Chapter 27

3016 Words
Alam kong may mangyayari. Hindi ko lang alam kung kailan. O kung gaano kalala. Pero ramdam ko iyon sa bawat galaw ng mansion, sa pagdami ng mga armadong tao, sa pabulong na mga utos sa hallway, sa katahimikang parang humihinga bago sumabog. At higit sa lahat ramdam ko iyon kay Psalm. Tahimik siya. Mas tahimik kaysa dati. Mas maingat sa paghawak sa akin. Parang sinasadya niyang damihan ang bawat sandali. Nakita ko siyang nakatayo sa balkonahe, nakatanaw sa dilim. Parang may kinakausap na multo. Lumapit ako. Hindi ako nagsalita agad. Hinayaan ko muna ang hangin na magdala ng lakas ng loob ko. “Lalaban ka na, ‘no?” mahina kong tanong. Hindi siya agad sumagot. Pero alam kong narinig niya. “Oo,” sagot niya sa huli. Isang salita lang. Pero parang binagsakan ako ng mundo. “Babalik ka ba?” tanong ko, mas mahina pa sa bulong. Lumingon siya sa akin. At sa tingin pa lang niya, alam kong galit siya hindi sa akin, kundi sa ideya na puwede siyang hindi bumalik. Lumapit siya at hinawakan ang mukha ko. Mahigpit na para bang gusto niyang kabisaduhin ang bawat linya. “Hindi ako aalis para mamatay,” sabi niya. “Aalis ako para tapusin ito.” Napapikit ako. “Psalm… natatakot ako.” Huminga siya nang malalim. Hinila niya ako palapit hanggang sa magdikit ang noo namin. “Ako rin,” bulong niya. “Araw-araw. Pero mas natatakot ako sa mundo kung saan wala ka.” Parang may humigpit sa dibdib ko. “Bakit parang… parang nagpapaalam ka?” nanginginig kong tanong. Umiling siya agad. “Hindi,” madiin niyang sagot. “Hindi ito paalam. Ito ay pangako.” Hinawakan niya ang kamay ko at inilagay sa dibdib niya. Doon sa lugar kung saan ramdam ko ang t***k ng puso niya. “You’re here,” sabi niya. “At habang tumitibok ‘to, babalik ako.” Hindi ko na napigilan ang luha ko. “Hindi kita kayang mawala,” bulong ko. Pinunasan niya ang pisngi ko. Isa-isa at dahan-dahan. Parang natatakot na masaktan ako. “Hindi mo ako mawawala,” sabi niya. “Kahit anong mangyari, sa ’yo ako babalik.” Napangiti ako kahit umiiyak. “Ang yabang mo.” Bahagya siyang ngumiti. “Kailangan. Para maniwala ka.” Yumakap ako sa kanya nang mahigpit. Na para bang kung bibitaw ako, ay mawawala siya. “Kapag bumalik ka,” sabi ko, “hindi na kita hahayaang umalis ulit.” “Deal,” sagot niya. Tapos hinalikan niya ang noo ko. Hindi nagmamadali. Hindi marahas. Parang panata. ⸻ Hindi ko siya sinundan. Pero narinig ko ang lahat. Ang helicopter. Ang sigawan sa radyo. Ang mga utos. At sa bawat minutong lumilipas, pakiramdam ko mas humihigpit ang hawak ng takot sa dibdib ko. Nasa sala kami nila Mama at Cora. Tahimik lang kami. Walang nagbibiro. Walang maingay. “Bababa ba ang bala hanggang dito?” pabulong na tanong ni Cora. “Hindi,” sagot ni Mama, pero nanginginig ang kamay niya sa tasa. “Hindi nila hahayaang mangyari ‘yan.” Pero ako, alam kong hindi gano’n kasimple ang mundo ni Psalm. Biglang may pumasok na isa sa mga tauhan. “Ma’am Lara,” sabi niya, “pinapapunta po kayo sa security room.” Nanlamig ang katawan ko. Bakit ako? Bakit ngayon? Pagpasok ko sa kwarto, may malaking screen. May mga camera feed. Warehouse, pantalan. Sobrang dilim. May mga anino. May mga putok. At sa gitna ng lahat nakita ko si Psalm. Duguan. Pero nakatayo