JOSIE
NAKANGIWI akong bumangon at nag-unat ng braso saka nilingon ang aking pamangkin na mahimbing pa rin na natutulog sa tabi ko. Nagdesisyon na akong tumayo at lumabas ng kwarto para magluto ng almusal ni Sancho para makabawi man lang sa tulong niya sa amin. Hindi naman kasi p’wedeng hindi ako kumilos dito dahil bukod sa pansamantala niya kaming pinatuloy sa kaniyang bahay ay pumayag rin siyang bigyan kami ng proteksyon. Nakakahiya rin dahil pati siya ay napuyat dahil sa palahaw na iyak ni Nathalie kaninang madaling araw, kailangan ko pang magpa-deliver ng gatas na siya rin ang nagbayad makatulog lang kaming lahat.
Nang tumungo ako sa kusina at lumapit sa refrigerator saka binuksan ito ay wala akong ibang nakita maliban sa canned beers at bottled water na halos wala na ring laman. Walang kahit na anong pagkain o maluluto man lang kaya hindi ko maiwasan ang magtaka at maawa sa kaniya. Siguro nga totoong hindi siya mayaman, o baka naman tamad lang siya magluto? Binuksan ko rin ang cupboard niya at wala ring makikita doon maliban sa mga bills ng kuryente at tubig na iba ay overdue na.
“Kawawa naman ‘tong lalaking ‘to,” pabulong kong sabi at napapailing dahil mukhang may sariling problema siya at dumagdag pa kami.
Kumunot naman bigla ang aking noo nang may maramdaman akong presensya sa aking likuran kaya mabilis na kinuha ko ang kutsilyo sa lagayan. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa sa gift na mabilis makaramdam ng presensiya o mainis dahil laging kaakibat nito ay panganib. Huminga ako nang malalim at nang humakbang palapit ang presensyang iyon ay agad akong lumingon at tinutukan ito ng kutsilyo.
“Ahh!” tili ng isang babae na napaatras pa sa gulat. Magara ang sout nitong damit at kung hindi ako nagkakamali ay mukhang anak mayaman ito. “Who the hell are you? Magnanakaw ka ‘noh?!”
Mukha ba akong magnanakaw?
Mabilis kong ibinaba ang baril at sunod-sunod na napailing. “N-Nako! Hindi nagkakamali ka! Teka, sino ka ba?”
Tinaasan niya ako ng kilay at tinitigan ako mula ulo hanggang paa. “Ikaw ang, sino ka? What are you doing here? Where’s my boyfriend?” sunod-sunod niyang tanong.
“Boyfriend mo si Sancho?” hindi makapaniwalang sabi ko. Ewan ko ba kung bakit nakaramdam ako ng pagkadismaya ngayong nalaman kong may karelasyon pala siya.
“Yes?” aniya at humalukipkip dahilan para mas lalong makita ang kaniyang cleavage. “You didn’t answer my question, girl. Who are you?”
Napalunok naman ako ng laway at naglakad palapit sa kaniya. Napaatras naman ang babae at tinitigan ako nang matalim kaya agad akong huminto. Pinunasan ko ang aking palad bago inilahad sa kaniyang harapan.
“Ako si Josie Mae Alejo.”
Nagtaas lang siya ng kilay at tinitigan ang kamay ko at inirapan ito. Nahihiya naman akong ibinaba iyon at tinitigan siya mula ulo hanggang paa rin. Kulay mais ang kaniyang hanggang balikat na buhok at malalaki ang bangle earrings nya na halos kasing laki na ng bracelets. Ang damit niya ay sobrang revealing din at mataas ang sout na heels. Sa madaling salita, mukha siyang modelo.
“Are you freaking scanning me?” tanong niya at lumapit sa akin saka dinuro-duro ang aking noo. “You don’t look at me like that, do you understand?”
Huminga ako nang malalim at kinuyom ang kamao para pigilin ang sarili kong sumagot kahit kating-kati na ang dila ko singhalan siya. Hindi ako p’wedeng gumawa ng gulo habang nasa puder kami ni Sancho dahil baka bigla kaming palayasin, lalo na jowa niya pa ang bruhildang ‘to. Napipilitan man ay tumango na lamang ako at ngumiti.
“P-Pasensya na—“
“Now, look down,” aniya at bahagya akong itinulak. “Nasaan ba si Sancho? Ano ka ba niya dito? Maid ka ba? On-call tagalinis?”
Pinagkiskis ko ang aking panga dahil bahagya na akong naiinis sa pinagsasabi ng babaeng ‘to. Sino ba siya sa tingin niya? Huminga ako ang malalim at nagbilang ng sampung segundo sa aking isip para kumalma. May mga tao talagang katulad ng babaeng ‘to, at kailangan ko iyong tanggapin. Ang malas lang dahil may ganitong jowa si Sancho.
Akmang sasagot ako nang bigla na lang sumulpot si Sancho at natigilan sa bandang pinto. Nakatapis lamang ng tuwalya ang kaniyang ibabang bahagi ng katawan dahilan para tumambad sa inosente kong mga mata ang kaniyang katawan na puno ng pilat at ang kaniyang abs na nangingintab dahil sa mga butil ng tubig.
“Letisha?” anito at lumapit sa babaeng kulay mais ang buhok. “Anong ginagawa mo dito?”
Napalingon sa kaniya ang babae at na halos mag-korteng puso ang mga mata. “Sancho, Babe!”
Patalon na lumapit kay Sancho ang babae at basta na lang silang naghalikan sa labi na para bang kaunti na lang ay may gagawin ng milagro. Nanlaki naman ang mata ko at nag-iwas ng tingin dahil parang ako ang nahihiya sa nakikita ko. Hindi ko alam na may nobya pala siya at bakit hindi man lang pumasok sa isip ko ang bagay na iyon. Huminga ako nang malalim at tumikhim habang mula sa sulok ng mga mata ko ay nakita kong natigilan sila sa ginagawa.
