Isang segundo pa lang mula nang isara ko ang pinto ng kwarto ay sumabog na ang hallway sa putok ng baril.
Hindi ko na naririnig ang sigaw ni Lara.
Ang naririnig ko na lang ay ang pulso ko.
Mabilis, malakas at malamig ang isip. Tatlo sa kanan. Dalawa sa hagdan. Isa sa likod.
Mali ang galaw nila. Masyadong maingay.
Hindi ito assassination squad. Ito ay intimidation. Pero maling tao ang sinugod nila.
Humakbang ako sa gilid ng pader, hinayaan kong sumilip ang isa sa sulok at kaagad na binaril.
Diretso sa balikat at agad ding bumagsak.
Bago pa makasigaw ang isa pa ay sinunggaban ko na siya, hinatak pababa ang baril niya, at binalian ng siko at panga.
Narinig ko ang buto. Narinig ko ang sigaw.
Wala akong pakialam.
“Hanapin n’yo ‘yong babae!” sigaw ng isa sa ibaba.
Parang may pumutok sa loob ng dibdib ko.
Hindi niyo maaabot ang rooftop. Hindi kayo aabot sa kaniya. Tumalon ako sa railing ng hagdan. Diretso sa likod ng isa. Sumalpok kami sa sahig. Tatlong putok sa dibdib niya.
Hindi ko na tiningnan kung humihinga pa. Tumakbo ako pababa ng kalahating palapag. May sumalubong. Hindi ko na inisip at deritsong baril sa sentido.
Peste! Wala nang bala. Ngumisi siya. Maling-mali ang ginawa niya.
“Ulol!” asik ko. Sinunggaban ko ang leeg niya at itinulak sa pader.
Bumagsak ang baril niya kaya hinila ko ang ulo niya pababa at binasag ang mukha niya sa gilid ng bakal na handrail.
Paulit-ulit. Hanggang tumigil siyang gumalaw. Huminga ako nang malalim.
Pero hindi para kumalma. Kundi Para maghanda sa susunod. Sa radyo sa tenga ko, sumigaw si Bruno.
“Boss, may papasok sa likod! Tatlo! Armored!”
“Patay,” sagot ko lang.
Umakyat ako sa likod na pasilyo.
Masikip. Madilim. Amoy pulbura. Narinig ko ang yabag nila bago ko pa sila makita. Hinagis ko ang granada sa pader at kaagad na sumabog.
Yumugyog ang buong corridor. Dalawa agad ang bumagsak. Ang isa, sugatan pero gumagapang pa. Lumapit ako. Hinawakan ko ang baril niya. Tumingin siya sa akin na parang may gusto pang sabihin.
Pinutol ko na ang pagkakataon. Walang maiiwan. Hindi ngayong nandito siya sa taas.
Hindi habang humihinga pa si Lara.
⸻
🚁 ROOFTOP
Habang bumubulusok ang huling katawan sa ibaba ay narinig ko na ang tunog ng rotor.
Helikopter.
Hindi ito kanila. Ito ang amin.
Pero may isa pang papasok. Mula sa kabilang building. Isang Sniper.
Narinig ko ang putok. Narinig ko ang sigaw ni Cora sa radyo.
“PSALM!”
Tumakbo ako paakyat ng rooftop.
Dalawang bala ang dumaan sa tabi ng ulo ko. Tumalon ako sa likod ng ventilation unit.
Sumilip at nakita ko siya sa kabilang bubong. Masyadong kampante. Masyadong mabagal. Tinarget ko ang scope niya.
Ilng saglit lang ay kaagad na bumagsak.
Pero kasunod no’n ay may sumulpot pa.
Tatlo.
Automatic weapons. Nagpakawala sila ng bala sa rooftop. Tarantang napasigaw si nanay at Cora. Tinulak ni Bruno ang dalawa palayo sa gilid.
“PSALM, BILIS!”
Tumakbo ako diretso sa harap ng putukan.
Hindi ako puwedeng maghintay. Hindi puwedeng magkubli Hindi habang nandoon siya. Isang bala sa hita.
Nararamdaman ko ang init. Pero hindi ako bumagal. Tinamaan ang isa sa leeg.
Ang isa sa tuhod.
Ang huli ay hinagisan ko ng kutsilyo.
Diretso sa dibdib.
Tumigil ang putukan.
Humingal ako.
At saka ko siya nakita.
Nakatayo sa tabi ng helicopter. Maputla. Umiiyak. Pero nakatayo pa rin. Lumapit ako saka Hinila ko siya palapit sa akin.
“Sumakay ka.”
“Kasama ka,” nanginginig niyang sabi.
Tumingin ako sa likod. May mga paparating na ilaw mula sa kalsada. Mas marami pa.
Hindi na ito raid. Ito na ang gera.
Hinawakan ko ang mukha niya.
Mahigpit.
“Lara, sumakay ka.”
Umiling siya.
“Kahit mamatay ako—”
“HUWAG MO ‘YANG SASABIHIN!”
Hindi ko sinigawan ang kalaban ko.
Pero sinigawan ko siya. Dahil siya lang ang may kapangyarihang durugin ako.
Hinila ko siya papasok sa helicopter.
Sumunod si Cora, si nanay, si Bruno.
Ako ang huli. Habang tumataas ang helicopter ay nakita ko ang mga lalaking dumarating sa bubong.
Nagpapaputok.
Tinarget ko pa rin sila hanggang sa lumiit ang mundo sa ibaba.
Hanggang sa mawala ang ilaw ng barangay.
Hanggang sa tanging hawak ko na lang ay ang kamay niya nang mahigpit.
Parang ayaw niyang pakawalan. At hindi ko rin siya pakakawalan. Hindi na kailanman.
Hindi ko alam kung kailan ako nagsimulang manginig. Ang alam ko lang hindi na tumitigil ang kamay ko sa panginginig.
Masyadong malakas ang tunog ng helicopter. Masyadong mabilis ang lahat.
Kanina lang nasa kwarto lang ako tapos ngayon, nasa ere na ako, may dugo sa palad ko, at hawak ko ang kamay ng lalaking halos ikamatay ko sa takot.
Si Psalm. Si Markus.
Hindi ko na alam kung anong pangalan ang dapat kong isipin.
“B-bakit… bakit may dugo ka?” halos pabulong kong tanong habang pilit kong tinitingnan ang hita niya.
May punit ang pantalon niya.
May pula. Maraming pula.
“Gasgas lang,” malamig niyang sagot, pero kita ko ang higpit ng panga niya.
Sinubukan kong hawakan ang sugat. Hinila niya ang kamay ko.
“Huwag. Mamaya na.”
“Psalm, ang dami—”
“Lara.”
Isang tawag lang ng pangalan ko,
pero parang doon ako tuluyang gumuho.
Napahawak ako sa damit niya.
.
Parang kapag binitawan ko siya, mawawala siya.
“Akala ko… akala ko mamamatay ka na…” nanginginig kong sabi.
Hindi niya agad sinagot.
Hinila niya lang ako palapit sa kaniya at ipinatong ang noo niya sa noo ko.
“Hindi pa,” mababa niyang sabi.
“Hindi habang nandito ka.”
Hindi ko na napigilan. Humagulgol na lang ako. Hindi ko alam kung sa takot, sa galit, o sa sobrang pagod sa lahat ng nangyayari. Naririnig ko sina Mama at Cora sa likod.
Si Cora umiiyak. Si Mama tahimik pero kita ko ang takot sa mata niya.
Si Bruno, sugatan din, pero parang wala lang sa kaniya. Parang sanay na sanay sila sa ganito. Ako lang ang parang naligaw sa pelikulang hindi ko alam ang ending.
“Psalm…” mahinang tawag ko ulit.
Tumingin siya sa akin.
Sa dilim ng helicopter, mas lalo kong nakita kung gaano siya kaseryoso.
Hindi ito ang Markus na umiinom ng Pocari sa harap ng shop.
Hindi ito ang lalaking tahimik lang sumagot ng “oo” at “hindi.” Ito ang lalaking handang pumatay para sa amin.
“Hindi ba puwedeng… matapos na ‘to?” tanong ko, halos pakiusap.
Sumara sandali ang mga mata niya.
Saglit lang. Pero ramdam ko ang bigat.
“Hindi pa,” sagot niya.
“Pero malapit na.”
Hindi ko alam kung matutuwa ako o matatakot.
⸻
Habang tumatagal, lalo kong napapansin na mas bumibigat ang paghinga niya. Mas nanlalamig ang kamay niya.
“Psalm… hindi ka okay,” nanginginig kong sabi.
“Okay lang ako.”
“Hindi ka okay,” mariin kong sagot kahit nanginginig ang boses ko.
Tumingin si Bruno sa amin.
“Boss, dumudugo ka pa.”
