“Batch mates sila ng pinsan ko kaya nakalaro ko siya ng basketball no’ng high school isang beses. He’s quite good at it kaya medyo nagkasundo kami.”
Napatango ako nang malaman kong may gano’n. So kilala na pala talaga siya ni Kuya?
“Pero… wala ba siyang sinabing… mga bagay tulad ng… ano…” Napakamot na lang ako sa ulo nang hindi ko magawang tapusin ang tanong.
Napahinto si Kristian sa pagsusulat. Inilapag niya ang hawak na ballpen bago ako nilingon. “Look, hindi na ako magpapanggap pa. You wanna know what he said?”
Mabagal akong tumango, feeling sorry sa kung ano mang nasabi ni Kuya sa kaniya. Sabi ko na nga ba’t imposibleng gano’n na lang ang lahat.
“Una, tinanong niya ako kung nanliligaw ba ako sa ‘yo. Sabi ko, hindi malabo.”
Kumunot ang noo ko. “Huh?”
Natawa siya sabay turo sa akin. “He reacted the same way! How cute.”
Hindi ko alam kung ngingiwi ba ako o tatawa rin.
“Ang sabi ko sa kaniya hindi kita nililigawan pero hindi malabong manligaw ako, ‘cause why not? You’re nice.”
Ako? Nice? Ano kaya ang meaning ng nice rito kay Kristian? ‘Yong pagiging introvert at otaku? Sa pagkakaalam ko, gano’ng mga tipo ang iniiwasan sa Japan. Half-Japanese ba talaga ang isang ‘to? O half-sabog?
“Ang tagal niya akong tinitigan after no’n. I got scared a bit. Para kasing mangangain nang buhay.” Pinigil niya ang tawa. “Tapos bumulong siya sa ‘kin ng, ‘kung sasaktan mo lang ang kapatid ko, maaga pa lang lumayo ka na. ‘Di na ‘ko teenager. Makukulong ako ‘pag nakapatay ako ng tao.’” Wala na talaga siyang mata nang natuluyan siya sa pagtawa.
Sapo ko naman ang noo ko. Nakakahiya talaga si Kuya. Ni hindi nga ako nililigawan ng isang ito. Grabe talaga siya. As in grabe. Wala akong masabi.
Bumuntonghininga ako, napapangiwi. “Pasensiya ka na sa kuya ko ah? Gano’n lang talaga siya noon pa man.” I made a crying sound. “Sorry talaga.”
“No, no. It’s actually cute.”
“Anong cute ro’n?” Kunot-noo kong kinwestyon ang buong existence niya.
“That he’s protective of you because he loves you and he doesn’t want to get you hurt…” Nagtagal ang tingin ko sa kaniya. “Siguro kung may kapatid din akong babae baka mas malala pa ako sa kuya mo. That’s for sure.”
Nagbitiw na lang ako ng tingin nang ngumiti siya. Naa-appreciate ko naman si Kuya minsan. Pero ang OA niya kasi madalas. Buti nga ngayon kalmado siya. Kung sana lagi siyang kalmado, edi sana hindi lang isa ang kaibigan ko ngayon.
Pero masaya na rin ako dahil kahit papaano’y nahanap ko ang una kong kaibigan sa katauhan Kristian. Sana nga lang hindi siya masindak sa kuya ko ‘pag tumagal.
“Bakit nga pala parang tropa-tropa na kayo no’ng makita ko kayo sa sala kanina? Parang walang nangyaring gan’yan ah.”
“Then I’ll give you permission to kill me if I ever hurt her.”
Natigilan ako sa pagkuha ng ballpen na bigay sa akin ni Aizel dahil sa sinabi niya. Seryoso ba siyang sinabi niya ‘yon sa kuya ko?
“Tapos iyon. Ang sabi niya tulog ka pa raw kaya inaya niya akong mag-basketball. Dinaanan namin si uhh… ano nga ulit pangalan no’ng…”
“Aizel.” Kumalabog ang dibdib ko sa simpleng pagbigkas ko ng pangalan niya, ang mga mata ko’y nanatili sa hawak na ballpen.
“Ayon, tama. So… that explains everything, I guess. By the way may naisip ka na bang plot para sa entry natin? I think mas catchy ‘pag b-in-ase natin sa totoong experience ng isang particular na tao…”
Pina-finalize na ni Kris ang entry namin para sa Lit writing contest ng mga bandang six na ng gabi. Short story ang napagkasunduan naming category.
Kanina pang umalis si Kuya para mag-grocery pero hanggang ngayo’y hindi pa rin siya bumabalik. Kami lang tuloy tatlo nina Aizel at Kristian ang naiwan sa bahay.
Kadalasan isinasama niya si Aizel ‘pag namimili siya, ngayon lang hindi. At pupusta ako na kaya ganoon ay dahil nandito si Kristian. Paniguradong may naiisip na naman si Kuya’ng hindi magandang mangyayari sakaling maiwan kaming dalawa rito. Kaya ito’t pinag-guwardiya niya ang side kick niya.
Umakyat ako sa kwarto sandali para umidlip. Tutal mukhang hindi na naman na kailangan ni Kristian ang tulong ko. Mukha ring nagkakasundo sila ni Aizel sa kwentuhan nila tungkol sa basketball.
Naalimpungatan ako’t nasilaw sa liwanag ng bukas na ilaw. Hindi ko namalayan na napasarap pala ang tulog ko. Pero sandali… bakit nakabukas ang ilaw? Nakauwi na ba si Kuya?
Nilingon ko ang paligid para tignan kung nandito ang kapatid ngunit unti-unting namilog ang mga mata ko…
“Kristian!” Napabalikwas ako ng bangon sa kama’t bahagya pang nahilo dahil sa biglaang pag-ahon paupo.
Gulat niya akong nalingon mula sa prenteng pag-upo sa study table ko.
“Anong ginagawa mo rito?” halos maghisterya kong tanong. “At bakit mo… bakit mo hawak ‘yan?!” Inagaw ko kaagad sa kamay niya ang pamilyar na piraso ng papel na kabisadong-kabisado ko ang nakasulat.
Malalaki ang mga mata ko sa gulat nang sunod ko siyang tapunan ng tingin. Nginitian lang niya ako’t alam kong alam na niya ang bagay na hindi niya dapat malaman. Itinupi ko ang papel na hawak at dali-daling inilagay iyon sa cabinet na nasa likod ko.
“Natapos ko na ‘yung entry natin. I got bored kaya hinanap kita. Busy kasi sa pagluluto si Aizel sa baba. Magpapaalam na sana akong umuwi kaya lang… napadpad ako rito.” Bahagya niyang tinaas ang magkabilang palad sa ere.
“I swear, wala akong ginawa o binalak gawin sa ‘yo. It just happened na naiwan mong nakabukas ‘yung pinto mo and I get curious what your room looks like… kakatok sana ako kaya lang… nakita kong tulog ka. I’m sorry. Alam kong hindi ako dapat nandito pero… I wanna know more about you. And I’m sorry… if I made you feel uncomfortable by being here.”
Hindi pa rin ako makapaniwalang narito siya lalo na ang ideyang nabasa niya ang tulang sinulat ko… nabasa niya… alam na niya… s**t.
“Pero… Kaydee, may tanong ako.” Kinabahan na ako sa tono ng boses niya.
Ito na ‘yon… alam ko na kung ano ang kasunod nito.
“O-Okay! Itanong mo ‘yan ‘pag nasa sala na tayo. Hindi ka dapat nandito. Baka mamaya maabutan ka ni Kuya. Paniguradong—”
“No, wait. I need your answer right now. Hindi pwedeng do’n sa sala n’yo.” Umiling ako bago ko siya hinila pero ipinilig lang niya pasara ang pinto at saka ako hinarap gamit ang seryosong mga mata. “Kaydee… just one question. Please.”
“Kristian, sa baba na—please…” Binuksan ko ang pinto’t hinila siyang palabas mula sa kwarto ko. Pero ang kumag ay hinila lang ako ulit pabalik.
Hindi niya isinara ang pinto’t diretso akong tinanong ng, “Are you in love with your brother’s best friend?”
Animong may sumabog na bomba nang biglang tumakbo nang sobrang bilis ang puso ko. Natameme ako sa mukha ni Kristian at walang salitang namutawi sa mga labi ko.
