Pinagbawalan na nga ako ni Angel na dumalaw sa kanilang bahay. Miss na miss ko na ang girlfriend ko.
Pero hindi pa rin ako sumuko. Tuwing hapon, bago ako umuwe ay lagi ko syang dinadalhan ng paborito nyang Palitaw, yung kakanin na malagkit. Si Mama Emz pa ang gumagawa para sa kanya, para mas espesyal.
“Ate pakisabi kainin nya po ito, gawa po ni Mama para sa kanya.” Sabi ko
Ngumiti si Ate Jenna habang nakatingin sa nakasupot na palitaw
“ Pakisabi na rin po, na sana ay payagan nya na akong madalaw sya, miss na miss ko na sya Ate..” halos paos kong sabi kay Ate Jenna habang inabot ko ang mainit na palitaw.
Narinig ko lang ang malalim na buntong hininga ni Ate Jenna. Ramdam ko din ang kalungkutan na bumabalot sa puso nya.
“Pasensya na Migz ha, wala akong magawa eh, ayaw ka nyang makita sa ngayon. Intindihin mo na lang muna sya. Salamat nga pala dito ha, pakisabi na rin kay mama mo.” Sabi ni Ate
Marahan akong tumango sa kanya. Dahan dahan nang tumalikod si Ate Jenna at pumasok na sa kanilang bahay.
Sandali pa akong nanatiling nakatayo sa harapan ng bahay nila Angel. Hindi ko maalis ang tingin ko sa bahay nila. Umaasa ako na kahit isang sulyap lang, makita ko sya. Makita ko yung anghel na nagpapaligaya sa puso ko.
Ngunit pagdako ng mga mata ko sa bintana ng kwarto ni Angel..
Halos tumalon ang puso ko sa sobrang saya. Nakita ko si Angel na nakadungaw sa bintana.
Buong puso akong ngumiti sa kanya. Gusto kong isigaw sa kanya na maghihitay ako kahit gaano katagal. Gusto kong malaman nya na lagi nya akong kasama sa lahat ng laban nya.
Pero.. biglang napawi ang ngiti sa labi ko.
Agad na nyang isinara ang kurtina at hindi na sya muling sumilip pa.
Marahan akong tumalikod at bagsak balikat akong umalis sa tapat ng bahay nila.
Pero masaya pa rin ako dahil kahit paano ay nasilayan ko sya. Kahit saglit na segundo lang ay nakita ko ang maamo nyang mukha. Kuntento na rin ako kahit sa sandaling segundo na nakita ko sya.
Pagdating ko sa bahay ay nagkulong ako sa aking kwarto.
At gaya ng dati ay pinauulanan ko ng text messages si Angel. Alam kong kahit hindi sya magreply ay nababasa nyang lahat ang mensahe ko.
-Hi, kinain mo ba ang palitaw na niluto ni mama? Masarap yan, puno ng pagmamahal para syo.
-Pagaling ka, mahal na mahal kita.
-maghihintay pa rin ako sayo, sana payagan mo na akong makita ka.
-kasama mo ako palagi sa paglaban sa sakit mo. Kaya natin to. Lagi kitang pinagdarasal. Sobrang excited na akong makasama kang muli at panonoorin natin yung takip silim.
-miss na kita, Angel
-Mahal na mahal kita..
Inilagay ko ang aking cellphone sa ilalim ng aking unan. Hindi na ako umaasang magrereply sya. Basta ang importante ay hindi ako magsasawang ipadama sa kanya na narito lang ako palagi, naghinintay, nagmamahal.
Ilang saglit lang ay tumunog ang message alert tone ng cellphone ko. Kinuha ko ang cellphone sa ilalim ng unan. Parang gustong sumabog ng puso ko sa tuwa nang makita ko ang pangalan ni Angel sa inbox ko. Hindi ko kasi inaasahan na magrereply sya ngayon sa mga text messages ko.
Napabangon ako sa aking kama.
Binuksan ko agad ang mensahe nya para sa akin.
Angel: Salamat sa masarap na palitaw. And I’m sorry Migz.
Hindi na napigilan ng luha ko na lumabas sa mga mata ko. Kinusot kusot ko ang mga mata ko para mapigilan pa ito. Pero patuloy lang ito sa pagdaloy.
Agad ko syang nireplayan kahit pa ba parang ang sikip ng dibdib ko dahil sa sakit na nararamdaman nito.
Me: Ikaw pa, malakas ka kay mama kaya pinaglutuan ka nya ng palitaw, maghihintay pa rin ako Angel. Hanggang sa payagan mo na akong makita ka. Miss na miss na kita.
Sent.
Simula nang isend ko ang mensahe ko ay panay na ang tingin ko sa aking cellphone. Umaasa muli sa reply nya.
Pero isang oras na ang lumipas ay hindi na muli syang nagreply sa akin. Nakatulog akong dala dala ang bigat na nararamdaman ko. Nakatulog ako kahit ang sakit sakit ng puso ko.
