JOSIE
BUMABA KAMI ni Sancho ng Jeep sa harap ng isang mamahaling restaurant na kung hindi ako nagkakamali ay pagmamay-ari ng kapatid niyang si Napoleon, isa sa pinakabatang bilyonaryo sa pilipinas. Bitbit ko rin si Nathalie dahil wala naman akong mapag-iiwanan sa kaniya at hindi ko rin kayang ipagkatiwala siya sa ibang tao.
Habang naglalakad kami palapit sa kainan ay agad na bumungad sa amin ang mga nakahilerang mamahaling kotse na halos sa TV ko lang nakikita. Hindi ko tuloy maiwasan ang magtaka dahil sa jeep kami sumakay kanina, gayong hindi naman ganoon kahirap si Sancho.
“Sancho?” tawag ko sa kaniya dahilan para mapahinto siya sa paglalakad. Nakapameywang siyang humarap sa akin at nagtaas ng kilay na.
“Kung itatanong mo kung bakit tayo sa jeep sumakay. P’wes ay dahil wala akong kotse. Motor ang mayroon ako at hindi kita p’wede i-angkas na kasama mo ang inakay mo,” mataray niyang sagot at tumalikod.
Sungit naman ng isang ‘to.
Nagpatuloy siya sa paglalakad at agad naman akong sumunod sa kaniya dahil bukod sa hindi ako pamilyar sa kung paano gumalaw sa ganitong lugar ay siya rin ang kakausap kay Napoleon para bigyan ako ng trabaho. Nang tuluyan kaming makapasok ay bumungad sa akin ang magandang interior design at pati ang mga staff ay magagalang din.
“Sir Sancho! Ano pong ginagawa niyo dito?” tanong ng isang babae na lumapit at bahagya akong sinilip. Tinitigan ako nito mula ulo hanggang paa at nagtaas ng kilay saka muling ibinalik ang tingin kay Sancho.
“Si Napoleon?” tanong” ni Sancho.
“Nasa opisina niya po sa third floor,” sagot ng babae.
Muli naman naglakad si Sancho papunta sa elevator at nang akmang susunod ako ay hinarangan ako ng babae at humalukipkip sa aking harapan. Pinaningkitan niya lang ako ng tingin at ibinaling ang mata sa batang bitbit ko.
“Hindi ka p’wede sumama. Maghintay ka sa labas,” anito at hinawakan ako sa braso.
“Teka, Miss,” saad ko at pilit na bumitaw sa kaniya. “Kasama ako ni Sancho—“
“Hindi ka nga p’wede sumama sa opisina ni Sir Napoleon at mas lalong hinda ka p’wede magpagala-gala dito. Maghintay ka na lang sa labas,” pagpupumilit ng babae at pilit akong tinutulak papunta sa labasan.
“Hoy, Josie! Ano pang hinihintay mo?” nakasimangot na tawag sa akin ni Sancho.
Natigilan hindi lang ako, pati ang babae na napalingon kay Sancho. Salubong ang kilay nito naglakad palapit sa akin at napatingin sa kamay ng babae na nasa braso ko. Nang tuluyan siyang makalapit ay napapailing siyang bumuntong-hininga saka marahang hinablot ang braso ko.
“Halika na, naghihintay si Napoleon—“
Ngunit natigilan si Sancho nang harangin siya ng babae. “Sir Sancho, hindi siya p’wedeng sumama sa inyo—“
“At sino ka para pagsabihan ako sa kung sino ang p’wede ko isama o hindi? Nanay ba kita? E nanay ko nga walang pakialam sa akin,” masungit na saad ni Sancho dahilan para matameme ang babae. Hindi ko naman mapigilan ang makaramdam na para bang may kasamang hinanakit ang pananalita niya.
“O-Okay po, Sir Sancho,” sagot ng baba at napalunok saka bahagyang yumuko.
