Sinundo ako ni Adam sa tapat ng kanto. Naka-motor siya ngayon at naka-smile, parang walang kahit anong bigat sa mundo. Sana all. Ang gwapo niya rin tingnan sa suot niya.
“Hi,” bati niya. “Ang ganda mo.”
Napangiti ako nang kaunti. “Salamat.”
Sumakay ako sa likod. Habang umaandar kami, ang dami kong iniisip. Hindi ko alam kung bakit, pero pakiramdam ko parang may mata sa likod ko. Parang may naiwan akong tensyon sa bahay. Pero pinilit kong itaboy ang isip na ‘yon. Hindi ko puwedeng ikulong ang sarili ko sa isang lalaking hindi malinaw sa akin kung ano ba talaga ako sa buhay niya.
Huminto kami sa isang maliit na café malapit sa highway.
Tahimik. Hindi matao. Sakto lang para makapag-usap kami. Ang totoo ay kinakabahan ako. Pagkaupo pa lang namin, ramdam ko na agad na seryoso si Adam.
“Lara,” bungad niya, “matagal na kitang gustong kausapin nang ganito.”
Napakagat ako sa labi. “Talaga? Bakit naman?”
“Hindi lang kita inaaya para sa simpleng kape.”
Huminga siya nang malalim. Kinabahan naman ako.
“Gusto kitang ligawan. Sa seryosong paraan.”
Nanlaki ang mata ko. Hindi dahil hindi ko inasahan, kundi dahil biglang bumigat ang dibdib ko.
“Adam…” mahina kong sabi.
“Alam kong matagal na tayong magkakilala,” patuloy niya. “At alam kong may mga panahon na parang may inaantay ka pa. Pero gusto kong malaman mo na handa akong maghintay kung bibigyan mo ako ng chance.”
Natahimik ako sa biglaan niyang confession.
Mabait si Adam. Maasikaso at masipag. Professional at alam kong kung kami ang magkakatuluyan ay hindi ako mahihirapan.
Hindi ako pinapahirapan ng katahimikan.
Hindi ako pinapaisip ng malalim. At higit sa lahat may direksyon siya.
“Hindi kita pipilitin,” dagdag niya. “Gusto ko lang maging malinaw.”
Huminga ako nang malalim.
“Adam, hindi ko masasabi ngayon ang sagot na gusto mong marinig,” tapat kong sabi.
Ngumiti siya nang bahagya. “Pero hindi mo rin sinabing ayaw mo.”
Tumango ako.
“May… may gumugulo lang sa isip ko ngayon,” amin ko.
“May ibang lalaki ka na bang nagugustuhan?” diretsong tanong niya.
Napatigil ako at kamuntik ng mapaubo sa sarili kong laway. Hindi ako agad nakasagot. At sa katahimikang iyon, alam kong sapat na ang sagot ko. Siguro naman mage-gets na niya.
Umiling siya nang bahagya, pero hindi galit. Mas parang naiintindihan. Hindi ako sure.
“Okay,” sabi niya. “Hindi ako aalis. Pero hindi rin ako titigil,” aniya at hlatang determinado.
Napangiti ako nang kaunti. “Salamat sa pag-intindi.”
Nag-usap pa kami nang kaunti, mga normal na bagay lang. Pero sa totoo lang eh kalahati ng isip ko, wala roon. Kalahati nasa bahay. Ano na kaya ang ginagawa ni Markus ngayon?
Pagkatapos naming kumain at mag-usap ay umuwi na rin kami. Pagdating ko sa kanto ay nagpaalam na ako kay Adam.
“Ingat ka, salamat sa pagsama ss ‘kin,” sabi niya.
“Salamat din,” sagot ko.
Habang naglalakad ako pauwi, pinipilit kong ayusin ang sarili ko. Wala akong ginawang mali. Wala, dahil karapatan kong makipag-usap sa kahit kanino. Karapatan kong magdesisyon para sa sarili ko.
