Ngayon kami lalabas. Sinuot ko na ang pinakatago-tago kong dress na nasuot ko lang nu’ng graduation ko. Siyempre hindi naman masiyadong bongga at para naman akong tangabels. Saktohan lang naman.
Inilugay ko rin ang mahabang buhok ko at naglagay ng liptint saka masscara sa aking mata. Nag-powder na rin at nang matapos ay nag-perfume ng ever bango kong jhonssons green. Nang matapos ay kinuha ang aking mahiwagang sling bag at lumabas ng kwarto.
Nabitin sa ere ang ngiti ko nang makita si Markus na nakasuot ng itim na jeans at gray na shirt. Grabe, ang gwapo niya. Para siyang model. Napatingin din siya sa ‘kin.
“Ah…hi,” bati ko at alanganing nginitian siya saka isinara ang pinto ng aking kwarto. Tinanguhan niya lang ako.
“Aalis ka na rin?” usisa ko sa kaniya.
Tumango naman siya. Heto na naman siya sa pipi era niya. Napahawak ako sa bag ko at napatango.
Naglakad na rin ako palabas ng bahay at nakasunod siya. Parang may kung anong nakatuon sa akin sa likuran ko dahil hindi ako mapakali. Ayaw ko ring lingunin siya at para akong mahihilo.
“Bes!” sigaw ni Cora na nakatayo sa harap ng shop kasama si Bruno.
“Boss P,” wika naman ni Bruno kay Markus. Nagtaka naman ako. Bakit kaya boss P? Ah baka boss pogi kaya ganoon.
“Alis na tayo?” wika ni Markus at mukhang naiinip.
“Wait lang muna natin ang isa pa naming friend. Si Pamela,” sambit ni Cora.
Napatingin ako sa cellphone ko at napangiti nang mag-chat si Adam na papunta na siya.
“Oo nga pala, magka-car tayo papunta sa sentro at pinahiram ni, Boss Bob ang sasakyan niya,” sambit ni Bruno.
“Ang bait talaga ni, Tito Bob no,” wika naman ni Cora na ikinatango ko.
“Hello girls!”
Sabay kamaing napatingin ni Cora kay Pamela na nakasuot ng maiksing shorts at crop top. Nakalugay ang perfectly curled hair niya at mamula-mula ang labi. Maganda si Pamela at matangkad.
“Hi, Pam, mabuti naman at sasama ka. Akala namin hindi mo na kami kikilalaning kaibigan eh,” saad ni Cora.
“Oo nga, hindi mo na kami pinapansin sa messenger,” busangot kong sambit.
“Girls, ano ba? Alam niyo namang ang buhay ko ‘di ba? Hindi na kagaya dati na puwede tayong magsama 24/7. Ngayon iba na, kailangan na nating kumayod sa mahal ng bilihin. Ito na ba ang gwapong ka-date ko?” sambit ni Pam at nilapitan si Markus.
Tila wala namang pakialam si Markus at busy sa cellphone niya.
Mahinang siniko ko naman siya kaya napalingon siya sa ‘kin. Sinenyasan ko siya na naa harap niya si Pamela. Tiningnan naman niya ito saka kinunutan ng noo.
“What?” malditong sambit niya.
Napaikot ko naman ang aking mata.
“Hello handsome, I’m Pamela Artiaga. Kaibigan ni, Cora at Lara. Nice to meet you, tayo ang magde-date ngayon kung okay lang sa ’yo,” nakangiting saad niya at iniumang ang kamay.
Ramdam kong parang may bikig sa lalamunan ko kaya iniwas ko na lang ang tingin ko. Pasimpleng kinurot ni Cora ang aking tagiliran.
“Jelly ace ka?” tanong niya sa ’kin. Kaagad na napakunot ang aking no.
“Jelly ace ka riyan. Hindi no, bakit naman ako magseselos? May kami ba?” mahinang asik ko.
Naiinis ako sa ngisi niya. Halatang may laman eh.
Ilang sandali pa ay may humintong sasakyan sa harap namin. Bumukas ang pinto at lumabas si Adam. Napangiti ako. Ang fresh lang niya. Amoy jhonssons baby powder na blue. Para siyang baby na kaliligo lang. Nakasuot ng specs at white polo shirt na nakatupi hanggang siko niya. Para siyang K-pop idol na iniidolo ng lahat.
“Ang laway mo,” bulong ni Cora sa ‘kin kaya naayos ko ang aking sarili.