“Hindi ako babagsak dito,” sagot ni Psalm, pero kita ko na kahit siya, pilit na lang.
Biglang nahilo ang paningin ko. Hindi ko alam kung sa pagod o sa takot.
“O-okay ka lang ba?” tanong niya agad sa akin.
Tumingin pa talaga siya sa akin kahit siya ang sugatan.
“Dapat ako ang magtanong n’yan sa’yo,” halos umiiyak kong sagot.
Hinawakan niya ang pisngi ko nang dahan-dahan. Parang natatakot siyang masaktan ako.
“Hindi kita isinama sa mundong ‘to para saktan ka,” mahina niyang sabi.
“Pero kung kailangan kitang ilayo sa kanila kahit sa ganitong paraan gagawin ko.”
“Hindi mo ba naisip kung ano’ng mararamdaman ko?” bigla kong nasabi.
Napatingin siya sa akin.
Mas seryoso.
“Na bigla ka na lang mawawala. Na bigla kang babalik na duguan. Na bigla kong malalaman na—”
Napasigaw na ang boses ko.
“—na may ganito kang buhay!”
Hindi na ako umiyak.
Galit na. Takot na.
Halo-halo na. Tahimik ang lahat. Tanging tunog lang ng helicopter ang maririnig.
“Kung hindi kita inilayo,” mababa niyang sabi, “mas malala pa ang mangyayari sa’yo.”
“Hindi mo puwedeng desisyunan ang buhay ko mag-isa!” nanginginig kong sagot.
“Kung iyon ang kapalit ng buhay mo, oo, kaya kong desisyunan.”
Napatahimik ako. Dahil sa tono niya,
alam kong hindi siya nagbibiro.
“Five minutes to landing,” sabi ng piloto.
Hindi ko alam kung saan kami pupunta.
Alam ko lang ay malayo.
Mahirap puntahan. At siguradong hindi na normal na buhay ang babalikan ko.
“Lara,” biglang sabi ni Mama, nilapitan ako.
Hinawakan niya ang kamay ko.
“Kahit ano pa ‘to… basta buhay tayo, kakayanin natin.”
Tumango ako.
Pero sa loob-loob ko hindi ko alam kung kakayanin ko ang mundo ni Psalm. Tumingin ako sa kaniya ulit. Nakatingin din siya sa akin.
Parang gusto niyang magsalita. Pero pinili niyang manahimik. Hanggang sa bumaba ang helicopter. Hanggang sa makita ko ang malawak na lupain.
Malaking mansyon. Mga ilaw. Mga armadong tao na naghihintay.Napalunok ako.
“Psalm… saan mo kami dinala?” tanong ko.
“Sa bahay,” sagot niya.
Pero sa tono niya alam kong hindi lang basta bahay ‘to. Ito ang mundo niya. At simula ngayon bahagi na rin ako nito.
Hinawakan niya ulit ang kamay ko bago kami bumaba. Mahigpit. Parang paalala. Na kahit gaano kadilim ang mundo niya hindi niya ako bibitawan. At sa kabila ng lahat ng takot ko iyon lang ang bagay na kumapit ako.
Kung may magsabi man sa’kin noon na darating ang araw na bababa ako mula sa helicopter at sasalubungin ng mga taong parang lumabas sa mitolohiya, Sasabihin kong sobra na ang kape nila.
Pero heto ako ngayon.
Nakatayo sa gitna ng isang napakalawak na courtyard, may mga ilaw na parang bituin sa paligid, may mga armadong tao sa magkabilang gilid, at sa harap ko ay isang buong angkan na parang hindi totoong tao.
Parang mga diyos.
Parang mga halimaw na magaganda.
Parang mga nilalang na hindi mo basta-basta pwedeng lapitan. Napahawak ako sa braso ni Psalm nang hindi ko namamalayan.
Ramdam ko ang bigat ng presensya nila.
Hindi sila nagsisigawan. Hindi sila nagkakagulo. Tahimik sila pero ramdam mong kapag may nagkamali, may mamamatay.
“Relax,” mahina niyang sabi sa tenga ko.
“Hindi ka nila kakagatin.”
Hindi ako naniwala.
Sa gitna ng lahat, may isang matandang lalaki na tumayo. Matangkad pa rin kahit halatang may edad na.
Puting buhok, pero matalim ang mata.
Katabi niya ang isang babaeng napakaganda, elegante, at may ngiting kayang magpabagsak ng kaharian.
“Psalm,” mababa at matatag na boses ng lalaki.
Lumakad si Psalm palapit.
Huminto sa harap nila.
Bahagyang yumuko ang ulo niya.
“Lolo.”
Lolo.
Nanlaki ang mata ko.
Ito pala ang Infernu Rasgild.
At ang babae ay si Sarissa Rasgild.
Parang reyna. Parang reyna na kaya kang patahimikin sa isang tingin lang. Lumapit si Sarissa kay Psalm at hinawakan ang pisngi niya.
“Duguan ka na naman,” malamig pero halatang may lambing.
“Parang hindi ka natuto.”
“May naabala lang,” sagot ni Psalm, deadpan pa rin kahit kaharap ang lola niya.
Napatingin sa akin si Sarissa. At pakiramdam ko ay nahubaran ako ng kaluluwa sa isang tingin lang.
Ito na.
Ito na ang moment na huhusgahan ako ng buong angkan ng isang mafia royalty. Lumapit siya sa akin. Tiningnan ako mula ulo hanggang paa.
Tapos biglang ngumiti.
“Ang liit mo pala,” sabi niya. “Ikaw ‘yong dahilan kung bakit nagkakagulo ang apo ko?”
Napatulala ako.
“A-ako po—”
Bigla niya akong niyakap.
As in mahigpit. Parang lola na matagal nang hindi nakita ang apo.
“Ang cute mo naman pala,” masayang sabi niya.
“Akala ko kung sinong matapang na babae.”
Napatigil ang mundo ko.
Ha? Si Psalm ay napapikit na lang.
“Lola…”
“Tumahimik ka,” sagot ni Sarissa. “Matagal na ko ng gustong makita ang babaeng ‘to.”
Tumawa si Infernu. Malalim. Mabagal.
“Kung iyan ang napili mo,” sabi niya kay Psalm, “siguraduhin mong hindi siya masasaktan sa mundong pinasok mo.”
Tumango si Psalm.
Hindi nag-alinlangan.
“Hindi po.”
May isang lalaking lumapit. Matangkad.
Matikas. May aura na parang general ng hukbo.
“Anak.”
Isang salita lang. Pero ramdam ko ang bigat.
“Papa,” sagot ni Psalm.
Ito si Gideon Rasgild. At ang babaeng kasunod niya mahaba ang buhok, malamlam ang mga mata, pero ramdam mong mapanganib.
“Marikit Rasgild,” pakilala niya sa akin, kahit hindi ko naman tinanong.
“Ikaw si Lara.”
Tumango ako agad.
“Opo.”
Tinitigan niya ako. Matagal at sobrang tahimik. Tapos biglang ngumiti nang bahagya.
“Maganda ka,” sabi niya.
“Hindi ka mukhang kayang pumatay ng tao, kaya siguro nababaliw ang anak ko.”
“Ma,” napailing na sabi ni Psalm.
“Joke lang,” sagot ni Marikit. “Half-joke.”
Hindi ko alam kung tatawa ba ako o matatakot.
May babaeng lumapit na may mahabang pulang buhok at confident na aura.
“Ako si Bela,” sabi niya. “Kung sasaktan ka ng pamangkin ko, sabihin mo sa’kin. Ako ang sasaksak sa kaniya.”
“Bela,” sabay-sabay na saway ng lahat.
“Ano? Honest ako.”
May lalaking kasunod. Mukhang tahimik.
Pero ang mga mata parang walang awa.
“Hades,” pakilala niya.
“Kung may problema ka, huwag ka sa’kin lalapit.”
“Ang bait niya, ‘no?” bulong ni Bela.
May isa pang lalaki na mukhang chill pero may kakaibang ngiti.
“Kalique,” sabi niya. “Ako ang funny uncle. Pero huwag mo akong asarin.”
Parang gusto kong himatayin. Parang orientation ng kriminal na pamilya.
Habang naglalakad kami papasok ng mansyon, pakiramdam ko ako lang ang normal na tao sa lugar na ‘to.
Mga painting sa pader. Mga chandelier.
Mga sundalo sa bawat sulok.
“Psalm…” pabulong kong tawag.
“Hmm?”
“Parang… wala akong karapatang nandito.”
Huminto siya saka Tumingin sa akin.
“Wala kang karapatang umalis,” sagot niya.
“Kaya nandito ka.”
Hinawakan niya ang kamay ko nang Mahigpit. At sa gitna ng mundo ng mga halimaw at diyos iyon lang ang hawak kong totoo.
