Sobrang saya ng mga araw ko dahil muli ko na namang nakapiling si Angel. Matapos ang tatlong buwang pagtatabuyan nya sa akin ay malaya ko na syang nakikitang muli.
Ngayon, ay lagi nya akong kasama kapag nagpupunta sila ng ospital. Lagi akong nasa tabi nya sa tuwing kakailanganin nya ako.
Isang hapon ay dinala kong lahat ang mga gamit ko sa pagpipinta kila Angel. At sa loob ng kwarto ni Angel ay ipinagpatuloy ko ang pinapagawang painting ni Mr. Michael Angelo.
“S-Sino ba si Michael Angelo? Mukhang may number 2 fan ka na ha. A-ako kasi yung n-number 1.” Kahit nahihirapan ay nagawa pa rin nyang banggitin ang mga bagay na ito.
Pinagmamasdan nya ako habang nagpipinta.
Ngumiti lang ako sa kanya habang tangan ko ang paint brush at marahang ipinapahid sa canvass.
“Hindi ko rin sya kilala eh, ayaw nyang magpakita.” Sabi ko
Nakita kong pilit na umupo si Angel sa kanyang kama. Pagod na siguro sya sa kakahiga kaya gusto nyang ibangon ang sarili nya.
Agad ko naman syang inalalayan para makaupo sya ng maayos. Nilagyan ko pa ng unan ang likuran nya para kumportable nya akong mapanood habang nagpipinta. Hinimas ko ang mga pisngi nya.
Hindi ko alam kung bakit ba bigla na lamang tumigil ang oras. Nakatitig lang ako sa mga mata nya. Kahit wala na ang kanyang mga buhok ay napakaganda pa rin nya.
At bumaba ang titig ko sa mga labi nya.
Kahit na wala ng kulay ang mga labi nya ay kitang kita ko pa rin ang magandang kurba ng labi ng mahal ko.
Nakita kong pumikit si Angel. Pareho kaya kami ng iniisip?
Pumikit din ako, at unti unti kong inilapit ang labi ko sa kanyang labi. Mistulang hindi pa rin umiikot ang kamay ng orasan ng maramdaman ko ang paglapat ng labi ko sa mga labi nya.
Napakalambot ng labing nakadampi sa akin. Bahagya kong ibinuka ang aking bibig at pilit na hinahalukay ng aking dila ang kanyang bibig. Wala akong ibang nararamdaman kundi ang labis na pagmamahal ko sa kanya. Ang mga labing iyon ay hinding hindi ko ipagpapalit sa iba.
Alam kong ako ang unang halik ni Angel at pakaiingatan ko ang labi ng mahal ko. Hindi nya alam ang gagawin nya, kaya nanatili lang na nakatikom ang bibig nya.
Ayos lang sa akin kahit hindi nya tugunan ang bawat halik ko sa kanya. Alam ko naman ang kalagayan nya ngayon, alam kong hindi akma ang halik kong ito sa kanya. Dapat ay hindi ko ginawa pero bigla na lamang may tumulak sa puso ko na gawin ang bagay na ito.
May panginginig sa kanyang katawan. Kinakabahan ba sya? Nahihiya? Hindi ko alam. Basta ng imulat ko ang mga mata ko ay nasilayan ko syang nakapikit pa rin at dinadama ang bawat halik ko sa kanya.
Kinabig ko ang beywang nya palapit sa akin kaya mas lalong dumikit ang aming mga mukha. Napayakap sya sa aking balikat habang patuloy pa rin kami sa aming ginagawa.
Napakasarap ng halik na iyon. Walang kasing sarap kapag ang hinahalikan mo ay ang taong mahal mo at lubos na nagpapaligaya sa puso mo. Kahit pa ba nakatikom lang ang mga bibig nya at hindi nya iginagalaw ay naging napakaligaya ko pa rin.
Bahagyang kumalas sa akin si Angel.
Alam kong nahihiya sya pagkatapos naming gawin iyon. Yumakap kasi sya ng mahigpit sa balikat ko at isinubsob nya ang kanyang mukha sa aking leeg. Tila ba ayaw nyang magpakita sa akin.
“Bakit?” bulong ko
Umiling lang si Angel habang nakasubsob pa din sya sa leeg ko
“Nahihiya ka ba?” tanong ko
Hindi nya ko sinagot. Inalis ko sya sa pagkakasubsob sa aking aking leeg at hinawakan ko ang magkabilang pisngi nya.
Nakita kong nakapikit pa din sya at naakit ako sa labi nyang nabasa dahil sa paghahalikan naming dalawa.
“Huwag ka nang mahiya sa akin. Madalas na nating gagawin yun. Dapat masanay ka na. Okay?” sabi ko.