“Anong ginagawa mo dito?” tanong muli ni Sancho sa babae.
“Why? Am I not allowed to see my boyfriend? And besides, may date tayo, today.”
“Ganoon ba,” saad ni Sancho na bakas sa boses ang pag-aalinlangan. “Siguro sa susunod na lang tayo mag-date, Letisha. Sasamahan ko pa kasi si Josie maghanap ng trabaho. ‘Di ba Josie?”
Napaigtad ako nang marinig ang sinabi ni Sancho kaya salubong ang kilay ko na itinuon sa kaniya ang aking tingin. Pati ang girlfriend niyang si Letisha na nanliliit ang mga mata ay nasa akin din ang atensyon. Napalunok ako at napakurap dahil hindi ko alam ang isasagot ko. Wala naman kasi kaming usapan na sasamahan niya ako o kahit man lang na maghanap ako ng trabaho. Ni hindi nga kami nakapag-usap nang matagal.
Jusme!
“Ha?”
“’Di ba, Josie?” tanong muli ni Sancho na pinanlalakihan ako ng mata. Mukhang alam ko na ang ibig niyang sabihin kaya napalatak ako at tumawa nang pagak.
“Ah! Oo! Tama, sasamahan niya ako maghanap ng trabaho—“
“But why?” matalim ang tingin ng babae na sabi sa akin. “Sino ka ba ha? Kaano-ano ka ba ni Sancho para samahan? At saka—“
“Pinsan,” sagot ko at ngumiti. “Tama, pinsan niya ako—“
“I don’t believe you. Sancho is a Calientes. Mayaman siya kaya paano siya magkakaroon ng pinsan na mahirap pa sa daga,” saad niya na nakataas ang kilay.
“Pinsan sa talampakan niya ako kaya hindi kami mayaman,” natatawang sagot ko dahil hindi ko alam kung may ganoon ba kalayong pamilya.
Akmang lalapit sa akin ang babae na nanliliit ang mata dahil sa inis nang harangin siya ni Sancho at hinawakan sa magkabilang balikat. Iginiya niya ang babae paalis sa harapan ko at naglakad sila papunta ng pinto. Bago tuluyang lumabas ay nilingon ako ni Sancho at pinanlakihan muli ng mata. Napabuntong-hininga ako at napailing na lamang.
Nagpasya na rin ako na lumabas ng kusina at naabutan silang naglalampungan sa sala. Sa center table ay may nakapatong na pagkain na sa tingin ko ay dala ng girlfriend niyang si Letisha. Kaya ba walang pagkain sa loob ng kaniyang ref dahil dinadalhan lang siya ng jowa niya?
Napanguso ako nang dumako ang mga mata ko sa dalawang box ng pizza at isang bucket ng chicken na kahit ilang dipa ang layo ko ay naamoy ko pa rin. Napahawak pa ako sa tiyan ko dahil bahagya iyong tumunog na mukhang hindi nakaligtas sa pandinig ni Sancho dahil napatingin siya sa direksyon ko. Nakatitig lang siya sa akin kaya bahagyang nag-init ang pisngi ko dahil sa hiya.
“Excuse me,” mabilis kong sabi at malalaki ang hakbang na lumapit sa pinto ng kwartong inuukupa naming ni Nathalie.
Pumasok na ako agad at isinara ang pinto saka sumandal doon. Napahawak pa ako sa tiyan ko dahil hindi nga pala ako nakakain ng hapunan kagabi. Napalunok ako ng laway nang ma-imagine ang pizza at chicken dahil isa iyon sa mga paborito kong kainin. Napabuntong-hininga na lamang ako at naglakad palapit kay Nathalie na tulog an tulog pa rin saka tumabi sa harap niya.
“Kumusta na kaya ang mama mo, Baby Nat?” tanong ko sa aking pamangkin at tinitigan ang napak-amo niyang mukha. Half-american si Nathalie kaya kakaiba ang kulay ng balat niyang namana niya sa kaniyang papa.
Ilang minuto akong nasa ganoong posisyon dahil hinihintay kong umalis ang jowa ni Sancho na mukhang iniiwasan niya rin. Hanggang dito sa kwarto ay naririnig ko ang malanding hagikhik ng babae kaya hindi ko mapigilan ang mapaupo at mapasimangot sa inis. Kung makatawa naman kasi akala mo kinikiliti sa tinggil—
Mabilis akong napabangon nang biglang bumukas ang pinto at iniluwa niyon si Sancho na wala pa ring sout na damit pero naka-pants na. May bitbit siyang pinggan na may lamang pizza at fried chicken.
“Kagabi ka pa ata hindi kumakain,” aniya at lumapit sa akin saka ipinatong sa lamesa ang pinggan.
“S-Salamat—“
“Kung iniisip mo na nakalimutan kong tinulungan mo ako dati, p’wes hindi. Ayoko magkaroon ng utang na loob sa kahit na sino kaya ko ginagawa ‘to,” aniya na nakataas ang kilay. Nagmu-mukha tuloy siyang suplado.
“Alam ko,” tipid kong sagot.
“Mabuti na at nagkakaintindihan tayo. Magbihis ka, pupunta tayo sa restaurant ng kapatid ko,” aniya at tumalikod saka naglakad palapit sa pinto.
“Anong gagawin natin doon?” tanong ko dahilan para matigilan siya at bahagyang lumingon.
“Para maghanap ng trabaho. Hindi ka prinsesa dito, Josie Alejo. Magbanat ka din ng buto kung gusto mong manatili sa puder ko.”