ILANG katok ang narinig ni Zasha sa labas ng kanyang kuwarto. Dali-dali naman siyang tumayo at binuksan ang nasa labas.
"Itay.." bigla siyang napangiti ng makita ang ama. Niluwangan niya rin ang pinto upang makapasok ito. Pasilip-silip kasi ito sa loob na para bang may tinitingnan.
"Okay ba sa'yo ang kuwartong ito, anak?" tanong nito at bahagyang pumasok sa loob.
Kaagad naman siyang tumango habang may ngiti sa labi. Kung tutuusin labis-labis pa sa inaasahan niya ang kuwartong mayroon siya ngayon. Sobrang laki at sobrang lawak na parang kuwarto ng isang prinsesa.
Hindi nakakapagtaka kung bakit napaka-sosyal ng kanyang mga kapatid.
"Opo, itay. Sobrang laki nga po. Labis-labis pa ito sa inaasahan ko," buong pag-amin ni Zasha sa sariling ama.
Napansin niya na biglang napangiti ang kanyang ama. Hanggang sa titigan siya nito. "Kulang na kulang pa ito, anak. Ang laki ng pagkukulang ko sa'yo, kaya hayaan mo akong makabawi. Sana anoman ang ibigay ko, huwag mo sana itong tatanggihan," wika nito sa kanya.
Hindi naman siya nakasagot dahil hindi niya alam kung ano pa bang mga ibibigay nito sa kanya?
"Sa susunod na pasukan, makakapasok ka na sa University kung saan nag-aaral ang iyong mga kapatid. Pag-aari pa rin natin ang school na iyon, anak. Kaya wala kang dapat ikabahala. Walang p'wedeng manakit sa'yo roon."
Namangha naman siya.
"Pag-aari mo ang University, itay?" Hindi makapaniwalang bigkas ni Zasha sa sariling ama. Tumatangong napapangiti ang kanyang itay. "Yes, Princess. Ang pag-aari ko na balang araw, mapupunta sa'yo." Bigla namang napalunok si Zasha.
"Hindi naman ako naghahangad ng kahit ano, itay. Makasama lang kita, masaya na ho ako." Ngunit isang iling ang ibinigay nito sa kanya.
"Lagi mong tatandaan na ikaw ang tunay kong anak." Hinaplos pa nito ang mahabang buhok niya. "Lahat ibibigay ko basta ikakasaya mo, anak. Lagi mong tatandaan na ikaw ang tunay na Del Fio." At saka siya nito nginitian habang may buong pagmamahal na nakalarawan sa mga mata nito.
"Kung nasaan man ngayon ang iyong ina, natitiyak kong masayang-masaya siya ngayon dahil nasa mabuti kang kalagayan."
Bigla namang uminit ang magkabilaang sulok ng mga mata ni Zasha. Sobrang namimiss na niya ang kanyang ina, ngunit alam niyang kahit anong gawin niya, 'di na ito babalik pa.
Napansin niya rin ang pagpungay ng mga mata ng kanyang ama. Hanggang isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan nito. "Alam mo bang hanggang ngayon, mahal ko pa rin ang inay, mo anak?"
Gulat na napatitig si Zasha sa sariling ama. Lalong lumungkot ang mukha nito at dumaan ang sakit sa mga mata nito. Pansin niya ring nahirapan itong lumunok.
"Simula nang makilala ko ang inay, mo anak, hindi na nawala ang pagmamahal ko sa kanya. Alam kong kasal ako sa asawa kong si Felistia. Ngunit hindi ko maaaring dayain ang puso ko. Hanggang ngayon, siya pa rin ang nasa puso ko, anak. At sobrang sakit sa akin na hindi ko man lang siya nakita bago.." Bumigat ang paghinga nito. Hanggang sa napayuko ito na parang may pinipigilan.
