Nagising ako kinabukasan nang namamaga ang mga mata. Mabilis akong nagbihis para sa school dahil ayokong sumabay kay Kuya. Tahimik akong bumaba diretso sa kusina para kumain saglit. Baka kasi mapagalitan ako ni Kuya ‘pag nalaman niyang hindi ako kumain.
Nasa kalagitnaan ako ng pagnguya sa sandwich nang makarinig ako ng mga yabag mula sa hagdan. Binilisan ko ang ginagawang pagkain. Bakit ang aga naman yatang gumising ni Kuya?
Mabilisan akong uminom kaya’t halos mabilaukan ako nang makita ang taong bumaba sa hagdan. Sinalamin nang namimilog kong mga mata ang kaniya ng ilang Segundo pumako ang tingin naming sa isa’t isa.
Hanggang sa nauna siyang bumitiw doon para magtungo sa kusina kung nasaan ako.
Lumundag agad ang puso ko sa kaba nang manatili akong nakatingin sa paglapit niya. Kahit nakita ko siya kagabi, pakiramdam ko ang tagal na nang huli kaming nagkita…
Pero anong ginagawa niya rito?
Katulad kagabi ay muli akong nanigas sa kinauupuan. Hindi ko alam kung tatayo na lang ba ako at aalis nang hindi siya kinakausap ni pinapansin, o kakausapin ko siya nang parang walang nangyari.
Pero anong sasabihin ko? Paano ‘pag nahalata niyang bitter ako dahil sa girlfriend niya? Paano ‘pag nalaman niyang sobrang miss ko na siya? Paano kung…
“Ang aga mo namang pumasok?”
Bahagya akong napanguso habang ngumunguya nang magsalita siya.
Bakit niya ako kinakausap ngayon? Samantalang kagabi parang wala lang ako sa kaniya?
Baka naman obligatory lang kasi nakita niya ako kahit hindi naman dapat. O baka naman nami-miss din niya ako at hindi niya ako matiis? Argh! Praning ka talaga. Paano ka mami-miss ng taong ayaw naman sa ‘yo?
Medyo naparahas ang kagat ko sa kinakaing slice bread.
Hindi ako nakahanap ng sasabihin. Ni hindi ko na siya magawang lingunin sa likuran ko. Mabilis ang pintig ng puso ko at hindi ko sigurado kung dahil ba ‘yon sa kaba o sa inis o sa tampo. Gusto ko siyang kausapin pero ayaw ko. Nasisiraan na yata talaga ako.
“Ikaw, ba’t ang aga mong nandito? Nasa’n ‘yung girlfriend mo…” Namilog ang mga mata ko sa mga salitang walang habas na lumabas sa bibig ko. Halos masabunutan ko na ang sarili. Tunog guilty sa pagiging bitter. Kainis!
Mahina siyang natawa. “Dito ‘ko natulog. Na-miss ko kasi rito.”
Bakit, sa’n ka ba nagpunta’t pagbalik mo may kasama ka nang babaeng maganda? Bakit hindi mo ako pinapansin kagabi? Bakit ka nagdala rito ng girlfriend? Para ba ipamukha sa ‘king wala akong pag-asa sa ‘yo? At… anong na-miss mo rito? Kasama ba ‘ko ro’n?
Sa lahat ng tanong na gusto kong sabihin ay ito lang ang tanging nasabi ko, “Ahh. Sige pasok na ‘ko.”
Tumayo na ako para umalis kahit gusto ko pa siyang kausapin nang mas matagal. Malapit na ako sa pinto nang bigla siyang nagsalita.
“Sinong maghahatid sa ‘yo? Tulog pa ‘ata ‘yung kulugo.”
Naabutan ko siyang bahagyang nakangiti nang sulyapan ko. Gusto ko siyang titigan at sulitin ang pagkakataon na makasama siya pero hindi pwede. Nakakaleste ‘yong pakiramdam na sobrang miss mo ‘yong tao pero kailangan mo siyang iwasan.
“Ako na lang. Kaya ko naman. Magko-commute na lang ako…” Pero mas okay kung ihahatid mo ako… para makasama kita nang mas matagal… at para makapagkwentuhan tayo… tulad ng dati.
Binitawan niya sa lamesa ang mug na hawak. “Hatid—” Natigilan siya sandali. “Ibig kong sabihin… ingat ka.” Nagdadalawang-isip niyang kinuha ulit ang inilapag na mug at saka dahan-dahang tumango. Tumikhim siya matapos magbitiw ng tingin sa akin.
Nadidismaya ko siyang tinanguan pabalik bago ako tuluyang lumabas ng main door, bagsak ang mga balikat.
Hindi ako makangiti hanggang makalabas ako ng gate. Tipong isasara ko na ‘yon nang biglang magbukas muli ang main door, kung saan nag-aayos ng buhok si Aizel habang hawak ang susi ng motor ni Kuya. Natigilan ako at natulala sa kaniya sandali.
Mabigat siyang bumuntonghininga bago ako binalingan. “Hatid na kita.”
Hindi ako sumagot pero mukhang hindi naman iyon tanong.
Nagbalik lang ako sa reyalidad nang senyasan niya akong buksan muli ang gate para mailabas niya ang motor. Wala akong sinabi at sinunod lang ang gusto niya.
“Ikaw na magsuot nito.” Inabot niya sa ‘kin ang helmet.
Manginig-nginig ang mga kamay kong tinanggap iyon at isinuot. Mabuti na lang at naka-pants ako dahil Friday. Sumakay ako ro’n nang normal kahit malakas ang pintig ng puso ko.
“Humawak ka. Baka mapatay ako ng kuya mo ‘pag nalaglag ka r’yan.” Lumingon siya saglit bago inumpisahang paandarin ang motor.
Hindi ko alam kung saan at kung paano ko siyang hahawakan. Kaya iyon at ipinahinga ko na lang ang mga nanginginig kong kamay sa magkabilang balikat niya. Gusto kong pigilan ang panginginig pero hindi ko magawa. Sana hindi niya napapansin!
Buong biyahe akong nakatingin lang sa likod niya, sa likod niyang kabisadong-kabisado ko na. Gusto ko siyang kausapin pero hindi ko alam kung anong sasabihin.
Malapit na kami sa gate ng school nang matanaw ko si… Ylona? Si Ylona nga ba ‘yon?
Napasimangot na lang ako nang makita kong naagaw na namin ang atensyon nito. Ano ba kasing ginagawa nito sa tapat ng gate? Bakit ang aga nitong nandito? Dito rin ba siya nag-aaral? Bakit ngayon ko lang siya nakita? Saang dagat ba siya nanggaling?
Huminto si Aizel sa tapat mismo ng gate. Bumaba ako ro’n at saka inabot sa kaniya ang helmet. Iilan pa lang ang mga naglalakad papasok na mga estudyante ro’n.
“O, pasalubong ko nga pala sa ‘yo.” Inabot niya sa ‘kin ang isang lollipop na hindi normal ang haba.
Bahagyang kumunot ang noo ko matapos iyong tanggapin at mapagmasdan.
“Mukha ba ‘kong—” Natigilan ako nang hinawakan niya ang lollipop… kasama ang kamay ko.
Parang tumigil panandalian ang mundo…
May pinindot siya sa bandang dulo niyon kasabay nang lumabas na metal.
“Ballpen?” Nagkibit-balikat siya, natatawa.
Sabi ko nga dapat tinignan ko muna.
“Ibibigay ko sana sa ‘yo kaga—”
“Aizel!” Sabay kaming napalingon sa tumawag.
“Ylona? Anong ginagawa mo rito?” Sinulyapan ko ang mukhang nagulat na si Aizel.
Hindi ba niya napansin si Ylona? At bakit hindi niya alam na nandito ang babaeng ‘to? Akala ko ba…
“Akala ko kasi maaga ang pasok mo. Isu-surprise sana kita… gusto ko kasing maglibot sa school n’yo. Para maging familiar na ‘ko ‘pag dito na ‘ko nag-aral, right?” Ngumiti ito bago lumapit nang husto kay Aizel at kapitan ito sa braso.
Muntik ko pang mabitawan ang hawak kong ibinigay ni Aizel dahil sa panghihina. Ang aga namang umay nito.
“Sana nag-text ka na lang para hindi ka na naghintay pa rito. Pasaway ka talaga.” Humalakhak si Aizel.
Magka-text naman pala bakit hindi sinabi… tss.
“Uh… pasok na ‘ko,” istorbo ko sa dalawa. Sabay angat nang bahagya sa bigay ni Aizel. “Salamat.”
“Cadence? Nand’yan ka pala! I didn’t see you…” Sinulyapan niya ang hawak ko.
