CHAPTER 5
** NAIH’s POINT OF VIEW **
“Siguro nga mula pa lang noon ay talagang wala na akong alam.” Napasimangot na sabi ko habang naglalakad papauwi sa bahay. Naglalakad ako pauwi para makatipid ng pamasahe. Naisip ko kasi na malapit na ang birthday ni mommy at gusto ko siya bigyan ng regalo.
Napapansin ko rin panay puri ni mommy sa ‘kin nitong nakaraang araw. Sinisimulan ko na kasing bagohin ang buhay ko. Ang dating magulong mundo ko ay naging mapayapa ngayon. Well, not totally mapayapa dahil nandyan pa rin naman ang bully ko na classmate na si Jenny.
Ngunit kahit ganon ay masaya ako dahil natutuwa si mommy sa ‘kin. ‘Yun naman talaga ang dahilan kung bakit ako nandito. Gusto kong maging masaya si mommy sa ‘kin. Gagawin ko lahat para hindi ko pagsisihan ang bawat segundo na kasama ko si mommy. Napasimangot ulit ako nang maalala ko ang mga ginawa ko kanina sa eskwelahan. Hindi pala madaling maging matalino at hindi to kaya ng isang araw lang.
“Haist! Marami pa naman kaming assignment tapos hindi ko alam kung anong uunahin ko.” Sinipa ko ang bato sa daan saka naglakad ulit. Ngayon ko lang napagtanto na mahirap pa lang magbago. Dati naalala ko kung paano ako gumalaw sa eskwelahan. Halos wala akong pakialam sa mga tao sa paligid ko pero ngayon ay bawat sasabihin ng iba ay mahalaga. Ayokong dumating pa kay mommy ang mga walang kwentang ginagawa ko.
Binigyan na ako nang pagkakataong bagohin ang sarili ko at hindi ko sasayangin ‘to.
“Naih!” napahinto ako sa paglalakad. Tumingin ako sa paligid at nakita ko si Angeline na nakasakay sa kotse niya. Tiningnan ko siyang lumabas sa kotse at lumapit sa ‘kin. Ano kayang kailangan nito?
“What?”
“Pupunta ka ba kela Tres?” napakunot ang noo ko.
“Anong meron dun?”
“Hindi mo ba alam? Nandon sa club ang F3!” Teka, F3? Bakit hindi F4? Psh! Ano namang gagawin ko sa club? Kesa mag lasing ako buong gabi, bakit hindi ko na lang buksan ang notebook ko at magbasa? Ay, basta! Nandito ako para magbago at para bagohin ang mga bagay na pinagsisisihan ko at hindi ako basta basta sasama sa kanila.
“Nandon rin ba si Avo?” bago ko pa mapigilan ang sarili ko ay naitanong ko na agad ang bagay na ‘yun. Parang gusto kong sampalin ng steel brush ang mukha ko dahil sa tanong ko. Nakita kong ngumiti si Angeline. Kahit Angeline ang pangalan niya ay masyado pa rin siyang bad influence sa mission ko!
“Of course, isa siya sa F3 ‘di ba? Avo, Gab at Tres! For sure hahanapin ka nila ron. Hinahanap ka na rin ni Jenny.” Napasimangot ako sa sinabi niya. Gagawin na naman akong props ni Jenny sa mga kalandian niya sa buhay. Minsan iniisip ko na mukha niya na akong shield sa mga karupukan niya. Ginagawa niya lang akong rason para lapitan siya ng mga bet niya. Psh!
“Busy ako. Saka isa pa, hindi kami close ni Jenny. Nakita mo naman kung paano niya ako tarayan –“
“Ano ka ba, Naih.” Hinawakan niya ang braso ko kaya napataas ang kilay ko. Feeling close! Kung isampal ko kaya sa kanya ang cactus ni mommy? “Syempre nagtatampo lang ‘yung bestfriend na ‘tin dahil hindi mo sinipot si Jeric. Pero okay na siya ngayon. So, ano? Pupunta ka ba?” mas lalong tumaas ang kilay ko sa sinabi niya.
‘Bestfriend?’ Pweee! Naging bestfriend ko ba si Jenny? Bakit parang hindi ko naalalang may naging bestfriend akong palaka? Umiling na lang ako at nilampasan si Angeline pero agad niya akong hinabol.
“Naih! Wait! Ano pupunta ka ba mamaya? Punta ka ha? Nandon si Avo.” Sasagot pa sana ako pero agad siyang nagpaalam at bumalik sa kotse niya saka pinaharurot ito papalayo sa ‘kin. Napabuntong hininga naman ako sa ginawa niya.
“Ano naman ngayon kung andon si Avo?” saka ako naglakad papunta sa bahay na ‘min.
Habang naglalakad ako ay napaisip ako kung bakit ako lang mag-isa ang naglalakad papauwi sa ‘min? Wala ba akong kaibigan sa panahon na ‘to? Sa pagkakatanda ko ay marami akong kaibigan pero bakit wala akong kasama ngayon?
Siguro nga at tama si Jenny. Nakatago lang ako sa anino ni Avo at kung wala siya ay walang kakausap sa ‘kin. Ngunit sa natatandaan ko ay marami akong kaibigan pero kasama ko lang sila sa tuwing inuman at pagpaparty pero sa pag-aaral ay wala akong kasama o kaibigan. Napaisip tuloy ako kung may natutunan baa ko sa ilang taon ko sa high school noon.