Bahagya namang lumapit si Zasha sa sariling ama. "Natitiyak ko ring ikaw pa rin ang mahal ni inay, itay. Dahil hindi ka niya pinalitan." Pag-angat ng tingin ng kanyang ama, namumula ang mga mata nito, tanda na pinipigilan nitong mapaiyak.
"Masyadong madamot ang tadhana, anak. Sana binigyan ako ng pagkakataong makita at makasamang muli ang iyong ina." Isang mabigat na buntong-hininga ang pinakawalan nito habang malungkot ang mga mata nito.
Pansin niya rin ang pananamlay nito na para bang nahihirapan talaga itong wala na ang kanyang ina. Aaminin niyang masaya siyang malaman na mahal nito ang kanyang inay.
Hanggang sa tumingin ito sa kanya.
"Pero sa kabila ng pag-iwan niya sa akin, nag-iwan naman siya ng isang napakagandang prinsesa na lagi kong makakasama at magiging dahilan upang lagi ko siyang maaalala." Tinitigan siya nito at binigyan ng mapagmahal na ngiti.
Isang yakap ang ibinigay nito sa kanya. Naramdaman niya rin ang paghalik nito sa tuktok ng kanyang ulo.
"Hindi ko man naibigay ang mga bagay na gusto kong ibigay at iparanas sa iyong ina, anak. Hayaan mong sa'yo ako iyon gawin.."
Nanatiling tahimik si Zasha. Hanggang sa mabagal itong kumalas at muling pinagmasdan ang kanyang kuwarto.
"Kapag may kailangan ka, anak. Sabihin mo kaagad sa akin ha?" Muli nitong hinaplos ang mahabang buhok niya. Isang tango na lang ang itinugon ni Zasha.
"Bukas, pupunta tayo ng Mall. Bilhin mo ang lahat ng magustuhan--"
Nang kaagad siyang napailing.
"May mga gamit pa naman ako, itay. At saka hindi naman ako naghahangad ng mamahaling kagamitan. Hindi ko rin naman kailangan at may --"
"Anak. Sinabi ko naman sa'yo na gusto kong makabawi hindi ba? Ibigay mo na ito sa akin, please? Hindi ako magiging masaya kung ang tunay kong anak, napakasimple ng kasuutan, samantalang ang mga kapatid mo, napaka-elegante."
Napalunok naman si Zasha.
"Pero itay, sanay naman ho ako na simple lang ang isinusuot ko. Hindi ko rin naman gustong magsuot ng mamahalin," mahinang wika niya sa kanyang ama. Lihim pa siyang napakagat-labi at baka biglang magalit ang kanyang ama.
Ngunit isang nakakaunawang tingin ang ibinigay nito sa kanya. "Ang sarap makitang napalaki ka ng iyong ina, na mabuting anak, prinsesa ko."
Sandaling katahimikan.
"Gusto pa rin kitang bilhan, anak. Hayaan mo na ang itay mo. Ito na lang ang magagawa ko upang makabawi sa mga pagkukulang ko sainyong mag-ina. Huwag mo na akong tanggihan," wika nito habang nakikiusap ang mga mata nito.
Doon palang talagang napatunayan ni Zasha na napakabait ng kanyang ama. Hindi nakakapagtaka kung bakit halatang spoiled ang kanyang mga kapatid.
At dahil ayaw naman niyang sumama ang loob nito, napilitan na lamang siya. Biglang sumilay ang ngiti sa mga labi ng kanyang ama.
Isang yakap pa ang ibinigay nito bago nilisan ang kanyang kuwarto. Naiwan naman siyang tulala habang inililibot ang paningin sa kabuuan ng kuwarto. Sobrang lawak at sobrang ganda ng kanyang silid.
Kumpleto lahat. May malaking kama na kahit apat o limang tao, kakasya. May TV rin at may sala rin kahit sa loob ng kuwarto?
May malaking banyo na mas malaki pa sa bahay nila ng kanyang inay. Marami ring magagamit na pampabango sa katawan at pampalambot? Hiwalay din ang closet area na sobrang laki rin.