Dahan dahan nyang iminulat ang mata nya at tinitigan nya ako. Para bang senyales na handa na sya sa mga sinabi ko. Buong puso akong ngumiti sa babaeng pinakamamahal ko.
Marahan ko ulit syang hinalikan. Marahan lang ang pagkahagod ko sa kanyang labi. Maingat ang bawat galugad ko sa kanyang bibig. Alam kong hindi nya ako kayang sabayan pero pinipilit nya. May pagkakataong naibubuka nya ang kanyang bibig para salubungin ang aking mga halik.
Ngunit hanggang ganun lang ang kaya nya. At naiintindihan ko ang bagay na iyon.
Gumapang ang mga kamay ko sa kanyang likuran at marahan kong hinimas ang kanyang likod. Alam kong nakapagdulot ng matinding init sa katawan ko ang paghahalikan namin ni Angel. Pero kailangan kong pigilan ang sarili ko dahil gusto kong makuha iyon sa tamang panahon. Ginagalang ko sya at handa akong maghintay para sa kanya.
Sa ngayon ay hanggang ganito lang muna kami. Masaya na ako at kahit paano ay natikman ko din ang una nyang halik.
Halos ikabaliw ko ang paglapat ng aming mga labi. Mabagal, banayad at puno ng pagmamahal ang ginawa kong paghalik sa kanya.
Marahan ko syang hinalikan sa noo at niyakap ko sya ng mahigpit.
Bigla na lamang pumasok sa loob ng kwarto si Ate Jenna dala ang isang tray ng merienda.
Namilog ang mga mata ni Angel. Naisip nya siguro na kung hindi pa kami natapos sa paghahalikan ay nahuli na kami ng ate nya.
Hindi ko napigilan ang tawa ko sa naging reaksyon ni Angel. Parang hindi ko maipinta ang mukha nya. Talagang hindi ko kayang ipinta ang ganung klaseng reaksyon nya.
“Oh, mukhang nagkakasiyahan yata kayo ha?” tanong ni Ate Jenna
Napayuko lang si Angel at bahagya nyang pinunasan ang bibig nya. Hindi sya makatingin sa ate nya. Para bang ang laki ng naging kasalanan nya kay ate Jenna.
“Ito oh, kumain muna kayo.” Sabi ni ate
Ngumiti lang ako kay ate, habang si Angel ay hindi pa rin makatingin sa kanya. Lumabas na rin ng kwarto si Ate Jenna pagkalapag ng tray sa lamesita. Ang pakay nya lang talaga ay ang magdala ng merienda.
Hinimas ko ang balikat ng mahal ko.
“Ayos lang yan, hindi naman tayo nahuli ni Ate.” Sabi ko
Pero napanguso sya sa akin.
“M-Muntikan na yun, n-nakakahiya kay ate k-kung nahuli nya t-tayo kanina.” Sabi nya kahit nahihirapan na sya sa pagsasalita.
Bakas ko talaga ang kaba nya habang sinasabi nya ang mga ito sa akin. Napabuntong hininga ako sa kanya. Siguro ay napasobra ang ginawa namin kanina. Nakonsensya naman tuloy ako sa ginawa ko. Hindi kasi sya mapakali sa nangyari.
Paano nga kaya kung nahuli kami ng ate nya kanina. Dapat ay hindi ako padalos dalos sa mga ginagawa ko.
“Sorry, sige hindi na natin uulitin.” Sabi ko
Pero bigla syang napatingin sa akin, parang may kakaiba sa mga reaksyon nya. Parang may pagtutol sa mga mata nya. Parang hindi nya nagustuhan ang mga sinabi ko.
“H-hindi naman Migz, i-lock lang natin ang pinto..” nahihiyang sabi ni Angel
Hindi napigilan ng sarili ko ang tumawa ng malakas sa mga sinabi nya. Si Angel ba talaga ang nagsabi nito? Naisip nya talaga ang ilock ang pinto? Marahil ay nagustuhan nya ang paghalik ko sa kanya, kaya ayaw nyang itigil namin ito. Ang cute naman ng girlfriend ko sa naiisip nya.
“Tinatawanan mo naman ako eh” pagtatampo nya.
Agad ko syang niyakap at pinakalma.
“Ang cute mo lang kasi, sige next time maglock na tayo ng pinto. Bakit ba hindi natin naisip yun kanina?” natatawa ko pa ring sabi sa kanya.
“L-Loko ka talaga.” Sabi nya
Masaya na lang naming pinagsaluhan ang masarap na sandwich na inihanda ni ate Jenna. Kinurot ko pa ang ilong nya at mas lalo syang nainis sa ginawa ko.
