GUSTO ni Jude na doon na siya matulog. Bago siya nakasagot ay iginala muna niya ang paningin sa paligid. Lalo pang nadagdagan ang kalat dahil sa mga damit nilang basta na lang humagis kung saan. Kataka-takang balewala sa kanya ang mga nasa paligid. She was always organized at karaniwan nang umiinit ang kanyang ulo kapag magulo ang nakikita. Maraming kalat ngunit walang anuman iyon sa kanya. Kung acceptance iyon sa panig niya o dahil hindi naman sa kanya ang lugar ay hindi niya alam. "Ihatid mo na lang ako, Jude. Maagang papasok ang mga tao ko. Baka maunahan pa ako kung bukas ako uuwi." Bahagyang dumilim ang anyo ni Jude ngunit wala itong sinabi. Tahimik lang na bumangon at nagbihis. Dinampot ang mga damit niya at inabot sa kanya. Ramdam na naman ni Katrina ang tensyon sa pagitan nila.