“Nandito na ako!” sabi ko saka pumasok sa bahay na ‘min. Pumunta ako sa kusina at nakita ko si mommy na nagluluto ng ulam na ‘min. Ngumiti ako saka yumakap sa likod ni mom. Halos araw araw kong namimiss si mommy. Sa umaga, sa hapon hanggang sa gabi gusto ko palaging kasama si mommy at gusto ko masaya lang siya.
“Kamusta ang pag-aaral mo, Zarnaih?” tanong ni mommy kaya humiwalay ako sa yakap sa kanya saka ako napasimangot na umupo sa lamesa.
“Bakit ang hirap mag aral, mommy? Alam mo ‘yung pakiramdam na parang ang dali-dali lang isipin pero sa tuwing magsasagot na ako ng mga questions sa quiz na ‘min ay nabablanko nag utak ko? Bakit ganon?” tanong ko. Ngumiti si mom kaya naman nagpatuloy lang ako sa pagsasalita tungkol sa pag-aaral ko. Sinabi ko rin kay mommy na dumaan ako sa library kaninang lunch break para hanapin ang sagot sa assignment na ‘min at talagang sumakit ang ulo ko.
Habang nagkukwento ako kay mommy ay nakita kong napapangiti siya saka siya tatango at halatang natutuwa siya sa kinukwento ko. Para bang alam na alam niya talaga ang nararamdaman ko habang nagkukwento. Sinabi ko sa kanya ‘yung mga subject na nahihirapan ako. Napasimangot naman ako nang kwenento ko kay mommy ‘yung pinagalitan ako ni ma’am A.
“Hindi ko naman talaga alam ang sagot tapos pipilitin talaga akong sagotan. Kala niya talaga lahat kami alam ‘yung sagot. Hindi ko pa nga nababasa ‘yung kwento, may quiz agad. Kamusta naman ‘yun? Isang baldeng English lang ang alam ko tapos gusto niya isang tangke ang iluwa ko. Hindi naman ako masyadong magaling sa English tapos ‘yung Math pa naming kulang na lang ilagay lahat ng letters sa alphabet, paano ko kaya e cocompute ‘yun? May mga numbers pa na lumilipad tapos may kanya kanya pa silang powers! To the power of . . to the power of! Eh, kung ikamekame wave ko kaya sila!? Kaasar!” natawa si mommy sa sinabi ko pero talagang na bad trip ako dahil dalawang beses akong na zero ngayong araw! Kamusta naman ‘yung goal ko na maging top one?
“Hahahaha. Nakakatawa ka talaga, ate.” Biglang sumulpot si Zeah mula sa pintuan saka tumabi sa ‘kin. “Simple Math lang hindi mo pa alam.” Lumaki ang mata ko sa sinabi niya.
“Simple Math? SIMPLE? Wow, Zeah! Kung makapagsalita ka parang one plus one lang ‘yung Math subject na ‘min! May klase pa kaming Geometry na may mga angle angle na pinag-uusapan! May mga triangle pa na kailangang e solve! Ano namang gagawin ko sa mga tringle, circle at square na may mga kanya kanyang formula? Magagamit ko ba ‘yan pag nagtinda ako ng isda sa palengke? Magagamit ba ‘yan sa pamamasada? Anong kinalaman ko sa triangle at pie at kung ano pa dyan! Hindi ko naman madadala ‘yan pag nagtrabaho na ako.”
Napaisip tuloy ako kung ano bang kinuha kong course nong college ako? Baka nag engineering ako tapos ngayon simple geometry lang nahihirapan pa ako. And to think na Math teacher ang mommy ko pero nahihirapan ako sa Math. Siguro nagmana ako sa ama ko. Haist!
Tiningnan ko si mommy pero nakangiti lang siya habang nakikipagkulitan sa ‘min ni Zeah.
“Mommy, oh si Ate!” inis na turo ni Zeah sa ‘kin ng inagawan ko siya ng ulam.
“Psh! Ang arte!” saka ko nilamon ang ulam niya.
“Ang baboy mo, ate.” Kunwari akong hindi ko narinig ang sinabi niya.
“Para talaga kayong mga bata.” Inabotan pa ako ni mommy ng ulam kaya napatingin ako sa plato ko. Nang tiningnan ko si mom ay nakangiti siya habang nakatingin sa ‘kin. “I’m so happy for you, Zarniah. Nagiging open ka na sa ‘min ng kapatid mo. Dati naalala mo, halos ayaw mong pag-usapan ang mga bagay na nangyari sa ‘yo sa buong araw tapos ngayon heto ka at pinagbubuksan mo kami ng pinto ni Zeah.” Ngumiti ako saka napayuko sa kanin ko. Ayokong umiyak dahil paniguradong maaalala ko na naman ang masakit na nangyari nong nawala si mom. Hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin ‘yung pakiramdam na mawalan ng ina.
“Syempre, mom. We’re family, right?” tumingin ako kay mom na seryosong nakatingin sa ‘kin habang si Zeah sa tabi ni mom ay parang nasusuka sa sinabi ko. Napangiti ako. Hindi naman kasi ako ganito sa kanilang dalawa at madalas akong wala sa bahay kaya hindi nila alam ang nararamdaman ko. Ngunit gaya nga ng sabi ko, ayokong pagsisihan ang pagkakataon na ‘to.