Naubos namin ang inihandang pagkain sa amin ni Ate. Iniligpit ko ang mga pinagkainan namin sa gilid ng pinto.
Napansin kong hindi pa rin mapakali ang mahal ko. Ano kayang problema?
Tinabihan ko sya.
"Bakit? May problema ba?" Tanong ko.
Napahawak sya sa kanyang batok at parang may nais sabihin na hindi nya naman masabi. Nagkunot ang noo ko sa kanya.
"A-ah, p-pakilock ang pinto.." utos nya
Hindi sya makatingin sa akin. Hindi ko mapigilan ang ngiti ko. Natatawa na rin ako sa sitwasyon. Ang Angel ko pa talaga ang nagrerequest? Gusto nyang ilock ko ang pinto dahil gusto nya ulit tikman ang halik ko?
Tumayo ako at inilock ko ang pinto.
Humarap ako sa kanya. Nakamasid lang sya sa may bintana.
"Nakalock na" sabi ko
Dahan dahan syang lumingon sa akin. Pero bakit ganun, napakalungkot ng mukha nya.
"H-halikan m-mo ako ulit.." utos nya
Napalunok ako dahil may kakaiba sa tinig nya. Nilapitan ko sya at naupo muli ako sa tabi nya.
"H-halikan mo a-ko na p-parang ito na a-ang huling b-beses m-mo akong h-hahali..kan." sabi nya
May kumurot sa puso ko. Bakit parang nangilabot ako sa mga sinabi nya. Bakit parang ang sakit sakit lahat ng mga sinabi nya.
Kung magsalita sya ay parang hindi na kami magkikita pa.
"Huwag kang magsalita ng ganyan. Hahalikan kita ngayon, bukas, sa susunod na mga araw, sa susunod na taon at panghabambuhay.."
Hindi ko na natapos ang sinabi ko dahil kinabig ni Angel ang mukha ko at hinalikan nya ako.
Naglapat muli ang mga labi namin. Parang may matinding kuryente ang bumalot sa buo kong katawan sa ginawa nyang paghalik sa labi ko.
Nakalapat lang ang labi ni Angel sa akin at hindi pa rin nya alam kung paano sisimulan.
Gaya ng ginawa ko kanina ay marahan kong sinipsip ang ibabang labi nya. Banayad kong ipinasok ang aking dila sa loob ng bibig nya. Hindi sya tumutugon sa akin ngunit ayos lang. Alam kong kapag maayos na ang pakiramdam nya ay matututunan din nya kung paano humalik ng tama. Matututunan din nya kung paano magpaligaya sa pamamagitan ng halik. Nasasabik na akong mangyari iyon balang araw.
Sa ngayon ay masaya na ako na kahit nakatikom ang mga bibig nya at ako lang ang gumagalaw para halikan sya ay kuntento pa rin ako dahil nahalikan ko na rin sa wakas ang labi ng mahal ko.
"H-Huwag mo a-akong kakalimutan.." sabi nya habang nakangiti sya sa akin.
Bigla na lang akong napahikbi at naluha sa mga sinabi nya. Kinusot ko ang mga mata ko para mapunasan ang luhang patuloy sa pag-agos.
Bakit pakiramdam ko ay nagpapaalam na sya sa akin. Ayokong isipin iyon pero sumasagi talaga ang bagay na yun sa utak ko.
Niyakap ko sya ng mahigpit. Ayokong mawala sya. Ayokong.. m-mamatay sya dahil sa sakit nya. Hindi mangyayari iyon!
"A-ayos lang s-sakin k-kung may makilala k-kang iba.. M-malaya ka n-na." Sabi nya
Ito ang pinakamasakit na narinig ko sa kanya. Malaya na ako? Bakit? Talaga bang tuluyan na nya akong iiwan? Hindi na ba nya kayang lumaban?
"Tama na please. Gagaling ka. Lalaban tayo. Huwag mo naman gawin to sa akin. Mahal na mahal kita.." pagmamakaawa ko sa kanya
Nakatitig lang sya sa akin at sobrang lalim ng mga mata nya.
"M-mahal na mahal k-kita!" Bulong nya.
Bigla na lamang syang nakatulog habang nag-uusap kami.
Pinakinggan ko ang t***k ng puso nya. Naririnig ko pa ang mga ito at biglang nabuhayan ang puso ko. Naririnig ko din ang bawat paghinga nya.
Baka napagod lang ang mahal ko kaya kung anu ano na ang sinasabi.
Kinumutan ko na sya at inayos ko ang pagkakahiga nya.
Niligpit ko na din ang mga gamit ko sa pagpipinta. Iniwan ko na lang ang mga ito sa kwarto ni Angel. Babalik naman ako bukas para tapusin na ito. Kaunti na lang at matatapos ko na rin ang painting kong ito.