at lumalaban. Parang halimaw. Parang sundalo. Parang lalaking handang sunugin ang mundo. Napahawak ako sa bibig ko. “Diyos ko…” “Malapit na po matapos,” sabi ng isang lalaki sa tabi ko. “Nasaan ang kalaban?” tanong ko. “Hinahabol na po si Ricafort Centuri.” Napalunok ako. Naalala ko ang mukha ni Psalm. Ang pangako niya. At bigla kong naintindihan hindi lang ito laban para sa pamilya niya. Ito ay laban para makabalik siya sa akin. Lumipas ang mga oras na parang taon. Kanina ko pa kagat-kagat ang labi ko at nanginginig din ang aking mga kamay. Hanggang sa bumukas ang pinto ng mansion. At narinig ko ang boses niya. “Nasaan siya?” Tumakbo ako palabas. At doon ko siya nakita. Maraming sugat, maraming dugo pero buhay. “PSALM!” sigaw ko. Hinabol ko siya at niyakap nang mahigpit. Hindi ko na inisip kung sino ang nakatingin. Hinawakan niya ang likod ko nang mahigpit din. “Bumalik ako,” bulong niya sa buhok ko. Napahikbi ako sa tuwa na makitang buhay siya. “Sabi ko babalik ako,” dagdag niya. “Ang tanga mo,” umiiyak kong sabi. “Pinakaba mo ako nang sobra.” Bahagya siyang tumawa. “Pero bumalik ako.” At sa yakap na iyon alam kong kahit gaano kadilim ang mundo niya, pipiliin niya pa rin ang bumalik sa akin. Hindi ko alam kung ilang oras na akong nakaupo sa gilid ng kama. Hindi ko rin alam kung ilang beses na akong tumayo para sumilip sa bintana. Ang alam ko lang, ang dibdib ko, pagod na sa kakahintay. Tahimik ang mansion. Masyadong tahimik para sa isang lugar na dati’y puno ng yabag ng mga tauhan at tunog ng baril sa radyo. Tapos na raw ang laban. Tapos na raw ang Centuri. Pero bakit pakiramdam ko, ako pa rin ang naiwan sa gitna ng laban? Unalis saglit si Psalm para kausapin ang mga elders niya. “Lara…” Lumingon ako. Si nanay, may hawak na tasa ng tsaa. “Subukan mong matulog kahit kaunti,” sabi niya. “Maghihintay ka lang nang maghihintay kung ganyan ka.” Umiling ako. “Hindi ko kaya, ‘nay.” Lumapit siya at umupo sa tabi ko at hinaplos ang buhok ko. “Ganito pala ang pakiramdam kapag may mahal ka sa mundong delikado,” bulong niya. Napangiti ako nang mapait. “Hindi ko nga alam kung kailan ko siya minahal,” sagot ko. “Bigla na lang eh nandiyan na.” Tahimik kami pareho. Hanggang sa may narinig kaming yabag sa hallway. Mabigat, mabagal. Parang pagod. Tumigil ang mundo ko. Tumayo ako agad. Hindi ko alam kung bakit nanginginig na naman ang tuhod ko. Hindi ko alam kung bakit biglang sumikip ang lalamunan ko. Pero alam kong nandito na ulit siya. Bumukas ang pinto at doon nga siya ay nakatayo.. Si Psalm. Duguan pa rin, maraming sugat. May benda na sa braso. Pero nakatayo at buhay. Paniguradong pinagalitan na naman siya. Huminga ako nang malalim. Isang segundo lang. Tapos tumakbo ako sa kanya ulit. Hindi ko na inisip ang sugat. Hindi ko na inisip ang dugo. Yumakap ako nang mahigpit. “Are you okay?” pabulong kong sabi. Hinawakan niya ang likod ko. Mas mahigpit pa. “Hindi na kita iiwan,” bulong niya sa buhok ko. “Kahit kailan.” Hindi ko napigilan ang hikbi ko. Galit, takot at saya. Lahat sabay-sabay. “Akala ko…” hindi ko natapos. “Hindi pa tapos ang kwento ko,” sagot niya. “Hindi kung kasama ka.” Narinig ko ang mahinang singhot ni nanay sa likod namin. Tahimik siyang lumabas