WARNING: SUICIDE
Masasabi kong nadugtungan ang buhay ko simula nang iniligtas ako ni Pal. Umulan man o umaraw, hindi siya nawala sa tabi ko bilang isang kaibigan.
Tinalikuran ako ng buhay na meron ako noon dahil sa isang panloloko, ngunit wala na'kong kayang gawin. Dahil sa sakit na meron ako, nagbago ang lahat.
Nagsisisi ako dahil lahat ng pinaghirapan ko ay nauwi sa wala, lalo na napunta ito sa maling tao. Walang araw at gabi na hindi ko iniisip ang buhay na meron ako noon at ang mga pinaghirapan ko.
Patas ang mundo, hindi ang mga tao.
Ngunit sa kabila ng lahat, hindi ako nagsisising nakilala ko si Pal. Isang aso na tinuturing kong totoong kaibigan.
"Pal. 'Wag kang tatawid, ah. Dito ka lang muna", tinatali ko siya saglit dito sa may kahoy dahil tatawid ako saglit papunta sa aming maliit na bahay.
Delikado kung isasama ko pa si Pal dahil mabilis magpatakbo ang tren. Lalo na at mahina na ang aking katawan, hindi ko na rin kayang isama siya kaya kahit nag-aalala pa rin ako sakaniya, mas mainam nang iwan ko muna siya saglit.
Araw-araw ganito ang gawi namin, gigising ako sa umaga upang pumunta sa bayan at magtrabaho sa palengke. Isa akong taga-buhat ng batsa-batsang mga isda. Kahit na ginuguyod ko lamang ang mga ito, mabigat pa rin lalo na at masakit sa braso.
Alas-kuatro ng umaga ay walang masyadong tren na dumadaan kaya naman gano'ng oras kami umaalis ni Pal. Sinasama ko siya sa palengke ngunit nakatali lamang siya.
"Meg! Eto sinasabi kong aso na maganda yung mga mata, tignan mo! hi anong pangalan mo?", nang nakarinig ako ng salitang aso bigla akong napalingon sa pwesto ni Pal. Hindi nga ako nagkakamali at nakita ko muli ang mga katulong na tingin ko'y gustong gusto nila ang aso ko.
Hinahimas nito ang ulo ng aso ko at maamo naman siya sakanila. Hindi siya tumatahol at kahit na laging nasa kalsada at palengke at ang kasama niya ay isang matandang nanlilimos, bakas pa rin sakaniya ang magandang lahi. Iniisip kong, kung magkaroon siya ng mayaman at mabuting amo, ano kaya ang buhay ni Pal?
Paniguradong wala siya sa palengke, hindi siya tatawid sa riles ng tren at araw- araw siyang makakakain na tunay na pagkain ng aso.
"Manong, eto na ba lahat?" Napatigil ako at bumalik sa trabaho.
Umiling ako sakaniya, "Meron pa po do'n", tinuro ko ang labas at sabay ang pag-ubo ko.
"Oh pakikuha na at baka dumating na ang mga suki ko. Pakibilis!"
Kapag sapit naman ng mga tanghali ay kumakain kami sa karinderya ngunit kapag maliit ang kita, binibilhan ko nalamang siya ng tinapay bilang pagkain niya.
Sa hapon naman ay namamalimos kami sa tabi ng mall o di kaya sa mismong kalsada.
Napapasaya ako sa tuwing may mga taong nagugustuhan si Pal. Tumatalon ang puso ko sa tuwing nakakarinig ng puro tungkol sa aking aso.
Dahil na rin siguro noong unang kita ko sakaniya ay tinatakwil siya at inaabandona ng kaniyang amo. Kaya hinding hindi ko gagawin sakaniya 'yon.
Nang naiuwi ko na ang mga isdang binigay sa'min, tatawid na muli ako kung saan ko iniwan saglit si Pal.
Ngunit sa aking pagtawid, may mga nakita akong nagkukumpulan na mga tao sa di-kalayuan kung saan ko iniwan si Pal.
Dali-dali akong lumapit kung saan siya nakatali ngunit nakita kong wala na siya.
