“Stop! Stop!”
Napatigil ako sa pagpupukol nang masasamang tingin kay Sanjoe dahil sa pagsasalita ni Sanya.
“Huwag naman kayo mag-away,” pakiusap ng kapatid ko.
“Bakit ba parang ang init ng ulo n’yo sa isa’t isa?” Takang tanong ni Sanya na akala mo naman ay hindi ko nakwento sa kan’ya ang nangyari sa supermarket.
Bumuntong hininga ako para kalmahin ang aking sarili. Walang sino man sa aming dalawa ni Sanjoe ang sumagot sa tanong ng kapatid ko. Kung ako ay kinakalma ang sarili siya naman ay nakangisi pa ngunit pinili na lang manahimik.
“Sorry na sa mga tanong ko, ‘wag na kayo mag-aaway ha? Let’s just enjoy!” Paalala ng kapatid ko nang makarating na kami sa beach.
Bumaba na kami ng sasakyan at nagtungo papalapit sa mga kasamahan naming nandoon na.
Puting buhangin at kalmadong alon ang bumungad sa amin. I smiled when I saw my sister playing with other teenagers. Sa tingin ko ay magiging mabuting impluwensya rin sa kapatid ko ang mga kabataan dito kumpara sa mga dati niyang kaibigan na pag-sho-shopping lang ang alam.
“Arlene halika, tulungan mo akong mag-ihaw,” tawag sa akin ni Aling Nena.
Agad akong tumalima at tumulong sa ginang. Habang inaayos niya ang mga karne at hotdog ay iniihaw ko naman ang mga tapos na niyang tuhugin. Bahagya kong pinapaypayan ang ihawan para madaling maluto.
“Single ka ba Arlene?” Kuryusong tanong ni Aling Nena sa akin.
Single nga ba ako? Sa totoo lang ay hindi ko alam pero parang hindi ko makonsidera ang sarili kong single lalo na’t hindi naman kami nakapaghiwalay ng maayos ni Freed. Magulo ang lahat pero alam ko namang malinaw na sa aming dalawa na tapos na kung ano man ang namagitan sa aming dalawa.
“O-Opo…”
“Aba ay maraming mababait na binata rito, baka makahanap ka ng mapapangasawa rito!” Masayang sambit ng ginang.
Bahagya akong tumawa sa sinabi ni Aling Nena, hindi naman ako naghahanap ng mapapangasawa. Isa pa ay si Sanya ang priority ko, hindi ko iisipin ang pagbuo ng pamilya hangga’t hindi pa nakakatapos ng pag-aaral ang kapatid ko.
“Naku! Hindi ko pa po iyon iniisip,” sagot ko.
“Kung sabagay. Maiba ako, magtatagal ba kayo rito sa Sta. Rosa?”
Sta. Rosa pala ang pangalan ng lugar nila. Ang plano ko ay dito na manirahan pero hindi pa rin naman ako nakakasiguro lalo na’t baka sa ngayon lang masaya ang kapatid ko. Nakadepende ang lahat kay Sanya, kung saan ito sasaya ay s’ya kong ibibigay sa kan’ya.
“Sana po,” tanging naging sagot ko sa Ginang.
Hindi pa ako handang magbigay nang siguradong sagot sa ngayon lalo na’t iilang araw pa lang naman kaming nananatili rito.
Matapos naming mag-ihaw ay nakisama na kami sa iba. Magaan namang kasama ang mga tao rito. Pakiramdam ko nga ay parang isang buong pamilya kami kahit na ang totoo ay magkakapit-bahay lamang naman. Halatang mabuting tao si Aling Nena base kung papaano niya ituring ang mga taong umuupa sa kan’yang mga bahay at apartment.
Naglatag ako ng tuwalya sa buhangin at naupo roon. Pinagmasdan ko ang kapatid kong makipaglaro at makipagtawanan sa iba pang mga kabataan. This peaceful and lovely place is slowly getting my heart.
“You’re sister is lovely.”
Except with this man. Hindi ko yata makakasundo itong si Sanjoe, lumalapit palang siya ay umiinit na ang ulo ko. Matalim ko siyang tinignan lalo na nang maupo siya sa medyo malapit sa akin at pinagmasdan din ang kapatid ko at ang mga kasama nito.
“Bata pa ang kapatid ko,” mataray na paalala ko sa kan’ya.
Humalakhak na naman siya, hindi ko alam kung bakit ba parang lahat na lang ng bagay na sabihin ko ay pinagtatawanan niya. Nakakainis na talaga siya!
“You think I like your sister romantically?” Tumatawang sabi niya.
I rolled my eyes. Malay ko ba baka mamaya e manyak siya at mahilig sa mga bata kaya hanggang ngayon ay single pa siya.
“Ang sungit mo,” sambit niya.
Kumunot ang noo ko, ngayon ko lang naranasan na masabihan na masungit. Kadalasan ay mabait, tahimik, pero ngayon? Nakakagulat na may taong magsasabi sa akin na masungit ako.
Hindi ko na lang siya pinansin, ayoko nang humaba pa ang pag-uusap namin. Tahimik lang kaming nakaupo nang makita kong papalapit sa amin ang mga kabataang kasama ni Sanya. Nang makalapit ang mga ito ay laking gulat ko nang sabuyan kami ng tubig dagat.
“Ayy!” Napatili ako sa gulat pero agad din namang ngumiti.
Mabilis akong tumayo at tumakbo papalapit sa tubig, sinabuyan ko rin ang mga pilyang nagbubuhos sa akin ng tubig. Nakisali na rin ang kapatid ko sa pagbubuhos sa akin. Patuloy ang pag-urong ko at ang pagganti ng pagbuhos sa kanila. Halos hindi na ako makamulat dahil sa tubig alat na binubuhos nila.
Ayoko namang tumigil sa pakikipagkulitan sa kanila dahil tila musika sa pandinig ko ang tawa ni Sanya. Panay ang tawa nito bagay na ngayon ko lang narinig sa kan’ya. Tumatawa naman ito ngunit pakiramdam ko ay hindi ganito kasaya. Purong-puro ang tawa ng kapatid ko, para bang wala na itong ibang iniisip… malaya ang mga halakhak niya.
Dahil sa patuloy na pag-atras ko ay hindi ko namalayan na napunta na pala ako sa malalim. Sinubukan kong humakbang patungo sa mababaw pero sinalubong ako ng tubig na binubuhos nila kaya muli akong napaatras. Bahagya akong kinabahan dahil hindi naman ako marunong lumangoy. Sa muling pag-atras ko ay sobrang lalim na, kinabahan na ako at pilit kong inaangat ang sarili ko pero hindi ko magawa.
Naramdaman ko ang pagpulupot ng isang malakas na braso sa bewang ko at walang kahirap hirap na inangat ako sa tubig. Napasinghap ako nang tuluyan na akong maiangat at makalanghap na ako ng hangin. Hinihingal pa ako nang imulat ko ang mata ko at bumungad sa akin ang seryosong mukha ni Sanjoe.
Buhat niya ako habang hindi siya gumagalaw nakatingin lang sa akin. Kinakabahan akong tumingin sa likuran niya wala na roon ang mga kabataan at tanging si Sanya na lang na nagkibit balikat lang bago nakangising naglakad na palayo.
“Uhh…”
Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. We’re too close that I don’t know how to react. Ang tanging damit na suot ko na lang ang namamagitan sa aming dalawa. He was shirtless and holding me too close. Hindi ako makapag-isip nang maayos, gusto kong bitawan niya na ako pero baka malunod ako.
“You don’t know how to swim,” sambit niya.
Nahihiya akong tumango at umiwas ng tingin sa kan’ya, malamang ay pagtatawanan na naman niya ako.
“So your life is on me right now…”
Mabilis akong lumingon sa kan’ya at kitang kita ko ang malawak na ngisi niya. Hanggang leeg niya ang tubig sa kinaroroonan namin, labis naman ang tangkad niya sa akin kaya kung bibitiwan niya ako rito ay talagang malulunod ako.
Inis ko siyang tinitigan, talaga namang hanggang dito ay iinisin niya pa ako.
“Ano bang gusto mo para dalhin mo ako sa mababaw?” Inis na tanong ko sa kan’ya.
Mabilis siyang humalakhak, pakiramdam ko ay hindi maganda kung ano man ang pumapasok sa isip niya.