ng kwarto at iniwan kaming dalawa. Parang alam niyang may mga salitang kami lang ang dapat magsabi sa isa’t isa. Hinila ko siya papasok sa kwarto saka pinaupo sa kama. “Tanggalin mo ‘yan,” utos ko habang tinutulungan siyang hubarin ang jacket. Nakita ko ang pasa. Mga hiwa. Isang sugat na halatang tinahi na. “Diyos ko, Psalm…” nanginginig kong sabi. Hinawakan niya ang kamay ko. “Buhay ako,” sabi niya. “Iyon ang mahalaga.” “Hindi lang ‘yon ang mahalaga,” sagot ko. “Mahalaga rin na buo ka.” Tinitigan niya ako nang matagal. Parang may gustong sabihin pero pinipigilan. “May mga bagay,” sabi niya sa huli, “na hindi na mawawala kahit tapos na ang giyera.” Umupo ako sa harap niya. Hinawakan ang mukha niya. “Kung may mga multo kang dala,” sabi ko, “hindi mo kailangang harapin mag-isa.” Napapikit siya. Sandali lang lang iyon. Pero doon ko nakita ang pagod. Hindi pisikal kundi sa kaluluwa. “Hindi ako sanay na may naghihintay sa akin,” bulong niya. “Sanay akong may hinahabol.” Ngumiti ako. “Masasanay ka,” sagot ko. “Kasi hindi na kita bibitawan.” Hinila niya ako palapit at hinaplos ang aking mukha. Napapikit naman ako. “Sometimes, I’m afraid getting used to this. Baka iwan mo rin ako sa huli,” mahinang aniya. Napakunot noo naman ako at niyakap siya nang mahigpit. “Never,” sagot ko. Kinabukasan, nagising ako na yakap pa rin niya. Parang natatakot na mawala ako kapag bumitaw siya. “Psalm,” mahina kong sabi. “Hmm?” “Masakit ang braso mo.” “Mas masakit kung wala ka.” “Drama ka na naman.” Ngumiti siya. Isang totoong ngiti. Hindi iyong malamig. Hindi iyong mapanganib. Kundi iyong lalaking pagod na pero payapa. Lumabas kami para mag-almusal. Nandoon na sina Cora at Bruno na magkatabi. Mukhang pareho ring puyat. Sa tingin ko’y kinlaro na ni Bruno lahat sa jowa niya. Pagkakita ni Cora sa akin ay kaagad siyang ngumisi. “Nakahinga rin nang maluwag at okay kayong dalawa. Akala ko talaga wala na eh, ang dami niyo pa kasing dapat na ipaliwanag,” busnagot na saad ni Cora. “Mamaya,” sabi ni Bruno. Umupo na rin kami. Tahimik sandali. Tapos si Cora ang unang nagsalita. “Okay,” sabi niya. “So, tapos na ang mafia war, tama?” Tumango si Psalm. “Sa ngayon.” “Good,” sagot niya. “Kasi kung hindi, lalayasan na kita bes.” “Hindi kita masisisi,” sagot ko. Tumawa si Bruno. Sino nga ba ang nangangarap na maging related sa isang mafia? “So, Psalm at hindi Markus,” sabi niya, “normal na ba na ganito ka-ano ang buhay mo?” tanong ni Cora. Sumagot si Psalm nang kalmado. “Hindi.” “Ha? “Ang normal sa ‘yo ay hindi normal sa ‘kin. Maraming bagay na mahirap ipaliwanag gamit ang bibig, kaya minsan dinadaan na lang sa bala ng baril,” saad niya. “Ahh, ganoon ba?” Alanganing napasubo naman si Cora at ang gaga ay sili p ang sinubo. Natawa na lang kami sa kaniya. At sa unang pagkakataon mula nang makilala ko siya ay nakita kong natawa rin siya. Hindi ngisi. Tawang totoo. Kinagabihan, nakatayo kami sa balkonahe. Tahimik. Tahimik na hindi mabigat. Tahimik na payapa. “Kapag bumalik ulit ang gulo,” sabi ko, “pipiliin mo pa rin ba ako?” Hindi siya nag-isip. “Palagi.” “Paano kung masira ang mundo mo dahil sa akin?” Humarap siya sa akin. Hinawakan ang mukha ko. “Kung kailangan kong sirain ang mundo para