Nakangiti ako habang pinagmamasdan ko sya habang natutulog. Hinimas ko ang pisngi nya at marahan kong hinalikan sya.
Nagpaalam na ako sa mga magulang ni Angel gayon din kay ate Jenna.
Alam kong malalampasan din namin ito. Alam kong gagaling din sya sa sakit nya.
Malapit na ang one year anniversary namin. At nakahanda nang lahat ang labing dalawang sketch art ko ng kanyang mukha at nakalapat na rin dito ang labing dalawang tula para kay Angel.
Sobrang nasasabik akong ibigay ang mga iyon sa pinakamamahal ko.
Pag-uwe ko nang bahay ay maaga akong nakatulog. Iniisip ko ang bawat halik ko kay Angel. Kakaibang pakiramdam ang idinulot nito sa akin.
Nakatulog ako ng maayos. Sobrang sarap ng tulog ko. Mahimbing akong nakatulog kakaisip ko sa girlfriend ko.
Naalimpungatan ako nang may humawak sa pisngi ko. Kilala ko ang kamay na nakadampi sa mga pisngi ko.
Pagmulat ng mata ko ay agad kong nasilayan si.. Angel!
Napabalikwas ako at napatayo sa aking kama.
Nasa harapan ko si Angel. Malakas na sya. Wala na syang sakit?
Ang mukha nya ay napakaaliwalas na at puno na ng kulay. Ang buhok nya ay katulad na ng dati. Mahaba at napakakintab. Ang mga ngiti nya ay walang patid at nakakaakit tignan.
Napangiti ako.
"Magaling ka na?" Tanong ko.
Niyakap nya ako ng mahigpit. Hindi napigilan ng puso ko ang nag-uumapaw na kaligayahan.
"Oo, magaling na ako at hindi na mahihirapan pa... Salamat Migz. Maraming salamat." Sabi nya
Halos sumabog ang puso ko sa sobrang tuwa nang marinig ko sa kanya iyon. Tinapik pa nya ang pisngi ko.
"Gumising ka na dyan! Puntahan mo na ako ngayon.." sabi nya
Nagkunot ang noo ko sa kanya.
Bigla na lang syang tumayo at tumakbo papunta sa pinto. Isang beses pa syang ngumiti sa akin. Yung mga ngiti na hinding hindi ko pinagsasawaan. Yung mga ngiti na laging nagpapagaan ng loob ko.
Maya maya pa ay nagring ang cellphone ko.
Napatingin si Angel sa cellphone ko at itinuro nya ito.
Tumalikod ako sa kanya at inabot ko ang cellphone para sagutin.
Ate Jenna calling..
Nangiti ako. Baka hinahanap nila si Angel dahil tumakas ito sa kanila.
"Hello ate!" Masaya kong bungad.
Pero tanging mga hikbi at iyak ang naririnig ko sa kabilang linya.
Nagkunot muli ang mga noo ko. Bakit ba sila nag-iiyakan?
"H-hello! Migz pumunta ka dito sa ospital ngayon. May nangyari kay.. Angel." Halos hindi na nakapagsalita si Ate Jenna.
Ano bang sinasabi ni Ate Jenna? Kasama ko ngayon si Angel at magaling na sya at masayang masaya sya. Baka hindi lang nila nakita si Angel kaya akala nila ay may nangyari na dito.
Narito si Angel ngayon..
Paglingon ko sa may pinto kung saan sya nakatayo kanina..
Sumikip ang dibdib ko at kumalabog ang puso ko dahil wala na si Angel doon. Nilibot ko ang buong kwarto.
Wala si Angel.
Bigla na namang tumulo ang mga luha ko sa mata. Paanong nangyari na nawala si Angel sa kwarto ko? Sya yun, hindi ako maaaring magkamali. Pero may kutob ang puso ko na pilit kong tinatanggal.
Dali dali akong nagpunta sa ospital.
Halos hindi na ako nakapagbihis sa pagmamadali ko. Huwag naman sana. Ayokong isipin ang bagay na gumugulo sa utak ko.
Marami ang bumabagabag sa isip ko. Ayoko nang mag-isip. Ang sakit sakit lang sa puso.
Humahangos akong dumating sa ospital.
At nasilayan ko si Ate Jenna sa labas ng kwarto.
Umiiyak.
Natakot ako nang tumingin si Ate Jenna. Puno ng luha ang mga mata nya. Puno ng paghihinagpis.. puno ng kalungkutan.
Anong nangyari sa mahal kong si Angel? Nasaan ang mahal ko?
Dumaloy ang luha sa mga mata ko. Dumaloy ang kalungkutan sa puso ko.