Napalatak naman si Sancho at bahagya akong hinila saka binitawan nang malagpasan namin ang babae na sa tingin ko manager o baka naman secretary ni Napoleon. Nang bumukas ang elevator ay nakapamulsa siyang pumasok at agad naman akong sumunod na pumuwesto sa bandang likuran niya.
“Salamat,” bulong ko dahilan para bahagya niya akong lingunin at nagtaas ng kilay.
“Ha?” aniya at ngumiwi.
“Salamat kasi tinulungan mo ako doon sa babae—“
“Hindi kita tinulungan. Nagmamadali tayo at ayoko ng may sagabal. Huwag kang assuming.”
Nakagat ko naman ang ibabang labi ko at tumango na lamang dahil mukhang wala sa bukabularyo niya ang mag-ala knight in shining armor. Napabuntong-hininga ako at niyuko si Nathalie na natutulog sa carrier. Nang tumunog ang elevator halos sabay kaming lumabas at dumiretso sa isang malaking pinto na gawa sa malabong salamin kaya hindi makita ang loob.
“Iyan na ba ang opisina ni Napoleon?” tanong ko kay Sancho.
“Hindi, bahay niya ‘yan,” sarkastikong sagot niya at nagtaas ng kilay. “Malamang opisina? ‘Di ba?”
“Sungit nito,” komento ko.
Napanguso naman ako at nang pumasok siya ay mabilis akong sumunod. Muntik pa akong mauntog dahil hindi niya man lang hinawakan ang pinto para makapasok man lang ako nang maayos. Tinitigan ko nang matalim ang likuran niya dahil mukhang hindi lang siya kinapos sa pera, kapos rin sa pagiging gentleman. Napakalamas naman ng jowa ng lalaking ‘to.
“Sancho, paupuin mo yung kasama mo,” nakangiting saad ni Napoleon at tumango sa akin bilang simpleng pagbati.
Nakangiti naman tumango din at akmang uupo sa mahabang sofa nang bigla akong hawakan ni Sancho at marahang hinila patayo. Huminga naman ako nang malalim upang kontrolin ang inis ko dahil sa ginawa niya.
“Sanay tumayo ‘yan si Josie, dating estatwa ‘yan e,” saad ng ungas at bahagya akong nilingon saka tinaasan ng kilay. “’Di ba?”
“Ha? Ah, oo. Sanay na sanay akong tumayo, naging poste rin ako dati e,” sagot ko at napangiwi. Nang marinig ko naman ang impit na tawa ni Sancho ay napatingin ako sa kaniya pero mabilis naman siyang nag-iwas ng tingin.
Tuwang-tuwa ang mokong!
Napapailing naman si Napoleon at isinara ang kaniyang laptop saka itinoun ang pansin sa amin. “So, bakit kayo… nandito?”
“Can I ask you favor?”
“Sure. Ano ba ‘yon?”
Napaigtad ako nang bigla akong hilain ni Sancho paharap sa kaniyang kapatid. Nagsalubong naman ang kilay ni Napoleon at nang bumaling ang tingin kay Nathalie ay biglang nanlaki ang mga mata nito. Marahas siyang napatayo, lumapit kay Sancho at basta na lamang hinila ang kapatid palayo sa akin. Salubong naman ang kilay ko na nakatingin lamang sa kanila na akala mo e mga magnanakaw dahil pabulong na nagsasalita.
“Ano kaya ang pinag-uusapan ng dalawang ‘to?” tanong ko sa sarili ko at nagkibit-balikat na lamang saka ibinaling ang tingin sa table ni Napoleon.
Napanguso ako nang makita ang isang picture frame na bahagyang nakatigilid kaya nakikita ko ang litrato. Isang babae na may magandang ngiti ang naroon at kung titingnan ay halos na sa mid-twenties lang siya tulad ko o mas bata sa akin nang kaunti. Nakasout ito ng patient gown at may dextrose sa gilid.
Baka girlfriend?
