Chapter 2

2509 Words
Kinabukasan, nagising ako nang mas maaga kaysa sa normal. Iba na ngayon ang sitwasyon. May kasama na kami at hindi pwedeng isipin niya na tamad ako. Si nanay aba’y malamang nasa kusina na, kinakausap mag-isa ang sarili niya habang nagtitimpla ng kape. Normal na umaga. Walang kakaiba. Pumasok ako sa banyo para maligo. Matagal akong naligo dahil kinuskos ko ang lahat ng kasingit-singitan ng aking katawan. Sinadya ko talagang magtagal para sobrang linis. Habang kinukuskos ko nga ang ulo ko ay biglang oumasok sa isipan ko si Markus. Bakit ba gano’n ang lalaking ‘yon? Pwede bang ngumiti siya kahit konti? May facial paralysis ba siya? O baka sadyang gano’n lang talaga ang mukha niya? Pero kasi ang pogi niya. Kamukha niya iyong mga hollywood actor sa TV. Napangiti ako habang nagsasabon. Amoy baby talaga ‘tong tender care pink. Nang matapos ako ay isinara ko na ang gripo, piniga ang buhok ko, at kumuha ng tuwalya. Wala namang kakaiba. Ginawa ko na ito ng libong beses sa loob ng bahay na ‘to. Tinapis ko ang tuwalya sa katawan ko, inayos nang maigi, iyong secure, walang aksidente, pasado sa earthquake test at binuksan ang pinto ng banyo. Kamuntik na akong mawalan ng balanse. May katawan akong nasalubong. Matigas, mainit at napapikit ako nang may mahawakan akong dibdib. Napaatras ako agad at napahawak nang mahigpit sa tuwalya ko, halos ipagdasal ko na huwag itong bumigay sa pinaka-hindi tamang oras ng buhay ko. Pag-angat ko ng ulo ko ay si Markus. Nakatayo sa harap ko. Hawak ang doorknob. Mukhang kakatok pa lang sana. Tahimik pero expressionless. Tila hindi naman siya bothered nang makita ako. Huminto ang mundo ko. Ito na ba ang huling araw ko? “Ah—” sabi ko agad, taas-noo, diretso ang likod. “Good morning.” Wala siyang sagot at nakatitig lang siya. Sino ba naman ang hindi mapaptingin sa ‘kin? At doon ko naramdaman na sexy ako. Hindi dahil may nagsabi. Hindi dahil may nagsipol. Kundi dahil alam ko. Basang buhok. Tuwalyang yakap-yakap ang katawan ko na parang huling linya ng depensa. Balikat na bahagyang kita. Collarbone na hindi ko rin alam na gano’n pala ang effect. Kung ako si Markus ay matitigilan din ako. At mukhang natigilan nga siya. “Ay,” dagdag ko, kunwari casual. “Kakatapos ko lang maligo.” Wala pa ring sagot. Pero nakatingin pa rin siya. Napangiti ako sa kaloob-looban ko. At syempre, sa isip ko ay may tumatakbo. Ano pa bang aasahan mo, Lara? Tao rin ‘yan. Nabubuhayan sa ganda mo. “Pasensya na ha,” sabi ko pa, mas kumpiyansa na. “Biglaan lang. Hindi ko alam na gagamit ka.” Tahimik. Pero naroon pa rin siya. Hindi umaalis. Hindi nagsasalita. Hindi umiwas ng tingin. Ay naku! “Okay lang,” dagdag ko pa, “hindi naman ako bastos. Natural lang ‘to. Katawan lang.” Tahimik pa rin siya tapos napakunot-noo siya. Ay wow! Napaisip pa yata kung anong palusot ang sasabihin. “At saka,” tuloy-tuloy pa rin ako, “huwag kang mag-alala, sanay na rin naman akong tinitingnan.” Wala pa rin siyang imik. Pero nakita ko na kumurap siya. Gotcha. “Normal lang ‘yan,” sabi ko pa. “Hindi ko naman sinasadya na ganito ako ka—” Huminto ako sandali at hinawi ang ilang hibla ng buhok ko. “—presentable.” Napakunot-noo siya lalo. “Hindi kita ina-accuse ha,” mabilis kong dagdag. “Hindi rin kita hinuhusgahan. Gets ko