Pakiramdam ni Florence ay hapit na hapit na sa kaniya ang suot na dress. Hindi niya na matandaan kung gaano ba karami ang nakain niya. Ang alam niya lang ay simula bukas, babawasan muna niya uli ang kakainin at gigising siya ng maaga para magbanat ng buto.
“Nabusog ka?” tanong ni Jasper.
“Sobra,” tugon niya na sinundan ng mahinang pagdighay. “Oppss, sorry.”
Ngumiti si Jasper. “Maganda iyan. May gusto ka bang gawin after nito.”
“I think I like to take a walk. Kapag hindi pa ako tumayo dito ay daig ko pa si Barney.”
“Then you’ll be a cute Barney.”
Inikutan niya ito ng mga mata at akmang tatayo na sila nang biglang tumunog ang cellphone nito. Sandali itong tumigil para tingnan kung sino ang tumatawag. Natigilan pa ito bago seryoso ang mukhang sumulyap sa kaniya. “Excuse lang ha.”
“Sure. No worries.”
Binigyan siya nito ng tango bago nagmamadaling tumalikod. Nang mawala ito sa paningin niya ay kinuha niya ang bag. Binuksan niya ang cellphone. Nagtingin-tingin lang siya ng ilang messages bago muling ibinalik iyon sa bag. Ilang minuto pa siyang naghintay bago napagdesisyunan na pumunta na lang sa restroom.
Lilinga-linga sa paligid na tinungo niya ang restroom. Nagbabakasakali kasi siyang makikita si Jasper para sabihang papunta lang siya sa restroom. Nang hindi niya ito matanaw ay minabuti niyang dumiretso na. After gumamit ng banyo ay nag-ayos pa siya, nag-retouch at nag-spray ng mouth spray. Palagi siyang may baon na spray mint. Mukha kasing hindi pa matatapos ang gabi nila sa pagkain lang sa lugar.
Not she’s expecting anything from him. Hindi niya mapigilan ang hindi makadama ng excitement.
Saan kaya sila pupunta ni Jasper?
Saan sila mamamasiyal?
Ano pang mga gagawin nila?
Wala siyang ideya lalo pa at hindi naman niya gamay ang isip ng binata. Isang beses pa lang siya nagka-boyfriend pero hindi rin nagtagal iyon. Ni hindi nga sila nakapag-date noon.
Pero masasabi nga ba iyang date ang gabing ito?
Pwede naman… Isang friendly date… Mas okay na iyon kesa sa palilipasin na naman niya ang isang gabing mag-isa sa harap ng tv. It’s good to be alone sometimes, but there’s also a time na gusto niyang may nakakausap. At dumating si Jasper sa panahong iyon.
Nang masiyahan sa pag-aayos ay lumabas na siya ng restroom ng mga babae. Magkatabi lang ang restroom ng babae at lalaki. At mukhang manipis lang ang pader na naghihiwalay sa dalawa dahil dinig na dinig niya ang usapan sa kabila ng mga lalaki na magkakasunod ding lumabas. Tuluyan na siyang palabas nang maulinigan ang pamilyar na tinig.
“She’s with me,” mariing saad ng lalaki.
Napakunot ang noo ni Florence nang mapagtantong tinig iyon ni Jasper. At kung hindi siya nagkakamali ay tila galit ang tinig nito.
“No. Don’t you dare come to her. She had enough. Ang mga sasabihin ninyo sa kaniya ay hindi makakatulong pa.” Lalong umigting ang paraan nang pagsasalita ni Jasper. Sa hinuha niya ay galit na talaga ito sa kung sinuman ang kausap.
Akmang lalabas siya para senyasan itong uuna na siya at hihintayin na lang ito pero hindi niya inaasahan ang susunod na sinabi ng kaibigan.
“Stop it. Hindi pa ba sapat na lumapit ako kay Florencia? Magugulo siya lalo kapag nalaman niya ang totoo. Sa palagay ninyo magugustuhan niyang malaman na nagsasagawa ako ng private investigation tungkol sa kaniya?” Tumahimik ito sa pagsasalita pero para namang mabibingi siya dahil sa lakas ng t***k ng dibdib. “Sinabi ko na. Wala siyang kaalam-alam sa nangyayari. She’s too naïve for this. Isa pa ginagawa ko lahat para makakuha ng impormasyon mula sa kaniya. Kung sakali mang may mapansin siya o malaman, hindi malayong sabihin niya sa akin. Nakuha ko na ang tiwala niya. Sisikapin ko na lang na matapos kaagad ang trabaho ko.”
Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Florence. Hindi siya makapaniwala sa naririnig mula kay Jasper.
‘Nilapitan niya ako? Did he just say that I’m too naïve? Kinuha lang ba niya ang tiwala ko para sa trabaho niya?’
Pakiramdam niya ay dumoble ang laki ng ulo niya dahil sa mga narinig. Hindi ito lumapit lang sa kaniya para makipagkaibigan. Lumapit ito sa kaniya dahil sa trabaho nito. Kinuha nito ang loob at tiwala niya para maisagawa ang secret investigation nito.
Bago pa ma-realize ni Florence ay kusang nagbagsakan ang mga luha sa mga mata niya. Umagos iyon na para bang walang balak tumigil. Naririnig pa niyang nagsasalita si Jasper na sa pagkakataong ito ay palayo na sa kinatatayuan niya. Bahagya siyang sumilip at natanaw na palayo na nga ito. Kung kanina ay napakakisig nito sa paningin niya, ngayon ay tanging galit ang nararamdaman niya. Hanggang ngayon pala ay goal pa rin nitong inisin at sirain ang buhay niya.
Hinayaan niya ang sariling lumuha at pagmasdan si Jasper na makalayo. Sapat nang nagmukha siyang kawawa at uto-uto sa paningin nito noong mga nagdaang araw. Sa pagkakataong ito ay hindi na siya papayag pang makita din siyang lumuluha nito. Dahil sa naisip ay lumabas siya ng restroom. Kabisado na niya ang lugar at kilala na siya doon kaya hindi siya nahirapang makiusap sa isa sa mga staff nang mag-iwan siya ng bayad na ipinakiusap niyang ibigay kay Jasper. She had a good dinner and that’s enough.
With these thoughts and her heart breaking, Florence left the place.
Samantalang…
Hindi namalayan ni Jasper na nakalabas na ng kainan si Florence. Bumalik siya sa kinauupuan nila at napag-alamang wala ito roon. Sa pag-iisip na nagpunta lang sa restroom ang dalaga ay naupo muna siya at naghintay. Inabala niya ang sarili sa pag-iisip kung saan pa maaaring dalahin ang dalaga. She deserved some time to cool off her mind and unwind. Nagpaplano na siyang yayain ang dalaga sa isang orchard na pagmamay-ari ng isa niyang kaibigan nang isang waiter ang biglang lumapit sa kaniya.
“Good evening, Sir. May I excuse myself for a while?”
“Yes?”
“Ipinabibigay po ito ni Miss Florence. Maraming salamat daw po. She already covered for everything kaya wala na po kayong kailangang intindihin.”
Wala pa siyang nauunawaan sa mga sinabi nito pero nang makita niya ang bill na binayaran niya kanina at ang pera na ipinaabot sa kaniya.
“Come again? Pinabibigay sa akin iyan ni Florencia?” naguguluhang tanong niya.
“Yes, Sir.”
“Where is she?”
“Nakaalis na po. Maybe around five minutes ago after niyang makalabas ng restroom.”
Nagsalubong ang kilay niya dahil sa sinabi nito. “Anong nakaalis na? She’s with me.”
“Opo. Pero pinasasabi din po niyang uuwi na siya. Iyon lang po, Sir. Kailangan ko nang bumalik sa trabaho ko.”
Napilitan siyang tanggapin ang pera na ibinibigay nito. Labis-labis iyon sa ibinayad niya kanina ngunit ang hindi niya maunawaan ay kung anong nangyayari.
Maagap niyang binunot ang cellphone sa bulsa at idinial ang number nito pero hindi man lang iyon nag-ring. Florencia already blocked him.
‘But why?’
Namilog ang mata niya nang maalaala ang sinabi ng waiter. She went to the restroom.
‘Hindi kaya narinig niya ako?’
Umahon ang magkahalong kaba at pag-aalala sa dibdib niya. Dali-daling siyang tumayo at nilisan ang lugar. Kailangan niyang mapuntahan kaagad si Florencia. Kailangan niyang maipaliwanag dito ang lahat.
*****