Hindi ko na mabilang kung ilang beses na akong nag-space out ngayong araw.
Nasa harap ko si Adam.
Nagsasalita siya.
Alam kong may sinasabi siya tungkol sa trabaho niya, tungkol sa plano niya sa weekend, tungkol sa kung anu-anong bagay na dati naman ay pinakikinggan ko nang maayos.
Pero ngayon ay wala. Parang lumulutang lang ang utak ko sa kung saan. Sa kung anong itsura ni Markus kapag seryoso.
Sa kung paano niya ako tinitigan noong huling gabi na magkasama kami. Sa kung paanong bigla na lang siyang nawala.
“Lara.”
Napakurap ako.
“Ha?”
Huminga siya nang malalim. Kita ko na naman ang pilit niyang pagpipigil ng inis.
“Pangatlong beses na ‘yan,” sabi niya. “Nandito ka ba talaga?”
Napahawak ako sa tasa ng kape ko.
“Oo—oo naman,” sagot ko agad. “Sorry, Adam. Pasensya na talaga.”
Tumingin siya sa akin nang matagal.
Parang may gusto siyang sabihin pero pinipili kung itutuloy pa ba.
“Ganito ka na simula nung dalawang linggo na,” sabi niya. “Hindi ka na nakikinig. Lagi kang lutang. Parang hindi na kita kausap.”
Mas kumirot ang dibdib ko. Hindi dahil galit siya. Kundi dahil alam kong tama siya.
“Sorry,” ulit ko. “May… may iniisip lang talaga ako.”
“Tungkol sa kanya?” diretso niyang tanong.
Napatingin ako sa mesa.
Hindi ko na kayang magsinungaling.
Hindi ko na rin kayang ipaliwanag. Tahimik lang ako. At doon ko naramdaman na bumigat ang hangin sa pagitan namin.
“Akala ko tapos na ‘yon,” mahina niyang sabi. “Akala ko pinili mo na ‘ko.”
“Adam, hindi gano’n—” agad kong sagot. “Hindi ko alam kung nasaan siya. Bigla na lang siyang nawala. Wala man lang pasabi—”
Bigla siyang tumayo. Tumama ang upuan sa sahig.
“See?” sabi niya, halatang pigil na pigil ang emosyon. “Kahit nandito ako, siya pa rin ang nasa isip mo.”
Tumayo rin ako.
“Hindi ko sinasadya,” nanginginig kong sabi. “Hindi ko ginusto ‘to. Hindi ko ginusto na ma-feel ‘to.”
“Pero nangyayari,” sagot niya. “At pagod na ‘ko, Lara. Pagod na akong makipagkumpitensya sa lalaking hindi man lang nag-abalng uwian ka.”
Lumapit ako sa kanya.
Hinawakan ko ang braso niya.
“Sorry,” bulong ko. “Pasensya na talaga. Hindi kita sinasadyang saktan.”
Tiningnan niya ang kamay ko sa braso niya… tapos marahan niyang inalis.
“Hindi sapat ang sorry sa puntong ‘to,” sabi niya. “Kailangan mo munang ayusin ang sarili mo. Dahil sa ngayon… hindi ako ang pinipili mo.”
Masakit.
Pero hindi ako makatanggi.
Humakbang siya palayo.
“Adam—”
Hindi na siya lumingon.
Umalis siyang galit.
At naiwan akong nakatayo sa gitna ng café, hawak ang tasang malamig na ang kape, at pakiramdam ko’y mas malamig pa ang dibdib ko.
⸻
Pagdating ko sa bahay, diretso akong pumasok sa kwarto ko. Hindi ko na hinintay na magtanong si Nanay kung bakit namumula ang mata ko. Hindi ko na rin kayang magpaliwanag. Pagkasara ko ng pinto, doon na bumigay ang mga tuhod ko. Umupo ako sa sahig, yakap ang sarili ko.
“Nasaan ka na ba…” pabulong kong sabi.
Parang tanga.
Pero hindi ko mapigilan.
Dalawang linggo na.
Walang tawag. Walang text.
Walang kahit anong balita.
Parang bigla na lang siyang naglaho.
At mas masakit pa doon wala akong karapatang magtanong. Wala akong karapatang humingi ng paliwanag. Dahil hindi naman kami. Pero bakit parang pakiramdam ko ay may nawala sa akin? May parte sa araw ko na biglang nabutas.
May katahimikan sa bahay na dati hindi ko napapansin, pero ngayon ay sobrang ingay.
Umupo ako sa kama. Napatingin sa pintuan ng kwarto ko. Na parang umaasa na bigla siyang kakatok. Na bubuksan niya ‘yon, nakakunot ang noo, tahimik, tapos sasabihin niyang “Sorry, natagalan ako.”
Pero walang kumatok.Walang dumating.
Tahimik lang. At doon ko na naramdaman na parang may humihigpit sa dibdib ko.
“Okay ka lang ba, Lara?” sigaw ni Nanay mula sa labas.
“Okay lang po!” sagot ko kahit nanginginig ang boses ko.
Ayokong mag-alala siya. Ayokong ipaliwanag ang hindi ko rin maintindihan. Humiga ako sa kama, nakatingin sa kisame. Bumabalik sa isip ko ang mukha ni Markus.
Kung gaano siya kalamig sa lahat… pero sa akin lang, may mga sandaling parang…parang may gusto siyang sabihin. Parang may gusto siyang aminin.
“Bakit ka ba nawala ng ganito na lang…” bulong ko.
Hindi ko alam kung galit ba ako O nasasaktan. O nag-aalala. Siguro lahat.
Pumikit ako, pilit pinipigilan ang luha.
Pero kahit anong pilit ko eh tumutulo pa rin. At sa gabing ‘yon, sa unang pagkakataon… hindi ko na siya iniisip bilang Markus lang.
Iniisip ko siya bilang isang taong baka nasasaktan. Baka nasa peligro.
Baka… may nangyaring masama.
At mas kinatakutan ko ‘yon kaysa sa ideya na iniwan niya lang ako.
⭐️⭐️⭐️⭐️
Tahimik ang lumang bodega sa pier.
Pero hindi ‘yong klaseng katahimikang payapa. Ito ‘yong katahimikang parang hinihintay ang unang putok ng baril.
Nakatayo si Ricafort Centuri sa gitna ng bodega, may hawak na baso ng whiskey, parang wala lang siyang hinihintay na kamatayan. Parang may party siyang pupuntahan. Nang pumasok ako ay hindi siya nagulat.
Ngumiti pa nga.
“Ah… so totoo nga ang balita,” tamad niyang sabi habang iniikot ang baso.
“Buhay ka pa rin pala, Rasgild. Ang tigas mo talaga. May favoritism si satanas ano?”
Malamig lang ang mga mata ko.
“Disappointed ka?”
Tumawa siya. ‘Yong klaseng tawang walang takot. Walang galang.
“At aaminin ko, oo. Kasi sabi ng mga tao ko, halos mamamatay ka na raw. Akala ko tapos na ang alamat ng pamilya niyo eh. Buhay ka pa ring putang-ina monka! Anak ka talaga ng ama mong hudas!”
Lumakad ako palapit sa kaniya nang dahan-dahan. Bawat hakbang, may kasamang intensyon.
“Alamat?” sagot ko. “Hindi alamat ang mga Rasgild. Bangungot kami.”
Napangisi siya.
“Bangungot?” sabay iling.
“Hindi mo ba alam, Psalm? Kayang-kaya kang palitan. Kahit mamatay ka ngayon, may ibang hahawak ng pwesto mo. Pero sa pamilya ko—”
Lumapit siya.
Magkaharap na kami.
“—ako ang susunod. Hindi mo kayang burahin ang Centuri sa isang bala lang.”
Bigla kong sinuntok ang mukha niya kaya Tumilapon ang baso. Bumagsak siya sa sahig. Pero tumawa pa rin siya kahit may dugo na ang labi.
“Ganyan ba kayo makipag-usap? Walang modo?”
Hinila ko siya sa kwelyo saka Ibinangga sa metal na pader.
“Wala akong obligasyon maging magalang sa anak ng taong gustong patayin ang lahat ng mahalaga sa akin.”
Uminit ang mga mata niya.
“Ah… kaya pala,” mapanuyang sabi niya.
“May mahalaga na pala sa’yo. Kaya ka naging sloppy.”
Nanlabo ang paningin ko sa galit.
“Manahimik ka.”
“O ano?” ngisi niya.
“May babae na ba? Isang babaeng akala mo normal ka lang? Isang babaeng hindi alam kung anong klaseng halimaw ang kinahuhulog niya?”
Sinuntok ko ulit siya.
Isang beses.
Dalawa.
Tatlo.
Hanggang sa dumugo ang ilong niya. Pero tumatawa pa rin siya.