naman.” Lumipat siya nang kaunti sa gilid. Tahimik na binuksan ang pinto ng banyo at pumasok. Saka Isinara ang pinto. Walang ibang sinabi. Walang paliwanag. Walang kahit anong verbal closure. Nakatayo lang ako sa labas, yakap-yakap pa rin ang tuwalya, nakatitig sa saradong pinto. Natawa ako nang pagak. “Ah,” sabi ko sa sarili ko. “Nahiya siguro.” Tumango ako. “Oo. Nahiya.” Syempre nahiya. Hindi naman lahat kayang i-handle ‘yon. Naglakad ako papunta sa kwarto ko habang patuloy pa rin ang usapan ko sa hangin. “Ganun talaga,” bulong ko. “May mga lalaking hindi sanay sa ganitong klase ng visual.” Pagpasok ko sa kwarto ay isinara ko ang pinto at huminga nang malalim. Kalma, Lara. Nagbihis ako habang iniisip ang eksena. Medyo matagal din ang tingin niya ah. Hindi naman siya agad umiwas. Hindi rin siya nagmamadali. At saka napakunot-noo siya, baka naguguluhan sa feelings. Napatango ako sa sarili ko. “Understandable,” sabi ko sa salamin. Paglabas ko ng kwarto ay nakita ko si Nanay sa kusina. “Anak,” sabi niya, “nagkasalubong ba kayo ni Markus sa banyo?” Tumigil ako. “Opo,” sagot ko nang maayos. “Saglit lang.” “Ah,” sabi niya. “Tahimik talaga ‘yon. Mabait ano?” Tumango ako. “Opo.” Tahimik na tahimik kahit may ganap na ganap. Lumipas ang buong umaga na hindi ko na ulit siya nakita. At sa loob-loob ko ay siguro umiiwas. Siguro nagre-recover. Siguro nag-iisip. At kahit may konting hiya akong naramdaman, mas nanaig ang kumpiyansa ko. Dahil sa mundo ko, malinaw ang nangyari. May lalaking natigilan sa harap ng kagandahan ko. Kahit ang totoo ay medyo tahimik lang talaga siyang pumasok sa banyo. At wala talaga siyang pakialam. Pero hindi ko ‘yon kailanman iisipin. Hindi ngayon. Hindi kailanman. Maganda ako at sexy period. Pagdating ko sa tindahan, hindi pa man ako nakakapag-ayos ng paninda, nakita ko na si Cora. At sa loob ng utak ko ay ito na. Oras na. “CORA,” bulong ko pero parang sigaw pa rin. “Kailangan nating mag-usap.” Napalingon siya agad. “Bakit? Bakit ganyan ang aura mo? Parang may nangyaring bawal.” Hinila ko siya papunta sa likod ng tindahan, sa may sako ng bigas kung saan walang makakarinig, o so akala namin. “Umupo ka,” sabi ko. “Kailangan mo ‘to.” “Lara,” sabi niya, kabado na. “Huwag mo akong takutin. May krimen bang nangyari?” “Hindi krimen,” sagot ko. “Romantic tension.” Nanlaki ang mata niya. “Ano? Lintik ka. Ang swerte mo pala at iisang bubong na kayo ni, Fafa Fogi.” Huminga ako nang malalim. Kalmado dapat Lara. Ikwento mo nang maayos. “Kanina,” panimula ko, “naligo ako.” “Aba’y normal.” “Hindi pa riyan ang climax,” sabi ko. “Makinig ka.” Tumango siya. “Go.” “Paglabas ko ng banyo—” huminto ako para sa dramatic pause “girl, nakatuwalya lang ako.” Napasinghap siya. “PUT—” “SHHH!” saway ko. “Tapos biglang—” “BANG?” “Oo!” sigaw ko pabulong. “BANG! Nagbanggaan kami.” “Ni Markus?” “Oo!” Sabay kaming nagtakip ng bibig. “Ano ang ginawa niya?” bulong ni Cora. “Tumingin siya.” “Ehhh litse ka talaga, gaano katagal?” “Matagal,” sagot ko agad. “Hindi ‘yong saglit lang ha. ‘Yong tipong sinusukat ang buong pagkatao ko.” Napahawak siya sa dibdib niya. “LARA.” “At alam mo ang mas grabe?” bulong ko pa. “Hindi siya nagsalita.” “AY PUT—” “Exactly,” sabi ko. “Tahimik. Nakatitig. Parang na-hypnotize.” “Anong itsura