Pagbukas ko ng pinto ay napalunok ako. Lintik! Tahimik ang bahay. Madilim ang sala, tanging ilaw lang sa gilid ang bukas. Kamuntik pa akong mapasigaw nang matuon ang tingin ko sa sala. Nakatayo sa gitna ng sala. Hindi nakaupo. Hindi rin gumagalaw. Nakatitig lang sa pinto at sa akin.
“A-Ah haha..”
Biglang bumilis ang t***k ng puso ko. Pero pinilit kong huwag magpakita ng takot kahit ang totoo ay natataranta na ako. Sa klase ng tingin niya hindi ko na alam.
“B-bakit ka gising pa?” tanong ko, pilit normal ang boses. Nagbabaliktad na nga ang mga sinasabi ko.
Hindi siya sumagot agad. Tinitigan lang niya ako. Napakamot na lamang ako sa batok ko.
Matagal siyang nakatitig at tahimik. ‘Yung klase ng titig na parang may kinikimkim na galit.
“Masaya ka ba?” tanong niya sa wakas.
Napakunot-noo ako.
“Ha?”
“Masaya ka ba sa lakad mo?” ulit niya, mas mababa na ang boses.
Hindi ko alam kung bakit, pero bigla akong nainis. Hindi lang kinabahan. Nainis talaga ako sa klase ng tanong niya.
“Oo,” sagot ko. “Wala akong ginawang masama.”
Lumapit siya nang kaunti.
“Sinabi ko sa ’yo na layuan mo siya.”
Tumayo ako nang mas tuwid.
“At sinabi ko rin sa’yo na hindi mo ako puwedeng utusan,” sagot ko nang tapang-tapangan.
Kumunot ang noo niya sa sagot ko kaya dinagdagan ko pa.
“Hindi mo ako pag-aari, Markus,” diretso kong sabi. “Hindi kita obligasyong sundin.”
“Hindi ko sinabing pag-aari kita,” malamig niyang sagot.
“Pero ganu’n ang dating,” sagot ko rin. “Parang gusto mong kontrolin ang desisyon ko sa buhay.”
“Pinoprotektahan kita,” giit niya. Natawa na lang ako nang pagak.
“Hindi ko kailangan ng bantay. Hello? Ilang taon na ako sa mundong ‘to. Hindi kita need onay?” inis kong wika.
Tumingin siya sa akin, halatang hindi sanay na sinasagot.
“Hindi mo alam ang—”
“Hindi ko kailangang malaman,” putol ko.
“Ang alam ko lang, may sarili akong buhay. May sarili akong plano. May sarili akong oras.”
Huminga ako nang malalim.
“Bente-siete na ako, Markus. Hindi na ako bata. Gusto ko ring mag-asawa balang araw. Gusto ko ring may makasama. At kung may lalaking handang lumapit sa akin nang malinaw—hindi ko puwedeng itaboy dahil lang sa sinabi mo.”
Hindi siya nagsalita pero kita ko ang pag-igting ng panga niya.
“Hindi mo siya kilala,” sabi niya.
“Kilalang-kilala ko siya kaysa sa’yo,” sagot ko. “Kasi siya, nagsasalita. Ikaw para kang ano, hindi kita ma-gets, tahimik ka lang tapos bigla-bigla kang magdedesisyon para sa akin. Swerte mo naman boi.”
Lumapit siya ng isang hakbang.
“Lara—”
Napalunok ako at napaatras.
“Kung may sasabihin ka,” mabilis kong sabi, “sabihin mo nang malinaw. Kung wala, huwag mo akong pigilan.”
Ang bigat ng hangin sa pagitan namin.
At sa titig niya eh parang may gustong sumabog. Pero hindi niya ginawa.
Sa halip, umurong siya ng isang hakbang. Kaya naguluhan ako. Para siyang lalaking hindi tuli. Takot pumasok. Maayos lng sa umpisa.
“Gawin mo ang gusto mo,” malamig niyang sabi.
At pumasok sa kwarto niya saka pabalyang Isinara ang pinto. Naiwan naman akong nakatayo sa sala. Tae ba siya? Ano na namang problema niya?
Napahawak na lang ako sa dibdib ko. Ang sakit ha. Pinaasa na naman niya ako. Hindi ako umiiyak. Hindi rin ako nagsisisi.
Pero sa loob-loob ko eh hindi ko rin alam kung bakit parang mas masakit ang katahimikan niya kaysa sa galit na inaasahan ko.
Hindi ako agad nakatulog matapos ang nangyari. Pero kinabukasan, pinilit kong bumangon na parang walang mabigat sa dibdib ko. Wala akong karapatang magdrama. Wala kaming label. Wala kaming kasunduan. Wala akong karapatang umasa.
Kaya nag-message ako kay Adam. Lintik siya! Kung kaya niya akong saktan nang ganoon, kaya ko rin siyang saktan nang ganito tang-ina siya!
“Pwede ba tayo magkita saglit mamaya?”
Agad siyang nag-reply.
“Anytime. Sunduin kita”
Hindi ko sinabi kay Markus.
Hindi dahil tinatago ko. Kundi dahil hindi ko kailangang ipaalam sa kaniya ang bawat galaw ko.
Bandang gabi ay nagpaalam ako sa nanay ko na lalabas saglit. Paglabas ko ng bahay ay wala si Markus sa sala.
Hindi ko alam kung saan siya nagpunta. At sa totoo lang mas magaan sa pakiramdam ko ang hindi ko siya nakikita.
Sinundo ako ni Adam at naglakad lang kami sa may maliit na park malapit sa barangay.
Tahimik ang paligid. Mahina ang ilaw ng poste.
“Lara,” bungad niya, “ayokong ipilit ang sarili ko sa’yo, pero gusto kong maging malinaw sa intensyon ko.”
Tumingin ako sa kaniya. “Alam ko. At na-appreciate ko ‘yon.”
“Hindi kita hahatakin kung may iba kang gusto,” dagdag niya. “Pero hindi rin kita pababayaan kung kailangan mo ng panahon.”
Huminga ako nang malalim.
“Adam, hindi ko pa kayang sagutin ang kahit ano ngayon,” tapat kong sabi.
Tumango siya.
“Okay lang. Basta huwag mong isipin na mag-isa ka.”
Naglakad pa kami ng konti.
Hanggang sa may biglang huminto sa likod namin. Isang motorsiklo. Dalawa ang sakay.
Naka-helmet pa ang mga ito kaya hindi ko agad pinansin. Hanggang sa bumagal ang lakad namin. At bumagal din ang andar nila.
“Lara…” mahinang sabi ni Adam. “Parang—”
Biglang bumaba ang isa sa motor. Mabilis ang kilos. Hinawakan niya ang braso ko.
“Hoy!” sigaw ni Adam, sinubukang harangin.
Pero tinulak siya palayo. Napasigaw ako sa pagkataranta.
“Bitiwan mo ako!”
Hindi ko na namalayan kung paano.
Basta biglang may malakas na suntok.
Tumilapon ang lalaking humawak sa akin.
Narinig ko ang tunog ng pagbagsak ng katawan sa semento. Pag-angat ko ng tingin ay nakita ko Si Markus.
Matigas ang panga. Malamig ang mata at hinihingal. Ang ikalawang lalaki, mabilis na sumakay ulit sa motor at tumakas.
“Lara, okay ka lang?” sigaw ni Adam.
Pero hindi ko agad siya nasagot.
Kasi ang tinititigan ko ay si Markus.
Tahimik niyang hinila ang lalaking bumagsak. Isang suntok.
Isang beses pa. Hindi siya sumisigaw. Hindi siya nagmumura. Pero bawat galaw niya… parang walang awa.
“Markus, tama na!” sigaw ko.
Huminto siya saka tumingin sa akin.
Saka binitiwan ang lalaki na halos hindi na makagalaw. Lumapit siya sa akin at tiningnan ang braso ko.
May bahagyang pamumula kung saan ako hinawakan.
Gumalaw ang panga niya.
“Masakit?” tanong niya.
Umiling ako. “Hindi… okay lang ako.”
Tumango siya. Saka humarap kay Adam.
Tahimik lang sila pareho pero ramdam ko ang tensyon sa pagitan nila.
“Ikaw ang kasama niya?” tanong ni Markus.
“Oo,” sagot ni Adam, diretso rin ang tingin. “At kung hindi ka dumating, ako ang poprotekta sa kaniya.”
Tumango si Markus. Hindi galit. Hindi rin impressed pero ang tingin niya halatang nang-iinsulto.
“Really? Eh kung hindi pa ako dumating hindi ka nga kumikilos eh,” sagot niya.
Napakunot-noo si Adam. “Anong ibig mong sabihin?”
Lumapit si Markus ng isang hakbang.
Hindi agresibo. Pero dominante ang tindig.
“Kung sasama siya sa ’yo ulit,” mababang sabi niya, “siguraduhin mong kaya mong panindigan ang salitang proteksyon.”
“Hindi mo kailangang magbanta,” sagot ni Adam.
“Hindi ito banta,” malamig na sagot ni Markus. “Babala.”
Napatingin ako sa kanila.
“Tama na, huwag na kayong mag-away,” saway ko.
Tumingin sa akin si Markus. At sa titig niya may kung anong masakit kaya natigilan ako.
“Hindi ito away,” sabi niya. “Ito ang realidad.”
Bumaling siya ulit kay Adam.
“Hindi kita kilala,” dagdag niya. “Pero kung lalapit ka sa kaniya, siguraduhin mong hindi ka uurong kapag siya na ang nasasaktan. Hindi nakakalalaki ang pagsalba sa sarili mo.”
Tahimik si Adam sandali.
Saka tumango. “Hindi ako uurong.”
Sandaling nagkatitigan ang dalawa.
Parang dalawang mundo na magkaibang-magkaiba pero parehong matigas. Pagkatapos, biglang bumaling si Markus sa akin.
“Uuwi na tayo.”
Hindi iyon tanong.
Napasinghap ako.
“Markus—”
“Uuwi na tayo,” ulit niya, mas mababa ang boses.
Tumingin ako kay Adam.
“Okay lang,” sabi niya sa akin. “Mag-message ka pagdating mo.”
Tumango ako.
Habang naglalakad kami pauwi ni Markus, walang nagsasalita sa ‘min. Tahimik ang daan. Tahimik ang pagitan namin. Hanggang sa hindi ko na kinaya.
“Sinusundan mo ba ako?” tanong ko.
“Hindi,” sagot niya.
“Paano mo ako nahanap?”
“Tamang oras, maling lugar,” sagot niya.
“Hindi ‘yan sagot.”
Huminto siya sa paglakad.
Tumingin sa akin.
“May mga bagay na hindi mo kailangang malaman,” sabi niya. “Ang mahalaga, safe ka.”
Nainis ako. “Hindi mo puwedeng palaging ganiyan.”
“Ganiyan na talaga ako.”
“Hindi mo puwedeng basta na lang sumulpot sa buhay ko tapos aakto kang—”
“Ano?” putol niya.
“na parang may karapatan ka sa akin.”
Tahimik.
At sa katahimikang iyon, mas lalong bumigat ang titig niya.
“Hindi ko sinabing may karapatan ako sa’yo,” sagot niya. “Pero hindi rin kita hahayaang mapahamak dahil sa mga desisyon mo.”
“Desisyon ko ‘yon,” mariin kong sabi. “Buhay ko ‘to.”
Tumango siya.
“Mismo,” sagot niya.
“Kaya nga kita pinapabayaan gumawa ng sarili mong desisyon. Pero huwag mong asahan na titigil akong magbantay.”
Huminga ako nang malalim.
“Bakit? Aso ka ba?” tanong ko.
Tahimik siya sandali. Tapos tumingin siya diretso sa akin.
“Dahil kapag may nangyari sa’yo,” mababa niyang sabi, “ako ang hindi makakatulog.”
Parang may sumuntok sa dibdib ko. Kung bakit ksi ‘di na lang umamin ang kumag na ‘to.
“Markus…”
“Huwag mong pilitin akong sabihin ang hindi ko pa kayang sabihin,” dugtong niya.
“Pero huwag mo ring ipagkait sa akin ang karapatang siguraduhing okay ka.”
Hindi na ako nakasagot.
Pagdating namin sa bahay, tahimik kaming pumasok. Bago siya pumasok sa kwarto niya, huminto siya.
“Kung lalabas ka ulit,” sabi niya, “sabihin mo sa akin.”
Napakunot-noo ako. “Para sundan mo na naman ako?”
“Para alam kong buhay ka.”
At pumasok na siya sa kwarto.
Naiwan akong nakatayo sa sala.
Mas magulo ang isip. Mas mabigat ang puso. At mas malinaw ang isang bagay. Hindi na lang ito basta awkward. Hindi na lang ito simpleng attraction.
May kung anong mas malalim at mas delikado na unti-unti nang pumapasok sa pagitan namin.
Tahimik ang bahay.
Yung klase ng katahimikan na rinig mo pati sariling paghinga mo.
Wala si Nanay.
May outing daw sila ng mga ka-zumba niya. Overnight pa nga. Victory party raw ulit. Jusko, parang buwan-buwan na lang may victory.
Ibig sabihin kami lang ni Markus sa bahay. At kung akala ko magiging normal lang ang lahat eh mali ako.
Nandoon siya sa sala, nakatayo malapit sa bintana, nakasandal sa pader, parang may iniisip na mabigat.
Ako naman, paikot-ikot na sa kusina. Kumuha ako ng baso. Nagbukas ng ref. Kumuha ng gatas. Umupo sa upuan.
Uminom.
Tumingin sa kanya. Uminom ulit. Naiihi na nga ako. Jusko, Lara, para kang ewan.
“May sasabihin ako,” bigla niyang sabi.
Napaupo ako nang diretso. “Ha? Ano?”
Hindi siya agad lumingon. Parang pinipili ang tamang salita. O baka pinipigilan ang sarili.
“Kanina pa kita gustong kausapin,” dagdag niya, mababa ang boses.
Tumikhim ako. “Edi… magsalita ka na. Hindi naman ako tatakbo.”
Tumingin siya sa akin.
Diretso at ma tagal.
‘Yung klase ng titig na parang sinusukat ang buong pagkatao mo.
“Hindi ito madali,” sabi niya.
Napasinghap ako. “Markus, kung problema ‘to, sabihin mo na lang. Mas kinakabahan ako sa katahimikan mo kaysa sa sasabihin mo.”
Lumapit siya. Isang hakbang.
Dalawa. Hanggang nasa harap ko na siya.
Tumayo ako nang hindi ko namamalayan.
Magkalapit na kami.
Masyadong magkalapit.
Ramdam ko ang init ng katawan niya.
Amoy ko ang pabango niya na may halong usok at kung ano mang hindi ko maipaliwanag pero nakakabaliw.
“Lara,” tawag niya sa pangalan ko, mas mababa na ang boses.
“Sabihin mo na,” medyo naiinis na sabi ko. “Grabe ka. Para akong bibigyan ng bad news tapos patatagalin mo pa.”
May bahagyang kurba ang labi niya.
Hindi ngiti.
Parang may halong sakit.
“Hindi bad news,” sabi niya.
“Pero delikado.”
Napakunot-noo ako. “Delikado saan?”
Hindi siya sumagot.
Sa halip inaangat niya ang kamay niya.
Dahan-dahan. Parang natatakot na baka umatras ako. Pero hindi ako gumalaw. Hinaplos niya ang gilid ng mukha ko.
Isang dampi lang.
Pero parang may kuryenteng dumaloy sa buong katawan ko.
“Markus…” mahina kong sambit.
Huminga siya nang malalim.
Parang nagdesisyon na.
“Matagal na kitang pinipigilan,” sabi niya.
“Matagal na kitang tinitignan na parang bawal.”
“Bawal saan?” bulong ko.
“Sa sarili ko.”
Bigla kong naramdaman na bumilis ang t***k ng puso ko.
“Hindi kita dapat nilalapitan,” dagdag niya.
“Hindi kita dapat dinadamay. Pero—”
Napuno na ako.
“Pero ano?” tanong ko, halos pasigaw na.
“Sabihin mo na, Markus! Nakakainis ka na!”
Bigla niyang hinawakan ang magkabilang braso ko. Hindi masakit. Mahigpit lang. Parang pinipigil ang sarili.
“I like you,” bigla niyang sabi.
Parang may sumabog sa loob ng dibdib ko.
“Ha?” mahina kong sambit.
“Gusto kita,” ulit niya, mas madiin.
“At galit ako sa sarili ko dahil doon.”
Napanganga ako.
Gusto kong magsalita.
Gusto kong sumigaw.
Pero wala akong masabi.
Dahil sa totoo lang…
matagal ko na ring nararamdaman.
Pero siya eh hindi ko akalaing aamin.
“Hindi ka dapat sa akin,” sabi pa niya.
“Hindi ka dapat nadadamay sa mundo ko.”
“Eh bakit mo ako hinalikan?” mabilis kong tanong.
Napapikit siya sandali.
“Dahil mahina ako pagdating sa’yo.”
Lumapit pa siya.
Hanggang halos magdikit na ang noo namin.
“Dahil tuwing tinitingnan kita,” bulong niya,
“nakakalimutan ko lahat ng dahilan kung bakit dapat akong lumayo.”
Nararamdaman ko na ang paghinga niya.
Mainit. Mabigat.
Halos kasing bilis ng sa akin.
“Markus…” bulong ko ulit.
Dahan-dahan niyang idinikit ang noo niya sa noo ko. Hindi pa halik. Pero mas nakakakilig pa.
“Kung lalapit pa ako,” sabi niya,
“hindi na ako titigil.”
“Eh di huwag kang tumigil,” mahina kong sagot.
Napasinghap siya.
Parang nawalan ng kontrol sa isang segundo.
At saka hinalikan niya ako.
Hindi agad malalim.
Hindi marahas.
Isang mabagal, nanginginig na halik.
Parang tinatanong kung okay lang.
Parang humihingi ng pahintulot.
At dahil hindi ako umatra mas humigpit ang hawak niya sa bewang ko.
Mas tumagal ang halik.
Mas naging totoo.
Mas mainit.
Nang humiwalay siya, magkadikit pa rin ang noo namin.
“Naiintindihan mo ba ngayon kung bakit galit ako sa sarili ko?” mahina niyang tanong.
Huminga ako nang malalim.
“Naiintindihan ko,” sagot ko.
“Pero galit din ako sa’yo.”
Napakunot-noo siya. “Bakit?”
“Dahil ngayon mo lang sinabi.”
May bahagyang ngiti sa labi niya.
“Natakot ako.”
“Sa akin?”
“Sa sarili ko,” sagot niya.
“Dahil pag sinimulan ko ‘to… hindi na kita pakakawalan.”
Bigla akong kinabahan.
Pero sa kakaibang paraan mas lalo akong kinilig. Lord, nanalo ako ngayon. Gusto ako bg crush ko.