JOSIE
“Good morning, Miss Alejo, you’re late. By the way, ako si Berna, ang Manager ng kitchen—teka nga, wala ka bang mapag-iiwanan ng batang ‘yan?” nakangiwing salubong sa akin ng Manager ng makapasok ako ng kitchen galing sa locker area. Bumaba pa ang ang tingin nito kay Nathalie na nakaupo sa carrier na sout ko habang nakataas ang isang kilay.
“Pasensya na po, Ma’am. Wala pa kasi akong pera para magbayad ng babysitter,” sagot ko at ngumiti nang tipid.
“E, bakit naman kasi mag-aanak ka, wala ka namang ipangbu-buhay diyan,” sagot nito na napapailing. “Follow me and I’ll tour you around.”
Hindi na ako nag-abala pa na kontrahin ang mga sinabi niya dahil wala rin naman akong mapapala. Ako na rin naman ang tatayong magulang ni Nathalie. Napabuntong-hininga na lamang ang manager at nagsimulang maglakad. Agad naman akong sumunod sa kaniya na inilibot ako sa kabuuan ng kitchen. Hindi ko naman mapigilan ang mapaawang ang labi dahil sa pagkamangha. Busy ang mga chef sa pagluluto ng kung ano-ano, at lahat halos ay gumagalaw, nagsisigawan- at may naglalakad-takbo pa. May ngumingiti sa akin, may nagtataas ng kilay at mayroon din naman na walang pakialam.
“Tabi! Nakaharang ka!” hasik ng isang babae na nagawa pa akong tabigin. Mabuti na lang at nayakap ko agad si Nathalie. Napanguso na lang ako at nakagat ang aking ibabang labi.
Nagpatuloy ako sa pagsunod sa manager hanggang sa huminto siya sa isang malaki at malalim na dalawang magkatabing lababo. Naabutan ko pa ang isang babae na naghuhugas at bahagya lang akong nilingon. Muli ko namang itinuon ang aking atensyon kay Manager Berna na bakas sa mukha ang pagka-disgusto sa akin. Nang muli kong inilibot ang tingin ko sa paligid at nakita ko ang pagbubulungan nila habang binabato ako ng mapanghusgang tingin.
“Ito ang station mo at kasama mo si Mikay dito sa dishwasher. Siya ang opening at ikaw naman sa closing dahil paniguradong lagi kang puyat. Walang palakasan ng backer dito kaya mag-trabaho ka nang maayos,” saad ni Manager na tumalikod na agad at umalis.
Muli naman akong napabuntong-hininga at nagsimulang tulungan si Mika na seryoso sa paghuhugas. Tumikhim naman ako para makuha ang kaniyang atensyon pero mukhang wala rin siyang balak na makipagkilala sa akin kaya napanguso ako. Hirap na hirap naman ako sa paghuhugas dahil kay Nathalie na nakaupo sa carrier sa bandang dibdib ko pero hindi ko magawang magalit dahil sa ngiti na pinapakita niya sa akin.
“Cute naman ng Nat-Nat ko na ‘yan,” nakangiti kong sabi at nilalaro-laro siya habang naghuhugas.
“Bakit kasi may bitbit kang pabigat sa trabaho mo,” saad ni Mikay dahilan para maibaling ko sa kaniya ang tingin ko.
“Hindi naman istorbo si Nathalie at kung nahihirapan ako, ako naman ‘yon, wala namang iba,” sagot ko habang naghuhugas.
“Pero nakakaistorbo siya sa trabaho, bumabagal ka kaya mas dumadami ang trabaho ko. Palibhasa kasi malakas ang backer mo, e sa totoo lang bawal ‘yan dito dahil bukod sa mainit ay maingay,” sagot niya pa na napapailing.
Huminga ako nang malalim at ngumiti. “Huwag ka mag-alala, pantay ang magigin trabaho natin kay may bata akong kasama. At saka tubig ang nasa harapan natin, hindi naman kalan kaya hindi mainit.”
Natahimik naman si Mikay at nag-iwas ng tingin kaya hindi na ako nagsalita pa. Pero hindi pa man ako nagtatagal sa paghuhugas nang may bigla na lang tumabi sa akin na isang babae. Nakasandal siya sa kitchen counter habang nakahalukipkip. Puting polo ang sout niyang damit at mukhang isa siya sa mga chef dito sa kusina.
“So, girl. Balita ko, kapatid daw ni Sir Napoleon ang backer mo ah?” anito at tinaasan ako ng kilay habang nakangisi. “True ba?”
“H-Ha?” nagtatakang tanong ko at nilingon si Mikay na natigilan din sa paghuhugas.
Tumikhim naman ako at akmang magsasalita nang bigla naman akong akbayan ng isang lalaki na nakasout din ng puting polo. Napaigtad ako at bahagya siyang nilingon kaya naman nakita ko siyang nakangisi sa akin. Ginalaw ko naman ang balikat ko para alisin ang kamay ng lalaki na bigla namang tumawa at bahagyang lumayo.
“Relax!” anito at tumabi sa babae. “By the way, I am Marco of Grillardin station, I’m the king of grilled food,” pakilala nito sa sarili at itinaas pa ang biceps.
“I’m Danica, the Pattisier, in charge with pastry,” pakilala ng babae at bahagyang lumapit sa akin. “So, tell me, the rumor is true, right?”
May isa pang lalaki ang lumapit sa akin at tumabi sa lalaking nagpakilalang Marco. “Hi, ako si Liam, sa Poissonier Station. I cook different kind of fish.”
Katahimikan ang namayani sa kabuuan ng kitchen at pati ang mga nasa ibang station ay napalingon din sa akin at naghihintay ng isasagot ko. Hindi ko tuloy alam kung sasabihin ko ba ang totoo o hindi. Kinagat ko ang ibabang labi ko at bago pa man ako makapagsalita ay umiyak na si Nathalie kaya naman napangiwi na silang lahat.
“Hey! That’s enough! Go back to your station!” sigaw ng isang babae na medyo may edad na rin.
Nagsibalikan naman silang lahat sa kaniya-kaniyang station at ako naman ay itinuon na ang pansin sa mga hugasin. Hindi ko naman maiwasan ang mailing dahil mukhang magiging issue pa ako dito dahil lang kay Sancho.
“Huwag mo silang pansinin,” saad ni Mikay dahilan para lingunin ko siya. “Mahilig lang sila mang-bully.”
Tumango naman ako at napatuloy sa paghuhugas hanggang sa inabot na ko ng ilang oras. May sout naman kaming gloves pero kahit ganoon ay tumatagos pa rin ang lamig sa kamay ko. Tulog na rin si Nathalie kaya mas madali ang naging trabaho ko hangang sa bigla ko na lang narinig ang malakas na boses ng isa sa mga Chef.
“Nandiyan na si Head Chef Lucas!”
Napalingon ako sa pinagmulan ng boses at napaawang ang labi ko nang makita ko ang isang napakapoging chef na naglalakad papasok. Hinihilot nito ang pulupulsuhan at nang tuluyan siyang humarap ay nanlaki ang mga mata ko kasabay ng malakas na pagtibok ng aking puso. Hindi ako makapaniwala na matapos ang ilang taon ay makikita ko siya ulit at dito pa kung kalian naman isa akong dishwasher na may dalang baby!
Ang ex-boyfriend kong si Florito…
“Siya si Head Chef Lucas,” saad ni Mikay.
Nagsalubong ang kilay ko nang marinig ang sinabi ni Mikay kaya naman ay nilingon ko siya. “Sino? Siya?”
“Siya si Head Chef Lucas,” sagot niya at ngumiti. “The walking green flag ng kitchen.”
“W-walking green flag?” hindi makapaniwalang sabi ko dahil dati ay mas malala pa siya sa red flag.
“Sobrang bait kasi ni Chef Lucas. Yung tipong ikaw na mahihiya magkamali,” aniya at napabuntong-hininga.
Sobrang bait? Seryoso ba siya?
Dahan-dahan kong ibinalik ang tingin ko sa lalaking pamilyar sa akin at napakunot-noo. Hindi ako p’wedeng magkamali sa nakikita ko dahil ultimo ang nunal sa kaniyang sintido na parang kay Papa P ay naroon rin. Pero ibang-iba na siya ngayon, mukha na nga siyang mabait.
Bakit kaya siya nagpalit ng pangalan? Maganda naman ang Florito, pero demonyo nga lang ang ugali niya… dati.
NAG-UNAT AKO ng braso nang matapos ang unang shift ko sa restaurant bilang dishwasher. Hinele ko na rin si Nathalie habang naglalakad ako pabalik sa locker dahil mukhang inaantok na rin siya. Nang makarating ako sa locker area ay naabutan ko si Florito o mas kilala na ngayon Head Chef Lucas na nagtatanggal ng kaniyang uniform. Para naman akong naging tuod na nakatayo lang dahil sa bawat galaw niya ay bumabakat ang kanyang muscles.
Tumikhim ako upang agawin ang kaniyang atensyon na agad ko namang nakuha. Mukha pa siyang nagulat nang bigla niya akong nilingon. Ngumiti ako sa kaniyang harapan kung paano ko siya ngitian dati pero hindi niya ako pinansin at nagpatuloy sa ginagawa. Napanguso naman ako at kinuha na ang aking gamit sa locker at akmang lalabas nang bigla niya akong tawagin.
“Josie…”
Napaawang ang labi ko sa narinig at dahan-dahan na tumingin sa kaniya. “B-Bakit?”
Bumuntong-hininga siya. “Kumusta ka?”
“Ha? Teka, hindi kita kilala, nagkakamali ka—“
“Kilala kita, kahit nakapikit ako, kilala ko ang boses mo,” putol niya sa sinasabi ko. “So, kumusta ka?”
Huminga ako nang malalim at kinuyom ang kamao ko nang maalala kung paano naging impyerno ang buhay estudyante ko sa piling niya. Kung paano niya ako noon ipagpalit at harap-harapan na ipahiya sa maraming estudyante. Tumikhim ako at ngumiti saka hinaplos ang ulo ni Nathalie dahilan para bumaba ang tingin niya doon.
“Okay lang ako,” sagot ko at mabilis na nag-martsa palabas.
Bwist! Bwisit talaga!
Habang naghihintay ng masasakyan ay hindi ko maiwasan ang makaramdam ng pagod kaya napahikab na lamang ako. Buti pa si Nathalie, tulog na tulog na habang may pacifier sa bibig. Bigla naman akong napaatras ng biglang may bumusina sa aking bandang likuran kaya gumilid ako para makadaan ang sasakyan ngunit sa halip na umalis ay binuksan nito ang bintana ng kotse.
Si Florito!
“Alam mo bang bihira na lang ang makasakay dito kapag ganitong oras?” anito na salubong ang kilay.
“Ha?”
“Do you want to hop in?” muling tanong nito pero dahil naalala ko ang mga pinagdaanan ko sa kaniya bilang ex-girlfriend niya noon ay napailing ako.
“Hindi, okay lang ang totoo niyan, may hinihintay ako—“
“Your husband?”
Napalunok ako ng laway at dahan-dahan na tumango. “O-Oo.”
“So, the rumor was true? You’re Sancho Calientes’ wife?”
Muli na naman akong napatango sa tanong niya sa akin. Hindi ko alam kung bakit ko ‘to ginagawa pero panigurado akong malalagot ako kay Sancho nito kapag kumalat ang issue. Pero wala na akong ibang choice kundi ang magsinungaling dahil oras na malamang niyang ni hindi man lang ako umasenso matapos niya akong iwan noon na para akong basing sisiw ay baka magpakain na lang ako sa lupa. Ngumiti na lamang si Florito at napapailing na bumaba ng kaniyang kotse saka binuksan ang pinto ng backseat.
“Get in,” anito, “if your husband really cares for you, he won’t let you work with your baby.”
Nanlaki naman ang mata ko sa kaniyang sinabi dahil para siyang santo na akala mo hindi nagloko at nang-iwan ng jowa noon. Huminga ako nang malalim at akmang sasagot nang may isang motorsiklo ang huminto sa tabi dahilan para sabay kaming mapatingin ni Florito. Napaawang naman ang aking labi nang tanggalin ng bagong dating ang kaniyang helmet at bahagya pang inalog ang ulo para umayos ang buhok.
