Ito na ang pinakamasakit na nangyari sa buhay ko. Hindi ko maipaliwanag kung gaano kasakit nang masilayan ko si Angel na nahihimlay sa kama at may puting kumot na nakatakip sa kanya.
Parang gustong sumabog ng puso ko. Mistulang may pumipigil sa bawat paghinga ko. Umaasa akong hindi ito totoo. Umaasa akong panaginip lang ang lahat ng ito.
Nasaksihan ko din ang buong pamilya nya na nakapalibot sa kamang hinihigaan nya. Lahat sila ay umiiyak. Lahat sila ay nagdadalamhati, sa pagkawala ni Angel.
Niyakap ako ni Ate Jenna. Pero wala akong nararamdaman. Para bang sawang sawa na ang puso kong masaktan. Walang ngiti sa mga labi ko. Walang reaksyon na makikita sa buong mukha ko.
Napasalampak ako sa sahig. Natulala? Nanghina? Hindi mawari ang dapat maramdaman.
May mabigat na bagay na nakadagan sa aking dibdib. Unti unting bumibigat. Unti unting kumikirot.
Hindi ako makapaniwala na wala na ang babaeng pinakamamahal ko. Wala na ang babaeng lubos na nagpapaligaya sa puso ko. Wala na..
Tumakbo akong palayo.
Lumabas ako ng ospital. Tumakbo ako ng tumakbo. Hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng mga paa ko.
Hindi ko alam kung saan ako patungo, basta gusto kong takasan ang lahat ng ito. Gusto ko na lang bumalik sa nakaraan kung kailan una kaming nagkakilala ni Angel. Pero hindi pwede, dahil ito ang realidad ng buhay.
Ang buhay na sobrang ikli lamang.
Nakarating ako sa simbahan at doon ay para akong baliw na nagsusumamo sa kanya. Nagsusumamo ako sa Diyos na ibalik ang buhay nya. Napaluhod ako sa gitna ng simbahan at doon dumaloy pang muli ang mga luha na kanina pa nag-uunahang lumabas sa mga mata ko.
Sobrang sakit sa dibdib. Sobrang bigat at unti unting sumisikip.
“Bakit? Bakit si Angel pa?” tanong ko sa kanya.
Alam kong ang ibang nagdarasal doon ay nakatingin na sa akin, ngunit wala na akong pakialam. Ang tanging gusto ko lang ay mga kasagutan sa mga katanungan kong hindi ko maintindihan.
Bakit kailangan mawala ni Angel? Bakit kailangan kong masaktan ng ganito? Bakit hindi nya ako bigyan ng pagkakataong maging masaya? Bakit?
Matagal akong nakaluhod sa harapan ng altar. Naghihintay ng tamang kasagutan. Umaasang maibsan ang sakit kahit saglit lang..
“Minsan kailangang mawala ng isang tao para malaman mo na may ibang taong nakalaan para sayo. Sabi ni Destiny, huwag kang sumukong magmahal. May nawala man ngayon, may darating din para sayo, sa tamang panahon..” tinig ng isang babae
Napalingon ako sa babaeng nagsalita. Ngunit pagtingin ko ay naglalakad na syang palayo. Nakasuot sya ng puting kasuotan. Nakatalikod na sya sa akin habang palabas sya ng simbahan. Sinusundan ko sya ng tingin habang mabilis syang naglalakad. Lumalabo rin sya sa paningin ko dahil may luha pa rin ang mga mata ko.
Kung magsalita sya ay parang kilalang kilala nya ako. Parang kilala nya ang kwento ng buhay ko.
At tungkol sa sinabi nyang huwag akong tumigil magmahal dahil mahahanap ko din ang taong para sa akin? Hindi ako naniniwala sa mga sinabi nya. Dahil sarado na ang puso ko. Hindi na ako magmamahal ng iba. Wala na akong ibang mamahalin kundi si Angel lang, sya lang!
Nang makauwe ako sa bahay ay alam na ng pamilya ko ang nangyari kay Angel. Lahat sila ay may malungkot na mukha habang nakatingin sa akin.. Unang yumakap sa akin ay si Mama.
Hindi na napigilan ang mga luha nya, dahil itinuring din nya si Angel na isang tunay na anak.
“Kaya mo yan anak, may dahilan ang Diyos kung bakit sya nawala sa atin.” Pagpapakalma ni mama.
Agad pinunasan ng kamay ko ang luha kong nag-uumpisa na namang tumulo.
Lahat sila ay sabay sabay na yumakap sa akin, Mula kay papa, Kuya Leighton at Jordan. Ang dalawa kong kapatid na babae ay lubos ding nagdadalamhati sa nangyari kay Angel. Lahat sila ay nakayakap sa akin. Pinapadama nila na hindi ako nag-iisa.
Mas lalo akong naiyak sa ginawa nilang pagyakap. Nagpapasalamat pa rin ako dahil nariyan sila para damayan ako.
Pero kahit ganun, ay hindi pa rin nababawasan ang sakit. Hindi pa rin naaalis ang kirot kahit anong pilit kong kalimutan ang nangyari kay Angel.
Tatlong araw ng nakaburol si Angel at lagi lang akong nasa tabi ng kabaong nya. Uuwe lang ako para maligo at pagkatapos ay binabalikan ko agad sya. Gusto kong masulit ang mga huling araw nya dito sa mundo. Minsan ay kinakantahan ko sya. Minsan ay kinukwentuhan ko sya. Lagi kong pinagmamasdan ang mukha nya. Ayokong makalimutan ang ni isa sa detalye ng mukhang iyon. Gusto kong manatili ang itsura nya at buong pagkatao nya sa puso ko.
Masakit, oo sobrang sakit. Pero para sa kanya ay kakayanin ko. Hindi nga lang ako makakapangako kung kaya ko pang buksan ang puso ko para sa iba. Hindi ko alam kung kaya ko pa ulit magmahal katulad ng pagmamahal ko sa kanya.
At nang sumapit ang libing nya, ay walang tigil sa pag-agos ng luha ang lahat ng taong nakikiramay sa pamilya nya.
Lahat kami ay may hawak na puting lobo.
At isa isa kaming sumilip sa kabaong nya. Ito na ang pinakahuling pagkakataong masisilayan ko sya. Paalam mahal, hanggang sa muli.
Lahat sila ay pinakawalan na ang mga lobong hawak nila. Pinapakawalan na nila ang mga alaala ni Angel. Pinapalaya na nila ang masasakit at masasayang alaala na naiwan ni Angel.
Habang ako, ay hindi ko mabitawan ang lobo. Parang ang hirap pakawalan ng taong mahal ko. Parang hindi ko kayang tanggapin ang pagkawala nya sa buhay ko.
“Anak, pakawalan mo na sya. Mas magiging maligaya si Angel kapag naging masaya ka na rin para sa kanya. Hindi na sya maghihirap pa.” Sabi ni mama
Napatingin ako sa puting lobo na hawak ko. Mahigpit pa rin ang pagkapit ko sa tali ng lobong ito. Pero tama si mama kailangan ko na syang pakawalan. Kailangan ko nang tanggapin ang pagkawala nya. Kailangan ko nang mamuhay mag-isa ng wala sya.
Dahan dahan kong niluwagan ang pagkakahawak ko sa lobo. Dahan dahan nang umaalis ang lobo sa mga palad ko. Hanggang tuluyan nang kumawala sa akin ang puting lobo. Mabagal na lumipad ito paitaas, parang sumasayaw sa kalangitan. Pinagmamasdan ko ito habang unti unting lumalayo sa akin. Pinagmamasdan ko ito hanggang tuluyan na syang liparin ng hangin.
"It's your smile
Your face your lips that I miss
Those sweet little eyes that stare at me
And make me stay
I'm with you through all the way
Cause it's you
Who fills the emptiness in me
It changes everything, you see
When I know I've got you with me.."
Angel, hinding hindi kita malilimutan.
Dumaloy pa ang luha sa mga mata ko na wala na yatang hangganan.
