Kinabukasan, ang goal ko lang sa buhay ay simple lang. Iyon ay ang huwag makita si Markus. Kahit saglit, kahit anino o kahit reflection sa kutsara.
Kaya nang dumaan ako sa vulcanizing shop ni Tiyo Bob at nakita ko siyang nakatayo sa gilid, hawak ang bote ng Pocari na kalmado, malamig at parang walang nangyaring halikan kagabi ay bigla akong nakaramdam ng survival instinct.
Umiwas ang katawan ko bago pa mag-process ang utak ko. Hindi ko na kasi alm kung ano pa ba ang dapat na maramdaman. Sari-sari na eh. Ginugulo niya ang sistema ko.
At sa loob ng dalawang segundo, ako na ang babaeng biglang kumakaripas ng takbo sa kabilang kanto na parang may humahabol na aswang.
“Laring!”
Narinig ko pa si Gargol sa likod ko pero dedma na. Hindi puwede. Hindi ngayon at hindi kailanman. Habang tumatakbo, kinakausap ko na ang sarili ko sa utak ko. Ginagawa kong tanga ang sarili ko lintik!
Lara, kalma. Hindi mo siya kailangang makita. Hindi mo siya kailangang kausapin. Hindi mo kailangang maalala ang lahat. Pero paano ko hindi maaalala? Eh sa tuwing pipikit ako, nandoon pa rin ‘yung alaala ng mga nangyari kagabi. Lalo na ang halikan namin.
‘Yung boses niyang mababa. ‘Yung sinabi niyang magpakasal kami. At higit sa lahat ‘yung sinabi niyang layuan ko si Adam.
Parang sirang plaka ang utak ko. Paulit-ulit. Paulit-ulit nang paulit-ulit. Pagdating ko sa tindahan ay parang may hinahabol pa rin akong multo.
Kaya ang ginawa ko ay naglinis ako. Hindi normal na linis ang ginagawa ko para lang maalis siya sa isipan ko. ‘Yung linis na parang may inspection ang barangay captain.
Pinunasan ko ang estante kahit kakapunas ko lang kanina. Inayos ko ang mga de-lata kahit maayos na. Pati bote ng suka, nilinya ko parang military formation.
“Girl…”
Lumingon ako kay Cora na nakatingin sa akin na parang may problema sa utak.
“Bakit parang gusto mong manalo sa cleaning olympics?”
“Wala,” sagot ko agad. “Trip ko lang.”
“Trip mo lang o trip mong umiwas sa isang tahimik pero pogi na lalaki?”
“Hindi ako umiiwas.”
“Tumatakbo ka kanina ah. Nakita kita kanina. Jont jeny it,” aniya at nginisihan ako.
“Nagja-jogging.”
Umismid siya. “Sa tsinelas?”
“New trend.”
Umiling siya at lumapit sa akin. Halatang hindi kumbinsido.
“So? Kumusta kayo kagabi?”
“Wala,” sagot ko at nagpatuloy sa aking ginagawa.
“Walang ano?” usisa niya.
“Walang kahit ano.”
“Totoo?”
“Oo.”
Ang mukha niya halatang hindi naniniwala. Chismosa kasi talaga kaya hindi agad naniniwala.
“Lara, sa mukha mo pa lang, parang may krimen na nangyari.”
Napasinghap ako. “Wala nga!”
“Totoo?”
“Oo!”
“Hindi ka niya hinalikan?”
“Hindi naman niya sinasadya ‘yo—-!”
Nanlaki ang mata ko. Tahimik kami pareho.
Napaka-awkward na katahimikan.
“OMG! Hinalikan ka niya?”
Napatalon si Cora na parang nanalo sa lotto. Ang OA talaga.
“Ano ba? May mga customer. Takpan mo nga ‘yang bibig mo,” saway ko sa kaniya.
Inirapan naman niya ako.
“Wala akong pakialam. Bahala sila no,” sagot niya kaya hinila ko siya sa likod ng estante.
“Tumahimik ka nga!”
“So, kailan girl? Paano? Saan? Ilang segundo? May kasama bang padila si pogi?” kinikilig niyang tanong.
“Rated SPG iyang utak mo ha. Ano ba ‘yang pinagsasabi mo? Ang awkward pakinggan,” sambit ko. “Eh ano kung meron?”
Napaupo ako sa silya, hawak ang noo. “Hindi ko nga alam kung ano ‘yung dapat kong maramdaman.”