sa’yo,” sabi niya, “gagawin ko.” Napangiti ako. “Ang toxic mo pakinggan.” “Sa tingin mo ba inosenti rin ang ina ko? Nu’ng una oo. Kalaunan ay natanggap din niya par kay papa. Ganoon ka rin ‘di ba?” Tumawa ako saka hinila niya ako palapit. At sa ilalim ng malamig na hangin at tahimik na bituin alam kong kahit hindi perpekto ang mundo niya, pipiliin ko pa rin siyang mahalin. Dahil bumalik siya. Dahil pinili niya ako. At dahil sa gitna ng lahat ng karahasan may lalaking handang magbago para sa isang babaeng ordinaryo lang. Pero minahal niya nang buo. “Ha d akong mamatay para sa ‘yo, Psalm,” madamdamin kong wika. Ngumiti siya nang tipid at umiling. “Dying for me would be too easy, Lara. Live for me instead.” Kung alam lang nila… Kung alam lang talaga nila na hindi ito bakasyon. Na hindi ito tungkol sa pahinga. Na hindi ito tungkol sa “self-care trip.” Ito ay tungkol sa pagtakas, digmaan, at halos pagkawala ng lalaking mahal ko. Pero ayon sa buong barangay? Nagbakasyon lang kami. Nakaupo ako sa tricycle katabi si Psalm, naka-cap, naka-mask, naka-black hoodie pero kahit anong tago niya, gwapo pa rin. At dahil doon eh lahat nakatingin. “Lara? Buti naman at nakauwi na kayo. Grabe! Ang tahimik ng bahay niyo ha. Kumusta ang bakasyon?” sigaw ni Aling Mercy. “Sino ‘yang kasama mo? Asawa mo na ba ‘yan? Aba’y galawin na ang baso at patanda ka na.” Bigla akong nasamid sa hangin. “Naku! Hindi po!” Sumagot si Psalm nang kalmado na ikinagulat ko pa. “Hindi pa.” HINDI PA? Siniko ko siya, iyong mahina lang. Pero alam niyang galit na kilig ‘yon. Pagbaba namin sa tapat ng bahay ay parang fiesta. May naglalaba, may nagbubunot ng damo, may nagtitinda ng fishball. At lahat sila… nakatingin sa amin. Ang barangay naming maingay. “UY SI LARA BUMALIK NA!” “AY SI MARKUS DIN!” “AKALA KO LUMIPAT NA SA IBANG PLANETA ‘YON!” Ngumiti si Psalm, polite pero tahimik. Ako naman, eh pilit na normal. “Hi po… opo, uwi lang po…” Sa loob-loob ko. Kung alam niyo lang kung ilang beses na muntik mamatay ‘to. Akala ko, pagbalik namin sa barangay tapos na ang bigat. Hindi pala. Minsan, gigising ako sa gabi. HiHingalin. Pawis na pawis. At palaging nandoon si Psalm. Hindi niya ako ginising. Yayakapin lang niya ako nang mahigpit. Parang sinasabi ng katawan niya. Hindi ka na nag-iisa. Isang gabi, hindi ko na kinaya. “Psalm…” “Hmm?” “Paano kung bumalik lahat? Paano kung hindi pa talaga tapos?” Tahimik siya sandali. Tapos hinaplos niya ang buhok ko. “Hindi ko kayang ipangako na walang gulo,” sabi niya. “Pero kaya kong ipangako na hindi ka na mag-isa sa kahit anong gulo.” Tumulo ang luha ko. “Natatakot pa rin ako,” bulong ko. “Pwede,” sagot niya. “Hindi ka kailangang maging matapang palagi.” Doon ko naintindihan hindi niya ako minahal dahil malakas ako. Minahal niya ako kahit mahina ako. Isang umaga, lumabas lang ako para bumili ng pandesal. Pagbalik ko ay wala si Psalm sa kwarto. Kinabahan agad ako. Pagbaba ko sy nandoon na siya sa labas. Pinaligiran ng mga titas ng barangay namin. Naawa ako sa mukha niya at halatang hindi komportable na parang humihingi ng tulong. “BABALIK KA BA SA SHOP, HIJO?” “MARUNONG KA BA MAGLUTO?” “MAY BALAK BA KAYONG MAGPAKASAL?” Si Psalm, tahimik lang. Parang nasa interrogation.M