“Cadence!” Pero agad din iyong napalitan ng taranta pagkarinig ko sa boses ng kapatid mula sa baba.
Hindi ko alam kung ihahagis ko na lang ba itong si Kristian sa sala’t lilipad ako patungo sa hagdan, para lang hindi kami maabutan ni Kuya rito.
“H-Hindi ko alam, Kristian.”
Tinalikuran ko kaagad siya para makalabas ng kwarto ko. Pero laking gulat ko nang maabutan si Aizel sa hallway na mukhang kakaakyat pa lang ng hagdan. Nanlamig kaagad ang pisngi ko matapos maestatwa sa kinatatayuan.
“Cadence, nakita mo ba si Kristian? Bigla na lang siyang—”
“Kaydee, pwede ba ‘yon? Imposible namang—” Natahimik ang kalalabas lang ng kwarto kong si Kristian pagkakita kay Aizel, na ngayon ay natigilan sa paglalakad at pagsasalita para lang maigi kaming suriing dalawa ng tingin.
Napalunok ako at siguradong mukha akong guilty kahit wala naman akong ginagawang masama.
“Aiz—”
“Anong ginagawa mo sa kwarto ni Cadence?”
Ginapangan ako ng kaba sa nakitang pagdilim ng ekspresyon ni Aizel, ang noo ay bahagya nang kumukunot. Mariin ang titig niya sa nakatayo sa tabi kong si Kristian.
Shit. Hindi naman siguro niya sasabihin ‘to kay Kuya ‘di ba? Wala naman kaming ginagawang masama!
“M-May ipinakita lang ako!” Ako ang sumagot pero parang gusto kong pagsisihan ang nasabi ko. It sounds weird! “I-Ibig kong sabihin—”
Nagulat ako sa mabilis na paghakbang ni Aizel palapit kay Kristian. Ngayon ay tuluyan nang kumunot ang noo nito. Mukhang anomang oras ay handa nang bitbitin palabas si Kris.
Pumikit ako nang mariin sa taranta. Mabilis akong nag-isip ng palusot ngunit wala na akong maisip. Sandali, bakit ba kailangan ko pang magpaliwanag?
“Aizel, wala kaming ginagawang masama,” halos pakiusap ko na lang na sabi.
Sumulyap ito sa akin sandali bago ipinagpatuloy ang mariing pagtitig kay Kris. Wala itong sinabi kaya’t binalot kami ng katahimikan. Tanging mabilis na pagtambol lang ng puso ko ang dumadagundong sa sarili kong tainga.
Alam kong matangkad si Aizel, at matangkad din naman si Kris, pero parang ngayon lang ako nanliit sa harap nito.
Hinawakan ng huli ang braso ko nang hindi nagbibitiw ng titig kay Kris at walang anu-ano’y tinangay ako pababa.
“Umuwi ka na. Baka hindi ka pa makauwi nang buhay…” walang lingun-lingon nitong utos dito.
Nanibago man ako sa asta ni Aizel ay mas pinili kong manahimik dahil sa pangamba. Kinakabahan ako sa pwedeng sapitin ni Kristian ‘pag nalaman ni Kuya… kahit wala naman talaga kaming ginagawang masama.
Nanatili akong tahimik hanggang sa makababa na kami ng hagdan ni Aizel. Narinig ko ang mga yabag nang tahimik ring sumusunod na si Kristian. Pagkalingon ko sa kaniya ay naabutan ko ang kuryoso niyang tingin kay Aizel. Nilingon niya ako nang mapansin ang tingin ko sa kaniya.
Bakit ba kasi siya pumunta sa kwarto ko? Alam naman niyang may dragon akong kuya! Buti na lang at si Aizel ang nakakita sa amin at hindi ang kapatid ko kundi ewan ko na lang. Pwera kung sasabihin nito kay Kuya ang nakita…
“O, Kristian. Nandito ka pa pala. Dito ka na kumain. Ginabi ako, tae! Na-flat-an ng gulong ‘yung motor ko. Buti nandito ‘tong kulugo na ‘to at nagluto. Baka pare-pareho tayong malason ‘pag itong si Cadence ang naglu—”
“Uuwi na siya. Gabi na, mahirap nang humanap ng sakayan ‘pag ganitong oras.” Natahimik kaming tatlo ro’n. Ramdam sa boses ni Aizel ang iritasyon kaya nanibago ako at sobrang kinakabahan. “’Di ba, Kristian?”
Dumapo sa akin ang tingin ni Kristian at wala akong nagawa kundi ang bigyan siya ng apologetic look. Sandali niya akong tinitigan pa bago napabuntonghininga sa pagsuko. Isang kibit-balikat at nagpaalam na siya.
“Sabay na ‘ko sa ‘yo.”
Muling namilog ang mga mata ko sa taranta dahil sa sinabi ni Aizel. Kumunot naman ang noo ni Kristian.
“S-Sama ako!” Napalingon sa akin bigla si Kuya pati na ang dalawa.
“Gabi na hoy. Uuwi na ‘yang si Aizel. Wala kang kasamang bumalik,” saway ni Kuya sa akin habang inaayos ang mga pinamili niya.
Bigo kong nilingon ang dalawa’t naabutan si Aizel na nakatitig sa akin. May bahid ng iritasyon ang mga mata niya at madilim ang ekspresyon. ‘Di ko siya kinayang titigan pabalik dahil hindi mamatay-matay ang kaba ko. Kaya’t bagkus na salubungin ang titig niya’y binalingan ko ng tingin ang tahimik na nakamasid na si Kristian.
“Ingat ka… ingat kayo,” tanging nasabi ko sa namamaos na tinig sabay sulyap kay Aizel.
Tumikhim siya at narinig ko ang iritasyon doon.
“Bye, Kaydee.” Nginitian at tinanguan ako ni Kristian bago naunang lumabas ng pinto.
Nasulyapan ko ang umiiling na si Aizel, ang pag-igting ng panga niya ay nahuli ko rin. Palabas na sana siya sa pintuan nang bigla ko siyang tinawag. Huminto siya sa kalagitnaan ng paglabas pero hindi niya ako nilingon.
“Wala talaga kaming ginawang… masama. Hindi mo naman… sasabihin kay Kuya ‘yung…”
Pareho kaming natahimik sandali bago siya nagsalita. Pinakiramdaman ko ang mabilis na pintig ng puso ko habang hinihintay ang sasabihin niya.
“May tiwala ako sa ‘yo pero kay Kristian ay wala. Gano’n din ang kuya mo kaya ’wag mong sirain ang tiwala niya sa ‘yo.” Ni hindi niya ako sinulyapan hanggang sa tuluyan na siyang makalabas ng pinto.
Natulala ako sa harap niyon habang paulit-ulit kong naririnig sa isip ko ang sinabi niya.
“May nangyari ba? Mukhang galit ang kulapo ah.” Tumawa si Kuya mula sa kusina.
Nagi-guilty ako sa paglilihim ko sa kaniya. Una ang tungkol sa pagkakagusto ko kay Aizel… tapos ngayon itong tungkol kay Kristian… wala namang masama sa mga ‘yon pero pakiramdam ko ang sama-sama kong kapatid.
Tama si Kristian. Kahit madalas talagang nakakainis si Kuya, alam kong protective siya sa ‘kin hindi dahil trip niya lang. Kundi dahil ayaw niyang masaktan ako. At tama rin si Aizel. Hindi ko dapat sirain ang tiwala sa ‘kin ng kapatid ko.
Nagtungo ako sa kusina’t naabutan si Kuya’ng naghahain na. Nilapitan ko siya at niyakap mula sa likod. Natigilan siya sa ginagawa at sinulyapan ako sa likuran niya.
“Anong nangyari sa ‘yo? Parang nakita mo si Mama ah? Matagal pa Halloween oy!” Tumatawa siya pero alam kong nahihirapan na siya. Nahihirapan sa magkakapatong na intindihin… stress sa pag-aaral, pagba-budget kada buwan, pagiging nanay, tatay, ate at kuya sa akin, lalo sa araw-araw na pag-aasikaso, pag-aalaga’t pag-intindi sa akin…
“Thank you, Kuya…” Kahit bwisit ka minsan, mahal kita.
“Saan? Anong thank you? Gutom ka ba?”
Sabay kaming natawa nang padabog ko siyang binitiwan.
“Kumain na nga lang tayo!”