Biglang naman naging seryoso ang mukha ni Cora kaya napalunok ako.
“Girl…”
“Kasi parang… parang normal lang sa kaniya. Tapos bigla-bigla niyang sasabihin na magpakasal kami. Tapos bigla-bigla rin akong sabihang layuan si Adam. Tapos ngayon ay parang wala. Hindi na naman siya nagpaparamdam.”
Tumango si Cora. “Okay, first of all, ang intense. Second, girl, kung ako ‘yan, naka-print na ang wedding invitation.”
“Cora!” asik ko.
“Ano? Practical lang.”
“Hindi ito nakakatuwa.”
“Oo nga,” sabi niya. “Kaya nga nakakakilig.”
“Frustrating kaya!”
“Frustrated pero kinikilig.”
“Hindi!”
“Medyo.”
“Wala!”
“Konti.”
Napasinghap ako. “Ewan ko na sa’yo.”
Ngumiti siya. “Pero girl, aminado ka na… may feelings ka na.”
Hindi na ako sumagot. Kasi doon ako natakot. Bandang alas sais, nagpaalam na ako para umuwi.
Pagod na pagod ako sa buong araw na pag-iwas, pag-deny, at pag-iisip.
Pagliko ko sa kanto papunta sa bahay ay nakita ko siya. Nakatayo sa harap ng gate, may hawak na sigarilyo, at nakasandal sa pader, parang karakter sa pelikulang kriminal ang bida.
Napalunok ako.
Biglang bumilis ang t***k ng puso ko.
Kinakabahan ba o kinikilig. Gusto kong umatras pero huli na. Napansin na niya ako.
“Tapos na trabaho mo?” tanong niya, kaswal, pero malamig pa rin ang tono.
“O-oo,” sagot ko, pilit na inaayos ang boses ko kahit parang may choir ng kaba sa dibdib ko.
Tahimik kaming naglakad papasok ng gate.
Ang lakas ng t***k ng puso ko lalo. Feeling ko naririnig niya.
Pagpasok naminsa bahay ay nanadoon na si nanay.
“Lara! Markus! Kain na kayo!”
Agad kaming naupo.
Tahimik lang si Markus, normal lang kumain, parang hindi niya ako ginugulo sa utak ko sa bawat segundo.
Ako naman, halos hindi makalunok sa kaba.
Pagkatapos kumain.
“Ay, aalis na pala ako. May victory party kami sa zumba, nanalo kami kanina!” masayang sabi ni nanay.
“Ay nanay—” hindi ko na natapos.
Umalis na siya.
At biglang kami na lang.
Tahimik. Masustansya pa.
Ang tahimik na parang may background music sa horror movie. Tumayo ako agad.
“A-ah… mauuna na ako sa kwarto.”
Mabilis ang hakbang ko.
Gusto ko lang makaligtas.
Gusto ko lang makapasok sa kwarto na hindi siya titingin, hindi siya magsasalita, hindi niya—
“Lara.”
Tumigil ako.
Huminga ako nang malalim bago humarap.
“O-o?”
Tinitigan niya ako.
Matagal.
Tahimik.
At sa bawat segundo ng katahimikang iyon, pakiramdam ko ay natutunaw ang utak ko.
“Okay ka lang ba?” tanong niya.
Parang wala lang. Parang normal.
Parang hindi niya ako ginawang emotionally unstable human being sa loob ng tatlong araw.
“O-oo,” sagot ko agad. “Okay lang ako.”
Tumango lang siya.
“Good.”
At pumasok na sa kwarto niya. Naiwan akong nakatayo sa sala. Hawak ang dibdib.
Hindi ko alam kung gusto kong umiyak, tumili, o sumigaw sa unan.
Isa lang ang sigurado. Kung ganito siya palagi, mauuna akong mabaliw bago pa man ako ma-in love.
Hindi ako agad nakatulog. Hindi dahil sa kape. Hindi dahil sa cellphone. Kundi dahil sa isang lalaking tahimik na parang multo pero sobrang lakas manggulo ng utak.
Kaya bandang alas-onse ng gabi, bumangon na lang ako para kumuha ng gatas sa kusina.
Comfort drink ko ‘yon kapag hindi ko alam kung anong gagawin sa feelings ko. Paglabas ko ng kwarto, tahimik ang buong bahay.