“Hi,” bati niya sa ’kin. Kaagad na nakita ko ang napakagandang puti at pantay niyang ngipin.
“Hello, kumusta ka na? Long time no see,” sambit ko.
“Mas lalong naging okay at nakita na kita ngayon,” sagot niya at nakatitig pa rin sa ‘kin.
“Ahem,” ani Pamela.
“Tama na ‘yan, naiinis na ako sa mga tinginan niyong ‘yan. Hala sige na, magpakasal na kayong dalawa. Tapusin na natin ang hintayan,” aniya at nagtawanan naman kami.
Natigil lang iyon nang marinig ang malakas na pagsara ng pinto ng sasakyan. Napalingon kami at nakita si Markus sa loob.
Seryoso ang mukha at tila inip na inip na.
“Aren’t we going yet?” asik niya.
“Tara na, bad mood siya,” wika ni Bruno kay Cora kaya sumakay na sila. Silang apat ang magkasama at nakisakay na rin ako kay Adam.
Habang nasa biyahe nga ay nanlaki ang mata ko nang makitang parang nakasakay sa roller coaster ang apat. Rinig ko pa ang hiyaw ni Pamela sa loob ng sasakyan. Ang bilis magpatakbo ni Markus kahit na pasikot-sikot at medyo congested ang daan.
“Okay lang kaya sila?” Nag-aalala kong tanong.
“Mukhang professional naman iyong kasama nila baka okay lang. Let’s just hope that they’re really okay,” wika ni Adam.
Pagdating nga namin sa park ay nakita namin sila na nakaupo sa bench sa ilalaim ng malaking puno.
Sumusuka si Cora sa cellophane at hinahagod naman ni Bruno ang likod niya. Ang kaninang plakadong curls ni Pamela ngayon ay nagkabuhol-buhol.
Nakapamulsang nakatayo naman si Markus habang nakasandal sa kahoy at hawak sa kabilang kamay ang cellphone.
“Ano’ng nangyari?” usisa ko sa kanila.
Nakabusangot na tiningnan naman ni Pamela si Markus.
“May balak ka bang patayin kami sa nerbyos, handsome? Grabe ka naman. Dapat slow lang kasi eh. Sayang ang curls ko. Pinagpuyatan ko ‘tong itali sa medyas kagabi,” reklamo niya at nag-apply ulit ng lipstick niya.
Nilapitan ko si Cora at binigyan ng tubig.
“Okay ka lang?” tanong ko sa kaniya.
“Ang sama magselos ni, Markus. Hindi ko kaya,” reklamo niya at nagmumog.
Tiningnan ko si bruno at sobrang guilty ng mukha niya. Imbis na maawa ay natawa pa ako dahil ang buhok niyang naka-jose Rizal kanina naging san guko na.
“Ganiyan talaga siya magmaneho,” aniya at napakamot sa ulo niya. Para silang mga manok na pinagsabong. Tanging si Markus lang ang tila walang nangyari. Chill lang siya.
Naglakad na nga kami at sobrang dami na ng tao. Halos maamoy ko ang singit ng mga nadadaanan ko. Hindi na masyadong mainit dahil pagabi na rin naman. Ang ganda na ng paligid at maraming mga pwedeng sakyan at bilhan ng mga kung anu-ano.
“Carousel tayo,” aya ni Cora. Napatingin naman ako kay Adam.
“Go, kuhanan kita ng litrato,” saad niya. Tumango naman ako at nakipila na rin. Napakunot-noo ako nang makita si Markus.
“Sasakay ka rin?” tanong ko.
“Bakit? Bawal ba?” sagot niya. Grabe talaga sa kasungitan. Abot hanggang anit ko ang kasungitan niya lintik siya. Para bang pasan niya buong mundo.
“Binabantayan ka,” ani Cora at tila tinutukso pa ako.
“Tumahimik ka nga,” saway ko sa kaniya at tiningnan siya ulit. Halatang hindi siya natutuwa. Napangiti ako nang kumaway si Adam.
Nang makasakay kami ay tawang-tawa ako sa kaniya. Nasa likuran ko siya at sa haba ng legs niya kulang na lang itakbo niya ang kabayo.
“Ba’t ka pa kasi sumakay?” natatawa kong wika. Kahit na ganoon ang gwapo niya pa ring tingnan.
Hindi siya sumagot at sinamaan lang ako ng tingin. Wala naman akong magawa sa ganoon. Hindi pwedeng inisin pa lalo at baka ako ang mapagbuntunan ng inis niya.
“Mama, dapat hindi ka na sumasakay rito. Malaki ka na, kawawa ang kabayo,” wika ng bata sa likuran niya.
Mukhang nasa edad walo pa iyon. Sinamaan naman ito ng tingin ni Markus saka nginisihan. Hindi iyon ngisi ng tuwa. Ngising parang demonyo. Kaagad na napaiyak naman ang bata.
Buti na lang nagsimula na kaya inaakala ng ina nitong kumukuha ng litrato ay natakot lang.
“Ano ka ba? Napaka-childish mo. Ba’t mo naman pinatulan ‘yong bata?” saway ko.
“I just smiled at him, mali ba ‘yon?” sagot niya.
Napaikot ko naman ang aking mata.
“Kahit sino matatakot sa klase ng ngiti mo no,” wika ko.
“Including you?” seryosong tanong niya.
“Lingon ka rito, Lara!” sigaw ni Adam kaya kaagad akong ngumiti nang matamis.
Kita ko ang pag-irap ni Markus kaya napabusangot ako.
“Wala ka bang happiness sa buhay?” asik ko.
“Jowa mo parang pupunta ng meeting ang get up. May gagala bang naka-formal clothes? Wala ba ‘yang alam sa suotan? Baduy,” aniya.
“Grabe ka naman. Ganiyan lang talaga siya. Hindi ka makaka-relate dahil educator siya. Isa siyang magaling na guro,” nakangiti kong saad.
Hindi siya natuwa sa sinabi ko kaya kaagad na napuknit ang ngiti sa labi ko.
“Ang boring mo namang kausap,” saad ko.
“So what?” sagot niya.
Tinalikuran ko na nga at nakakabwesit siya. Pagkatapos ng ride na ‘yon ay lumipat kami sa vikings.
Nagtinginan kaming lima maliban kay Markus na busy na naman sa selpon niya. Sino kaya ang ka-chat niya?
“Ano? Game?” ani Pamela at kumuha na ng ticket namin.
Nang makababa ang unang batch ay sumunod na kami. Kinakabahan ako na nae-excite.
Kaming anim sa isang seater. Malaki naman kasi. Si Bruno, Cora, Pamela, Markus, ako, at si Adam. Inayos na ang locks at nang ready na ay nagsimula na ito.
Napalunok ako at napahawak nang mahigpit sa upuan nang magsimulang lumakas at bumilis ang paggalaw ng sinasakyan namin.
“Ahhhh!” sigaw ni Pamela at Cora.
“Hawakan mo lang ang kamay ko kapag natatakot ka,” nakangiting saad ni Adam. Napangiti naman ako at tumango.
“Ahhhhh!”
Napasigaw na rin ako sa sobrang taas at nakalula ang ride na ito. Napahawak ako sa upuan nang mahigpit at natatawa sa mga hitsura namin kapag pababa na tapos papaere na naman.
Natigil ang pagsigaw ko nang maramdamnan ang kamay ni Markus na nakahawak sa ‘kin. Pakiramdam ko ay nag-slow motion ang lahat.
Napalingon ako sa kaniya at nakatitig din pala siya sa ‘kin. Napalunok ako at napasigaw nang biglang pumaere na naman.
“Ahhhhhh!”
Nang matapos ang ride na iyon ay nagsibabaan na kami. Ramdam ko ang pag-alsa ng buhok ko at gulo-gulo iyon. Tawang-tawa naman ako sa hitsura nila.
Si Markus lang ang nanatiling untouchable na para bang wala man lang bakas ng takot sa pagsakay kanina.
“Bro, that was a hellish ride. Pati ako napapasigaw na sa takot. But look at you, parang wala lang sa ‘yo,” nakangiting saad ni Adam.
“Hindi siya natatakot sa ganiyang rides. Nag-i-sky diving po kasi siya,” sabat naman ni Bruno.
Natigilan naman kaming apat at napatingin kay Markus. Sky diving? Ang mahal nu’n ah.
“Really? I want to try that too,” sagot naman ni Adam.
Tila wala namang paki si Markus at nag-cellphone na naman.
“Kain muna tayo, napagod ako sa pinagagagwa natin,” wika ni Pamela. Sumang-ayon naman ako at pumunta kami sa isang cafeteria. May food bazaar ngayon kaya maraming pagpipilian.
Nang makapili ng pagkain ay nagpresinta pa si Adam na libre niya kaya lalo kaming natuwa. Habang kumakain nga kami ay pansin kong tanging shake lang ang pinagdidiskitahan ni Markus.