"Pal! Pal! Asan ka?" Sinisigaw ko ang pangalan niya ngunit mas lumalapit ang mga paa ko kung saan may mga nagkukumpulan.
Nanghihina akong lumapit doon at iba ang kaba na nararamdaman ko ngayon.
"Grabe, kawawa naman. Pinabayaan ata walang kasama, eh. May nakakita ba?" Boses ng babae.
"Wala man daw", bulong ng isa.
"Naku, kawawa naman"
May mga nakasuot na pang rescue ang ibang mga tao at may mga dugong nakakalat sa riles ng tren.
Nanginginig ang dalawang tuhod ko at nang nilapitan ko kung ano 'yon, napakunot-noo ako sa nakita.
Ngunit, may bigla akong narinig na tumahol sa di-kalayuan.
Lumilingon-lingon ako at nakita ko si Pal na may kinakaing buto. Para akong inalisan ng tinik sa lalamunan.
Nagbuga ako ng hininga at aambang lalapit na sana ako kay Pal nang bumaling ulit ako sa insidente.
Isang duguang batang lalake habang buhat-buhat ng mga rescues. Kilala ko ang batang 'yon, nanlilimos siya sa daan tulad ko. Ngunit, anong ginagawa niya rito kung gano'n?
Tumahol muli ang aso ko at pinuntahan ko siya. Kahit hirap ako tumakbo ay iyon pa rin ang ginawa ko.
Lumuhod ako sakaniya at tinapik ko ang ulo niya, "Saan mo galing 'yan? Bakit ka nakawala?!" Sunod-sunod na tanong ko sakaniya na para bang masasagot niya ang mga tanong ko. Tumahol naman siya at nagbuga ako ng hininga. "Pal, naman pinag-alala mo'ko"
Ayokong mawala muli siya sa'kin na nangyari noon bago kami manirahan dito malapit sa riles ng tren.
Nakatira kami sa ilalim ng overpass at may mga kabataang laging dumadaan doon at tuwang-tuwa sila kay Pal.
Lagi nilang binibigyang pagkain si Pal at kapag tapos na ang klase ng mga kalalakihan ay dumideretso sila para libangin ang aso ko.
Ngunit hindi ko aasahang gagawa sila ng ikakapapahamak ng iba para maagaw ang aso.
"Ayan po!" Turo sa'kin ng isang lalaki, "Sinasakal niya po yung aso tsaka minsan po ay hindi niya pinapakain kaya po kami po ang nag-aalaga"
May mga kasama siyang pulis at kasama niya ang mga kaibigan niya. Buhat-buhat ko ang aso ko at wala akong balak na ibigay 'to sakanila.
"Umalis na kayo", kalmado at walang emosyon kong sambit na ikinagulat nila.
"Tignan niyo po! Baliw po talaga 'yan. Kawawa ang aso sakaniya, b-bitawan mo 'yan!" Histerya ng batang lalaki.
Tumagilid ako upang hindi niya makuha ang aso ko.
"Sumama nalang po kayo sa'min sa presinto, animal cruelty po ang ginagawa niyo, manong"
"Saan ang proweba niyong inaabuso ko ang aso ko?"
"Nakita ho raw kayo ng bata na sinasaktan niyo ang aso, kaya sumama-"
"Kaya ko rin sabihin 'yan pero kailangan muna ng proweba bago ko ibigay sa inyo ang aso ko"
Napahilamos naman ng mukha ang pulis at hinawakan nila ako magkabilaang braso ko.
"Pero po bawal ang manirahan sa ilalim ng overpass, delikado 'yon kaya sumama na po kayo sa'min"
"Ang trabaho ng mga pulis ay protektahan ang mga mabubuti laban sa masasama hindi ang manghuli ng mga mabubuti upang ipamukhang kami ang masama"
"Hays! Trabaho lang 'to. Sumama kana, makakalaya ka rin naman. Ang daming dada"
Kumunot ang noo ko sa sinabi niya.
"Bitawan niyo 'ko", pagprotesta ko at hindi ko pa rin magawang bitawan si Pal.
Wala akong lakas upang manlaban o sumigaw man. Biglang kinuha ng pulis ang aso ko at tumahol siya.