Madilim, tanging ilaw lang sa kusina ang bukas.
Binuksan ko ang ref, kinuha ang gatas, nagsalin sa baso, at sandaling nakatingin lang doon habang nag-iisip.
Kalma, Lara. Hindi mo siya jowa. Hindi mo siya karapatan. Hindi ka niya responsibilidad.
Pero bakit parang… parang masyadong may epekto sa akin ang presensya niya? Bitbit ang baso ng gatas, lumabas ako ng kusina at umupo sa sofa sa sala.
At doon ko siya nakita. Nakaupo sa kabilang dulo ng sofa, nakasandal, may hawak na cellphone.
Si Markus.
Tahimik.
Parang kanina lang siya sumulpot mula sa dilim. Napahinto ako sa paglakad.
“Ah—hindi ko alam na nandito ka,” sabi ko.
“Mm,” sagot niya.
Oo lang ‘yon.
Palagi na lang mm. Umupo pa rin ako, pero sa kabilang dulo ng sofa, parang may invisible na pader sa pagitan namin.
Tahimik.
Tahimik na parang gusto kong mag-ingay pero wala akong maisip sabihin. Uminom ako ng gatas. Siya, nakatitig lang sa cellphone.
Hanggang sa tumunog ang cellphone ko.
Text.
Automatic kong kinuha ‘yon.
At bago ko pa man mabasa ang pangalan, nakita ko na sa gilid ng mata ko. Napatingin si Marku sa gawi ko. Isang mabilis lang na sulyap.
Pero sapat para mapansin ko. Pagtingin ko sa screen ay si Adam.
Adam:
Hi Lara, okay ka lang ba? Hindi ka nagre-reply kanina.
Napasinghap ako nang bahagya.
Hindi ko alam kung bakit bigla akong kinabahan. Hindi naman bawal may mag-text sa akin. Hindi naman kami ni Markus.
Bigla kong naramdaman ang bigat ng tingin sa akin. Pag-angat ko ng tingin ay nakatitig na si Markus.
Hindi galit. Hindi rin malamig.
Pero may kung anong tensyon sa mukha niya na hindi ko maipaliwanag.
“Ah… si Adam,” sabi ko, hindi ko alam kung bakit ko pa kailangan ipaliwanag.
Tumango lang siya.
Isa. Isang maliit na tango.
Bumalik ang tingin niya sa cellphone niya.
Pero ramdam ko. Hindi na siya kasing-relaxed kanina.
Nag-reply ako kay Adam.
Okay lang ako. Kakauwi lang. Ikaw?
Tahimik.
Pero ramdam ko na naman ang tingin ni Markus.
Parang gusto kong matunaw sa sofa.
“Close talaga kayo?” bigla niyang tanong.
Napalingon ako sa kaniya.
“H-ha?”
“Close kayo?” ulit niya, tono pa rin niya ‘yung parang nagtatanong lang ng oras.
“O-okay lang,” sagot ko. “Magkaibigan.”
“Hmm.”
Ayun na naman. Hmm.
Hindi ko alam kung dapat ba akong kabahan o matuwa.
Tahimik ulit. Hanggang sa nag-text ulit si Adam.
Adam:
Pwede ba kitang makita bukas? May gusto sana akong sabihin sa’yo.
Parang biglang uminit ang sala.
Hindi ko pa man nasasagot—
“Lalabas ka bukas?” tanong ni Markus.
Napalingon na naman ako sa kaniya.
“Hindi ko pa alam,” sagot ko. “Baka.”
Tahimik siyang nakatingin sa akin.
At sa katahimikang iyon. Biglang bumalik na naman sa isip ko ang halikan namin.
Kung gaano siya kalapit noon.
Kung paano niya ako tinitigan.
Kung paano niya sinabiing magpakasal tayo. Biglang bumilis ang t***k ng puso ko.
At parang…parang naramdaman niya rin ang biglang pagbabago ng hangin sa pagitan namin.
Lumapit siya nang kaunti sa sofa.
Hindi sobra. Pero sapat para mas ramdam ko ang presensya niya.
“Sinabi ko na sa’yo,” mababa niyang sabi.
“Ha?” halos pabulong kong sagot.
“Na layuan mo siya.”
Parang may dumaan na kuryente sa katawan ko.
“Hindi mo puwedeng sabihin sa akin ‘yan,” sagot ko, mahina pero seryoso. “Wala kang karapatan.”
Tumahimik siya sandali saka tinitigan lang ako.
“At ano ako sa’yo?” tanong ko, hindi ko na napigilan ang sarili ko. “Bakit ka may karapatang sabihan ako ng ganito?”
Tahimik.
Pero sa titig niya wh halatang parang may pinipigil.
“Hindi kita sinasabihan dahil may karapatan ako,” sagot niya.
“Sinabi ko dahil ayoko.”
Napatigil ako.
“Ayaw mo ng ano?” mahina kong tanong.
“Ayaw kong mapalapit ka sa kaniya.”
Grabe. Gusto kong matawa.
Gusto kong umiyak. Gusto kong sumigaw ng ano ka ba sa buhay ko.
Pero ang lumabas lang sa bibig ko ay bakit. Tang-ina kasi eh.
“Bakit?” tanong ko.
Tahimik ulit nang matagal.
At sa katahimikang iyon, parang mas ramdam ko ang bigat ng mga hindi niya sinasabi kaysa sa mga sinasabi niya.
“Matulog ka na, Lara,” sabi niya bigla.
Tumayo siya.
Iniwan akong nakaupo, hawak pa rin ang baso ng gatas na hindi ko na ininom.
Lumakad siya papunta sa kwarto niya.
At bago tuluyang pumasok ay may paiwan pa.
“Hindi kita hahayaang masaktan.”
Iyon lang. Huwag na at isinara na niya ang pinto. Naiwan akong nakatitig sa pinto.
Utak ko: magulo.
Puso ko: hindi mapakali.
Cellphone ko: may text pa rin mula kay Adam na hindi ko pa sinasagot.
At sa gitna ng lahat ng iyon eh isang tanong lang ang paulit-ulit sa isip ko ngayon. Kung wala akong ibig sabihin sa kaniya,
bakit parang siya ang pinakaapektado sa lahat?
Kung may mas nakakapagod pa pala kaysa sa hindi makatulog dahil sa feelings—
iyon ay ang pumasok sa trabaho kinabukasan na may dalang emotional baggage at puyat. Pagdating ko pa lang sa tindahan, alam ko nang may mangyayari.
Kasi si Cora…
nakaupo sa bangkito, nakapamewang, at nakatitig sa akin na parang ako ang kriminal na hinihintay niyang umamin.
“Umupo ka riyan,” sabi niya agad.
“Ha? Bakit?” tanong ko.
“Upo kayo lang?”
Napaupo ako sa kahon ng softdrinks.
“Anong drama na naman ‘to?” kunwari inosente kong tanong.
“Anong drama? IKAW ang drama,” sagot niya. “Anong nangyari kagabi?”
“Wala.”
“Sinungaling.”
“Wala nga.”
“Lara, hindi ka marunong magsinungaling. Kapag nagsisinungaling ka, parang gusto mong umiyak at tumawa at tumalon sa ilog nang sabay-sabay.”
Napapikit ako. “Grabe ka.”
“Kaya spill.”
Napabuntong-hininga ako. “Nagkita kami sa sala.”
Tumili siya agad. “ Ayyy!”
“Shhh!”
“Ano ba ang pinagsasabi mo?”
“Wala! Nag-iinom lang ako ng gatas!”
“Ang romantic naman.
“Okay, okay. Tapos?”
“Tapos… nag-text si Adam.”
Biglang nag-iba ang ekspresyon niya. “Ay.”
“Napansin niya.”
“Siyempre mapapansin niya, eh tahimik na nga siya tapos bigla pang naging awkward ang hangin.”
“Hindi naman siya nagalit,” dagdag ko agad. “Pero… sinabi niya ulit na ayaw niyang mapalapit ako kay Adam.”
Napanganga si Cora. “Excuse me?”
“Sinabi niya na ayaw niya.”
“Hindi niya sinabi kung bakit?”
“Hindi.”
“Pero sinabi niyang ayaw niya?”
“Oo.”
Tahimik si Cora ng dalawang segundo.
Tapos bigla siyang humawak sa balikat ko.
“Girl.”
“Ano.”
“Hindi ko man alam ang problema ng lalaking ‘yon, pero malinaw sa akin.
“Ano?”
“—may feelings siya sa’yo.”
“Hindi!”
“Meron!”
“Wala!”
“MERON!”
“CORA!”
“LARA!”
Nagkatinginan kami.
Ako ang unang umiwas.
“Edi kung meron… bakit hindi niya sabihin nang diretso?” mahina kong tanong.
Biglang naging seryoso ang mukha ni Cora.
Hindi na siya tumatawa.
“Girl… minsan, ‘yung mga lalaking maraming iniisip, hindi agad marunong magmahal nang malinaw.”
Hindi ako sumagot.
Pero biglang pumasok sa isip ko. Bakit parang totoo ‘yon? Biglang nag-vibrate ang cellphone ko sa bulsa.
Kinuha ko.
Si Adam.
Adam:
Good morning, Lara. Pwede ba kitang sunduin mamaya after work? Gusto sana kitang makausap nang maayos.
Napalunok ako.
Nakita ni Cora ang mukha ko.
“Si Adam ‘yan no?”
Tumango ako.
“Anong sabi?”
“Gusto niya akong makita mamaya.”
Tahimik siya sandali.
“Anong nararamdaman mo?” tanong niya.
Hindi ako agad nakasagot.
Kasi totoo, Hindi ko na alam.
“Hindi ko alam,” sagot ko sa wakas. “Gusto ko siyang kausapin… pero parang may mali. Parang may konsensya akong hindi ko maintindihan.”
“Dahil kay Markus.”
Hindi ako tumanggi.
“Girl,” seryoso niyang sabi, “hindi mo kasalanan kung magulo siya. Pero hindi rin fair na pigilan mo ang sarili mo dahil lang sa isang lalaking hindi marunong magsabi ng totoo.”
Napaisip ako at May punto siya. Kaya nag-reply ako kay Adam. Okay. Pwede.
Pag-uwi ko ng hapon, kinakabahan na naman ako.
Hindi ko alam kung bakit. Pagdating ko sa kanto eh nandoon na naman si Markus.
Nakaupo sa gilid ng shop, nag-aayos ng motor. Napatingin siya sa akin.
Tahimik.
“Uuwi ka na?” tanong niya.
“O-oo,” sagot ko.
“May lakad ka mamaya?”
Napatigil ako.
“May… may kikitain lang.”
Tahimik.
Ramdam ko agad ang pagbabago sa aura niya.
“Si Adam?” tanong niya.
Nanlaki ang mata ko. “P-paano mo—”
“Hula lang,” sagot niya.
Hindi ko alam kung magsisinungaling ba ako. Kaya hindi na lang. Nakakatakot talaga ang mga tingin niya. Kung titigan siya ay parang nawawalan na siya ng pasensiya.
“Oo,” sagot ko. “Mag-uusap lang kami.”
Tumango siya. Isang beses.
Pero ang panga niya parang mas matigas.
“Okay,” sabi niya.
Yun lang. Okay. Gusto kong matawa sa sarili ko. Gusto kong sumigaw. Gusto kong tanungin siya ng Talaga? Okay lang? Wala ka bang sasabihin? Wala ka bang gustong ipaglaban?
Pero wala akong sinabi.
Pumasok ako sa bahay, nagpalit ng damit, nag-ayos ng buhok.
Habang nagbibihis ako, ang tanong sa utak ko. Bakit parang pakiramdam ko may mali akong ginagawa? Paglabas ko ng kwarto, nandoon pa rin siya sa sala.
Nakatayo at naghihintay.
“Susunduin ka?” tanong niya.
“O-oo.”
Tahimik na naman na parang may dumaang something. Inayos ko ang sarili ko’t mukha g isang mali lang ngayon ewan ko na lang.
“At anong oras ka uuwi?”
“Hindi ko alam… baka hindi rin gabi.”
Mabagal siyang huminga.
“Sige,” sabi niya.
Lumakad na ako palabas.
Pero bago pa ako tuluyang makalabas ng pinto ay tinawag niya ako.
“Lara.”
Huminto ako.
“Mag-ingat ka,” sabi niya.
Hindi galit. Hindi malamig. Pero parang may bigat.
Tumango ako. “Oo.”
At lumabas na ako.
Habang naglalakad ako papunta sa gate, isang bagay lang ang malinaw sa puso ko. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari mamaya kay Adam. Pero mas hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin kapag tuluyan na akong nahulog sa lalaking hindi marunong umamin ng nararamdaman niya.
Mahirap sa ‘kin pero kahit papaano ay tinatanggap ko naman na ganoon talaga.