Chapter 01
Athena
Napahinto siya saglit para magpahinga sa paglalakad mula sa kanto at ngayon ay pauwi na ng bahay. Pawis na pawis siya dahil tirik na tirik pa rin ang araw ng oras na 'to. Binaba niya ang dala niyang basket at kinuha ang bimpo niya na nasa balikat. Grabe ang init ng araw na 'to para sa kanya, wala ring masyadong lumalabas na tao sa kanilang mga bahay dahil mainit. Pero kailangan na rin niya kasing mag-umpisa para maubos ang paninda niya na kakanin na nilalako niya, hindi na ito puwede kinabuksan dahil wala naman silang bagay na puwedeng doon ilagay para lumamig at hindi masira kaagad, kaya kahit mainit ay todo lakad pa rin siya para kahit paano ay may benta. Nang napunasan na niya lahat ng pawis niya ay muli niyang binuhat ang basket para magpatuloy na magbenta sa daan at sa mga bahay-bahay.
Inabot na siya ng hapon, pero sa awa ng diyos ay naka-ubos siya sa araw na 'to. Pabalik na siya sa bahay ng magulang niya ngayon. Nakakapagod ding maglakad at magsisigaw ng malaks para magtinda. Pagtapak ng paa niya sa harap ng bahay nila ay napabuga siya ng hangin dahil sa wakas makakapagpahinga na rin siya, dahil simula madaling araw sa pagluluto ng kakanin at hanggang sa pagbebenta ay wala na siyang naging pahinga, kahit isang minuto.
Habang palapit siya ay napansin niya na may dalawang lalaki na nakabantay pala sa labas ng bahay nila. Sigurado siya na nasa loob na naman si Don Ramon, ang matandang laging tumutulong sa magulang niya, pagkain, pera, at mga damit ang lagi nitong dala. Ilang buwan na rin at mag-iisang taon na ata itong tumutulong sa kanila, kaya kahit hindi siya makabenta ng marami ay may kakainin sila sa maghapon. Muli siyang nagpatuloy lumakad hanggang sa maka-pasok siya loob ng bahay, nakita niya ang pagkain na nakahanda sa maliit nilang mesa sa sala at ang iba ay nasa lamesa sa kusina nila. Maliit lang naman ang bahay nila kaya nakita niya kaagad, pero ang naka-pukaw talaga ng atensyon niya ay ang mukha ng magulang niya habang nakatingin sa kanya, may pag-aalala iyon at tila may gustong sabihin na hindi niya magugustuhan habang si Don Ramon ay nakangiti lang sa kanya ng malaki.
"Mabuti't nandito ka na, Athena," saad ni Don Ramon.
Nagtaka siya dahil sa tuwing pumupunta ito sa bahay nila ay hindi naman siya nito hinihintay o madalas kausapin.
"Bakit po?" sagot niya dito.
Nagsalita ang nanay niya. "Halika muna dito anak sa tabi namin ng tatay mo. Maupo ka."
Parang may nararamdaman siyang hindi tama sa mga ito, lalo na kay Don Ramon.
"Oras na siguro... para maningil."
Napatingin siya sa sinabi ni Don Ramon. Ano ang sisingilin nito?
"Maningil? Nang ano?" Habang nakakunot ang noo niya.
Tumingin si Don Ramon sa magulang niya. "Kayo na ang magsabi sa anak niyo."
Lumingon naman siya sa magulang niya na hanggang ngayon ay kinakabahan pa rin ang mga mukha.
"Anak..." Panimula ng Nanay niya, pero tumingin muna ito sa Tatay niya.
"Sabihin mo na Nay kung ano ang sinasabi ni Don Ramon na may dapat siyang singilin. Ang alam ko ay wala naman tayong utang sa kanya?"
"Ang lahat ng binigay na tulong niya sa atin ay hindi pala libre anak, lahat ng 'yon ay binigay at ngayon lang niya sinabi na pagkaka-utang natin iyon."
Nagsalubong ang kilay niya sa sinabi ng Nanay niya, tumingin siya kay Don Ramon na bahagyang nakangiti.
"Akala ko ba ay tulong lang 'yon? Wala naman siyang sinabi na utang 'yon."
"Iyon din ang kanina pa namin tinatanong sa kanya kung bakit nagbibigay pa siya kung gagawin lang din palang utang pag gusto niya." Saad ng Tatay niya.
Galit siyang tumingin kay Don Ramon. "Ano ang gusto mong palabasin dito, Don Ramon? Pinagmumukha mo kaming mangmang dahil hindi kami nakapag-aral! Alam namin, at hindi kami bobo para hindi matandaan na wala ka namang sinabi na magiging utang ang tinulong mo!"
Ngumisi ito. "Sino ako para tumulong sa inyo ng walang kapalit? Hindi rin ako tanga para tulungan ang pamilya mo na hindi ko naman kadugo."
"At anong nag-udyok sayo na magbigay na akala naman namin ay tulong mula sayo!"
"Dahil sayo Athena." Natigilan siya at hindi nakapagsalita. "Mas makukuha kita pag meron akong alas sa magulang mo."
"Anong... sinasabi mo?"
"Gusto kita, Athena."
Napangiwi siya sa sinasabi nito, sa tanda na nito ay talagang siya pa ang nagustuhan.
"Pasensya na, pero hindi kita gusto."
Tumaas ang dalawang kilay nito. "Not totally gusto o iniibig. Gusto kita, para maging parausan ko." Unti-unting tumaas ang sulok ng labi njto.