Sa mga sandaling 'yon, ang mapalayo sakaniya ang ayokong mangyari sa buhay ko.
Tumatahol ang aso ko at kita ko sa kaniyang magagandang mata ang mga luha at sakit na nararamdaman niya.
Patuloy ako sa pag-ubo hanggang sa sinakay na nga nila ako sa isang sasakyan at gano'n din ang aso ko.
Lumingon sa likod na bintana at tanaw-tanaw ko ang kaibigang nakasakay sa isang van na papalayo sa akin.
Sa buong buhay ko, wala akong pinakitang emosyon o kahit ngiti man, ngunit ngayon... Isang patak ng luha ang nailabas ko.
Sakit, galit at pangungulila ang nararamdmana ko ngayon.
Tatlong linggo akong kinulong at sa mga araw na nakakulong ako, si Pal lang ang lagi kong iniisip. Hindi ko magawang matulog kung ina-alala ko kung ayos ba ang kalagayaan ngayon ni Pal.
Nang nakalaya na'ko, una kong ginawa ay hanapin kung nasaan ang kaibigan ko. Lumuwas akong ibang bayan upang hanapin siya at baka dinala siya sa PAWS o saan man lumalalop ay hahanapin ko siya.
Ngunit nasabing may kumuha at bumili sakaniya.
Kaya naman mga ilang araw akong nagaabang sa overpass upang malaman kung saan o kamusta na ang aso ko.
Nakita ko ang batang lalaki naglalakad pauwi kaya naman sinundan ko ito nang patago. Hindi nga ako nagkakamali at nakita ko si Pal na nakatali sa may puno.
Hinimas ng lalaki ang ulo ng kaibigan ko at naghihintay ako ng pagkakataon upang mabawi ko ang aking aso.
Umalis ako at hinintay kong mag gabi. Iyon ang pagkakataong makukuha ko muli ang sa akin.
Ayoko ng maagawan muli. May mga pagkakataong hinayaan kong maagaw sa'kin ang mga bagay na dapat sa akin ngunit wala akong nagawa dahil mahina ako.
Pero hindi ko na hahayaang mangyari ulit 'yon. Maagaw na lahat sa'kin, 'wag lang ang kaibigan ko dahil siya na lang ang meron ako.
Patago akong pumasok sa gate nika at kahit madilim ay nag-iingat ako. Alam kong maling pumasok sa bahay ng ibang tao pero kung ito lang ang paraan para mabawi ko ang aso ko at gagawin ko.
Dahan-dahan ko siyang kinalaagan at nang nakita niya 'ko ay tumahol siya sa tuwa. Gusto ko man matuwa ngunit hindi ito ang tamang oras para sa gano'ng bagay. Ayokong makulong ulit at mapalayo kay Pal.
Tumahol siya at binuhat ko kahit na hirap akong maglakad. Biglang nagbukas ang ilaw ng bahay at dali-dali akong tumakbo kahit mahirap at masakit. Ang importante ay nasa'kin muli ang kaibigan ko.
Narinig ko pa sila na sumisigaw at mabuti nalamang naka-itim ako at hindi makikita ang mukha lalo na madilim.
Nang nakalayo na kami sa bahay nagtago kami sa may likod ng puno.
Lumuhod ako at pinagmasdan ko siya. Hinalikan ko ang ulo niya at naglabasan ang mga luha ko.
"Mamamatay muna 'ko bago ka mapunta sa iba, Pal". Wika ko na para bang pinapangako ko 'yon sakaniya.
Muli siyang tumahol at tumawa ako habang may mga luha sa mata. Niyakap ko siya at tinapik ko ang kaniyang ulo.
Gano'n din ang ginagawa ko ngayon nang nalaman kong ligtas siya at hindi siya ang duguan na nakahandusay kanina sa may riles.
Kaya dito kami sa tabi ng riles ng tren naninirahan, sa maliit na gawang kahoy at maliit ng bubong, hindi ako iniwan ni Pal.
Mas mabuti na 'yon tago at kami lang dalawa ang magkasama.
Pero ano nga ba ang mas kinakatakutan ko?
Ang iwan ko siya? O ang iwan niya 'ko?
Andito kami ngayon sa palengke at nakatali muli siya sa may labas at inaaliw ng mga kababaihan.
Noong una ay natatakot ako at nababahala dahil baka agawin nila si Pal sa'kin na nangyari noon. Ngunit, hindi. Dumaan ang mga buwan at napamahal na sila kay Pal at pati ako ay nakilala rin nila.
Binibigyan kami ng masasarap na pagkain mukhang mamahalin na tinapay at minsan ulam dahil gano'n ang kinakain ko noong mayaman pa'ko.
Masaya ako na kahit paano ay may mga tumutulong sa'min ni Pal.
Ngunit nang nagkaroon ng bagyo, isang malakas na bagyo. Nasira ang aming tirahan at tanging sa palengke na kami natutulog.
Amoy isda at karne na ang aming amoy at hindi na namin alintana basta may matitirhan. Lalo na nang hindi muna nagtinda ang mga tindera sa palengke dahil bagyo at hindi makaalis sa kanilang mga tahanan.
Kaya naman wala akong naging kita o pera para pambili ng aming makakakain.
"Dito ka lang, ah?" Tinatali ko siya ngunit nagiging manhid ang mga kamay ko at nanginginig kaya hindi ko matali ng maayos. "Huwag kang aalis at kukuha lang ako ng pagkain" sumisigaw na ko dahil sa lakas ng ulan.
Kung patitilain ko ang ulan ay baka umabot pa kami ng ilang araw na hindi kumakain.
Nagbuga ako ng hininga at lumusob na sa malakas na ulan. Hinawakan ko ang magkabilaang braso ko at nanginginig ang mga labi ko sa lamig ngunit kailangan kong maghanap ng pagkain.
Walang mga sasakyan ang dumadaan dahil sa lakas ng ulan at tanging ako lang ang naglalakad at mag-isa sa kalsada.
Patuloy ako sa paglalakad nang nakarinig ako ng tahol.
Lumingon ako at nakita ko si Pal na tumatakbo papalapit sa'kin. Basang-basa niya akong nilapitan at tumahol siya.
"Anong ginagawa mo rito?! Hays! Umuulan", sabay hawak ko sa tali niya at pumunta kami sa isang fastfood chain.
Dumaan kami sa likod at doon ang mga basura na may mga leftover or tira-tira ng mga costumer.
Kinuha ko iyon at nilagay sa supot na dala ko at binigyan ko si Pal ng isang buto at mamaya na naman ulit kapag nakarating na kami sa palengke.
Sa aming paglalakad pabalik sa palengke, sa malakas na ulan, bigla nalang ako naghahabol ng hininga at nanlalabo ang aking paningin. Napatigil ako sa paglalakad at hinahawakan ko ang aking dibdib.
Napaluhod ako at tanging ang tahol lang ni Pal ang naririnig ko.
Dinidilatan niya ako at ramdam ko ang takot ng kaibigan ko pero anong magagawa ko? Sa kalagitnaan nito, parang mag-aagaw buhay na'ko.
Napahiga ako sa daan at ang tahol ni Pal ay unti-unting humihina sa pandinig ko.
Kinagat ni Pal ang dulo ng damit ko sa may kamay at nakaramdam ako nang pagguyod habang ako'y nakahiga kasabay nang pagpikit ng mga mata ko.
Nawalan ako ng malay at akala ko iyon na ang katapusan ko.
Akala ko tuluyan ko ng hindi maririnig ang tahol ni Pal.
Minulat ko ang mga mata ko at nakitang andito kami sa may palengke. Naririnig kong tumitila na ang ulan ngunit umaapoy ang loob ko at ang lamig lamig ng pakiramdam ko.
Nakita kong nakasandal sa'kin si Pal at natutulog sa aking dibdib.
Hinahimas ko ang kaniyang ulo at iniisip na sa pangalawang pagkakataon, sinagip na naman niya ang buhay ko.
Tumayo siya at tumahol sa'kin. Tumawa ako sakaniya at tinapik ko ng tatlong beses ang kaniyang ulo. "Salamat", tsaka ako napa-ubo.