Shit! Si Sancho! Patay kang bata ka!
“Speaking of your husband,” bulong ni Florito.
Shit! s**t! Anong gagawin ko?
Nang makababa si Sancho sa kaniyang motorsiklo ay bumaling naman ang mata niya sa akin at napakunot ang noo. Pabalik-balik ang tingin niya sa akin at kay Florito habang salubong ang kaniyang kilay saka nagsimulang maglakad palapit.
“Hoy, Josie, anong ginagawan mo dito bakit hindi ka pa umuuwi, yung hugasin sa bahay, hindi mo tinapos kanina ‘di ba?” kaswal na tanong ni Sancho sa akin.
Nang akmang magsasalita naman ako ay bigla na lang hinablot ni Florito si Sancho sa kwelyo at isinandal sa kaniyang kotse. Napasinghap naman ako at bigla akong nataranta dahil bakas sa mukha ni Florito ang galit samantalang si Sancho ay nanlalaki ang mga mata habang nakahawak sa kamay ni Florito na nasa kwelyo niya.
Tangina! Mukhang pag-aawayan pa ata nila ako!
“You, fucker? How could you treat her like that?” mariing tanong ni Florito kay Sancho na dahan-dahan nagsalubong ang kilay.
“Pinagsasabi mo? At saka alisin mo nga ang kamay mo sa akin.” takhang tanong ni Sancho na bahagya pa akong sinulayapan.
“What am I saying is you’re an irresponsible man,” sagot ni Florito at nilingon ako. “Get in the car.”
“Ha?” hindi makapaniwalang sagot ko.
Sa pagkakataong ‘to ay dumilim ang reaksyon ng mukha ni Sancho na para bang kaya nitong manakit. Napasinghap ako nang bigla niyang hawakan ang kamay ni Florito at inikot iyon hanggang sa mabitawan siya nito at mamilipit sa sobrang sakit.
“F-f**k!” mura ni Florito na napapangiwi pa.
“You don’t know what I’m capable of, fucker, so don’t touch me,” saad ni Sancho at marahas na binitawan si Florito.
Hindi ko naman maiwasan ang mag-alala kay Florito dahil mukhang nasaktan siya sa ginawa ni Sancho. Huminga naman ako nang malalim at itinuon ang pansin kay Sancho na nakataas ang kilay sa akin habang nakapaloob ang dalawang kamay sa kaniyang bulsa.
“S-Sancho—“
“Pumasok ka muna sa restaurant, hihiramin ko kotse ni Napoleon para ihatid ka sa condo,” anito at nilingon muli si Florito na nakatayo na ngayon at matalim ang tingin kay Sancho. “Hoy, ikaw! Magyaya ka ng ibang babaeng ipapasok mo sa kotse mo, isa pang lapit, babaliin ko ‘yang kamay mo.”
Matapos sabihin iyon ni Sancho ay naglakad na ito papasok sa restaurant. Napabuntog-hininga naman ako at nilingon si Florito na para bang naawa sa akin kung makatingin siya. Nag-iwas naman ako ng tingin at agad na sumunod kay Sancho.
“Sancho…” tawag ko sa kaniya dahilan para lingunin niya ako at taasan ng kilay. “S-Salamat kasi ihahatid mo ako. Pero sana hindi mo na sinaktan yung tao—“
“You asked for protection, Josie. And I will protect you from any harm or possible threat to you,” sagot niya sa akin.
“Ganoon ba, salamat.”
Muli siyang nagpatuloy sa paglalakad ngunit agad din siyang huminto at muling humarap sa akin. Nakataas pa rin ang kilay niya na para bang naiirita.
“Teka, lilinawin ko lang ha, ginagawa ko ‘to dahil sa utang na loob at hindi dahil sa kung anong bagay kaya huwag kang mag-assume.”
Hindi ko naman mapigilan ang mapanguso dahil kung makaasta siya akala naman niya magugustuhan ko siya. Feelingero din itong lalaking ‘to e.
“Oo, alam ko.”