“See? Kahit galit ka, nanginginig pa rin kamay mo.”
Binunot ko ang baril ko at Itinutok sa ulo niya. Tahimik ang paligid. Isang pitik lang ng daliri tapos na ang lahat. Pero ngumiti siya. Iyong apanghamon.
“Gawin mo. Tingnan natin kung hanggang saan ka aabot bago ka tuluyang lamunin ng giyerang ‘to.”
Napangisi ako.
“Hindi kita papatayin ngayon.”
Nagulat siya.
“Hindi dahil naaawa ako,” dagdag ko.
“Kundi dahil gusto kong buhay kang makitang bumagsak ang lahat ng pinaghirapan ng pamilya mo.”
Bigla niyang sinipa ang tuhod ko at Napasubsob ako. Pero agad akong bumawi.
Sumuntok siya at Nakaiwas ako. Siniko ko ang tagiliran niya. Narinig ko ang lagutok ng buto kaya napamura siya.
Pero hindi umatras. Nagbunot siya ng kutsilyo. Sinugod ako. Sumagi sa balikat ko ang talim. Ramdam ko ang init ng dugo. Pero sinikmura ko siya. Sumuka siya sa sahig. Hinila ko ang buhok niya. Isinubsob ang mukha niya sa konkretong sahig.
“Sabihin mo sa ama mo,” malamig kong bulong sa tenga niya, “na hindi ako titigil hangga’t hindi ko siya hinahatak pababa sa impyerno kasama ng buong pamilya niya.”
Umubo siya.
Humalakhak pa rin.
“Too late, Rasgild… matagal ka na naming minamanmanan. At alam na namin kung saan ka nagtatago.”
Nanigas ang katawan ko.
“…ano’ng sinabi mo?”
Ngumisi siya kahit halos hindi na makagalaw.
“Alam namin ang barangay mo. Alam namin ang babae mo.”
Bumigat ang paligid. Biglang hindi na lang galit ang nararamdaman ko.
Kundi takot. Hindi para sa sarili ko.
Para sa kanya. Sinuntok ko siya nang buong lakas. Nawalan siya ng malay.
Huminga ako nang mabigat. Umuugong ang tenga ko. Isang pangalan lang ang nasa utak ko.
Lara.
Kinuha ko ang phone ko at tinawagan si Bruno.
“Pull everyone out,” malamig kong sabi.
“Full lockdown sa lugar ni Lara. Walang lalapit kahit pulis, kahit multo.”
“Boss, anong nangyari—”
“May nakakaalam na sa kanya,” putol ko.
“Kung gusto nilang gamitin siya laban sa akin mauuna silang mamatay.”
Binitawan ko ang katawan ni Ricafort.
Nakatihaya siya sa sahig.
Duguan at walang malay. Pero hindi pa tapos ang laban. Hindi pa tapos ang digmaan. At lalong hindi pa tapos ang pagiging halimaw ko kung ang kapalit ay ang kaligtasan ng babaeng mahal ko.
Hindi ako dumaan sa kalsada. Hindi ako puwedeng makita. Hindi ako puwedeng masundan. Tumalon ako sa bakod sa likod ng mga bahay, dumaan sa makikitid na eskinita, sa mga lugar na alam kong walang CCTV, walang tsismosa, walang tanong.
Pero sa bawat hakbang ko iisa lang ang nasa isip ko.
Lara.
Kung nahuli ako ng kahit isang minuto o kung may nauna sa akin hindi ko na mapapatawad ang sarili ko.
Nakita ko ang ilaw sa sala nila.
Bukas ang bintana. May anino sa kurtina.
Buhay pa. Salamat sa Diyos.
Dahan-dahan kong binuksan ang pinto.
Hindi na ako kumatok pa. Wala nang oras para sa disente. Nang makita niya ako ay nanlaki agad ang mga mata niya.
“Markus…?”
Wala nang lambing sa boses ko nang magsalita ako.
“Mag-impake ka. Ngayon na.”
Natigilan siya.
“Ano? Bakit—”
Lumapit ako sa kanya. Hinawakan ang balikat niya. Mahigpit pero maingat.
“Walang tanong, Lara. Kailangan nating umalis. Ngayon na talaga.”
Kita ko ang kaba sa mga mata niya.
Pero tumango siya. Kahit hindi niya naiintindihan. Kahit halatang takot na takot siya.
“Sandali lang… tatawagin ko si Mama at si Cora.”
Tumango ako.
Habang umaalis siya, tinawagan ko agad si Bruno.
“Status.”
“Perimeter secured, boss. Pero may mga gumagalaw sa kabilang kanto.”
“Good,” malamig kong sagot. “Plan B. Ilabas mo ang sasakyan sa likod. Walang convoy. Tahimik lang.”
“Copy.”
Pagbaba niya, kasama na niya ang nanay niya at si Cora. Halatang naguguluhan. Halatang hindi handa.
“Markus, anong nangyayari?” nanginginig ang boses ng nanay niya.
Tumingin ako sa kanya. Bahagyang yumuko ang ulo ko.
“Pasensya na po. Kailangan ko po kayong ilayo muna rito. Saglit lang po. Protektado po kayo sa pupuntahan natin.”
Hindi na siya nakipagtalo. Siguro dahil nakita niya sa mukha ko na hindi ito biro.
Si Cora naman ay diretsong lumapit kay Lara.
“Girl, buhay pa ba tayo?”
Napasinghap si Lara.
“Hindi ko rin alam…”
Hinawakan ko ang kamay ni Lara nang mahigpit. Para bang kung bibitaw ako ay mawawala siya. Lumabas kami sa likod ng bahay. Naka-park na ang sasakyan.
Si Bruno ang nasa manibela. Tumango lang kami sa isa’t isa. Pagpasok pa lang namin sa kotse, naramdaman ko na ang pagyanig sa loob ko.
Hindi dahil sa takot para sa sarili ko. Kundi dahil sa kanila. Sa babaeng nasa tabi ko. Sa pamilyang nadamay sa digmaan na hindi nila pinili. Habang umaandar ang sasakyan, humawak si Lara sa manggas ng damit ko.
Mahina.
Pero ramdam ko ang panginginig niya.
“Markus…” mahina niyang sabi. “Sasabihin mo ba sa’kin kung ano’ng nangyayari?”
Saglit akong natahimik.
Gusto kong sabihin ang totoo.
Gusto kong sabihin lahat. Pero hindi pa ngayon. Hindi habang may mga matang nakatingin sa likod namin.
“Hindi pa,” sagot ko. “Pero pangako… sasabihin ko rin.”
Tumango siya. Hindi na kami nagtalo.
Mas lalong sumikip ang dibdib ko. Pagdaan namin sa shop ni Tiyo Bob, nag-text ako sa kanya.
Me: May galaw. Huwag ka munang lalabas.
Isang segundo lang ang lumipas bago dumating ang reply.
Tiyo Bob: Alam ko na. Ingat kayo.
Kung alam lang nila na hindi talaga basta mekaniko ang tiyuhin niya. Na hindi rin basta ordinaryong lugar ang barangay na ‘to.
Pero kahit gano’n hindi ibig sabihin no’n na ligtas si Lara. Walang ligtas kapag may Centuri na galit. Sa likod ng salamin, kita ko ang mga ilaw ng patrol.
Buy-bust kuno.
Cover story.
Pero alam ko ang galaw ng mga tao ni Arnolfo. Hindi ito operasyon ng gobyerno.
Ito ay mensahe. Alam namin kung nasaan ka. Hinigpitan ko ang hawak sa kamay ni Lara. Kung may mangyari sa kanya hindi ko na alam kung ano pang klaseng impyerno ang ilalabas ko sa mundo.
Lumapit si Cora sa amin mula sa likod.
“Markus… safe ba talaga kami?”
Tumingin ako sa kanya nang diretso.
“Hangga’t humihinga ako, walang hahawak sa inyo.”
Tahimik ang sasakyan pagkatapos no’n. Walang tanong. Walang reklamo. Pagdating namin sa safehouse ay nandoon na ang mga tauhan ko.
Tahimik.
Disiplinado.
Hindi nakakatakot sa panlabas pero alam kong bawat isa sa kanila ay handang pumatay para sa utos ko. Pagpasok pa lang ni Lara sa loob, napahawak siya sa braso ko.
“Markus… anong klaseng buhay ba talaga meron ka?”
Tumingin ako sa kanya.
Matagal.Pagod. Pero buo ang desisyon.
“Isang buhay na hindi ko kailanman ginustong idamay ka.”
Huminga siya nang malalim.
“Pero nandito na ako.”
Tumango ako.
“At hindi na kita papayagang mapahamak.”
Kahit pa kailangan kong sunugin ang buong mundo para lang manatili siyang ligtas.