Bigla siyang umalis at sinandal ko ang ulo sa may pader.
Tumahol siya muli at nakitang may dala-dala siyang maliit na palanggana na may lamang tubig.
Binigay niya sa'kin 'yon gamit ang kaniyang mga ngipin at kinuha ko 'yon tsaka ko tinapik ang ulo niya.
Uminom ako ng tubig at kahit paano ay nahimasmasan ako. Gamit ang isa niyang paa ay may binigay siyang isang supot.
Nang buksan ko 'yon ay nakakita ako ng isang tinapay.
Nanlaki ang mga mata ko dahil paano niya nakuha 'yon at saan niya nakuha 'yon?
"Saan mo 'to galing?" Bigla kong tanong
Tumahol siya at napangiti ako sakaniya. Niyakap ko ang aking aso at lumuha na naman ako.
Simula nang napalayo siya sa'kin, natuto akong maging emosyonal at maging-iyakin.
Siniksik niya ang kaniyang ulo sa aking leeg at niyakap ko ang aking kaibigan.
Natuto akong mabuhay dahil sakaniya ngunit pagod na'kong mabuhay habang siya'y nahihirapan.
Nang muling nagbukas ang palengke, doon ko piniling palayain ang aso kong si Pal.
Hindi ko alam kung sino ang nagtulak sa'kin na gawin ito ngunit eto ang tanging paraan para makabawi ako sa kaibigan ko.
Siya ang kaibigang hindi ka lolokohin, iyong kaibigan na hindi kayang sabihin na mahal ka dahil isa 'tong aso ngunit sa kabila ng lahat, kaya nitong iparamdam. Kaibigan na hanggang dulo ay sasamahan ka, umulan man, umaraw o bumagyo. Madilim man o maliwanag... Sana madala o makasama ko siya kung saan man ako pupunta ngayon.
"Pakabait ka, pal" habang nanginginig akong itali siya, " 'wag mong ngangatngatin ang tali mo, ah? Kumahol ka kapag sinasaktan ka, ah? Tsaka kumain kana ng masasarap". Sabay tapik ko sakaniyang ulo. "Salamat sa pag-alaga. Magkikita din tayo, ulit. Hindi dito... Sa malayo".
Hirap akong tumayo at pinili ang daan kung saan sigurado na ang desisyon. Lumingon ako sakaniya at tanaw-tanaw ko siyang maamong nakatingin sa akin papalayo.
Kinakagat niya ang tali niya at tumatahol na sa akin kaya naman tumalikod na'ko at dumiretso sa paglalakad.
Hindi ko akalain na makakabuo ako ng ala-alang kasama ang isang aso.
Kung sakali man makita ko siyang muli, sana malakas na ako. Sana ako na ang magkakaroon ng pagkakataon upang alagaan ko siya. Na hindi na kailangan ipaubaya para sa ikakabuti niya, dahil sa mga panahon na ako ang nililigtas niya. Ako naman ang magliligtas sakaniya ngayon.
At iyon ang ipaubaya sa tamang tahanan.
Nakatayo ako ngayon sa may riles, nag-aabang upang putulin ang buhay ko ngayon.
Biglang may lumiwanag sa di-kalayuan, ang tunog ng tren ang naririnig ko at biglang bumuhos ang mga luha ko.
Humakbang ako at wala ng atrasan.
Sa isang iglap, isang hampas ng mabilis na tren ang nagpatilapon sa'kin.
Sa huling pagkakataon, tanging larawan ni Pal ang nasa-utak ko ngayon at ang kaniyang tahol.
At sa unang pagkakataon, ngayon ako napangiti habang bumubuhos ang luha ko sabay ang pagbalot sa'kin ng mga dugo.
Nakaramdam ako ng kamay at bulong ng isang boses ng batang lalaki, "Salamat, niligtas mo siya"
Sa oras na 'yon, isa lang ang naiisip ko. Walang-iba kung hindi si Pal. Ang kaibigan kong aso.
Hinawakan ng batang lalaki ang mga mata ko at ipinikit ito dahan-dahan.