Hindi ako makatulog. Hindi dahil sa kama na mas malambot pa sa konsensya ng ex ng kaibigan ko kundi dahil sa katahimikan.
Iyong katahimikan na alam mong may nagmamasid. May nagbabantay. May mga taong handang bumaril kung may gumalaw sa maling direksyon.
Nakatalukbong ako sa kumot na parang burrito.
“Lara, kalma ka,” bulong ko sa sarili ko.
“Hindi ka mamamatay. Hindi ka mamamatay. Hindi ka—”
Biglang may kumatok.
Napabalikwas ako.
“Kung multo ka, lumayas ka,” pabulong kong sabi.
Pumasok ang pinto.
At siyempre…
si Psalm. Naka-black shirt.
Mukhang pagod.
Mukhang galit sa mundo.
“Hindi ka pa tulog,” sabi niya.
“Hindi po,” sagot ko. “May seminar kasi sa utak ko tungkol sa survival.”
Umupo siya sa gilid ng kama.
Tahimik lang. Hindi nagsasalita. At mas nakakakaba iyon.
“Okay ka ba?” tanong ko.
Tumango siya.
Pero hindi iyon ‘yong klaseng tango na okay talaga.
“Psalm,” mahina kong tawag.
“Nasaan ka kanina? Bakit parang… mas madilim ka ngayon kaysa dati?”
Napatingin siya sa sahig nang matagal.
Tapos dahan-dahan niyang inangat ang kamay ko at hinawakan.
“Hindi ko gustong madamay ka.”
“Eh andito na nga ako,” sagot ko. “So medyo late na ‘yan.”
Bahagya siyang ngumiti. Napakalungkot ng ngiti.
“Sorry.”
Isang salita. Pero parang ang daming laman.
Lumapit siya nang kaunti. Halos magdikit na ang noo namin.
“Kung may mangyari—”
“Hoy,” putol ko. “Wala munang drama. Hindi ako ready sa last words.”
Napasinghap siya, parang muntik nang tumawa. Hinaplos niya ang pisngi ko.
Dahan-dahan. Parang baka mabasag ako.
“Matulog ka na,” bulong niya.
“Babantayan kita.”
“Parang horror movie ‘yan ah.”
“Mas safe ‘to kaysa sa labas.”
Tinitigan ko siya. At doon ko naisip na kahit anong mangyari sa mundo niya, dito, sa harap ko lalaking nag-aalala lang siya At hindi ko alam kung kailan ako nahulog.
Pero alam kong nahulog na ako.
Kung akala mo stressful ang thesis defense. Subukan mong kumain kasama ang buong angkan ng Rasgild.
Nakaupo kami sa mahabang mesa.
Parang eksena sa historical drama. Si Infernu sa gitna. Si Sarissa sa tabi niya.
Mga tito, tita, pinsan—lahat present.
At ako eh nakahawak sa kutsara na parang sandata.
“Lara,” sabi ni Sarissa, “kumain ka. Hindi ka kakainin ng ulam.”
“Sa dami po nila, hindi ko po sigurado,” sagot ko.
Tumawa si Bela.
“Gusto ko ‘to. May sense of humor.”
Biglang sumabat si Hades.
“Anong trabaho mo?”
“Nagtitinda po sa sari-sari store.”
“Anong educational background?”
“College graduate po.”
Tahimik ang mesa.
Napahigpit ang hawak ko sa kutsara.
Biglang nagsalita si Cora.
“Pero magaling po siyang mag-budget, magluto, maglinis, at mag-survive sa mga tsismosa ng aming barangay.”
“Cora,” bulong ko, “hindi ito talent show.”
“Sayang,” sagot niya, “ready na sana akong mag-perform.”
Tumawa si Kalique. Si Infernu, tahimik lang.
Tinitigan ako. Parang sinusukat ang buong pagkatao ko.
“Hindi ka natatakot sa amin,” sabi niya.
“Po?” muntik na akong mabilaukan.
“Takot po. Pero pagod na rin po kasi ako sa araw na ‘to.”
Tahimik ulit. Tapos tumawa si Infernu nang malakas.
“Gusto ko siya.”
Napahawak si Psalm sa noo niya.
“Lolo…”
“May tapang,” dagdag ni Infernu.
“At hindi plastik.”
Si Sarissa, nakangiti lang.
“Sa wakas,” sabi niya, “may normal sa pamilya.”
“Hoy,” sabay-sabay na reklamo ng lahat.