mo no’n?” “In fairness,” sabi ko, “basang buhok, tuwalya lang, confident stance. Alam mo ‘yong mga eksena sa pelikula na slow motion?” “Oo! Putcha! Kinikilig ako.” “Ganoon.” Napatayo si Cora. “Ano ang ginawa mo?” “Siyempre nagsalita ako,” sagot ko. “Hindi ko siya hinayaan mamatay sa kaba.” “ANO ANG SINABI MO?” “Sinabi ko na natural lang ‘to,” sagot ko. “Na huwag siyang mahiya. Na sanay na akong tinitingnan.” “LARA!” “At alam mo,” bulong ko pa, “napakunot-noo siya.” Napamura siya. “Aguy! Naguluhan sa feelings!” “Exactly,” sabi ko. “Hindi niya kinaya.” “Ano’ng ginawa niya?” “Pumasok siya sa banyo,” sagot ko. “Tahimik. Walang salita.” “Umiwas?” “Oo,” tango ko. “Umiwas siya.” Sabay kaming napasigaw. “AAAAAAAAAAAAA!” Nagtilian kami na parang mga sirang alarm. “GIRL,” sigaw ni Cora, “NA-TORPE SIYA!” “Alam ko!” sigaw ko rin. “Hindi niya kinaya ang katawan ko!” “MEKANIKO ‘YON PERO NA-STALL ANG MAKINA!” Humalakhak kami pareho. Napapaypy ako sa mukha ko nang wala sa oras ang init shet! “Ano ang ginawa mo pagkatapos?” tanong niya. “Syempre umalis ako,” sagot ko. “May dignidad pa rin ako.” “Pero girl,” bigla niyang sabi, seryoso, “napansin mo ba kung saan siya tumingin?” “Cora,” sagot ko, “lahat.” Napahampas siya sa sako ng bigas. “PUT—” “Sinabi ko sa ‘yo,” sabi ko. “May epekto ako.” “Eh bakit kaya hindi siya nag-smile?” “Girl,” sabi ko, hinawakan ang balikat niya, “hindi lahat kayang ngumiti sa sobrang gulat.” Tumango siya. “Tama. Tama.” “At alam mo pa,” dagdag ko, “simula no’n, hindi ko na siya nakita.” “UMIIWAS!” “OO!” “NAHIHIYA!” “OO!” “NAA-ATTRACT!” “OO!” Nagtilian na naman kami. “Lara,” sabi niya, hingal na hingal, “ito na ‘yon.” “Ano?” “Enemies to lovers.” Napahawak ako sa dibdib ko. “Huwag kang ganyan.” “Roommate romance.” “Tumigil ka.” “Slow burn.” “Cora!” Bigla siyang tumigil at ngumiti nang malademonyo. “Girl,” sabi niya, “ready ka na bang masaktan?” Tumango ako. “Oo.” Naglakad kami pabalik sa harap ng tindahan, pareho kaming may ngiting hindi maipinta. At sa loob ng ulo ko, Malinaw na malinaw ang nangyari. May lalaking tinamaan ng alindog ko. Kahit ang totoo at tahimik lang talaga siyang pumasok sa banyo. At wala talaga siyang pakialam. Pero hindi ‘yon ang ikukuwento ko. Kailanman. Pangangatawanan ko na ‘to. Pag-uwi ko ng bahay galing sa tindahan, dala ko pa rin ang sigla ng tilian naming dalawa ni Cora. Hindi ko na nga maalala kung ilan ang nasabing “letse!” at “OMG” pero sigurado akong lumampas na kami sa limit ng normal na tao. Pagpasok ko sa bahay ay nakkapgtaka ang katahimikan. Masyadong tahimik. Walang tunog ng TV. Walang yabang na radyo. Walang tunog ng kutsara ni Nanay na pinupukpok ang baso kapag inis siya. At doon ko siya nakita. Si Markus ay nasa sala. Nakatayo. Nagtitiklop ng damit. Sarili niyang damit ha nakakahiya naman kung kasama ang akin. Maayos. Tahimik. Walang background music. Walang drama. Ay wow, sabi ng utak ko. Domestic. Para kaming mag-asawa kaya nakagat ko ang aking labi para pigilan ang kilig. Naglakad ako palapit. Mabagal. Hindi ko alam kung bakit kailangan kong bagalan ang lakad ko, pero pakiramdam ko may eksena. “Ahm,” sambit ko, kunyari casual. “Nagtutupi ka?” Tumango lang siya. Isang tango. Okay. “Mainit ‘no?” dagdag ko. “Oo.” Isang salita. Consistent siya ha. “Kanina