Nahintakutan siya sa mukha nito ngayon. Mukhang hindi na talaga pagkakatiwalaan.
"Hindi ako papayag, lalo na sayo!!" sigaw niya.
"Wala ka na rin magagawa, dahil wala naman kayong pera pambayad sa lahat ng naitulong ko."
"Wala kang puso!! Kahit mahirap lang kami, kaya kong bayaran ang sinasabi mong utang!"
"At saan ka naman kukuha ng pera na halagang one hundred thousand?"
Napakunot ang noo niya. Kung tutuusin wala pang dalawampung libo ang nabibigay nito sa kanila kung isasalin sa pera.
"Siraulo ka ba? One hundred thousand na lahat 'yon, halos hindi pa papatak sa ganoong halaga ang binigay mo samin. Napaka-gahaman mo naman na matanda ka!"
Tila nainis ito sa salitang natanda, dapat lang, dahil sa gingawa nito sa pamilya niya na ginagawa nitong tanga dahil mababait ang magulang niya, kung ang magulang niya ay yuyuko na lang at hindi na ipagtatanggol ang sarili, ibahin nito ang ugali niya dahil lumalaban siya kahit may pera pa ang tao na kaharap niya.
"Matalino ako sa ganito, Athena, kaya kung ako sayo pumayag ka na dahil may makukuha rin naman ang Nanay at Tatay mo pag ginamit ko na 'yang katawan mo." Mukhang bilib na bilib sa sarili ang matanda dahil parang hindi na siya makakahindi, puwes ipapamukha niya dito na kahit ni piso ay wala sila,hindi siya papayag sa gusto nito.
"Matalino ka nga, ang panget naman ng ugali mo, basura 'yang puso mo, at higit sa lahat nilalangaw ang buong pagkatao mo!" Nanginginig na ang buong katawan niya sa mga salitang binitawan niya dahil sa pinipigilang sumabog pa lalo.
"Tikom mo na lang ang bibig mo kung wala kang magandang sasabihin,.Athena."
"Bakit hindi ikaw ang tumikom ang bibig at lumabas ng bahay namin?! Hindi ako sasama sayo o pumapayag sa gusto mo! Babayaran ko 'yon lahat, maghintay ka lang!"
Tumayo ito at nagpagpag ng damit. "Bibigyan kita ng isang buwan, kung wala kang mabigay na one hundred thousand cash pagkatapos ng isang buwan, kukuhanin kita sa ayaw at gusto mo, at dahil ginagalit mo ako, mas matindi ang gagawin ko sayo." Tumingin ito sa mga pagkain sa lamesa at sa lamesita sa harap nila. "Mag-enjoy muna kayo sa huling bigay ko, masarap 'yan." Ngumisi muna ito bago umalis.
Nagngangalit ang panga niya na tumayo at kinuha ang lahat ng pagkain na nasa lamesita at lamesa nila, lahat ng 'yon ay tinapon niya sa basurahan kahit pa sayang. Hindi na niya maaatim na kainin 'yon dahil sa pinagsasabi ng matanda na 'yon.
"Anak... patawarin mo kami, kung hindi namin agad naramdaman na ganun pla ang gagawin ni Don Ramon. Hindi rin kami pumayag ng Tatay mo sa gusto niya kanina, hindi lang kami makapagsalita ng masama dahil baka mapahamak tayo." Lumuluha ang Nanay niya habang sinasabi 'yon.
May munting luha ang sumilay sa mata niya, pero pinigilan niyang dumami pa 'yon, kailangan niyang maging matapang dahil kung hindi kakayanin ng magulang niya, siya na lang.
"Maging ako Nay, hindi ko rin alam na ganun pala ang gagawin niya, hindi ko rin kaagad nalaman na may pagnanasa na pala sakin ang matanda na 'yon."
"Pero saan ka kukuha ng pera pambayad sa kanya?" tanong ng Tatay niya.
Tumingin siya sa labas. "Maghahanap po ako ng trabaho sa labas, yung mas malaki ang sahod."
"Paano naman iyon anak? Hindi ka naman nakapag-kolehiyo o highschool man lang. Alam mo naman na ganun dapat ang natapos sa paaralan para makakuha ng magandang trabaho sa labas." Pag-aalinlangan ng Tatay niya.
"Meron naman pong tumatanggap ng katulad ko na elementarya lang ang natapos. Basta huwag po kayong mag-alala, ako na pong bahala."
Bumuntong-hininga ito, pero napa-iwas din siya ng tingin sa magulang niya dahil sa nangyari na ito magiging kahid isang tuka na naman sila, ang payat na ng magulang niya hindi rin niya nabibili ng vitamins para mas magkaroon naman ng laman ang mga ito. Nagtatrabaho pa kahit mga hirap na, kaya oras na rin siguro para humanap ng trabaho na mas mataas sa kinikita niya sa paglalako ng kakanin.
"Bibili lang po ako ng ulam." Saad niya bago lumabas.
Tinapon na niya lahat ang binigay ni Don Ramon, kahit isang piraso wala siyang tinira kahit masasarap pa ang mga 'yon. Bibili na lang siya ng sardinas, masarap naman iyon kahit mahal na ang halaga para sa kanya, wala na kasing mura ngayon. Kakausapin niya ang kaibigan niyang si Gigi para ihanap siya o may alam itong trabaho na madaling makapasok, yung walang mangmamata sa kung ano lang ang natapos niya.