Kumuha ako ng siomai at itinusok iyon saka ibinigay sa kaniya habang busy ang mga kasama namin sa pag-uusap.
“Kailangan mong kumain, baka sumakit ang tiyan mo kung iyan lang ang laman ng ‘yong tiyan,” sambit ko.
Tiningnan niya lang ako at kinuha iyon.
“Thanks,” tipid niyang sagot at napangiti na lang ako nang makitang isinubo niya ‘yon.
Pagkatapos naming kumain ay naglakad-lakad pa kami. Napagdiskitahan naman nila ang octopus ride. Humindi na ako at ina-acid ako. Sila na lang.
“Boss P, kunan mo naman kami ng litrato mamaya oh,” pakiusap ni Bruno kay Markus.
“Hindi ka sasakay, handsome?” tanong ni Pamela. Mukhang dismayado pa.
“Hindi ba aandar ang octopus ride kung wala ako?” Kalmado niyang sagot.
Natigilan naman kami at alanganing natawa na lang ako. Lintik na ‘to.
“Oo nga naman, mas mabuti na rin para may kasama si Lara,” sabat ni Cora at kinindatan ako.
“Are you sure you’ll be okay here?” tanong ni Adam.
Kaagad na itinaas ko naman ang aking hinlalaki. Nang makasakay sila ay natatawa lang ako sa hitsura nila.
Wala na sa tabi ko si Markus kaya hinanap ko siya. Nasa shooting range pala siya na may mga prizes na stuffed toy kapag natamaan ang mga target.
Nilapitan ko naman sila roon at napangiti nang makita ang rabbit stuffed toy. Gusto ko ‘yon dahil scorpio ako. Year of the rabbit.
“You want that?” tanong niya.
Tiningnan ko naman siya.
“Oo, pero malabo. Ang layo kaya ng mga target saka hindi ako marunong bumaril. Sayang sa pera,”sagot ko.
Kumuha naman siya ng pera sa bulsa niya at ibinigay iyon sa bantay. Ibinigay naman sa kaniya ang baril.
“You’ll have that,” saad niya at pinagbabaril ang target.
Napalunok ako at napapalakpak nang matumba lahat. Natamaan niya. Ni isang mintis ay wala. Grabe! Nakatulala lang din ang ibang nanonood at manghang-mangha sa kaniya.
Kaagad na ibinigay naman sa akin ng tidnero ang stuffed toy.
“Ang galing naman ng boyfriend mo ma’am,” komento niya pa.
Napakamot naman ako sa buhok ko at nilingon si Markus.
“H-Hindi ko po siya boyfriend,” saad ko.
“Ay, sorry po,” aniya.
Nagulat naman ako nang lapitan ako ni Markus.
“Hindi niya ako, boyfriend. Asawa niya ako,” sambit niya na ikinalaki ng mata ko.
“H-Hoy!”
Hinila na niya ako palayo at dinala sa harap ng malaking trampouline na may mga batang naglalaro at maraming bola sa loob.
“Go,” aniya.
“Ha?”
Nilapitan niya ang bantay at nagbayad saka basta na lang akong tinulak papasok sa loob. Hindi na ako nakahindi at hirap na akong makatayo dahil sa nagpatalbog-talbog na lang ako na parang bola.
Natatawa na rin ako dahil sa nangyayari sa ‘kin.
“Lintik ka talaga!” sigaw ko sa kaniya na nasa labas lang na nakapamulsang nkatingin sa ‘kin at nakangiti.
Nakangiti siya. Somehow, naging panatag ang kalooban ko. Masaya ako na nakikitang masaya siya. For the first time hindi iisang emoji ang mukha niya.
Nang matapos nga ang time ay basang-basa ang likod ko ng pawis. Nagulat ako nang kinuha niya ang bag ko at binuksan iyon saka kinuha ang dala kong tissue saka ibinigay sa ‘kin.
“Wipe your sweat, naaagnas ka na,” aniya.
Kaagad na nawala ang saya ko sa sinabi niya.
“Wala na ba talagang magandang salita ang lalabas sa bibig mo?” asik ko at napasimangot.
Ngumiti naman siya.
“You’re still beautiful even so,” aniya.
Napigil ko namna ang sarili ko na ngumiti. Baka akalin niya kinilig ako sa sinabi niya no.
“Pasalamat ka at gabi na, saka maraming lights,” dagdag niya pa.
“At bakit naman?”
“Dahil gumaganda ka,” sagot niya.
“Lintik ka talaga!” sigaw ko. Tawang-tawa naman siyang tumakbo. Hinabol ko siya at tuwang-tuwa naman ang ulopong.
“Lara! Markus! Nandiyan lang pala kayo.”
Napatigil kaming dalawa at nakita ang apat na tila kanina pa naghahanap sa ‘kin.
“Saan kayo galing? Ba’t kayo nawala roon sa octopus?” usisa ni Pamela.
“OMG!” ani Cora. Natigilan naman ako.
“Bakit?”
“Girl, pawis na pawis ka. Ang tagal niyong nawala ni, Markus. OMG talaga,” aniya at napakagat sa kaniyang labi.
“Bakit?” naguguluhan kong tanong.
Nilapitan naman niya ako saka binulungan.
“Nagbembangan kayo sa dilim?” aniya.
Nakurot ko nga sa tagiliran.
“Aray! Ito naman hindi na mabiro,” wika niya at nginisihan ako.
Napatingin naman si Pamela sa hawak kong ticket at hindi magkamayaw sa pagtawa.
“Kaya naman pala grabeng pawis ‘yan, Lara. Nag-trampouline ka pala. Hindi ka pwede ru’n. Ang isip bata mo naman,” ani Pamela.
“Here, gamitin mo muna ang face towel ko,” saad ni Adam at nilapitan ako.
“Bawal na ru’n ang malalaki na,” dagdag ni Pamela.
“Uy! Hindi ah, ang saya nga roon eh,” sabat ko.
“Gusto ko rin ng ganoon,” ani Cora at hinila na si Bruno papunta roon. Kaso nakabusangot na pagbalik.
“Ba’t ka bumalik?” usisa ko kay Cora.
“Ang sabi para sa mga bata lang ‘yon. Ba’t ka nakasali sa kanila kanina?” sagot niya.
Napatingin ako kay Markus.
“What?” aniya.
“Hindi raw pwede ang malalaki na,” saad ko.
“Oh, he probably won’t let you in there. I threatened him earlier kaya napapayag ko siya,” sagot niya.
Natameme naman ako.
“Paanong banta boss?” tanong ni Bruno.
“Sinabihan ko lang na kapag hindi siya papayag aabangan ko siya sa may kanto,” sagot niya.
Napahawak ako sa noo ko at napailing.
“Damn,” natatawang wika ni Adam.
“That’s brutal. Bro, hindi maganda ang ganiyan. Masama ang magbanta sa kapwa natin,” wika ni Adam. Sang-ayon naman ako roon.
“Masama kung nasaktan siya, eh hindi naman,” sagot naman ni Markus.
Napailing na lang ako. Huwag na lang talaga makipagtalo sa kaniya.
“Ang cool nga niya eh,” nakangiting sabat ni Pamela.
“Isipin mo ‘yon hindi pwede pero he defied it para lang malagay si Lara sa loob at naging katuwaan ng mga bata,” aniya at natawa.
Puke ng inang ‘to ah. Parang binibigyan ako ng rason para awayin siya ah. Kailangan kong kumalma ngayon.
“Girl, pigilan mo ang sarili mo. Mukhang selos siya at nagkasama kayo ni, Markus kanina. Gusto na yata niya si Markus eh,” mahinang saad ni Cora.
Pagkatapos nga ng gala namin ay umuwi na kami. Ganoon pa rin. Pero nag-chat si Cora sabi niya ay hindi na parang road to hell. Okay na at kalmado si Markus. Nauna na rin kasi sila sa ‘min.
Pagdating namin sa tapat ng bahay ay ipinagbukas pa ako ng pinto ni Adam kaya nagpasalamat ako.
“Se you tom, I guess?” aniya habang nakangiti sa ‘kin.
“Hmm,” sagot ko naman. Hindi ko mapigilan ang saya sa mukha ko.
“Maybe next time, baka pwedeng tayong dalawa lang ang magde-date? Also to talk about us?” sambit niya.
Napahawak naman ako sa bag ko at tumango.
“S-Sige,” sagot ko.
“Bye,” aniya.
“Bye rin, ingat ka sa pagmamaneho. Salamat ngayong araw,” wika ko at nginitian siya saka kumway. Hindi muna ako pumasok sa loob ng bahay hangga’t hindi siya nakakaalis.
Paglingon ko nga ay napaigtad ako sa gulat. Nakatayo si Markus sa gilid ng pintuan at seryosong nakatingin sa akin.