Ilang araw na mula nang ilibing si Angel pero nagkukulong pa rin ako sa kwarto. Gusto ko lang munang mapag-isa. Alam kong magiging maayos din ang lahat sa mga susunod na araw. Hinayaan muna ako ng pamilya ko. Gusto ko lang muna ng katahimikan. Yun lang.
Maya maya ay panay ang tunog ng notification sa sss messenger ko.
Hindi ako masyadong nagFB nung nakaburol si Angel.
Pagbukas ko ay napakaraming message mula kay Mr. Michael Angelo.
Nakalimutan ko na ang painting na pinapagawa nya. Hindi ko na iyon matatapos pa dahil wala naman akong paglalaanan nito. Bigla akong tinamad sa pagpipinta.
Michael Angelo: Magkita tayo bukas. Sana ay tapos mo na ang painting na ginagawa mo. Magpapakilala na ako sayo!
Parang nawirduhan lang ako sa last message nya. Hindi ko na sya kailangang makilala. Kaya lang naman ako nagpursigeng magpinta ay para kay Angel. Para makatulong sa kanya. Pero ngayon ay wala ng dahilan para ipagpatuloy ko pa ito. Kakalimutan ko na ang pagpipinta. Ibabaon ko na lang sa limot ang talento kong iyon.
Itinaob ko ang cellphone ko at inilagay sa ilalim ng aking unan. Hindi ko na muling pinansin pa ang mensahe nya.
Nakatulog ako ng gabing iyon at umaasa akong magkikita kami ni Angel kahit sa panaginip lamang.
Kinaumagahan
Nang bumaba ako ay nasa sala nang lahat ang mga gamit ko sa pagpipinta.
"Oh Migz, dinala yan dito ng mga magulang ni Angel. Naiwan mo daw sa kwarto ng anak nila. Hindi na sila nakapagpaalam sayo. Ngayon na ang lipad nila sa Amerika." Sabi ni Papa
Malungkot kong iniligpit ang mga iyon. Aalis na nga pala ang pamilya nila Angel. Marahil ay gusto lang din muna nilang makalimot kahit sandali.
Maya maya pa ay tumunog na naman ang notification ng messenger ko. Agad ko itong tinignan.
Michael Angelo: I'm here sa Coffeebean Tomas Morato. Magkita tayo dito. Please dalhin mo ang painting. Gusto ko nang makita ang painting. At gusto kitang makilala.
Parang bigla akong nagtaka sa mga sinasabi nya. Sino ba talaga sya? Bakit gusto nya akong makilala ngayon. Isang estranghero lang na gustong bumili ng mga paintings ko ang tingin ko sa kanya. Pero bakit parang gusto nyang mapalapit sa akin?
Hindi ko pa rin pinansin ang mga mensahe nya. Ibinulsa ko ang cellphone ko. Inakyat kong isa isa ang mga gamit ko sa pagpipinta. Nang makasiguro akong nailigpit ko nang lahat ay sumabay akong kumain ng agahan sa pamilya ko.
"Pa, kumain ka na ba?" Tanong ko
Ngumiti si Papa sa akin at itinuro ang tasa ng kape na nasa harapan nya.
Tahimik ang mga kapatid ko habang kumakain ng almusal. Hindi gaya dati na sobrang gulo nila. Hindi ko alam kung dinadamayan pa rin ba nila ako ngayon?
Tumusok ako ng hotdog at ipinalaman ko sa pandesal. Tahimik lang akong kumain. Alam kong hanggang ngayon ay naninibago pa rin sila sa akin.
Lahat sila ay may pasekretong sulyap sa akin. Para bang pinapakiramdaman nila ako. Para bang nagtatanong sila sa mga sarili nila kung kailan ba babalik ang dating ako??
Hindi ko rin alam. Dahil simula ng mawala si Angel ay nawalan na ako ng gana sa buhay. Mas pinili kong maging malungkot, tahimik at seryoso ngayon. Malayo sa Migz na nakilala nila.
Ilang saglit pa ay tumunog muli ang notification ng messenger ko.