Paanong hindi niya ako makikita eh palapit pa lang kami sa gate nakita ko na siyang nakatingin sa ‘min? Maganda sana kaya lang parang nagbubulag-bulagan?
“Ah talaga? Hindi kasi ako pansining tao.” Tumawa akong plastic pa yata sa cup na nasa kalsada. Sabay seryoso. “Sige.” Ngumiti ako sa kaniya kahit gusto nang tumirik ng mga mata ko.
Tinalikuran ko ang dalawa’t pinilit na hindi na lumingon hanggang sa makapasok ako ng gate. Pero para bang may nagtulak sa aking lingunin sila kaya’t bahagya ko silang sinilip nang makapasok ako.
Umaandar nang paalis ang motor habang nakaangkas si Ylona kay Aizel. At hindi siya nakahawak sa balikat kasi… nakayakap siya kay Aizel. Takot na takot malaglag?
Busangot akong nagmartsa papasok ng campus.
Ganda na lang ba talaga ang batayan ngayon? Basta maganda kahit mabaho hininga okay na? I mean, sa kagandahan na lang ba umiikot ang standards ng mga tao ngayon? Gano’n na ba talaga kababaw ang mga tao? Lalo na si Aizel? O masiyado lang akong judgmental? Hindi ko pa naman gaanong kilala si Ylona. Siguro… hindi lang siya puro ganda.
Hindi ko nakita si Kristian sa school buong araw. Mukhang imposible rin dahil hindi naman kami block mates. Isang subject ko lang siya kaklase at one time a week lang ang meeting namin sa subject na ‘yon. Hindi ko siya makita sa sss. Wala rin akong number niya kaya paano ko siya masasabihan na ‘wag magpunta sa bahay?
Anong gagawin ko? Aabangan ko siya buong araw sa gate namin? Hindi naman kasi niya sinabi kung anong oras siya pupunta. Ugh. Malaking problema ‘to.
Umuwi ako sa bahay at naabutan ko sina Luis, Miguel, Ken… at Aizel do’n. Busy sina Luis at Miguel sa paglalaro ng table tennis na hindi ko alam kung saan nila nakuha. Samantalang si Ken at Aizel naman ay busy sa kani-kanilang laptop. May mga teknikal silang pinag-uusapan na hindi ko maintindihan. Malamang tungkol ‘yon sa school, sa mga pinag-aaralan nila.
“Hi, Cadence!” Nginitian ko ang bumating si Luis.
“Marunong ka bang mag-ping pong? Paturo naman ako. Dinuduga ako nitong hinayupak na Luis na ‘to eh!” Tumawa si Miguel bago dumaing nang tamaan siya ng bola sa ilong.
“Hindi ako marunong.” Bahagya na lang akong natawa bago sulyapan si Aizel. Nang mahuli ko siyang nakatingin sa akin ay mabilis siyang nag-iwas siya ng tingin at patay malisiyang nagtipa muli sa laptop niya.
Pagkangiti sa bati ni Ken ay nagtungo ako sa kusina kung saan naabutan ko si… Ylona. Sandali, anong ginagawa niya rito?
“Hi!”
Nginitian ko ang bati niya.
“Ang tahimik mo ‘no?” Sumulyap siya sa ‘kin habang naghahalo ng kung ano sa kaldero namin.
Nagluluto ba siya? Marunong siya?
Nagsalin ako ng tubig mula sa pitsel na nasa lamesa at uminom. “Hindi naman. Depende…” Sa taong kausap.
“Ano palang niluluto mo?” Nilapitan ko siya matapos kong mailapag ang basong hawak ko. Mukha siyang friendly. Siguro gusto ni Aizel ng mga babaeng friendly. Hmn.
“Gusto mong tikman?” excited niyang alok.
Tumango na lang ako. Hindi naman siguro ako malalason. Mukha naman siyang masarap magluto katulad ni Kuya.
Kumuha ako ng kutsara at saka tinikman ang kung ano mang niluluto niya. Medyo napaso pa ako sa init pero nalasahan ko naman.
“Wow. Buti ka pa sanay magluto ng tinola. Ako madalas taga-init lang.” Pagkalingon ko ay nakita kong parang nagulat siya. Kumurap ako sa pagtataka. “Bakit?”
Ganito ba talaga ang normal na reaksyon ng tao ‘pag friendly ang kumakausap sa kaniya? O dahil hindi bagay sa ‘king maging friendly kuno? Pero honestly, okay naman ang luto niya. Medyo maalat nga lang. Tinikman ko ulit.
“Sinigang kasi ‘yan.”
Halos mabilaukan ako sa hinigop kong sabaw dahil sa sinabi niya.
“I guess it failed again… fifth try ko na ‘to.” She sighed with resignation. “Palyado talaga ang skill ko pagdating sa pagluluto…”
Tumikhim ako at halos matawa. Pinigilan ko lang dahil mukha na siyang iiyak at ang sama ko naman kung tatawanan ko siya rito.
Gano’n lasa ng sinigang ‘pag maganda ang nagluto? Okay.
“Cadence, and’yan ka na pala. Kumain ka na ba?”
Nilapitan ko kaagad ang dumating na kapatid para lang makatakas ako kay Ylona.
“Kuya, parang masarap kumain ng prito ngayon. Magluto ka naman ng… uh… fillet! O kaya kahit ham na lang,” bulong ko kay Kuya bago ako nagpaalam na magbihis sa taas.
Sinulyapan ko ang nakasimangot na si Ylona ro’n sa niluluto niya habang umaakyat ako ng hagdan. Hindi rin siya magaling magluto—it’s a tie.
Tinanghali ako ng gising kinabukasan kaya’t halos magkandarapa akong bumababa ng hagdan. Ni hindi ko na nga nagawang magsuklay o maghilamos man lang. May kailangan akong iligtas na buhay!
Nasa kalagitnaan pa lang ako ng hagdan nang marinig ko ang tawanan sa sala. Sina Luis ba ‘yon?
“Hindi ka nag-iisa, bro! Gigil na gigil din akong nanonood no’ng FIBA sa bahay!”
Natigilan ako agad pagkababa nang maabutan sa sala si Kristian…
“’Di ko nga alam kung cooking show ba pinapanood ko o basketball. Nampusang mga hinayupak.” Tumawa ang nakaupong si Kuya habang pinaglalaruan ang bola ng basketball.
Sandali, anong nangyayari rito?
“Magha-hapon na amoy umaga ka pa rin.” Nakangising si Aizel ang nalingunan ko na mukhang galing sa kusina. Pareho silang naka-jersey ni Kuya pwera kay Kristian. Pero mukhang pare-pareho silang galing sa pagpapawis.
Kumunot ang noo ko sa pagtataka.
“Kaydee!” Nginitian ako kaagad ni Kristian nang may kaway pang kasama. Hindi ko alam kung kagigising ko lang ba o talagang magulo ang mga nangyayari.
“Kristian…” Pinilit kong ngumiti kahit naguguluhan bago sinulyapan si Kuya.
“Kaydee?” natatawang anang huli.
Nagkibit-balikat lang rito si Kristian.
Napailing na lang ang kapatid ko bago tumingin sa akin. “Mukha kang sisiw. Maghilamos ka ngang bata ka. Maliligo lang ako.”
Hindi pa rin ako makapaniwala sa nangyayari kahit pa nakaakyat na si Kuya sa taas. Gano’n lang ‘yon? Walang mga liniyang, ‘Hoy, kupal. Ang kapal ng mukha mong magpunta sa bahay namin at sadyain ang kapatid ko. May trabaho ka na ba? Kaya mo na bang buhayin ang kapatid ko? Bakit mo siya nililigawan? Pumayag ba ako?’.
Seryoso. Wala talagang lintaya si Kuya? Imposible! Gising na ba talaga ako? Baka nananaginip pa rin ako?
Muli kong binalingan si Kristian na ngayo’y naabutan kong nakatingin sa akin at bahagyang nakangiti. Totoo ngang nandito siya. Totoo nga ang lahat!
Sunod kong sinulyapan ang nakahalukipkip na si Aizel habang nakasandal sa likod ng sofa. Nakatitig sa akin ang seryoso nitong mga mata at hindi ko mabasa ang ekspresyon.
Walang pasubaling kumalabog ang dibdib ko kaya’t nagpasya na lang akong tumalikod at umakyat para ayusin ang sarili. Madapa-dapa akong nagtutungong muli sa kwarto ko.
Gulong-gulo ang isip ko sa mga nangyayari. Pero may kapal pa rin ng mukha ang puso kong kabahan sa ginawang paninitig sa akin ni Aizel kanina. Walangya. Bakit gano’n makatitig ‘yon? Para tuloy akong aatakihin sa puso. Ni hindi ko na alam kung saan ako talaga dapat kabahan dito!