At bukod doon, may mini ref din siya sa loob kaya hindi na niya kailangang bumaba para uminom kung sakaling nauuhaw siya. Sobra talagang nakakamangha.
Kulang na lang lagyan ng kusina ang kuwarto niya! Ang lawak-lawak ng espasyo e.
Inay, ang ganda-ganda na po ng tinitirhan ko ngayon. Kaso, wala ka na. Hindi rin ako magiging masaya ng lubusan dahil hindi kita kasama. Sana nararanasan mo rin ang nararanasan kong kaginhawaan ngayon..
Biglang pumatak ang luha sa mga mata ni Zasha. Ang sakit-sakit na hanggang sa kamatayan ng kanyang ina, puro paghihirap ang naranasan nito.
Hindi man lang siya nabigyan ng pagkakataong makapagtapos at maibigay sa sariling ina ang marangyang buhay.
"Sorry, inay.." bulong ni Zasha sa sarili. "Mahal na mahal po kita. Sana nasaan ka man ngayon, masaya ka na po. Huwag mo na po akong alalahanin dahil nasa mabuti po akong kalagayan." Impit na napahikbi si Zasha.
Dahil alam niya sa sarili na hindi ang kaginhawaan o kayamanan man ang totoong makakapagsaya sa kanya. Kun'di ang kanyang ina.
Ngunit kailangan niyang tanggapin na hinding-hindi na ito babalik pa at hinding-hindi na niya ito makikita pa kahit anong gawin niyang pag-iyak.
Napaangat siya ng tingin nang muling makarinig ng mga katok sa labas ng kanyang kuwarto. Nagmamadali niyang pinunasan ang kanyang luha sa mga mata.
"Itay --" Napahinto si Zasha ng bumungad sa kanya ang pagmumukha ni Judas na prenteng nakasandal sa hamba ng kanyang pinto.
"Hello, beautiful sister.." nakangising bigkas nito sa harapan niya. Lihim namang napalunok si Zasha at pilit itinatago ang kabang sumasalakay sa kanyang dibdib.
"Anong kailangan mo, Kuya Judas?" tanong niya sa mahinahong paraan. Tumikhim naman ito at tumayo ng tuwid. Bahagya pa siyang napaatras ng lumapit ito sa kanya.
"Ipinapatawag ka lang naman ni daddy at nakahanda na ang hapunan." At talagang tiningnan pa siya nito mula ulo hanggang paa.
Ang hindi nagustuhan ni Zasha ng bahagya itong dumila! Wala sa sariling nahigpitan niya ang pagkakahawak sa seradura ng pinto. Kung bakit pakiramdam niya, hindi ito mapagkakatiwalaan?
Para kasing pinagnanasahan siya nito?!
"Sige, susunod na lang ako, Kuya Judas." Nagawa pa rin niyang magtimpi at iniisip na lang niyang baka ganoon lang talaga ang expression ng pagmumukha nito. Hangga't wala naman itong ginagawang masama sa kanya, wala siyang dapat ikabahala.
Dahil oras na makitaan niya ito ng kakaibang kilos, hindi siya mangingiming sabihin iyon sa kanyang itay.
Nakahinga siya ng maluwag ng tumango-tango ito ngunit naroon pa rin ang kakaibang ngisi sa labi nito.
Naisip nga ni Zasha, baka ganoon lang talaga ang ngiti nito? Parang ngising aso?
Ang pangit naman!
Pero anong magagawa niya? Ganoon yata talaga ito?
Nakahinga siya ng maluwag ng tumalikod na ito. Nagmamadali naman niyang isinara ang pinto at nahawakan ang sariling dibdib.
Talagang hindi niya maiwasang kabahan sa tuwing nakikita ang Judas na iyon. Hindi siya komportable sa tuwing umaali-aligid ito.