Michael Angelo: Hihintayin kita.
Bahagyang nakukulitan na ako sa kanya.
Pero may naisip akong paraan. Para matigil na sya sa kakulitan nya.
"Ate Liza, may ipapakiusap sana ako sayo." Sabi ko
Nagtinginan ang mga kapatid ko. Nagulat siguro sila dahil nagsasalita na akong muli.
"Sige bro, basta para sayo!" Sabi ni Ate
Si ate Liza lang kasi ang maaasahan ko sa mga kapatid ko. Nang matapos kaming kumain ay agad kong sinama si Ate Liza sa kwarto ko.
Walang reklamo ang kapatid kong ito kaya sya talaga ang napili kong pakiusapan.
Kinuha ko ang painting.
"Hindi mo pa tapos?" Tanong nya
"Hindi ko na kayang tapusin ate." Sabi ko.
Binalot ko ang painting. Pinapanood lang ako ni Ate habang inaayos ito.
"Ate, pakibigay na lang ito kay Michael Angelo. Pakisabi libre ko na sa kanya ang isang ito. Hindi na ako magpipinta kahit kailan!" Sabi ko
Bakas ko sa mukha ni Ate na nalungkot sya sa mga sinabi ko.
"Sayang naman, napagkakakitaan mo pa naman yan." Sabi ni Ate
Umiling iling ako sa harapan nya.
"Ayoko nang magpinta ate, wala na akong gana!" Dagdag ko pa.
Sinabi ko kay ate Liza ang lugar kung saan naghihintay si Michael Angelo.
"Pakisabi din na huwag na syang mag-aksaya ng panahong kilalanin ako." Utos ko pa kay Ate
Tumango lang si ate at nagpunta na sa lugar na sinabi ko.
***
Ate Liza POV
Naghihinayang ako dahil hindi na ipagpapatuloy ni Migz ang pagpipinta. Ngayon pang may mga tagahanga na sya. Maging ako ay lubos na humahanga sa kapatid ko.
Pagpasok ko sa coffebean ay naupo muna ako. Sabi ni Migz ay kanina pa raw narito yung Michael Angelo. At nagmessage na sya, na ako ang makikipagkita sa kanya. Pero bakit parang wala naman dito ang taong iyon.
Ilang minuto pa akong naghintay. Mga tatlumpong minuto.
Pero hindi naman sya nagpakita. Tumayo na ako at iuuwe ko na lang ulit ang painting na ito.
Nang biglang...
"Ms. Liza?" Pagtawag sa akin
Namilog ang mga mata ko. Nagulat ako sa taong nasa harapan ko.
"I-Ikaw si Michael Angelo?" Nanginginig na tanong ko
Ngumiti sa akin si Michael Angelo at tumango.
Nag-usap muna kami at inilibre nya ako ng kape. Hindi mawala ang pagkamangha ko nang makita ko si Michael Angelo. Hindi ako kumukurap habang kausap ko sya dahil hindi ako makapaniwala sa taong nasa harapan ko.
Sinabi kong lahat ang pinapasabi ni Migz, at bakas ko sa kanya ang kalungkutan. Dahil gustong gusto talaga nya ang artworks ng kapatid ko.
Nang matapos ang aming iniinom ay nagpaalam na kami sa isat isa.
Pagdating ko sa bahay.
"Ano ate nakilala mo na si Michael Angelo? Matanda na ba sya?" Tanong ni Migz
Napangisi ako sa kanya.
Hindi pa nga ako nakakaupo ay iyon agad ang bungad nya.
"Hindi pa naman sya ganun katanda. Mga kasing edad ni Kuya Leighton. At gwapo sya!" Sabi ko
Tumango lang ang kapatid ko. Marahil ay hindi na sya naging interesado pa kay Michael Angelo.
Pero kung makikilala nya lang sana kung sino talaga si Michael Angelo ay tiyak kong ikaliligaya nya ito.
Sa ngayon ay nanatiling sekreto ang katauhan ni Michael Angelo. Alam kong balang araw ay magkukrus muli ang mga landas nila.