pa ‘yan?” tanong ko ulit. “Hindi.” Hindi? Hindi alin? Kanina pa o hindi mainit? Tumango na lang ako. “Ah… okay.” Tahimik ulit. Patuloy siyang nagtitiklop. Hindi man lang ako nilingon. Ay wow, ulit ng utak ko. Hindi ka ba curious sa presence ko? Lumapit pa ako. “Maayos ka magtiklop,” sabi ko. Tumigil siya saglit. Tumingin sa tinutupi niya. “Oo.” Grabe. Huminga ako nang malalim. Level up tayo, Lara. “Ah… kanina pala sa banyo—” panimula ko. Bigla siyang tumingin sa ‘kin. Diretso at tahimik. Ay. Ito na. “—ah,” bawi ko agad, “pasensya na ha kung nabigla ka.” Napakunot-noo siya. “Okay lang.” Dalawang salita. Dalawang salita. Progress na ‘yon. “Hindi ko kasi akalain na—” tuloy ko pa, “—nandoon ka pala.” Tahimik siya. Bumalik sa pagtitiklop. Wait. Hindi ba dapat may follow-up? “Ah… wala lang,” sabi ko. “Sinasabi ko lang.” “Oo.” OO. ‘Yon na ‘yon. Lara, huwag kang panghinaan. “Anyway,” dagdag ko, “sanay naman na ako sa ganitong biglaang eksena.” Tumigil siya ulit. Saglit. Parang nag-iisip. Napangiti ako nang very slight. “Ah,” sabi niya. Isang pantig. Isang AH. Pucha! “Oo,” sabi ko agad. “I mean, normal lang naman. Katawan lang. Tao lang.” Tumango siya. At walang dagdag. Wala man lang explanation. Mukhang disturbo pa yata ako sa inaakto niya ngayon. NAKAKAINIS. Lumapit si Nanay galing kusina. “Anak, pakikuha nga ‘yong toyo,” utos niya. “Opo,” sagot ko, pero bago ako umalis, tumingin muna ako kay Markus. Ngumiti ako. Ngiting may mensahe. Wala siyang reaksyon. As in—wala talaga. Pagbalik ko, tapos na siyang magtiklop. Naupo na siya sa sofa. Tahimik. Nakatitig sa pader. Parang nagme-meditate. Umupo ako sa kabilang dulo. Iyong malayo. Pero kita ko pa rin siya sa gilid ng mata ko. “Ah,” sabi ko ulit. “Sanay ka ba sa maingay na bahay?” “Oo.” Hindi ka pa nga nakaka-experience. “Maingay kasi ako,” dagdag ko. “Madaldal.” Tumango siya. “Napansin ko.” … … … NAPANSIN MO PALA? Ay wow. May observation. “Ah,” sabi ko, pretending calm. “Okay lang naman ‘yon ‘di ba?” “Oo.” Ito na naman. Tumahimik ako. First time. Sinubukan kong huwag magsalita. Five seconds. Ten seconds. Fifteen seconds. Hindi ko kaya. “So… anong oras ka natutulog?” tanong ko ulit. “Maaga.” “Anong oras ang maaga?” “Maaga.” Gusto ko na siyang batukan. Tumayo siya. “Matutulog na ako.” Tumango ako. “Sige.” Naglakad siya papunta sa kwarto niya. Bago siya tuluyang pumasok, tumigil siya saglit. Saka lumingon. “Good night.” Dalawang salita. Pero malinaw. Tahimik. Diretso. Nakatayo lang ako roon, parang sinampal ng hangin. Ang saya ko. Para akong sinabihan ng I love you ket good night lang ‘yon. Ahhhh!!! “Good night,” sagot ko. Pumasok siya sa kwarto at isinara ang pinto. At doon ko napagtanto. Mas nakakapraning pala ang lalaking walang binibigay na reaction kaysa sa lalaking nagbibigay ng maling motibo. Humiga ako sa kama, nakatingin sa kisame. Bakit ganito siya? Bakit parang wala lang ako? Bakit mas gusto kong may reaction siya? At higit sa lahat bakit ako bothered? Napabuntong-hininga ako. “Kalma ka lang, Lara,” bulong ko sa sarili ko. “Tahimik lang ‘yon.” Pero sa kaibuturan ng isip ko. Mas delikado pala ang lalaking hindi mo mabasa. Lalo na kung ikaw, ang mahilig magbasa ng wala naman talagang nakasulat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD