad habang nakaupo sa pang-isahang couch. Para siyang tanga na nakangiti habang sinisimsim ang alak na kanyang hawak-hawak. Naka-dekwatro siya habang tinititigan ang pinakamaganda sa kanyang paningin. Hindi niya inaasahang napakadali lang pala ng lahat, kung gugustuhin niya talaga. Ngayong hawak na niya ang pinakaninanais niya ay hindi na niya hahayaan pang mawala ito sa kanyang paningin.
“Boss.” Natigil siya sa kanyang ginagawang pagtitig nang pukawin ni Oscar ang atensyon niya. Nilingon niya ito na kasalukuyang nasa gawing pinto ng yate. Yes, nasa yate siya ngayon na pagmamay-ari niya mismo. Dahil sa illegal na bagay ay marami na siyang napundar na mga ari-arian. Sabihin na nating ang lahat ng iyon ay dahil sa galing niyang makipag-transaksyon. Hindi rin siya magtatagumpay kung hindi niya ginamitan ng utak at strategy. Kaya masasabi niyang mas angat na siya ngayon sa kanyang ama. Pero nais pa rin niyang magpursige dahil tiyak na marami na siyang pagkakagastusan simula ngayon.
“Bakit? Hindi ba at sinabi ko na huwag n’yo muna akong gagambalain?” mariin niyang tanong, pagkaraan ay tumayo sa inuupuang couch.
“Paumanhin, Boss. Ibabalita ko lang na gusto kayong makausap ni Tenzui, isang drug lord leader na nais makipag-negosasyon sa inyo pagdating natin sa Isla Mariveles.”
“Sabihin mong hindi muna ako pwede ngayon. May mas importante pa akong dapat gawin kaysa ang makipag-usap sa kanya.” Tumango ito, pagkatapos ay umalis na palabas.
Lumapit siya sa pinto at sinara iyon upang wala ng mang-iistorbo sa kanila. Humarap siya sa gawing kama at ngumisi. Lumapit siya roon habang nanatiling nakatingin sa babaeng nakahiga ngayon sa kama. Napakaganda talaga nito kahit sa pagtulog. Kahit anong gulo ng buhok ay namumukadkad pa rin ang ganda nitong taglay. Nilapag niya sa side table ang baso ng alak at saka siya dahan-dahang sumampa sa kama at gumapang palapit sa dalaga.
Nang makalapit siya rito nang tuluyan ay hinawi niya ang mga hibla ng buhok na humaharang sa maganda nitong mukha. Hinaplos niya ang makinis at maamo nitong mukha. Pinagapang niya ang daliri mula sa noo nito hanggang sa kilay na sumasabay sa pagkakunot ng noo. Pinaghiwalay niya iyon at hinaplos. Bumaba naman ang daliri niya sa ilong nito na napakatangos, na bumagay sa mga labi nitong manipis at minsan nang natikman ng kanyang labi.
May kinuha siya sa kanyang bulsa—isang necklace. Isa iyong special na kwintas na pinalagyan niya ng tracking device sa isang kakilala niya sa industriya ng mafia. Kaya niya pinalagyan iyon ay para mas madali niyang mahanap ang laging tumatakas sa kanya na si Bea. Oo, hawak niya ngayon si Beatrice, na tulog na tulog pa rin sa tabi niya. Nilagyan niya kasi ng pampatulog ang ininom nito. Hindi man niya nais na gawin iyon pero wala na siyang maisip na ibang paraan kundi iyon lang. Dahil tiyak na mahihirapan siya kapag gising niya itong dadalhin sa islang nakuha niya mula kay Mr. Lee.
Isinuot niya ang kwintas sa leeg nito at napangiti siya nang bumagay ito sa dalaga. Perfectly suit her. Humiga siya nang maayos at kinuha ang ulo nito para ihiga sa kanyang dibdib. Hinaplos niya ang buhok nito at pinikit ang kanyang mga mata.
Kung gising lamang ngayon si Bea, natitiyak niyang malalaman na nito ang kahinaan niya. Hindi niya iyon nais na ipakita sa dalaga. Lalo at alam niyang sa pag-apak nila sa isla ay kamumuhian siya nito dahil sa kanyang nagawa. Pero sisiguraduhin niyang susunod ito sa kanya. Kung noon ay hindi pa nito nararanasan ang bagsik niya, doon sa isla ay ipararanas niya sa dalaga kung sino si Dimitri Sergio.
Ngumisi siya at niyakap nang mahigpit ang dalaga. Mahigpit na mahigpit. Iyong tipong ayaw na niyang bitiwan pa. Dahil iisipin pa lang niyang hindi ito mapapasakanya ay parang gusto na niyang pumatay. Mababaliw at hindi niya makakayanan iyon.
MALAYO PA LANG ay rinig na rinig na niya ang bungisngis ng isang mahinhin na boses. Alam na niya kung sino iyon.
Bumaba siya ng hagdan habang padaskol niyang sinabit ang bag sa isa niyang balikat. Nakauniporme siya na pang-aral pero hindi nakabutones. Hindi na niya pinagkaabalahang ibutones pa dahil tinatamad siya at aalisin din naman niya iyon mamaya. Dumaan siya sa sala at nakita ang ampon ng daddy niya. Busy ito sa tinitingnang magazine at humahagikgik. Nilapitan niya ito at inagaw ang hawak na bagay.
“Hala! K-Kuya?” Bakas sa mukha nito ang pagkagulat. Inismiran niya ito at tiningnan kung ano ba ang tinitingnan nito. Kumunot ang noo niya nang bumungad ang isang mukha ng lalaki sa magazine na mukhang ewan sa paningin niya.
“Sino ito?!” pagalit niyang tanong. Nagulat siya nang magawang maagaw ni Bea ang magazine na hawak niya.
“Korean actor ito, Kuya. Si Song Joong Ki,” kinikilig na sabi nito.
Inagaw niya uli ang magazine at sinira ito. Peste! Sino ba ito para pagtuunan ng pansin ng babaeng ito? Hindi hamak na mas lamang naman siya rito.
“Ano ba, Kuya?! Huwag mong sirain!” nagsisisigaw nitong pigil sa kanya at pilit inaagaw iyon. Nang ma-satisfied siya at nakitang punit na ang mukha nito ay saka pa lang niya binitiwan ang magazine. Agaran itong pinulot ni Bea at binitbit. Humarap ito sa kanya at umirap bago siya tinalikuran. Ngumisi lang siya at pabagsak na naupo sa sofa. Napatingin siya sa sahig at nakita ang pinunit niyang mukha ng lalaking tinitingnan ni Bea. Inis niyang sinipa iyon na pumaloob sa ilalim ng lamesa.
“Dimitri!” isang sigaw na nagmula sa kanilamg ama na palapit sa gawi niya. Katabi nito si Bea na tiyak na nagsumbong na naman. Bakas sa mata nito ang pag-iyak.
“Ano na naman ito, ha?! Bakit mo pinunit ang magazine ni Bea?” sermon nito. Kinapa niya ang tainga dahil natutulilig siya sa maaga nitong panenermon.
“Bakit kasi binibili n’yo pa ng gano’ng bagay ang ampon n’yo? Nag-aaksaya lang kayo ng pera sa magazine na ’yan,” parang wala lang niyang sabi.
“Aba at talagang nangangatwiran ka pa? Mag-sorry ka sa kapatid mo,” utos nito.
“Kapatid my ass,” asik niya sa isip at tumayo.
“Whatever.” Tinalikuran niya ang mga ito. Sinigawan pa siya ng ama niya pero hindi na niya ito pinansin pa.
Sa school ay pumapasok siya hindi para magsunog ng kilay at makinig sa mga guro na mas alam pa niya ang tinuturo kaysa sa mga ito. Minsan na siyang nag-cutting classes. Pumupuslit siya at nag-o-over the bakod sa likod ng school para puntahan ang lugar kung saan siya nag-e-enjoy.
“Narito ka uli, bata? Ang tigas talaga ng ulo mo, ’no?” sabi ng isang nasa mid-30s na lalaki na puro tattoo sa katawan.
“I’m not here for you, dumbass. Where’s balak?”
“Aba! Bastos ka talagang bata ka! Baka gusto mo—”
“Bitiwan mo siya, Alex! Ako na ang bahala sa kanya,” pagsingit ng isang lalaking may hithit na sigarilyo habang nakasandal sa pintuan ng isang bar. Pinukulan siya ng masamang tingin ni Alex bago ito pumasok sa loob.
“Anong ginagawa mo rito, bata? Hindi ba at sinabi ko nang hindi ka maaari ditto?”
“Gusto kong matutong gumamit ng baril,” walang paligoy-ligoy niyang tugon. Humalakhak ang lalaki at umiling.
“Hindi pa maaari sa ’yo ang gano’ng bagay, bata. Masisisi pa ako dahil tinuruan kita. Huwag na lang.” Akmang papasok na ito nang matigilan ito sa kanyang sinabi.
“Turuan mo ako. Gusto kong mahanap ang taong pumatay sa mama ko. Gusto kong ako mismo ang magbabaon sa kanya sa lupa. Kaya nakikiusap ako, turuan mo akong gumamit ng baril.”
Humarap uli sa kanya ang lalaki at isang naghahamong tingin ang pinukol sa kanya.
“Sigurado ka ba sa gusto mong gawin?” nanghahamon nitong tanong.
“Siguradong-sigurado,” determinado niyang tugon.
Napahinga ito nang malalim. Pagkaraan ay pumayag din.
“Sige, pero ayaw kong may ibang makaalam nito. Dahil oras na idemanda ako ng pamilya mo, ikaw ang babalikan ko.”
“Pangako,” tugon niya.
“Halika, sumunod ka.”
GABI NA NANG pumasok siya sa loob ng mansyon. Tahimik at tila tulog na tulog na ang mga tao. Hindi bago sa kanya iyon dahil lagi naman siyang ginagabi sa pag-uwi.
“Kuya, bakit ngayon ka lang?” Napahinto siya sa paghakbang sa hagdanan nang magsalita si Bea. Hinanap niya kung nasaan iyon dahil madilim. Nakita niya ito sa gilid ng hagdanan at may bitbit na gatas.
“Gabi na,” pagpapatuloy nito.
Hindi niya ito pinansin at dumeretso siya paakyat. Pagdating sa kwarto ay pabagsak siyang nahiga sa kama at nilagay ang kanang braso sa mga mata. Napahinga siya ng malalim nang maramdaman ang bilis ng pintig ng puso niya. Laging ganoon ang sitwasyon kapag nagpapakita ng pag-aalala sa kanya si Bea.
Unang beses niya itong nasilayan noong ipinakilala ito sa kanya ng ama niya. Musmusin at may kalumaan noon ang damit ni Bea, pero hindi maitatanggi na may ganda itong tinataglay, kahit walong taon pa lang ito. Fourteen pa lang siya noon nang makaramdam siya ng kakaiba nang magtama ang kanilang mga mata. Pero isinawalang bahala niya iyon at piniling manahimik. Pero nang magdalaga na ito ay inamin niya sa sariling may pagtingin siya sa kapatid. Pilit niyang iniiwasang mahulog ang loob sa dalaga. Ginawa niya ang lahat ng paraan para maiwasan ito. Pero kahit anong gawin niya ay laging nauuwi sa wala ang lahat. Kaya humingi siya ng pabor sa ama—ang huwag hayaang makalabas ng mansion ang dalaga. Oo, siya ang nagplano noon. Gusto niyang wala itong magustuhang ibang lalaki. Gusto niyang sa kanya lamang ito magkagusto.
Pero alam niyang hindi mangyayari iyon. Dahil kapatid lamang ang turing nito sa kanya.
Kapatid lang. Masakit man pero ayos lang basta’t kasama niya ito.
Copyrights 2016 © MinieMendz
Book Version 2019