Nang makita niya ako. Parang humingi ng tulong ang mga mata. “Psalm!” sigaw ko. “Ito naman si Lara, pinagdadamot ang pogi niyang jowa. Pahiram muna kami. Ngumiti na eh hindi na ito kagaya noon!” sabi ni Aling Mercy. “Saka mukha kasing hindi ka na pakakawalan niyan.” Sumagot si Psalm, diretsahan. “Opo. Wala po akong planong pakawalan si Lara,” aniya. Naghiyawan naman sila sa kilig. “Aba’y kung ganiyan ba naman kagwapo ang magkakagusto sa akin eh sunggaban ko na agad,” wika niya pa kaya natawa ako. ⸻ Akala ko tapos na ang pressure. Hindi pa pala. Dumating ang Rasgild convoy dito sa amin. Nagsilabasan ang mga kapit-bahay namin at nakiusyuso. Rinig ko pa ang mga bulong nila na tila hindi makapaniwala sa nakikita. Bumaba si Lola Sarissa. Napatingin sa paligid tapos ngumiti nang makita ako. “Lara,” aniya at niyakap ako. Niyakap ko rin naman siya pabalik. Intimidting ang pamilya ni Psalm pero mababait naman kahit papaano. “Lola, huwag mo siyang titigan ng ganyan.” “Tsk,” sabi ni Lola. “I get it, hindi mo na kailangang sabihin pa. As if I’ll take her away from you.” Sumunod naman si Lolo Infernu. Mukhang galit pa rin o baka ganoon na talaga ang hitsura niya. Default face na ‘yon. “Hindi pa tapos ang usapan natin tungkol sa kasal,” sabi niya kay Psalm. KASAL. SA HARAP NG BARANGAY. Napatakip ako ng mukha. “Lolo—” sabi ni Psalm. “Huwag mo akong lolo-lolohin,” sagot niya. “Kung kaya mong makipagdigma, kaya mo ring magpakasal.” Si nanay ko ay tahimik lang. Pero kita kong nanginginig ang kamay niya. Same ‘nay, same. Lumapit ako kay Psalm saka hinawakan ko ang braso niya. “Okay lang ako,” bulong ko. “Huwag kang makipag-away dahil sa akin. Ang istrikto ng lolo mo. Lolo mo ‘yan,” giit ko. Tinitigan niya ako. “Hindi ako nakikipag-away,” sagot niya. “Ipinaglalaban kita.” Dumating si Cora na may dalang milk tea. Tiningnan ang convoy. Tiningnan si Lolo Infernu. Tiningnan ako. “Bes,” bulong niya, “hindi ka na lang sana nagpa-crush sa mechanic, deritso mafia boss ka.” “Hindi ko rin po ‘to plano,” pabulong kong sagot. Lumapit si Cora kay Lola Sarissa. “Hello po, future in-law ng aking bessy wap,” bati niya rito at ngumiti. Si Lola au ngumiti rin pabalik. Pakiramdam ko ay nahulog ang puso ko sa lupa sa sobrang kaba. “Matapang ka. Gusto kita.” “Thank you po, pwede po bang maging bridesmaid?” Si Psalm ay napaubo na lamang. Ibang klaseng kapal ng mukha ang kaibigan ko. Kinagabihan, nasa bubong kami ni Psalm. Tahimik ang paligid. Malayo ang ingay ng pamilya. “Natatakot ka ba sa kasal?” tanong ko. “Hindi.” “Sa pamilya mo?” “Hindi rin.” “Sa buhay na magiging normal?” Napangiti siya. “Hindi ko alam kung marunong akong maging normal,” sagot niya. “Pero gusto kong matutunan kasama ka.” Hinawakan ko ang kamay niya. “Hindi rin ako handa,” sabi ko. “Pero handa akong subukan.” Huminga siya nang malalim. Parang gumaan ang balikat niya. “No one is ready for life’s surprises. Mahirap iyon at hindi mo inaasahan ang mga pangyayari. Ikaw ang may hawak ng desisyon kaya kailangan talaga na panghawakan at maniwalang pinili mo talaga ang tama. Kahit pa hindi ka sigurado. Dahil walang tatanggap ng consequences nu’n kundi ikaw lang din naman.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD