Sa kabilang banda ay binalikan naman ni Jasper ang daang nagkokonekta sa garden ng shop at bahay ni Florencia. Mesh steel gate ang harang sa magkabilang side ng garden. Marahil sinadyang ganoon ang disenyo para kahit papaano ay malayang naarawan at nauulanan ang mga halaman. Hindi rin gaanong mahaba ang daan dahil hindi naman ganoon kalayo ang shop sa bahay. Ngunit ang ipinagtataka niya ay wala ng maaaring lusutan palabas. Sarado ang gate at walang ibang part na maaaring labasan.
‘Saan siya maaaring dumaan?’ bulong niya habang binubuksan ang gate gamit ang susi na ipinahiram sa kaniya ni Florencia. Hindi maiikaila na buo ang tiwala ng dalaga sa kaniya. Isang bagay na hindi niya alam kung dapat ba niyang ikatuwa lalo na kapag nalaman nito ang isa sa dahilan kung bakit pilit siyang pumapasok sa buhay nito.
Mahigpit niyang nakuyom ang kamao habang binabagtas ang daan pabalik sa shop. Iniisip pa lang niya na kailangan niyang palaging bantayan ang bawat kilos ni Florencia dahil sa secret investigation na ginagawa niya sa flower shop nito, sumisikip ang dibdib niya. Kahit saang anggulo tingnan ay hindi nito ikakatuwang malamang nali-link na pala sa kung ano-anong anomalya ang pinaghirapan nitong itayong flower shop o ang malamang kaya siya mas lumalapit dito ay dahil sa isa na din ito sa suspek.
“No! This can’t be. Florencia is clean,” marahas niyang saad sabay tigil sa back door ng shop. Naningkit ang mga mata niya habang nakatingin sa seradura. Hinawakan niya iyon at dahan-dahang pinihit. Bumulaga sa kaniya ang pares na senaryo na iniwan niya kanina. Walang nagbago man lang. Nang maisara niya ang pinto ay binalikan niya ng tingin ang sirang seradura.
Mukhang alam niya na ang nangyayari.
Binigyan niya ng huling sulyap ang sirang seradura bago lumabas para salubungin ang nagsidatingang mga pulis. Kaagad kinausap ng mga ito si Florencia. Dama niya ang pagkabalisa nito kaya nagdesisyon siyang samahan muna ito. Hindi niya iniwan ito hanggang matapos ang interrogation. Nang matapos itong kausapin ng mga pulis ay pinabalik muna ito sa loob ng bahay habang siya at ang kaibigang imbestigador na si Morgan ay bumalik ng shop para mag-imbestiga.
“Ano sa tingin mo?” tanong niya kay Morgan habang tinitingnan nila ang mga pasong nakatumba. Isang bahagi lang ng shop ang napakialaman at kung hindi sila nagkakamali ay dahil iyon sa mabilis na pagtunog ng alarm.
“Mukhang hindi na siya nakahintay,” tugon ni Morgan sabay tingkayad para tingnan ang nagkalat na mga lupa sa sahig. Hindi niya gaanong napansin kaninang tila kinahig din ang lupa.
“Sa palagay mo ay inside-job ito?” tanong niya sabay sulyap sa sirang seradura.
“I can’t say lalo pa at mag-iilang linggo ng walang kasama si Miss Severino sa pag-aasikaso ng shop. Ikaw? What’s your assumption?”
“Naka-lock ang front door. Sira ang doorknob mula sa loob pero maayos sa labas… Mga bakas sa loob pero hindi sa labas nagmula… What do you want me to think?”
“Can’t say anything for now. Mas mabuti pa ise-send namin sa’yo ang profile ng iba pang mga naging helper niya before. Baka may mapapansin ka.”
“Sure. Anyway, may balita ba kayo tungkol sa transaction na naganap sa Dangwa?” pag-uusisa pa niya.
“Wala pa pero malaki ang hinala na ang ibang goods na nasabat ay nakatago sa mga paso ng bulaklak.” Tiningala siya nito. “Kaya hindi din nila basta bitawan ang shop na ito. Kahit wala pang ebidensya, naniniwala din sila na sa shop na ito dumadaan ang mga goods na dinadala dito sa bayan natin.”
“Maraming shop dito,” he pointed out.
“Pero ang Golden Bloom lang ang madalas na nag-aangkat ng mga bulaklak mula sa Dangwa. Iba ang supplier ng ibang shop.”
“Sapat na bang ebidensya iyon? Hindi masamang tao si Florencia. She’s a good woman.”
“I’m with you when it comes to that. Kilala siya dito sa bayan natin. She’s a good woman, a responsible sister, and a kind person. Kaya naman hindi kami basta maniwala na sangkot sa mga illegal na transaksyon ag siya at ang shop niya. She’s even helping children in the shelter. But I’m telling you, hindi rin kami makapaniwala nang hulihin namin a year ago si Mayor Ramir. For years, he’s helping people. He’s a good husband, father, and man. Ang pagkakamali niya lang ay hinayaan niyang masangkot siya sa pagbebenta ng droga.” Ang tinutukoy nito ay ang butihing mayor ng bayan nila na ilang beses na nahalal. Hindi pa siya umuuwi sa bayan nila pero bukambibig ito ng ina niya. Unfortunately, nakilala niya lang ang mayor nang i-escort niya ito patungo sa bilibid.
“Kaya kailangan nating malaman kaagad kung sino ang nasa likod ng mga nangyayari at pati ang negosyo niya ay nasasangkot sa ganitong gulo,” determinado niyang wika. Gagawin niya ang lahat malinis lang ang pangalan ni Florencia.
“Yeah. Pero maitanong ko lang, ngayon mo lang siya nakita uli ‘di ba?” nanunubok ang tanong nito na sinundan nang pagtayo.
Tumalim ang tingin niya dito. “Ngayon lang uli ako bumalik dito sa bayan pero hindi ibig sabihin noon ay hindi ko na kilala si Florencia.”
Tumaas ang sulok ng labi nito. “Sinabi din sa akin ni Dex na malaki ang pagtutol mo na imbestigahan si Miss Severino. Though, protocol is a protocol. Wala tayong magagawa kundi ang sumunod.”
“Don’t tell me what is obvious,” he muttered under his breath.
Matamlay na ngumiti si Morgan. “One of the worst things about being a man of mission is breaking other’s privacy and life for the sake of our mission. She’s not gonna give you a hug once she finds out the real reason why you’d come back in her life.”
Pinili niyang huwag magkomento sa sinabi ng kaibigan. Totoo naman ang sinabi nito at wala siyang magagawa sa bagay na iyon. Kung meron man, kailangan niyang magsakripisyo ng isa. It’s either he let go of the mission and let anyone handle Florencia or just suffer from hiding everything from Florencia. Sa bandang huli, gusto niya pa ring siya ang mag-handle ng mission para mabantayan niya ito, masiguradong ligtas at matiyak na malinis ang pangalan ng dalaga at ng shop nito.
“Ang magagawa mo na lang ngayon para sa kaniya ay panatlihing malinis ang pangalan niya at ang shop na ito.”
“Yeah. I’ll definitely do that,” mariin niyang wika sabay pulot ng isang nakaharang sunflower. Sa ngayon ay iyon palang ang magagawa niya pero sisikapin niyang ayusin ang lahat. Sisikapin niyang kahit ngayon man lang, maging maayos ang samahan nila. Madalas man niyang iniinis noon ang dalaga, naging mahalaga ito sa kaniya. Ito lang ang babaing sa kabila ng mga kakulitan niya, nagagawa pa rin siyang tanggapin.
*****