
"Lalaki ang inyong anak," nakangiting sambit ng komadrona habang ibinabalot sa tela ang sanggol.
"May anak na tayo Kier!" bagama't nanghihina ay nakangiting bumaling ang babae sa asawang nasa kanyang tabi.
Kapansin-pansin naman ang pagkabalisa ng lalaking nagngangalang Kier.
"Hindi ka ba masaya?" nag-aalalang tanong ng babae.
Isang pilit na ngiti ang iginawad ng lalaki sa kanyang maybahay. "Masaya ako, Sandra."
"Bakit ganoon," sabi ng komadrona habang nakatitig sa sanggol na natutulog na.
Naagaw naman ang atensyon ng mag-asawa.
"Ano'ng problema?" lumapit kaagad si Kier sa anak.
"Wala akong maramdamang kahit ano'ng aura sa sanggol."
Natahimik ang tatlo. Lahat ay nakatitig sa sanggol na walang kamalay-malay sa nangyayari sa kanyang paligid.
"I-imposible." hindi makapaniwalang bulong ni Sandra.
"Pareho kayong makapangyarihan," ani ng komadrona. "Nakakapagtaka at wala akong maramdaman na kahit ano sa inyong anak."
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Kier bago binuhat ang sanggol. "Maaari ka nang umalis Elizabeth," malamig na sabi ni Kier habang naglalakad papalapit sa asawa.
Yumukod naman ang komadrona. "Masaya ako at nabuo na ang pamilyang matagal n'yo nang pinapangarap." Nang akmang lalabas na ng pinto ang babae ay bigla naman nagsalita ulit si Kier.
"Wala sanang makakaalam nang bagay na ito."
"Makakaasa kayo."
Ilang sandali ang lumipas. Nananatiling nakatitig lang si Kier sa sanggol na nasa tabihan na ni Sandra.
"Natatakot ako Kier," basag ni Sandra sa katahimikan. "Paano kung may problema nga sa ating anak? Paano s'ya tatanggapin ng society? Ano na lang ang buhay na dadanasin n'ya?"