Nagising na lang ako sa pagtawag ni mama sa akin.
Hinagod nya ang buhok ko. Minulat ko ng kaunti ang mga mata ko at nakita kong nakangiti si Mama sa akin.
“Migz, kumain na tayo, naghihintay na ang mga kapatid mo sa baba. Halika na anak.” Sabi ni Mama
Napatingin ako sa wall clock. Pasado alas-syete na pala ng gabi. Pero wala akong ganang kumain. Ayoko ding makisama sa maiingay kong kapatid. Gusto ko lang munang mapag-isa at gusto ko muna ng katahimikan.
“Ma, mamaya na lang ako kakain. Mauna na po kayo” sabi ko
Tumalikod na ako kay Mama at nagtalukbong ng kumot. Gusto ko nang magpahinga muna.
Naramdaman kong umalis na si mama sa tabi ko.
Hindi ko namalayan na nakatulog na naman ako.
Paggising ko ay umaga na. Wala naman akong pasok ngayon. Magpipinta lang ako para may maibenta muli sa online. Hindi ako magsasawang tulungan sila Angel sa mga gastusin kahit pa ba marami silang kamag-anak na tumutulong sa kanila.
Paggising ko ay inihanda ko agad ang mga gagamitin ko sa pagpinta. Hindi ako kumain kagabi pero hindi ako nakakaramdam ng gutom. Gusto ko lang simulan ang painting na gagawin ko.
Tumunog naman ang notification message ng sss ko. Nagkunot ang noo ko. Agad kong kinuha ang cellphone ko at tinignan ko ang message sa face book.
From Michael Angelo: Can you paint another beautiful dawn? Pero this time yung guy na lang ang nanonood sa paglubog ng araw. Parang may hinihintay sya. Did you get it?
Nakuha ko naman ang punto nya. Yung painting kasi na binili nya sa akin noon ay magkasintahan na nanonood sa paglubog ng araw. Actually kami talaga ni Angel ang ipininta ko noon, madalas kasi namin panuorin ang takip silim.
Pero ngayon nagrerequest sya na yung lalaki lang ang mag-isang nanonoood nito. Ang weird. Pero ito ang gusto nya kaya susundin ko muna sya.
Me: Okay Sir, isesend ko po agad sa inyo kapag natapos ko na po. Salamat
Kahit nakakapagtaka ang request ni Mr. Michael Angelo ay pinagsawalang bahala ko lang iyon. Atleast meron na akong client na nagtitiwala sa akin kahit na baguhan pa lang ako sa pagpipinta. Pero minsan ay dumadako sa isip ko kung sino nga ba ang misteryosong tao na si Michael Angelo? At bakit lagi syang interesado sa mga artworks ko?
Habang nagpipinta ay bumukas ang pinto ng aking kwarto.
Iniluwal ng pinto si Mama. Bakas ang pag-aalala nya.
“Anak, hindi ka kumain kagabi. Hindi ka rin ba mag-aalmusal ngayon? Baka ikaw naman ang magkasakit nyan.” Sabi nya
Marahan kong inilapag ang mga brush na ginamit ko sa pagpinta. Napabuntong hininga ako.
“Sorry po mama.” Sabi ko
Agad akong bumaba para mag-almusal. Nang maupo ako sa mesa ay tahimik na nakamasid sa akin ang mga kapatid ko. Hindi ko sila iniimik, at ganun din sila sa akin.
Mabilis kong tinapos ang almusal ko at agad na akong bumalik sa aking kwarto. Hindi ko alam kung bakit ayaw kong makita at makihalubolo sa mga kapatid ko. Pero pakiramdam ko kasi ay aasarin lang nila ako. Sa palagay ko kasi ay hindi nila maiintindihan ang pinagdadaanan ko.
Kung may isa akong kapatid na pagsasabihan ng lahat ng sama ng loob ko, iyon ay walang iba kundi si Ate Liza. Sya lang naman ang nakakaintindi sa akin.
Nang sumapit ang hapon ay nagpaluto naman ako kay mama ng masarap na banana que. Ganitong klaseng pagkain kasi ang paborito ni Angel. Hindi ako magsasawang padalhan sya ng mga masasarap na merienda na si mama mismo ang may gawa.
“Wow. Sarap ng banana que. Pahingi ako ma!” sigaw ni Kuya Leighton
Kukuha na sana sya ng isang piraso pero tinapik ni mama ang kamay ni Kuya.
"Aray naman!" Pagrereklamo ni Kuya
“Hoy, hindi sayo yan. Para kay Angel yan.” Sabi ni mama
Alam kong nagulat si kuya sa mga sinabi ni mama. Napatingin sa akin si kuya Leighton. Ngumiti lang sya sa akin at umalis na sa kusina. Hindi na sya nangulit pa.
Mukhang nag-iba yata ang ihip ng hangin. Dati rati kapag may meriendang niluluto si mama ay hindi titigil si kuya na makahingi agad. Pero ngayon ay nagpaubaya sya nang malaman nyang para kay Angel ang niluluto ni Mama.
Alam ko naman, na malaki rin ang pinagbago ng pakikitungo nila sa akin mula ng magkasakit si Angel. Hindi na kasi ako nakikipagbiruan sa kanila. Gusto lang magseryoso at humanap ng paraan para makatulong kay Angel.
Binalot ni mama ang masarap na banana que at nagtungo na ako sa bahay nila Angel. Saglit lang naman ako dahil iaabot ko lang ang mga ito sa labas. Pagbalik ko sa bahay ay gagawin ko na ang painting na pinapagawa ni Mr. Michael Angelo na hanggang ngayon ay napakamisteryoso ng pagkatao.
Nasa tapat na ako ng bahay nila Angel at agad akong nakita ni Ate Jenna.
“Banana que naman ngayon ate, pakisabi kay Angel kainin nya po ito ha at magpagaling na sya. Salamat teh.” Sabi ko
Nang abutin ni ate jenna ang hawak ko ay tumalikod na rin ako sa kanya. Pero..
“Teka lang Migz” pagtawag ni ate
Nagulat ako sa pagtawag nya sa akin. Nang tumingin ako sa kanya ay nakangiti sa akin si ate Jenna.
“Gusto ka daw makita ni Angel ngayon.” Sabi nya
Huminga ako ng malalim at parang mauubusan ng hininga sa mga narinig ko. Walang pagsidlan ang kaligayahang nadarama ko.
Makikita ko na muli ang mahal ko? Gusto nya akong makita ngayon? Napahawak ako sa aking noo at hindi ko maitago ang kaligayahang bumalot sa puso ko.
Habang papasok sa loob ng bahay nila ay hindi ako mapakali. Nasasabik akong makita syang muli. Halos tatlong buwan ding hindi ko sya nakita. Tatlong buwan akong nagtiis at nasabik sa pagmamahal nya.
Binuksan ni Ate Jenna ang pinto ng kwarto ni Angel at pinapasok na nya ako sa loob.
Halos madurog ang puso ko nang makita ko si Angel na nanghihinang nakahiga sa kanyang kama. Halos wala nang kulay ang kanyang mukha.
At ang maganda at mahaba nyang buhok ay naubos nang lahat. Marahil ay dahil iyon sa gamot kaya nawala ang kanyang mga buhok.
Pero kahit wala na ang kanyang mga buhok, ay sobrang ganda pa rin nya. Sobrang ganda pa rin ng mga mata nya. At ang mga ngiti nya ay hinding hindi ko pagsasawaan.
Umupo ako sa tabi ng mahal ko. Marahan kong hinaplos ang pisngi nya. Miss na miss ko na sya.
Yung mga mata nya parang pagod na pagod na habang tinitignan nya ako.
Ilang saglit lang ay pumasok si ate Jenna dala ang banana que na inilagay nya sa plato. Inilapag nya iyon sa lamesa at muli nya kaming iniwan.
Tumusok ako ng isang pirasong banana que at isinubo ko kay Angel.
"Medyo mainit pa mahal." Bulong ko
Marahan nyang kinagat ang banana que at kahit nahihirapan ay pinilit pa rin nya itong tikman.
"Pa-pakisabi kay Tita Emz. Ma-maraming salamat sa m-masarap na merienda" nahihirapang sabi nya
"Wag ka na masyadong magsalita. Ayos lang yun. Makakarating kay Mama!" Sabi ko pa habang patuloy kong hinahaplos ang mukha nya.
Umayos ng pagkakaupo si Angel.
"Sa-sabi ko sayo. I-iwan mo na ako! P-pero hindi mo ginawa." Sabi nya
Bigla na lang tumulo yung mga luha ko sa mata. Sobrang namiss ko lang siguro talaga sya. At sinabi nyang iwanan ko na sya ay hindi ko kayang gawin. Hindi ko sya iiwan. Hinding hindi!
"Hindi kita iiwan! Sasamahan kita palagi. Nandito lang ako palagi! Pangako yan." Madiing sabi ko sa kanya.
Pinilit nyang ngumiti sa akin at nagpagaan iyon ng puso ko.
"So-sorry.." yan lang ang narinig ko sa kanya. Maikli pero tagos sa puso ko.
Hindi naman ako nagalit sa kanya kahit ilang ulit nya akong ipagtabuyan noon. Lagi akong narito para intindihin ang pinagdadaanan nya.
Marahan kong hinalikan ang kanyang mga noo at niyakap ko sya ng mahigpit.
"Okay lang. Wag mo nang isipin yun. Naiintindihan ko!" Sabi ko sa kanya.
Yumakap din sya sa akin ng mahigpit. Hindi nya alam ang kaligayahang ibinigay nya sa akin ngayon.
Mahal na mahal ko sya at parati lang akong narito para intindihin sya. Narito lang ako para alagaan at mahalin sya. Hindi pa rin ako susuko. Hindi kami susuko sa sakit nya.