Napaigtad ako nang may tumikhim sa aking likuran dahilan para mapalingon ako. Tumambad sa akin ang mukha ni Napoleon na nakangiti at bumaba ang tingin kay Nathalie na ngayon ay gising na pala. Hinawakan pa niya ang pisngi ng pamangkin ko kaya hindi ko mapigilan ang mapangiti. Malakas naman na tumikhim si Sancho dahilan para mapatingin kami sa kaniya.
Natatawa naman at napapailing na bahagyang lumayo si Napoleon saka namulsa. “By the way, the only vacant position in my restaurant is the dishwasher.”
“Okay na ako sa tagahugas ng pinggan,” nakangiti kung saad at niyuko si Nathalie. “May work na si Tita, Natnat.”
“Sino pala mag-aalaga ng pamangkin mo? Si Sancho ba?” tanong ni Napoleon dahilan para sabay kaming mapalingon kay Sancho na nalalaki ang mata at marahan na umiling.
“No f*****g way,” sagot niya at nameywang. “Mukha ba akong babysitter? Ni-sarili ko nga hindi ko maalagaan.”
Napapiling naman ako at huminga nang malalim. “May sariling trabaho si Sancho. P’wede bang dalhin ko si… si Nathalie sa trabaho?”
Saglit naman na natigilan si Napoleon at tumikhim saka nilingon si Sancho na pinanlakihan siya ng mata. Napabuntong-hininga ito at nang bumaling sa akin ay napangiti na siya at tumango.
“Sige, pero sana hindi siya maka-istorbo sa trabaho mo. You can start tomorrow and I’ll talk to the manager para i-guide ka,” saad ni Napoleon na naglahad ng kamay. “Welcome to my restaurant. Sana maging maayos ang pagta-trabaho mo dito.”
Nakagat ko naman ang labi ko habang nakangiti at sunod-sunod na tumango. Nang akmang aabutin ko ang kamay ni Napoleon para makipagkamay ay bigla na lamang hinablot ni Sancho iyon dahilan para manlaki ang mga mata ko at titigan siya nang matalim.
“Hindi naman corporate job ang binigay sa ‘yo ng kapatid ko kaya hindi mo na kailangan makipagkamay,” masungit na sabi ni Sancho sa akin at ibinaling ang tingin kay Napoleon na hindi maipaliwanag ang reaction ng mukha. “Thank you, Napoleon. Mauna na kami kasi kailangan ko pang ihatid siya pauwe kasi baka maligaw.”
“Alam ko kung paano umuwi sa bahay mo,” pabulong kong sabi sa kaniya pero binalingan niya lang ako nang matalim na tingin kaya napanguso na lang ako at napatingin din kay Napoleon na nakangiti at tumango-tango.
“Okay, see you tomorrow.” Matapos ni sabihin iyon ni Napoleon ay hinila na ako ni Sancho palabas ng opisina ni Napoleon.
Yakap ko naman si Nathalie dahil bahagya siyang naaalog dahil sa pagkaladkad sa akin ni Sancho na agad akong binitawan nang marating namin ang elevator. Matalim ko siyang tinititigan pero dahil nasa bandang likod niya ako ay hindi ko makita ang reaskyon ng mukha niya. Ilang minuto nang bumukas ang elevator ay nauna siyang pumasok at agad akong sumunod.
“Ano bang problema mo?” hindi ko matiis na itanong nang magsara ang pinto.
Nang lumingon siya sa akin ay nagsalubong ang kilay ko dahil nakaigting ang panga niya at mukhang galit na galit. Napaigtad ako nang hablutin niya ang braso ko at isinandal ako sa pader ng elevator saka matalim ang tingin na inilapit ang mukha sa akin.
“T-Teka, ano… ano bang kinagagalit mo?”
“Maghanap ka ng ibang lalandiin mo, Josie. Huwag si Napoleon.”
“A-Ano?”
Napawang ang aking labi sa narinig mula sa kaniya at marahas akong binitawan dahilan para mayakap ko si Nathalie na nagsimula ng umiyak. Nang bumukas ang elevator ay tinaasan lang ako ng kilay ni Sancho at lumabas na.
Nababaliw na ba ang siraulong iyon?!