Chapter 3

1213 Words
Walang imik si Irish habang nakaupo sa passenger seat. Eksaktong alas singko y medya ng hapon nang sunduin siya ng boss niya. Si Marco mismo ang nagmamaneho ng sariling kotse. Pigil na pigil niya ang hininga dahil ramdam niya na panay ang tingin ni Marco sa gawi niya. Naaasiwa siya sa sitwasyon. Naiilang siya. Naroon na naman ang kaba sa dibdib niya. Nakasuot siya ng peach halter dress na lampas sa tuhod ang laylayan. Eleganteng-elegante ang dating niya sa damit na iyon. Isa iyon sa mga designs ni Wilma na nagustuhan niya. "You look amazing in that dress," mahinang komento ni Marco saka saglit na tumingin sa gawi niya. "Thank you, sir," tipid niyang tugon. Hinaplos niya ang mahaba niyang buhok at kinapa kung naroon pa ang hair clip na inilagay ni Wilma. Simple lang ang pagkakaayos ni Wilma sa buhok ni Irish. Nakalugay lang iyon at manipis na make-up lang ang inilagay ni Wilma. Ayon sa huli ay natural ang ganda ni Irish at kahit wala itong make-up ay puwedeng irampa sa kahit na anong okasyon. "Wilma never fails me," muling wika ni Marco nang nakangiti. Nilingon nitong muli si Irish at nagkataon naman na napatingin din ang dalaga kaya nagkatitigan sila. Agad na nagbawi ng tingin ang dalaga. Hindi niya talaga kayang makipagtitigan nang matagal kay Marco. Baka ipagkanulo siya ng sariling nararamdaman. Nakakahiya dahil boss niya ito. Trabaho ang dahilan kaya siya nag-apply sa Drakenys Company at hindi ang akitin ang CEO ng kompanya. Wala pa sa utak niya ang magkaroon ng relasyon o nobyo. Ang pamilya niya ang priority niya. "We are here, Rish," saad ni Marco nang iparada nito ang minamanehong sasakyan sa tapat ng isang malaking mansiyon. Agad itong bumaba at pinagbuksan ng pinto ang dalaga. Inilahad nito ang kaliwang palad para alalayan si Irish. Tila may dumaloy na kuryente sa kamay ni Irish nang magdaiti ang kanilang palad. Ilang beses ng nagkadaiti ang kanilang palad ng boss niya pero sa bawat sitwasyon ay ganoon at ganoon pa rin ang pakiramdam niya. Parang bolta-boltaheng kuryente ang dumadaloy paakyat sa braso niya hanggang sa buong katawan. "Nervous?" bulong ni Marco sa punong tainga ni Irish. "Slight," pagsisinungaling niya. Ang totoo ay halos himatayin siya sa nerbiyos dahil ramdam niya ang mainit-init na hininga ni Marco na tumatama sa kaniyang leeg. Maliban sa tila may nagsisipaglundagan na mga daga sa dibdib niya ay pakiramdam niya ay mayroong mga paru-paro sa loob ng kaniyang tiyan. "Relax, Rish. I'm here." Naglakad na sila papasok sa mansiyon habang hawak-hawak ni Marco ang palad ng dalaga. Halos pigilin ni Irish ang kaniyang paghinga. Kabadong-kabado siya dahil sa pagkakahawak ni Marco sa kaniyang palad. Ngayon lang iyon ginawa ng boss niya. Dati ay nagkakasya lang siya na sumabay sa paglalakad ng amo kapag isinasama siya nito sa mga pagtitipon. Ngayon ay tila may gusto itong ipahiwatig sa mga bisita na naroon. "Just go with the flow, Rish," paalala ni Marco nang tuluyan na silang makapasok sa bisinidad ng mansiyon. Nakaplaster ang ngiti sa labi nito kaya ngumiti na rin ang dalaga. "Marco!" agad na wika ni Mayor Hizon nang salubungin ang mga bagong dating. "I thought you wouldn't make it dahil nauna na ang regalo mo sa akin." Inilahad nito ang kanang palad. "I am glad you are here." "I won't miss your birthday, mayor. Happy birthday." Kinamayan ni Marco ang mayor saka ipinakilala si Irish. "This is Irish." Namilog ang mga mata ng alkalde. Pinasadahan nito ng tingin si Irish. Umabot sa tainga ang ngiti nito. "Happy birthday, mayor," bati ni Irish. Naiilang siya sa mga titig ng mayor na animo'y isa siyang alahas na kinikilatis. "What a gorgeous lady you have with you tonight, Marco. Congratulations!" Ibinaling nitong muli ang paningin kay Irish. "You are such a lucky girl, hija. You did tame the ruthless playboy in town." Kinamayan nito ang dalaga. Napatingin si Irish kay Marco. Ngumiti naman pabalik ang huli saka hinawakan sa baywang ang dalaga. Mas lalong kinabahan si Irish pero hindi niya ipinahalata. Mayamaya ay may bigla na lang lumapit sa kanilang tatlo at niyakap si Marco. Tuwang-tuwa ito at halos hindi bumitaw sa binata. Napapangiti na lang si Irish. Kilala niya ang babaing nakayakap kay Marco. "I miss you, hijo," saad ng ginang saka kumalas ng yakap. "It's been months since we have seen each other. Ni minsan ay hindi ka man lang bumisita rito. Kung hindi pa kaarawan ng ninong mo ay hindi ka magagawi rito." "I am so busy this past few months, ninang." Umirap ang ginang at nagawi ang paningin nito kay Irish. Agad na umaliwalas ang mukha nito. Isang matamis na ngiti ang sumilay sa labi nito. "Honey," wika ni Mayor Hizon sa asawang si Helena. "Isn't she gorgeous?" "Oh my!" Nakangiti pa rin ang ginang nang magpabalik-balik ang paningin kina Irish at Marco. "Is she your girlfriend, hijo?" Tanging ngiti ang itinugon ni Marco kasabay ng pagpisil sa baywang ng dalaga na parang ipinaparating na makisama na lang. Si Irish naman ay alanganing ngiti ang isinukli sa ginang. Wala rin siyang balak na kumpirmahin ang totoong estado nila ni Marco. Ayaw niyang mapahiya ang boss niya kapag sinabi niya ang totoo. "Oh, thank you, hija," wika ni Helena matapos makipagbeso kay Irish. "Sa wakas may nagmamay-ari na rin ng puso ng inaanak ko." Hinawakan nito ang palad ng dalaga at inilayo kay Marco. Nakahinga nang maluwag si Irish nang pakawalan ni Marco ang palad niya. Subalit agad na pumalit ang takot sa dibdib niya. Napakaraming tao sa party. Isang malamyos na musika ang naririnig niya kasabay ng ingay sa umpukan ng mga bisitang naroon. "Ipakikilala kita sa mga bisita, hija," masayang wika ni Helena. Hawak-hawak pa rin nito ang kabilang palad ni Irish. "I'm sure magugulat silang lahat dahil sa wakas ay may girlfriend na si Marco." "Ma'am, I'm so—" "Just call me, Tita Helena, okay?" maagap na tugon ng ginang kaya hindi na nagsalita pa si Irish. Agad na sumagi sa utak niya ang sinabi kanina ni Marco na 'just go with the flow.' "Tita Helena!" tawag ng isang babae sa hindi kalayuan. Agad na napalingon ang ginang sa pinagmulan ng tinig. Napalingon na rin si Irish at hindi niya mapigilang hindi humanga sa hitsura ng babaing papalapit sa kanila. Tila isa itong manika na nagkaroon ng buhay at naglalakad sa gitna ng mga bisita. Napakaganda ng mukha nito na animo'y isang anghel. Nakasuot ito ng moss green na cocktail dress na bagay na bagay sa maputi nitong kutis. "Pat," wika ng ginang nang naroon na sa tabi nila ang babae. "I thought hindi ka dadating." Imbes na sagutin ang ginang ay diretsong tumingin si Pat sa mukha ni Irish. Napakunot ang noo nito. Si Irish naman ay tila balewala lang ang pagkakatitig sa kaniya ng babae. Tipid siyang ngumiti rito. "You look familiar," natitigilang saad ni Pat. "Have we met before?" "She's beautiful, right, Pat?" may pagmamalaking sabat ni Helena. "Maybe you met her before. She is Marco's new girlfriend." Tumiim ang bagang ni Pat. Nagbago ang ekspresyon ng mukha nito nang marinig ang huling sinabi ng ginang. Kumuyom ang kaliwang palad nito. Nang makabawi sa inis na nararamdaman ay inilahad ni Pat ang kanang palad para makipagkamay kay Irish. "I am Doctor Patricia Cazolla, Marco's ex girlfriend."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD